Wednesday, November 19, 2014

Bukas Na Liham Para Kay Supremo

Gugunitain na naman ng bansa ang iyong kaarawan. Ipagdiriwang na muli namin ang iyong kabayanihan. Nakapagtataka dahil (halos) lahat ng pambansang bayani (maliban sa'yo) ay araw ng kanilang kamatayan ang minamarkahan upang ihandog at gawing espesyal na araw nila na dapat ipagdiwang. Mas mahalaga raw kasing dakilain ang makabuluhang araw ng kamatayan ng isang bayani kaysa sa mismong araw ng kanyang kapanganakan, ngunit sa'yo ay iba yata.
Hindi ko alam kung sino ang nagtakda na dapat ang araw ng iyong kapanganakan ang siyang dapat na maging araw ng iyong kadakilaan. Kabaliktaran sa kinagisnan ng lahat, kabaliktaran sa nararapat. Hindi tuloy maalis sa isip ng marami na maaring may pinagtatakpang bahagi ng kasaysayan na hindi dapat mailantad at mailahad. At kung ano man ang tunay na dahilan sa likod nito ay iilan lang ang nakakaalam. Datapwa't hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na ikaw ay pinaslang sa kamay mismo ng iyong kababayan.


Sa araw na Nobyembre 30 na ituturing naming espesyal, aalalahanin na naman ng bansa at ng pamahalaan ang iyong kadakilaan. Matutuwa ang lahat dahil holiday at walang pasok sa mga paaralan at sa halos lahat ng mga opisina, pribado man o gobyerno at sa iba pang mga istablisimiyento, para sa mga may pasok naman'y katumbas ito ng dobleng sweldo. Hindi nakapagtatakang mas marami sa mga kababayan nating pilipino na gusto ang araw na ito -- hindi dahil sa iyong kaarawan kundi dahil mas nananaig ang araw ng kanilang pahinga kaysa araw ng paggunita sa iyong kabayanihan. Idagdag pang nakalulungkot na malamang napakaraming mga pilipino na hindi na kilala kung sino ka at kung ano ang kahalagahan ng iyong ipinaglaban.


Sa loob ng mahigit isandaang taong paggunita ng bansa sa espesyal na araw na ito, sa kabila ng kung ano-anong seremonya, re-enactment at aktibidades na may kaugnayan sa iyong pakikidigma laban sa mga manunupil ng bansa at ang lahat ng ito'y may dedikasyon (umano) para sa iyong kabayanihan, kumusta na kaya ang iyong adhikain para sa bansang lubos mong minahal? Sa bansang inalayan mo ng iyong dugo at buhay?
Saan na kaya napunta ang lahat ng iyong ipinaglaban? Alam pa kaya ng lahat kung anong naging sanhi at dahilan ng iyong pagpaslang? At kung sakaling alam man nila ito, may pagpapahalaga pa kaya sila rito?


Marahil kung ikaw ay nabubuhay sa panahong ito muli mong kukunin ang iyong tabak upang ito'y iwasiwas at i-amba sa mga pilipinong dinadaig pa ang mga dayuhan sa pagsasalaula at pagtataksil sa bayan.
Marahil hindi ka manghihinayang na ibuwis muli ang iyong dugo kapalit ng kanilang dugo at buhay na walang pinahahalagahan kundi ang pansarili nilang interes at kapakanan at 'di iniisip ang kapakanan ng nakararaming mas higit na nangangailangan ng kalinga.
Marahil muli mong ikakasa ang iyong rebolber upang muli itong iputok sa mga pilipinong makabayan umano ngunit nagkukubli naman sa hiram na kapangyarihan at salapi, silang mga walang pakundangan sa paglustay sa yaman ng bayan at walang paggalang sa hustisya at katarungan.
Marahil hindi ka magdadalawang-isip na isugal muli ang iyong buhay para sa kapakanan ng mga aba at api upang ipamulat sa mga nanunungkulan na ang tunay na pagmamahal sa bayan ay may kaakibat na sakripisyo, na ang lahat ay kaya mong isantabi para sa magandang kinabukasan ng iyong bayan at kababayan.


Lumilipas ang maraming taon, pang-ilang henerasyon na rin ang nagdaan, ilang libro at sulatin na rin ang naisulat tungkol sa iyo, sa mga katipunero at sa Katipunan -- mga artikulong nakasaad at nakalahad doon ang aral ng iyong buhay at ang pagpupunyagi mong iahon ang bayan sampu ng iyong mga kasamahang bayani na 'di napangalanan mula sa kamay ng mga manunupil. Marahil ang tanong ko'y tanong din ng maraming pilipino:
Ano nang nangyari sa iyong ipinaglaban?
Ano nang nangyari sa mga pilipinong nagtatamasa ng kalayaan?
Ano nang nangyari sa Pilipinas mula noong ito'y sapilitan mong maiwan?
Ang pangarap mong magkaroon ng ganap na kasarinlan ang Pilipinas sa kamay ng mga Kastila ay matagal nang naganap ngunit nakalulungkot na hindi pala ito sapat, sapagkat ang kasarinlang ito ay naabuso ng husto at siya ring naging dahilan upang malugmok ang bansang lubos mong inibig. Hindi pala sasapat ang kalayaang tinatamasa kung walang pag-ibig na namamayani sa mga puso ng bawat tao para sa kanyang bansa. At anumang uri ng kalayaan kung walang tunay na pagmamahal sa bayan ay magreresulta sa paghihirap ng mamamayang sinasamantala ng mga ganid sa kapangyarihan.


