Showing posts with label tula. Show all posts
Showing posts with label tula. Show all posts

Tuesday, October 25, 2016

MARIA




I.
Hinahanap ko sa
kasalukuyan ang
wangis mong bukod
na pinagpala sa babaeng
lahat, ang siyang
babaeng walang sala't
sakdal linis na
nagluwal kay Hesus
na Hari ng awa,
ang siyang babaeng
puspos ng luwalhati
at pananampalataya
sa  mundong puspos
ng pagkakasala.
Bagaman maririnig
lamang ang ngalan
ng Ama,
ng Anak at
ng Espiritu Santo
sa dasal na inuusal ng
tulad kong sakdal ang
sala. Bagaman wala
ang 'yong ngalan sa
panalanging 'Ama Namin'
na aming dinadalangin
sa tuwing kami'y gipit,
may karamdaman o
suliranin. Ikaw nama'y
napupuno ng
grasya at biyaya.
'Di tulad naming
lumalapit sa disgrasya't
pagkapahamak. Lumalayo't
lumilimot sa
pananampalataya
sa Ama na May Likha.
Nakaluhod, nakapikit,
nagpupuri't nag-aantanda,
sa Langit ay nakatingala,
umuusal ng kabanalan
ngunit makalipas ang
'Amen!' muling babalik
sa pagkakasala.

II.
Hinahanap ko sa
kasalukuyan ang
wangis mong mayumi't
'di makabasag-pinggan.
Babaeng kay hinhin
na pamantayan ng
konserbatibong
kababaihang pilipino.
Datapwa't kimi at
matipid ang bawat
ngiti, ikaw'y lubos
na hinangaan at
niliyag ng pilipinong
nabilanggo,
naharuyo't
nabighani
sa tila perpektong
katangiang iyong
tinataglay.Datapwa’t
ikaw ay kinatha
lamang ng dakilang si
Gat Jose Rizal sa
Kanyang obrang
nobela, 'di
maiwaksing ikaw
ang sinadyang 
simbolismo ng
moralidad na bumubuo
sa sakdal linis na
kapurian ng kababaihan.
Ang iyong pagiging
masinop, masunurin,
tahimik at marespeto
sa kapwa, lalo't sa magulang
na wari'y inspirasyon at
ehemplo ng napag-iiwanang
lipunang konserbatibo'y
'di sana sumabay sa
pagkalimot at pagwaglit
ng marami sa konseptong
ang kabataan ang siyang
pag-asa ng bayang ito.


III.
Hinahanap ka sa
kasalukuyan ng
mundong puspos ng
pagkukunwari't makamundong
isipan. Ang wangis
mong liberal at moderno,
babaeng simbolismo ng
pagiging malaya. May
layang gawin ang mga
bagay ayon sa kanyang
nais at 'di dahil sa
dikta ng iba, may
layang kumilos
nang walang anumang
kritisismong inaalala.
Hinahangaan at pinupuri
ng marami ngunit
hinuhusgahan at
niruruyakan ng mas
marami pa - yaong mga
sensitibo sa isyu ng
moralidad ngunit 'di
nakikita ang sariling
pagkakasala. Bagaman
ang maganda mong
mukha, makinis mong
katawan at ang iyong
kahubdan ay naglipana't
pinag-ukulan ng pansin
ng makasalanang mga
mata at nagpalukso ng
libo-libong libido
sa magasin,
sa dvd at
sa internet
na ang tema ay porno.
Bagaman kinukutya ng
moralistang animo'y
walang sala't sakdal linis.
Niliiyag ka pa rin ng maraming
kalalakihan - hahamakin nila
ang lahat, iaalay kahit
na ang kalangitan at
tatawagin nila itong
pagmamahal. Ngunit
maiiwan ang
katanungang 'pag-ibig
nga ba o isang pagnanasa?'

- - - - - -
Ang Akdang ito ay ang aking lahok sa 2016 Saranggola Blog Awards sa kategoryang Tula
Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor:


Monday, November 10, 2014

Panatiko


Hindi ka na ba nagigimbal sa kariktan ng iyong sariling wika?
Bakit nalilibugan ka sa wikang hiniram mo lang sa banyaga?
Hindi ka na ba nasasarapan sa hagod ng matalinghagang dila?
Bakit mo niluluran ang wikang pinamana ng mga dakila?


Hindi mo ba alam na ang wikang Filipinong hinandog sa atin
Ay higit pa sa anumang wikang dayuhang kaya mong bigkasin?
Higit pa sa alinmang wikang dayuhang kaya mong aralin
Ang dangal at kayamanan ng bansang 'di ninuman maaangkin.


Hindi ka ba nagagayuma sa "Mahal kita" na sinambit ng kapwa mo pilipino?
Bakit "I Love You" na lamang ang nagpapakislot ng iyong libido?
Ikaw ay naniniphayo sa tuwing nakaririnig ka ng "Putang ina mo!"
Ngunit nalilibang ka naman sa "Fuck You!" na binigkas ng amerikano.


Hindi mo ba batid na ang wikang Filipinong ipinamana sa atin
Ay may angas at tapang na magpapaalab ng damdamin?
May talas na masahol pa sa punyal at patalim
At may kaluluwang dadaigin ang anumang sining.


Hindi ka ba nabighani sa melodiya ng kundimang Filipino?
Bakit sinasamba mo ang awiting 'di nauunawaan ang liriko?
Hindi ba't ginto ang alaala ng unang pagbigkas ng alpabeto?
Bakit ikaw ay nagpantanso sa dayalektong 'di naman iyo?


Hindi mo ba alam na ang wikang Filipinong kinagisnan natin
Ay may tamis at kilig na magpapangiti sa bawat labi?
May puso't lambing na makalulusaw ng poot at galit
May bangis na anumang sandali'y sasambulat at pupulandit.


Hindi na ba maibabalik ang pag-ibig mo sa wika ng iyong bayan?
Mas madali ba ang mag-'twang' kaysa isapuso ang Panatang Makabayan?
Hindi ba't saulado mo ang mga kanta nina Beyoncé, 1D, EXO at 2NE1?
Bakit madalas kang magkamali sa tuwing aawitin ang 'Lupang Hinirang'?


'Di mo ba alam na ang wikang Filipino ay ilaw ng Pilipinas?
Na tatanglaw sa korapsyon ng kadiliman na tila 'di nagwawakas
Liwanag na magmumulat sa diwang nilalango ng alak ng kabalastugan
Gagabay sa landas na binaliko ng utak ng kalokohan at katarantaduhan.


Ano ba ang dapat maituwid ang 'yong malabnaw na utak o dilang nakalihis?
Bakit mas matatas pa ang 'Harry Potta' mo kaysa totoong mga Inggles?
Hindi mo ba kayang hangaan ang ating wika, kultura at kutis kayumanggi?
Ba't Ikaw'y may pagnanais na lampasan pati ang kulay ni Britney Spears?


'Di mo ba batid na ang wikang Filipino ay tulay patungong tagumpay?
Estruktura ng komunikasyong magdudugtong at mag-uugnay
Sa bayang inuhaw, ginutom at tinimawa ng pagsulong at kaunlaran
Na matagal nang pangarap ng mga 'indiong' dito'y nananahan.


Hindi ba't ang mga dakila't makata'y nakapukaw gamit ang wikang Filipino?
Bakit pinili mong iwaglit ang kasaysayan ng bansa at siya'y pinagkanulo?
Hindi ka ba namangha sa mga bayaning nanindigan para sa mga pilipino?
Bakit ibang lipi at lahi lamang ang siya mo ngayong dinidiyos at iniidolo?


'Di mo ba batid na ang wikang Filipino ay pundasyon ng tapang?
Balangkas ng monumentong susuhay sa tatag ng isang bayang
Pilit na binubuwag ng unos ng pagmamalabis at pagkaganid
Ang tutuos sa tahilang hinahagupit ng delubyong mga balakid.


Hindi pa ba sapat ang aral at leksyong dinulot ng kasaysayan?
Ano ang dahilan sa pagtanggal ng Filipino sa kurikulum ng paaralan?
Hindi ba nila alam na ang pagpapahalaga ng pilipinong kabataan
Sa wika, bayan at kasaysayan ay magsisimula 'di lamang sa tahanan?


'Di mo ba alam na ang wikang Filipino ay bagwis ng karunungan?
Pakpak na magdadala ng runong at impormasyon sa buong kapuluan
Ang maglilipad at maghahatid ng kaalaman sa nagmamaang-mangan
Patungo sa himpapawid ng kalayaang may tinig at tunay na kasarinlan.


Si Dr. Jose Rizal na ating pambansang dakila noo'y nagbilin at nagwika:
"Ang 'di magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa malansang isda."
Ano pa nga bang mas sasahol sa pagkakaila sa sarili mong wika?
Ano pa nga bang mas uulol sa pagtatraidor sa sarili mong bansa?


Walang nagturan na kasalanan ang matutunan ang ibang mga wika
Walang nagbansag na masamang maging eksperto at dalubhasa
Gamit ang lenggwahe at wika ng mga banyaga sa pakikisalamuha
Ang kasalanan ay ipagkanulo mo ang bansa maging ang sarili mong wika.



Hindi ka na ba nagigimbal sa kariktan ng iyong sariling wika?
Bakit nalilibugan ka sa wikang hiram mo lang sa banyaga?
Hindi ka na ba nasasarapan sa hagod ng matalinghagang dila?
Bakit mo kinukupal ang wikang pinamana ng mga dakila?

- - - - - - - -
Ang akdang ito ay ang aking lahok sa 2014 Saranggola Blog Awards 6 sa kategoryang Tula

Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor: