Ang image ay galing sa: tbhsbca.net |
Sa laki at
nakalululang mga halagang nabanggit nais ko tuloy paniwalaan na ang bansang
Pilipinas ay isang mayamang bansa na nagpapanggap lang na mahirap -- na tayo'y
hindi kapos sa pera kundi sa katapatan at disiplina.
-----
Ilang dekada na ring kabilang ang bansang
Pilipinas sa listahan ng mga developing countries, sa listahan ng walang
pagpapahalaga sa kalikasan at sa listahan ng mga bansang may malalang
katiwalian. Ito ay sa kabila ng pagsisikap at sandamakmak na mga pangako at
programa ng mga nanunungkulan na pauunlarin at didisiplinahin nila ang bansang
ito, lokal man o nasyonal. At sa paglipas pa ng panahon ay tila lumulubha pa
ang ating sitwasyon; ilang mga beteranong pulitiko ang nasangkot sa iba't ibang
kontrobersiyang may kinalaman sa paglustay sa kaban ng bayan, ilang mga
anomalya at katiwalian ang nabunyag at kabi-kabilang opisyales ang naakusahan
ng pamahalaan at pati nga ang kalikasan at agrikultura ay napabayaan ng husto.
Tila ba hindi natatapos ang mga ganitong
suliranin at kontrobersiya na nagiging dahilan ng pagkaantala ng progreso ng
ating bansa. At sa ganitong kalagayan kung kulang sa oportunidad ang mamamayan
nagreresulta ito sa 'dog-eat-dog' situation na ang malalakas ang siyang
nagpupunyagi na minsa'y nababalewala at nawawalang bahala ang mga nakahaing
batas. Kung kalam ang sikmura ng mga tao madalas nawawala ang kanilang
disiplina ngunit kahit kailan hindi naman talaga dapat gawin itong katwiran at
dahilan para lumabag sa polisiya at batas.
Sa patuloy na paglayo ng agwat ng mga
mayayaman sa mahihirap hindi rin naman nagpapabaya ang ating pamahalaan at
katulad ng marami sa ating mga kababayan hindi kailanman nawawala ang pag-asa
at kaisipang ang Pilipinas ay aasenso at uunlad. Minsan na tayong tinaguriang
'Tiger Economy of Asia' at 'di malayong makakamit natin ito sa pagbalangkas ng
mga posibleng solusyon para tuluyan na tayong makaaahon sa pagkakalubog na ito.
At kung hindi ito agad na maagapan ng mga nanunungkulan maaaring tuluyan na
tayong mapag-iwanan. Hindi tayo dapat makontento na hanggang pangarap na lang
ang kaunlaran at hanggang inggit na lang ang mararamdaman natin sa paglago ng
ekonomiya ng mga kapitbahay nating South Korea, Japan, Singapore, Hong Kong,
China at ang papausbong na ekonomiya ng Vietnam, Malaysia, Indonesia, Thailand
at iba pa.
Bukod sa intensibong pagpapatupad ng batas
dapat din natin isaalang-alang ang ibang bagay na makatutulong para
makahulagpos tayo sa tanikala ng kahirapan. Ang mga sumusunod na suhestiyon
kung mabibigyan pansin ng husto ay makatutulong sa unti-unting kaginhawaan kung
hindi man lubos na kaunlaran ng bansa:
l epektibong edukasyon para sa
lahat
l karagdagang ayuda sa sektor
ng pangingisda at agrikultura
l pagpapakalat ng ekonomiya at
industriya sa buong kapuluan
l karagdagang sahod sa kawani
ng gobyerno
l mabilis na transportasyon at
komunikasyon
l makataong paglilikas sa mga
iskwater
l oportunidad na mapagkakakitaan
sa mga ni-relocate na mahihirap
l mababa at maaasahang source
ng kuryente
l permanenteng solusyon sa
lumalalang port congestion
Ayon sa pag-aaral, tinatayang 1 sa bawat 5
limang pilipino ay mahirap (conservative pa ang bilang na ito) ibig sabihin mahigit
sa 12.1 milyong pilipino ang pinagkakasya ang maliit na kinikita para lamang
maka-survive sa bawat araw. Sa dami ng bilang na ito, ito rin ang naging
dahilang kung bakit lumobo sa mahigit 11 milyong pilipino ngayon ang
naghahanapbuhay sa iba't ibang panig ng mundo. Sila 'yung binansagan nating
'Bagong Bayani' pero hindi naman bayani kung ating ituring. Sa ngayon,
napakalaki ng kanilang naiaambag sa ekonomiya pero hindi dapat 'yon lang ang
solusyon at dapat nating asahan dahil marami pang paraan kung ito'y matutukan
lang ng pamahalaan.
