Showing posts with label 2013 Saranggola Blog Awards. Show all posts
Showing posts with label 2013 Saranggola Blog Awards. Show all posts

Tuesday, October 1, 2013

Checkmate






Mahal kong Tatay,

Hindi ko na itatanong kung maayos ba ang lagay mo diyan dahil alam ko namang mas mabuti ka ngayon kumpara sa dati mong kalagayan bago mo kami iwan.


Sa napakahabang tatlumpu't anim na taong nagkasama tayo ito lang yata ang natatandaan kong liham na nagawa ko para sa'yo samantalang ikaw ang isa sa mga unang taong nagturo sa akin kung paano ang gumuhit at sumulat. Sa napakahabang panahong ito iilang beses lang ba ako personal na nakapagpasalamat sa'yo samantalang ikaw ang unang taong nagmulat sa akin sa maraming bagay nang nag-uumpisa pa lamang akong humawak ng lapis at papel? Sa ilang dekadang inilagi mo sa ating tahanan iilang beses mo lang ba narinig mula sa akin ang salitang "Mahal kita"?


Bagama't napakadalang kong marinig mula sa'yo na mahal mo ako, sa ibang paraan mo naman sa akin ipinaramdam ito. Sa katunayan, hindi ka tumigil sa pagsisikap at pagpapakahirap sa hanap-buhay para lang matustusan ang pag-aaral naming magkakapatid, na ang lahat ng naipon mong pera ay nasaid at nasimot, ganundin ang lahat ng mga naipundar mong mga alahas ay iyong naisangla at tuluyang nailit sa sanglaan para lang makapagtapos ako at ng mga kapatid ko ng pag-aaral.



At nakalulungkot na may pagkakataon ngang pati ang ilang alaga nating mga kalapati ay kailangang katayin para lamang mayroon tayong hapunan dahil nang araw na iyon lahat ng hawak mong pera ay ibinayad ko ng aking matrikula. Kahit alam kong hindi mo gusto ang eksenang iyon pilit mo pa ring in-enjoy ang ating hapunan at hindi ka nagpakita ng kahit na katiting na kalungkutan.


Naaalala ko pa noong aking kabataan, siguro’y nasa pagitan ako ng pito hanggang walong taong gulang, nang turuan mo ako ng larong ahedres, hangang-hanga ako sa sarili ko noon dahil madalas kitang ma-checkmate! Biruin mo sa murang edad kong iyon  kayang-kaya kitang talunin, ikaw na nagtiyaga sa akin kung paano ito laruin eh tinatalo ng katulad kong paslit lang. Pero nung nagbinata ako saka ko napagtanto na sinadya mo lang palang pinatatalo ang iyong laro dahil mas tuwang-tuwa ka sa tuwing pinagtatawanan at inaasar kita sa pagkaka-checkmate ko sa iyo kaysa manalo ka pero nakasimangot naman ang mukha ko. Haha, akala ko pa naman napakahusay ko nang maglaro ng chess.


Ang isa sa mga hinahangaan ko sa'yo noon ay ang iyong pagiging 'jack of all trades' o malawak na kaalaman sa halos lahat ng bagay at sa panahon nga ng aking pag-aaral sa elementara'y ilang beses mo rin akong ginawan at tinahian ng costume tulad ng damit ni 'Lapu-lapu', 'policeman', 'arabo' at 'cowboy'. Tandang-tanda ko pa noon kung paano ka nakisimpatiya sa 'mabigat kong problema' nang graduation ko sa Kinder, wala kasi akong medalyang natanggap at masyadong ikinasama ng loob ko iyon at para lang tumahimik ako sa kangangangawa ko dahil sa walang kwentang dahilan daglian mo akong ibinili ng isang bola, award ko umano sa pagkakagradweyt ko.


At kahit may sarili na akong tahanan, sa tuwing may sirang kasangkapan o may kukumpunihin sa bahay o kailangang sementuhan at pinturahan hindi na ako kumukuha pa ng tubero, mason, pintor o karpintero dahil ikaw na mismo ang nagkukusang gumawa nito para sa sarili kong pamilya at lalo ka pang ginaganahang magkumpuni kung kinukulit ka ng mga apo mo hanggang sa itigil mo na ang iyong ginagawa dahil sa labis nilang pagkapasaway. Pero ngayon napipilitan na akong magbayad ng ibang tao para gawin ang mga ito dahil lumisan ka na nga.


Dala ng aking kabataan hindi ko noon naiintindihan kung bakit napakahigpit mo sa aming magkakapatid na sa bawat pagkakamali namin ay may katumbas na itong pagalit minsan pa nga'y may kasama pa itong palo. Sabi nga ng ibang kapitbahay natin, ibang klase ang pagdidisiplina mo sa amin. Pero may dahilan pala ang lahat ng ito, minsan naitatanong ko sa aking sarli:

- Ano kaya ako ngayon kung hindi mo ako piningot sa tuwing ako'y nakikipag-away?
- Sino kaya ako kung hindi mo ako pinagalitan dahil sa maghapon kong paglalaro sa kalsada?
- Ano kaya ako kung hindi mo ako napalo sa tuwing nakababasag o nakasisira ako ng ating kasangkapan?
- Sino kaya ako kung pinabayaan mo lang akong gumastos sa mga bagay na hindi naman gaanong kailangan?
- Malusog pa kaya ako kung hindi mo ako pinangaralan at pinagsabihan na huwag na huwag akong magsigarilyo?
- Nasaan kaya ako ngayon kung hindi mo pinagtiyagaan ang aking pag-aaral?
- Naging sino kaya ako kung hinayaan mo lang ako sa mga aking pagkakamali?

Ayoko nang isipin pa dahil siguradong hindi kagandahan ang kinahinatnan nito.


Labis lang akong nagtataka noon dahil sa paulit-ulit mong paalala na huwag na huwag kaming magbibisyo lalo na ng sigarilyo datapwat ikaw mismo ay nakauubos ng halos dalawang kaha ng yosi sa isang araw lang! Hindi ko makuha ang logic mo doon, gusto kong sabihin at itanong sa'yo kung bakit ayaw mo pang itigil ang labis na pagkahumaling mo sa sigarilyo.


Kalaunan, ako na rin mismo ang nakahanap ng kasagutan sa tanong kong ito. Alam kong alam mo ang magiging resulta ng labis mong pagyoyosi pero hindi mo ito napigilan. Siguro kung may maituturing na kahinaan sa iyong mga katangian, iyon ay ang pagiging mahina mo na talikdan ang bisyo mong ito.


Isang dekada pagkatapos kong makamit ang pinapangarap nating PRC license at ako'y maging ganap na maging propesyonal, nangyari na nga ang ating pinangangambahan - unti-unting iginugupo ang iyong kalusugan ng labis mong bisyo. Saksi ako kung paano bumagsak ang iyong pangangatawan mula sa pagiging matikas, ang iyong tila batas-militar na boses ay tila napaos at ang iyong lakas na aking hinangaan ay kagyat na naupos.

Saksi ako kung paano ka nagsikap, nagtiyaga, sumaya, magalit, magpasensya, subukin, bumangon, magtagumpay, matalo at macheckmate ng tadhana.


Saka ko lang naisip na kaya masidhi ang pagbabawal mong 'wag kaming magyosi dahil  nais mong maitama namin ang naging pagkakamali mo, gusto mong mas matagal pa naming makasama ang aming mga pamilya kung hindi kami mahuhumaling dito.


Bagama't hindi mo napigilan ang iyong sarili sa pag-abuso sa bisyong ito, kailanman hindi nawala ang respeto at paghanga ko sa'yo, kailanman hindi ito naging hadlang upang ituring kitang idolo na sa kabila nang hindi mo pagtatapos ng pag-aaral, lahat kaming magkakapatid ay binigyan mo ng sapat na edukasyon na naging daan upang magkaroon kami ng komportableng buhay.


Mahal kita 'Tay at kahit batid kong huli na ang lahat, nais ko pa ring ipahatid sa iyo ang aking pasasalamat sa lahat ng nagawa mo para sa akin, salamat sa lahat ng mga alaala malulungkot man ito o masaya, salamat sa mga panahong iniukol mo sa akin simula ng aking pagkabata, salamat sa minsang pagiging mahigpit mo sa akin, salamat sa mga aral ng buhay, salamat sa lahat-lahat. 

Alam kong hindi sasapat ang salitang 'salamat' para masuklian ang lahat ng iyong kabutihan, alam kong kulang ito kaya sisikapin ko na lang na ako'y maging isang magandang halimbawa ng haligi ng tahanan para sa aking pamilya katulad nang ginawa at ipinadama mo sa amin sa loob ng mahabang panahon.


Maaring hindi ka naging perpektong tao sa paningin ng mundo pero itinuturing kong ikaw ang pinakaperpektong ama para sa akin, na kahit sa huling sandali ng iyong oras ay ipinakita at ipinaramdam mo ito nang walang halong pagkukunwari.


At kung may kahilingan lang akong kagyat na maibibigay ng Diyos, hihilingin ko  na makasama kitang muli kahit sandali, kahit ‘sang saglit, idudulog at susubukin kong hiramin kita mula sa Langit.


Patuloy na nagmamahal na iyong anak,


- Limarx



 --------------------------------------------------------
Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa taunang Saranggola Blog Awards sa kategoryang Sanaysay

Sa pakikipagtulungan ng:



Wednesday, September 18, 2013

Warat


i.
Nakalisik. Mga pares ng matang nasa loob
ng warat na tahanan, kapwa diwa at sikmura
ay kumakalam. Kumikislap ang bumbilya
sa tuwing nalalanghap ang aroma
ng kumukulong nudols, parang adik
na nagigiyang, nalilibang sa pagsinghot
ng puting usok. Haligi ng tahanang hilahod
sa pagkayod, ilaw na nag-aabang
sa grasyang kung dumalaw ay dinaig
pa ang siyam-siyam, mga supling
na sagana sa kuyumad,
nakahubad, nakatanghod.


Sa ilalim ng multi-milyong pisong halaga
ng overpriced na flyover, ang tahanan
ng maraming gutom sa pagkain at
pang-unawa. Na aasa at tsatsamba 
sa swerteng wala naman. At papalahaw 
ang sanggol na bubusugin ng 
hugas-bigas o ng kapeng 3 in 1, 
sasabay sa dagundong
ng dambuhalang tunog ng trak
na magpapaindayog sa atip ng 
mga pobreng maralita.


Bukas o sa makalawa, ang tahanan
ng mga timawa sa paningin
ng mga imbi at tampalasan
ay itutumba gamit ang koersyon
at kalupitan. May sisigaw ng
"Nais nami'y tahanan hindi karahasan!" o
"Ipaglaban ang karapatan sa tahanan!"
habang tumatanaw sa aleng
nanaog mula sa Benz na sedan.


ii.
Nakaismid. Sa beranda ng palasyong 
tahanang nababalutan ng pag-iimbot, 
ang limbas na mambabatas, sa 
palaboy na umaamot ng kapiranggot 
na awa, bubuntong-hiningang aabot 
sa kalangitan, hindi nilimusan.
Habang ang balakyot ay nakangising
tulad nang sa diyablo, maya-maya
pa'y hihilata, hihimlay sa 'di mabilang
na yamang nagmula lang naman
sa nahilaglag na buwis ni Juan.


Bundat na sa pagkain ngunit
'di makuhang mabusog, 'di makuhang
mamahagi. Humahalimuyak sa artipisyal 
na bango ang mabantot na pagkatao, 
humahalaw ng galak sa materyal na 
mga bisyo. Kasike na 'di na sisiya sa
anumang patawa o sasayaw sa
anumang musika o sasalamat sa
laksang mga biyaya.


Sa lilim ng tahanang may koleksyon
ng adornong ginto at rangyang kumakalso
sa matinong kamalayan, nagkukubli
ang kuting na takot sa alulong ng
karmang nagmumulto sa kanyang
panaginip, may malay man siya o
himbing. Ngunit tutuloy pa rin sa
pagsiphayo ang ulol na haring huwad
na naluklok sa kastilyong tahanan na
binasbasan ng (huwad ring) kapangyarihan.


iii.
Warat na tahanang lubos nang
napag-iwanan makalipas ang higit
sa 'sandaang taong kasarinlan. 
Winawagayway ang kalayaang palso 
at pilit. Yumayabong. Yumayabang. 
Ang katotohanan? Ang aking tahanan'y 
naliligaw, nakatengga sa karimlan at
naghananap ng kalinga, kaytagal nang 
dumaranas ng dalita at dusa.
Ngunit, aasa pa rin sa pagbabagong wala naman.


Sa bawat tilamsik ng laway mula sa lingkod-
bayang mandurugas ay parang asidong lalapnos
sa balat ng kanyang patay-gutom na biktima.
Sa bawat pilantik at kumpas ng kanyang
daliri at kamay, katumbas ay pagkalagas
ng sagradong buhay. Sa bawat bulong at
sipol ng makapangyarihang media
pagkasuklam ng banyaga sa mahal kong
tahanan ang tiyak na resulta.


Sa likod ng (inaabusong) luntiang halaman,
ginintuang pilapil at bughaw na karagatan,
ang malubhang halas na 'di maaninag
sa kanyang balat. At ang salarin?
Ang sa kanya'y nananahang palalong
ayaw magpaawat. Kahambugang
pumapaimbulog, pumapailanlang.
Hindi nahahabag kahit talos ng
kaawa-awa ang warat na tahanang
siglo nang lumuluha, sumasabay sa
pagtanguyngoy ng mga dakila at dukha.




Muli, aasa sa pangako ng pagbabagong wala naman.

 --------------------------------------------------------
Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa taunang Saranggola Blog Awards.



Sa pakikipagtulungan ng:




Monday, September 9, 2013

"Tara"



Inabutan kita ng 'sandaang piso, ngunit sa halip na bumili ka ng ating makakain, ibinili mo ito ng isang bote ng alak na may kasamang ilang piraso ng tsitsirya at apat na stick ng sigarilyo.
Nakasalampak ka sa malamig na sementadong sahig habang ako'y nakaupo sa bangkitong iniabot mo sa akin.


Banaag pa rin sa tindig at kilos mo ang katalinuhang hinangaan ko sa iyo noong nag-aaral pa tayo sa highschool. Sinindihan mo ang unang yosi at paitaas na ibinuga ang usok nito,  wari’y sinusulit ang pisong halaga sa iyong bawat paghitit at buga. Sinabayan mo ito ng isang buntong hininga na singhaba nang ngiyaw ng isang pusang gutom sa pagkain at kalinga.


Iniabot mo sa akin ang isang baso tila imbitasyon na sabayan kitang uminom.
"Tara!" maiksi ngunit makahulugan mong paanyaya.

Hindi ako tumanggi. Kinuha ko ang baso at sinalinan mo ito ng alak na hindi nalalayo ang kulay sa bakal na puno ng kalawang. Sabay nating nilagok ito. Bagama't naduduwal ako sa tapang ng lasa nito hindi ko ito ipinahalata sa iyo, ayaw ko kasing iparamdam sa iyo na malaki na ang ipinagbago ko simula nang lisanin ko ang probinsya nating ito.


Bilanggo ka pa rin ng karukhaan samantalang ako'y nakahanap na ng susi upang takasan ang kahirapan, hindi ko man nakamit ang lahat ng mga pangarap ko sa buhay masasabing matagumpay na rin ako sa sarili kong kahulugan at pamantayan. Ganunpaman, hindi pa rin nabawasan ang respeto at pagtingin ko sa iyo, ikaw pa rin ang dati kong kaibigang tumulong at gumabay sa akin sa mga panahong nangangamote ako sa ating mga aralin.


Aaminin ko, naninibago ako sa iyo. Hindi ko inasahang aabutan kita sa ganyang kalunos-lunos na kalagayan, ikaw na noo’y puspos ng pangarap – may pangarap na magarang bahay, masayang pamilya at maalwan na buhay.
Bagama't 'di hamak na malayo ang itsura mo sa mga nakikita kong taong-grasa sa Maynila, ngunit sa tingin ko hindi naman nagkakalayo ang inyong kalooban. Kahit hindi mo sabihin batid ko ito. Kahit mayroon kang kakarampot na pinagkakakitaan ngayon bilang taga-saka ng bukid ni Tatang Igme, batid kong hindi madali ang iyong pinagdadaanan, kulang na nga lang siguro ay sisihin mo ang Diyos sa iyong dinaranas na paghihirap.


