Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Thursday, December 16, 2010
Case (un)closed: The Vizconde Massacre
There is no happiness for people at the expense of other people.”
-Anwar Sadat-
Pinilit kong pigilan ang sarili ko na gumawa ng isang blog entry tungkol sa kaso ng Vizconde Massacre dahil ito’y isang sensitibong isyu; na kung sino man ang panigan mo ay siguradong may masasagasaan ka pero hindi ko rin nagawa. Masyadong masalimuot ang usaping ito dahil ultimo ang lahat ng mga huwes sa Kataas-taasang hukuman ay hindi kumbinsido sa pagpapawalang-sala sa mga inakusahan. Sa botong 7-4-4 ng mga husgado; pito ang naniniwalang hindi sapat ang ebidensya, apat na kumbinsidong may sala ang mga naakusahan at apat ang nag-abstain.
Ang mga huwes na ito ay walang dudang hindi pangkaraniwan ang talino; mga bar passer at ang iba pa nga ay mga topnotcher, ang ibig sabihin nito sila ay nailuklok sa kanilang puwesto dahil sila ay able and capable na hawakan ang malupit na posisyong ito. Subalit sa nasabing boto na 7-4-4 hindi sila nagkakaisa na si Hubert Webb et al ay totoong inosente. Ano ba ang nangyari? Ano ba nakita ng mataas na hukuman na hindi nakita ng RTC? Kung talagang walang sala at walang kinalaman ang mga naakusahan nasayang ang malungkot at napakahabang labing-limang taon nilang pagkakapiit.
Ang hudikatura ng Pilipinas ay matagal ng pinagdududahan at hindi mo masisisi ang kaanak ng mga biktima kung sisihin man nila ito sa pagkaka-abswelto ng mga di-umano’y salarin. Hindi dito matatapos ang matagal at mitikal na digmaan ng may kapangyarihang mayayaman laban sa mga sawing-palad na mahihirap. Saan ba lulugar ang mga huwes? Ano ba ang dapat na batayan sa paghuhukom sa mga “salarin”? Sa halos magkakasabay na paglabas at pagbasura ng mga kontrobersyal na usaping Truth Commission, Hayden-Katrina Scandal at The Marcoses ill-gotten wealth mas maraming masa ang nairita at diskontento kaysa pabor dito at ang kanilang nagkakaisang tanong: ano ang aasahan ng ordinaryong si Juan sa kaso ng Vizconde Massacre?
Ilang oras matapos i-anunsyo ang paborableng desisyon para sa mga naakusahan agad ding naglabas ng mga salaysay ang tagapag-salita ng Kataas-taasang Hukuman; na ang desisyon mga kagalang-galang na huwes ay bumatay lamang sa mga ebidensya at hindi nila tahasang sinasabi na ang naakusahan ay sadyang walang sala samakatuwid ang nagpanalo sa kanila ay ang tinatawag na “technicalities”. Kung tutuusin ay wala naman talagang nanalo rito kapwa ang mga naakusahan at si Ginoong Vizconde ay talo rito. Sa panig ng mga Webb, et al – sila ay hindi wagi dahil nasayang ang binuno nilang mga panahon na nasa loob ng kulungan dahil hindi naman pala sapat at kongkreto ang ebidensya laban sa kanila. Sa panig ng mga Vizconde – mas lalong hindi rin siya wagi dahil sa buong panahon ng pagdinig ng kaso ay umaasa siyang makakamit ang hustisya’t katarungan ngunit lahat ng ito’y gumuho sa isang iglap na animo’y tinangay ng dumadagundong na agos.
Hindi ko pupunahin o pupurihin ang pitong huwes na pumabor sa mga akusado gayundin ang apat na tumaliwas sa desisyon ng mababang hukuman bagkus mas nakatawag sa akin ng pansin ang apat na huwes na nag-abstain o hindi bumoto sa usaping ito. Ang apat na huwes na ito ay may responsibilidad na sinumpaan sa mahal nating bayan ngunit sa pagkakataong ito, ito ay pawang kanilang tinalikdan sa kung ano mang dahilan. Hindi ba sapat ang kanilang talino para magdesisyon sa sensitibong kaso? May mga senyales ba galing sa itaas kaya hindi sila makapagdesisyon? O sila’y lumiban ng magkaroon ng kuro-kuro ang kapwa nila mga huwes? Mga buhay ang nakasalalay sa desisyong ito; buhay na nawala at mga buhay na napariwara dahil sa akusasyon. Sayang. Kung sila lang ay may sapat na tapang at lakas ng loob na magdesisyon baka nagkaroon pa ng sapat na justification ang hatol pabor man ito o hindi sa mga biktima.
Kasabay ng pagtangis ni Ginoong Vizconde sa narinig na hatol ay halos madurog naman ang puso ng maraming manonood sa telebisyon man o sa mismong lugar kung saan siya naroon; nakikisimpatiya at muling nakiramay sa pagkamatay at pagkawala ng mailap na katarungan. Sa kabilang banda nama’y hindi maipinta ang ligaya’t saya ng mga akusado gayundin ang pamilya nito; ligayang hindi mapapantayan ng anumang materyal na bagay sa mundo. Dito nila mapapatunayan ang sinabi ng isang Anwar Sadat na: “There is no happiness for people at the expense of other people.” Subalit kung talagang wala silang kinalaman at kasalanan sa pagkamatay ng mag-iinang Vizconde masasabi ko namang: They deserve all the happiness in the world. Sa tagal nilang nasa likod ng makalawang na bakal na rehas, mainit, masikip at nanlilimahid na kwarto at mala-impyernong buhay sa loob ng kulungan…gayong inosente naman pala sila, ito na ang tamang pagkakataong na sila naman ay lumigaya.
Sa dami na nang matatalinong humawak sa kasong ito, sa dami na nang nagmamagaling sa ganitong usapin at sa dami na nang lumabas na opinyon sa mga kwentuhan sino ba talaga ang inosente at may sala dito? Hindi ang huwes, hindi ikaw at hindi ako ang may otoridad at karapatang magsabi nito kundi ISA lang…kung sino ang pumapasok sa isip mo ngayon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paki upload naman po ng case unclosed vizco de massacre
ReplyDeleteCase unclosed vizconde massacre episode
ReplyDelete