Bagama't nakamit umano ng bansa ang kalayaan mula sa Espanya, tulad mo tila ang Pilipinas ay isa pa ring bigo.

Bagama't ang adhikain mo sa bansa ay 'di naging ganap, gaya mo tila lahat ng iyong pangarap ay naglaho.

At katulad mo tila hanggang pag-alala at pangarap na lamang ang kaya naming gawin.


Ayon sa kasaysayan, libo-libo ang nagbuwis ng buhay. Kabilang ka na. Para sa bansa. Para sa lahat. Umaasang tatamasahin ang pag-unlad makalipas ang kasarinlan. Higit sa tatlong daang taong pananakop ng mga Kanluranin. Higit isang daang taon makalipas na ikaw ay paslangin. Saan na napunta ang bansa natin? Masdan ang mga naghahari-harian sa panunungkulan sila'y gaya na ng mga kastilang walang respeto sa karapatan ng bawat mamamayan. Mabuti pa noon na ang mga manunupil ay mga dayuhan 'di tulad ngayon na ang mismong nasa kapangyarihan ang umaabuso at pumapaslang sa pangarap ng bawat pilipino.


Matagal nang tumatangis ang bansa.
Panahon pa ng Kastila.
Panahon pa ng Katipunan.
Panahon pa ng Amerikano.
Panahon pa ng mga Hapon. At hanggang ngayon sa kamay ng huwad na Kasarinlan. Hindi na matapos, hindi matigil sa pagkubkob ng mga tarantado hanggang sa siguro'y masaid na ang lahat, hanggang maubos na ang kayamanan. Marahil kung ikaw ay buhay sa panahong ito mananawa ka sa katatanong ng: Hanggang kailan ang ganitong kalagayan ng aking Inang-Bayan?


Sa modernong panahong ito na ang lahat ng bansa'y patungo na sa kaunlaran maliban sa ating bansa, tila bumabalik kami sa 'di magandang pahina ng ating kasaysayan.
Hindi ba't sa iyong panahon ay may mga pilipino ring nagtaksil?
Hindi ba't ang pumaslang sa'yo ay iyong kapanalig umano?
Hindi ba't wala silang awa nang ikaw ay kanilang kitilin?
Hindi ba't ikaw at sampu ng marami pang mga dakila ay inagawan ng karapatang mabuhay ng iyo mismong kadugo at kalahi?


Tila bumalik nga ang nakaraaan. 
Tila naulit nga ang kasaysayan. 
Ang mga pilipinong sakim at taksil na ito'y nabuhay na muli sa kasalakuyang panahon -- sila ang naghuhudas sa bansa na nagkukunwang tutulungang makaaahon ang bansa mula sa pagkakadapa. Gaya mo marami pa rin namang mga pilipino ang nakikipaglaban sa karapatan ng mamamayan; nakikipaglaban para sa magandang kinabukasan. Hindi ko nga lang batid kung may magandang kahihinatnan ba ang pakikidigma ng mga pilipinong nasa kabundukan na niyayakap ang rebolusyon at himagsikan. Bagama't inaalipusta ang mga pilipinong nakikibaka sa lansangan na may kahalitulad na prinsipyong iyong ipinaglaban hindi pa rin sila nagsasawa magsagawa ng demonstrasyon laban sa pamahalaan.


Naitala sa kasaysayan ng bansa ang isinagawa ninyo noong 'Unang Sigaw' sa Balintawak. Naging popular at naging inspirasyon ito ng mga pilipinong may paninindigan para sa bayan. Ang masaklap lang, ang 'sigaw' na ito higit isang siglo na ang nakalipas ay sigaw pa rin ng milyon-milyong pilipinong sadlak at sabik sa kaunlaran. Sila'y 'di tumitigil sa pagsigaw hanggang sa ang sigaw nila ay naging pagtangis, naging palahaw at ngayo'y pagmamakaawa.


Siguro kahit ilang Andres Bonifacio pang tulad mo ang makipaglaban para sa kanyang kababayan ay walang magaganap na pagbabago hangga't walang lubos na pagmamahal sa bayan ang bawat pilipino. Ganunpaman, kaming mula sa bagong henerasyon ng pilipino ay nagpapasalamat sa iniwan mong legasiya ng katapangan at tunay na pag-ibig para sa bayan. Ang iyong alaala at lahat ng nagawa ninyo sa bayan sampu ng iba pang mga bayaning literal na nagbuwis ng dugo at buhay ay magiging inspirasyon ng kabataang pilipinong may pagpapahalaga sa bansa at kasaysayan. Patuloy naming aalalahanin at isasapuso ang iyong tinuran na: "Wala nang pag-ibig ang hihigit pa sa pag-ibig sa tinubuang lupa. Wala na nga, wala."


1 comment:

  1. Pansin ko lang ang lakas ng comeback ni Supremo this year!

    ReplyDelete