Inumpisahan mong magkwento. Habang hawak ang baso ng alak sa kanang kamay sa kabila naman’y ang iyong sigarilyo.
Nalaman kong naging guro ka pala ng eskwelahang pinasukan natin noong tayo'y nasa elementarya. Kunsabagay, bata pa lang tayo noon ay ito na ang ambisyon mo - ang maging isang guro. Sa katunayan, ang ating paaralan na nga ang itinuring mong iyong ikalawang tahanan dahil paslit ka pa lang nang ikaw ay maulila sa iyong mga magulang. Tanging ang iyong tiyahin lang ang siyang nagpalaki at nagtiyagang nagpaaral sa iyo.


Matagal bago mo ulit sinundan ng pangungusap ang pauna mong kwento. Inabangan ko ito. Bahagyang nanabik.
Ngunit muli mong kinuha ang iyong baso, sinalinan ng alak. Mabilis mo itong nilagok. Halos pagsabayin mo ang pagtungga, pagnguya ng tsitsirya at pagsubo ng yosi sa iyong bibig. Siguro'y iyon ang paraan mo upang pigilan ang kanina pang nais na kumawalang mga luha, luhang hindi galing sa iyong mga mata kundi galing sa iyong tumatangis na puso.


Binaling ko ang aking mga mata sa apat na sulok ng tinatawag mong tahanan. Pumukaw sa aking pansin ang mga nakasabit na diploma at iba't ibang sertipikong nakakwadro sa isang bahagi ng dingding. Halos katabi nito ang mga medalya at tropeyong may iba’t ibang hugis at laki na tila napabayaan; sama-sama ito sa isang may kahabaang istanteng gawa mula sa kahoy na tulad ng iyong pagkatao - inaagiw.


Bukod sa maliit na mesa at dalawang plastik na silya na marahil ay iyong ginagamit sa tuwing ikaw ay kumakain, makikita rin ang lumang sofa na gula-gulanit, isang sirang durabox na lalagyan ng mga damit. Walang salamin, walang banyo. Kung gaano kahumpak ang iyong mukha ganundin ang laman ng iyong tahanang pawid.


Ayaw kong mag-usisa dahil baka lalo lang magpalala ito sa pakiramdam mong ikaw ay isang api.
Gusto kong malaman ang lahat ng tungkol sa iyo pero nais kong kusang-loob mo itong ilahad sa akin.
Sa tagal ng aking pagkawala tila naliligaw ako sa aking kinalakhan, estranghero ako sa aking dating kaibigan.


Ang sumunod mong paglagok ay nagbigay ng lakas ng loob sa iyo upang ituloy ang paglalahad ng iyong kwento.

Ikatlong taon mo noon bilang guro nang makaalitan mo ang punong-guro ng eskwelahang iyong pinapasukan. Kahit walang malisya ang iyong pag-uusisa tungkol sa kung paano ang sistema ng paggastos ng eskwelahan sa pasahod, pondo at donasyon ng mga mayayamang negosyante at pulitiko ng bayan, minasama niya ito. Simula noon, naging matabang na ang pagtrato niya sa iyo at pati ang halos lahat ng miyembro ng faculty na iyong kinabibilangan.


At isang umaga, nagulat ka na lamang sa paratang ng punong-guro sa pagkawala ng kanyang pitakang may laman na higit daw sa pitong libong piso, na natagpuan sa iyo kasama ng mga blangkong test paper ng iba't ibang mga subjects para sa susunod na periodical exam.


Halos tatlumpung taon na ang lumipas pero hindi mo pa rin ito makalimutan, detalyado mo itong ibinahagi sa akin. Tila naging isang multo sa iyong isipan ang iyong nakaraan na pabalik-balik at paulit-ulit na gumugulo sa iyong kasalukuyan.

“Ang paaralang aking itinuring na ikalawang tahanan – ang siyang nagkanulo at sumira sa aking mga pangarap at ambisyon.” Paulit-ulit mo itong binibigkas.