Dahil sa sunod-sunod na kalamidad na
nagreresulta sa pagkalugi at tila hindi seryosong pagtulong sa sektor ng
agrikultura napipilitan ang ating mga magsasaka na ibenta ang kanilang
ekta-ektaryang lupain at bukirin sa mga higanteng kapitalista at ilang taon
lang ang bibilangin ang mga bukiring ito'y magiging dambuhalang mall o 'di
kaya'y magiging malawak at magarang subdivision. Sa dami ng ating populasyon na
umaabot sa mahigit isandaang milyon nakakatakot isipin ang posibilidad na
kakapusin tayo ng pagkaing mula sa dagat/tubig, ito ay sa kabila ng pagiging
arkipelago ng ating bansa. Kapansin-pansin na unti-unting nababawasan na ang
bilang ng nahuhuling mga isda sa dagat na nagiging pangunahing dahilan kung
bakit mas mahal pa ang halaga ng mga ito kaysa karne ng manok at baboy. Kung
maagapan, naniniwala ako na maisasalba pa ang umaandap na sektor na ito kung
mabibigyan lang ng pansin at tutok ang mga batas na nagawa para dito.
Samantala, katulad ng mga magsasaka at ating
mangingisda, ang mga maliliit na entrepreneur kung mapagkakalooban lang ng
oportunidad at kahit maliit na kapital ay posibleng makapag-ambag ng kahit na
kaunti sa ekonomiya ng bansa. Subalit hindi pa naman ganap na huli ang lahat,
dahil may ilang panukalang batas na may layong tulungan ang mangingisda,
magsasaka at maliliit na negosyante na kalauna'y magbibigay ng karagdagang
produksiyon ng pagkain at karagdagang trabaho sa mga hikahos na mga pilipino
subalit mga masisipag at masisikap. Hangarin ito ng mga sumusunod na mga
(panukalang) batas:
l The Go Negosyo Bill
l The Microenterprise
Development Bill
l National Land Use Act
l Comprehensive Agrarian
Report Law
l Agriculture and Fisheries
Modernization Act
l The Philippine Fisheries
Code
l Corporate Farming Act
l Tulong Kabataan Sa
Agrikultura at Kabuhayan Act
Pansamantala, nakatutulong ang programa ng
pamahalaan na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Pagkaing Pinoy Para
Sa Batang Pinoy Program sa pamilya ng kabataang pinoy na mahihirap. Ang mga
programang ito'y nasa ilalim ng pamamahala at pangangasiwa ng Department of
Social Welfare and Development. Layunin nitong maibsan ang gutom ng mahihirap
nating mga kababayan sa pamamagitan ng pagbigay pagkain/pera sa kanila. Ang
ganitong programa ay naka-pattern sa ibang bansang may ganito ring sistema gaya
ng Brazil at Mexico. Sa programang ito higit sa tatlong milyong bilang ng mga
pilipinong mahihirap mula sa 79 probinsiya ng Luzon hanggang Mindanao ang
nakikinabang sa programa ngunit kung ang malaking bilang na ito ay naiko-convert
into manpower higit sanang kapaki-pakinabang sila sa halip na patuloy na
umaasa.
Marami ang nag-aakala na maliit na bagay
lamang ang kalikasan sa pag-unlad ng bansa. Sa ganitong konsepto tila ba
nahuhuli sa prayoridad ang programa para sa pangangalaga ng kalikasan. Ngunit
napatunayan ding nararapat na ngang aksyonan at ipatupad ng husto ang batas na
magpoprotekta sa kalikasan at natural resources; mga batas na nakatengga lang
at dapat ng full implementation dahil kung hindi baka maulit pa ang trahedyang
idinulot ng habagat at ng malalakas na bagyong gaya nina Ondoy, Sendong,
Yolanda at iba pa. At sa pagwawalang bahala sa kalikasan, walang humpay at
walang pakundangan ang marami sa atin sa pagbuga ng maruming usok (pabrika o
sasakyan), sa pag-abuso sa kabundukan at kagubatan, sa pagtapon ng
kani-kanilang kalat at basura sa kung saan-saan. Resulta nito'y: baha,
kalamidad, polusyon at trapik. Sa tulong ng mga sumusunod na batas/programa
nakatulong na rin tayo sa pag-recover ng papanipis na ozone layer at muling
pagbabalik ng ganda ng kalikasan at posibleng kabawasan ng biktima ng natural
disaster na hindi naiiwasan.
l Total Plastic Bag Ban Act
l Climate Change Act
l Illegal Logging Prohibition
Act
l Philippine Mining Act
l Philippine Disaster Risk
Reduction and Management Act
l Renewable Energy Act
l Solid Waste Management Act
l Environmental Awareness
Education Act
l National CFC Phase-out Plan
Ang kaunlaran ay hindi lang nasusukat sa dami
ng pera ng isang bansa -- dahil ang bansang may kaunlaran ay may kaakibat na
disiplina sa mamamayan at tagapagpatupad nito, may pagmamahal at pagpapahalaga
sa kanyang bayan, may magandang programa para sa edukasyon, agrikutura,
industriya at kalikasan.
Hindi madaling gawin ang mga ito ngunit hindi
rin naman ito imposible. Magandang maging inspirasyon sa atin ang mga bansang
Japan at South Korea dahil sa kabila ng pinagdaanan at naranasan nilang
destruction at pagbagsak ng kanilang ekonomiya noong panahon ng digmaan sila
ngayon ang isa sa mga hinahangaan, tinitingala at magandang ehemplo ng
pag-unlad at disiplina ng maraming nasyon.
Marami na tayong mga batas na may kinalaman
at kaugnayan sa pagsulong at pag-unlad ng ating bansa. Batas para sa
pagdidisiplina ng mga tao, para sa ekonomiya, sektor ng agrikultura,
mangingisda at manggagawa, pagproteksyon sa likas-yaman at kalikasan, para sa
maliliit na negosyante, industriya, transportasyon, komunikasyon at
elektrisidad. At ang mga batas na ito kung susuriing mabuti ay
kapaki-pakinabang para sa lahat maging sa pinakamaliliit na tao ng lipunan.
Eksakto labinglimang taon mula ngayon o sa
taong 2030 kung maipatutupad lang ang lahat ng programa at mga batas na ito at
maibalik lang ang disiplinang tila naglalaho sa mga pilipino, hindi malayong
maging ganap na tigre ng ekonomiya na tayo sa kontinente ng Asya. At ang
kaisipan ng lahat na maganda at mabuting Pilipinas ay hindi hanggang pangarap
na lang at para matamasa ang tagumpay na ito kailangan ng sakripisyo hindi lang
ng gobyerno kundi ng bawat pilipino.
Sakaling makamit natin ang tunay na kaunlaran
at kaayusan, ang katagang 'Proud to be Filipino' na madalas
ipangalandakan ng marami nating kababayan ay hindi na occasional at magiging
huwad lang kundi bukal at taas noo mong sasambitin ito hindi dahil sa talento,
talino at galing ng iilang pilipino kundi dahil sa pag-asenso at disiplina ng
Pilipinas na hindi matatawaran at matutumbasan.
------
Ang akdang ito ay aking pakikiisa at opisyal na lahok sa 2014 Saranggola Blog Awards 6 sa kategoryang Sanaysay:
In fairness to you, kinarir mo talaga to ha. *clap clap*
ReplyDeleteMasakit man talagang isipin, mas marami talagang politiko na ang pag upo sa puwesto ay kinakarir kung paano muna uunlad ang sarili nila bago pauunlarin ang paglilingkuran.
ReplyDelete'Yung mga ganitong uri ng sulatin ay 'di na bago sa akin marami-rami na rin akong naisulat na ganito ang tema pero hanggang sulat na lang ang kaya nating gawin dahil alam natin na ang tsansa ng pagbabago sa atin ay malapit na sa imposible.
ReplyDeletemaraming salamat sa pagbisita.