Hindi ko alam kung pagkaawa o simpatiya ng panghihinayang ang nararamdaman ko para sa iyo habang ako’y nakikinig sa mga kwento mo.


Naaalala ko pa noon kung papaano ka hangaan ng ating mga guro at mga kaklase ang iyong galing at talino sa recitation at sa anumang pagsusulit na binibigay sa atin.


Maraming mga pagkakataon ngang naging tanyag ang ating paaralan dahil sa inihatid mong tagumpay sa mga kompetisyon at patimpalak na iyong sinalihan. Kapalit ng karangalang ito ang pagka-inggit ng ilan nating kaklase at kamag-aral ngunit bilang matalik na kaibigan palagi kitang ipinagtatanggol sa kanila, batid kong hindi iyon lingid sa iyong kaalaman.


Ilang buwan kang hindi nakapasok dahil sa ipinataw na suspensyon sa iyo ng pamunuan ng paaralan. Dinamdam mo ito nang husto ngunit hindi ka basta nagpatalo, sa halip, idinulog mo ito sa opisyal ng Deped ng rehiyon na kalaunan'y nagpalala ng sitwasyon. Nagresulta ito sa tuluyang pagbawi ng iyong lisensya sa pagtuturo ng Komisyon sa Regulasyon ng mga Propesyonal sa rekomendasyon ng Deped.


Tila doon na huminto ang iyong mundo. 
Isinuko mo na ang iyong kinabukasan dahil sa desisyong iyon lalo na nang malaman mong kaanak pala ng punong-guro ang opisyal ng Deped na humawak ng iyong kaso.


Isa pang kwento ang nagpaantig sa akin bago mo nilagok ang huling patak ng alak sa iyong baso, sariling desisyon mong hindi magkaroon ng pamilya sa pangambang hindi mo sila mabigyan ng magandang tahanan at matinong kinabukasan.


Muli akong nanglumo, napailing. Kung may taong dapat na manghinayang sa iyo ngayong kinahitnan ay ako iyon. Kilala kita simula pagkabata, alam kong higit na may talino ka kaysa sa’kin, marami kang nakamit na mga karangalan, may angking galing ka kumpara sa akin, ngunit nasaan ka ngayon? Ang mismong sarili mo’y ‘di mo mahanap at ‘di mo maharap.


Nakapanghihinayang na ang tulad mong may eksepsyonal na kaalaman ay iginupo ng isang pagsubok lamang, nakalulungkot na ang tulad mong may talino at pinag-aralan sa isang iglap lamang ay sumuko at mistulang naging mangmang.
Isa kang taong may karunungan at karangalan ngunit hindi mo natutunan kung papaano bumangon mula sa pagkakadapa.


Ngunit maaring mali ako.
Sino nga naman ako para ikaw ay husgahan?
Sino nga naman ako para ipamukha sa iyo kung ano ang tama?
Kaibigan nga ako pero nasaan ako nang panahong higit mo akong kailangan?


Nilisan ko ang ating lalawigan upang makipagsapalaran sa Maynila at kabilang sa aking iniwan ay ang lahat ng hirap at alaala ng aking kabataan at pagkatapos ng napakahabang tatlumpu't limang taon, ito ako bumibisita, nangungumusta.
Pinilit kita noong sumama ngunit pinili mong magpakupkop at maghanap ng kalinga sa itinuring mong ikalawang tahanan, pinili mong manatili dahil nais mong maglingkod sa pamamagitan ng pagtuturo sa ating kababayan ngunit ikaw pala ang dapat na mag-aral pa tungkol sa tunay na kahulugan ng buhay.


Alam kong mabigat ang iyong dinadala at ayaw ko nang dumagdag pa sa iyong mga suliranin ngunit hindi ko napigilan ang aking sarili na sabihing:
“Hindi sagot ang pagsuko sa isang problema lamang, maaring naging hindi maganda ang karanasan mo sa una mong tahanan ngunit maari ka namang humanap ng iba pang tahanang mag-aaruga, lilingap at tatanggap sa kung ano ka at kung sino ka.”


Mahabang katahimikan ang naghari.
Sa unang pagkakataon, nagkrus ang ating mga tingin. Kita ko sa iyong mata ang lungkot at labis na pagkadismaya pero hindi mo pa rin nakuhang lumuha. Matapang mong pinipigilan ang kanina pang gustong kumawala na pagtangis subalit nabahag kang harapin ang isang pagsubok ng buhay.


Gusto kong sabihin sa iyo na: “Sige, lumuha ka lang dahil ang pagluha ay hindi isang karuwagan, mas karuwagan pa ang talikdan ang isang paghamong itinakda para sa atin.” Ngunit mas minabuti kong sarilinin na lang ito.


Ubos na ang alak sa bote ngunit hindi ang iyong kwento ng nakaraan.
Upos na ang iyong sigarilyo katulad ng pangarap mong tila patungo sa kawalan.
Palubog na ang araw katulad ng pag-asa mong unti-unting nililisan ang kaliwanagan.

Tatlong oras mong isinalaysay ang nakaraang tatlumpu’t limang taon ng iyong buhay na punong-puno ng magkakahalong lungkot, pagkabigo, takot, pangamba at pagsuko. Lahat ito’y masusi kong napakinggan hindi lang ng aking tainga kundi pati ng aking pusong nakikidalmahati rin sa iyong kapalaran.


Bukas, babalik na ako ng Maynila upang harapin ang panibagong hamong sasalubong sa akin. Ikaw naman’y maiiwan sa pawid na tahanang ito na katulad mo’y tila lumilimos ng kaligayahan.


Inabutan kita ng sampung libong piso hindi bilang limos kundi tulong at kahit ito’y iyong tinangggihan, ako na ang nagpumilit na ito'y iyong tanggapin. Sa halip na alak at sigarilyo ang iyong bilhin, ang halagang iyan sana ay mailaan para sa iyong pagtatanim, pagtatanim ng bagong pag-asa na iyong ipupunla sa paghahanap mo ng masaya at bagong tahanan, dahil naniniwala akong hindi pa ganap na huli ang lahat.


Bago kita iwan at ang iyong tahanan, isang mahabang paalala mula sa akin bilang kaibigan ang lakas-loob kong ipinarating sa iyo:


“Malungkot ang buhay kung ito ang iyong gugustuhin, masaya rin ito kung iyong nanaisin. Walang nagsabing madali ang mabuhay ngunit hindi ito dahilan para malugmok sa kalungkutan.

Hindi kailanman mawawala ang mga pagsubok ngunit hindi ito dapat tumbasan ng pagsuko. Lahat tayo ay may kanya-kanyang pangarap, simple man o imposible, maliit man o malaki at kabilang sa pangarap nating ito ang magkaroon ng sariling tahanan; hindi mahalaga kung yari man ito sa pawid o bato, sa kahoy man o sa barong-barong - ang mahalaga ay kaligayahan ang naghahari dito at kapayapaan sa isip sa bawat miyembrong dito’y nananahan dahil ang tahanan ay hindi likha ng anumang materyal sa mundo kundi ito’y likha ng pagmamahal na galing sa puso.

Hindi man naging maganda ang kapalaran sa itinuring mong una o ikalawang tahanan paka-isiping palaging may bukas na pagkakataon na makahanap ng tahanang magiging bagong kanlungan na tatanggap at uunawa sa lahat ng iyong kamalian at kahinaan, maglilinang ng iyong galing at katalinuhan.

Maaaring magkaroon ka ng magandang bahay ngunit hindi ibig sabihin nito na mayroon ka rin ng masayang tahanan, maaaring mabigo ka sa iyong pangarap na magarang bahay ngunit hindi dahilan ito para hindi ka na mangarap ng maganda at payapang tahanan dahil ang tahanan ay hindi tungkol sa dami ng biyaya kundi tungkol ito sa kung papaano ka mabubuhay ng payapa.”


Napansin kong bahagyang nangilid ang luha sa iyong mga mata.
Tinangka mo pang ikubli ito sa akin, pinilit mo pa itong pigilan, ngunit maya-maya pa’y tuluyan na ngang tumulo ang luhang galing sa iyong pusong matagal nang puno ng hapis at labis na paghihinagpis.

- E N D -
--------------------------------------------------------
Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa taunang Saranggola Blog Awards.

Sa pakikipagtulungan ng: