Biyernes. 7:44 PM.
Late na naman ako sa usapan
namin ng girlfriend kong si Dianne na 7 o'clock.
Siguro mag-iisang oras na
siyang naghihintay sa aming paboritong fastfood rendezvous na may islogang: ‘Love Ko 'To’ pero sa nararanasang
pagkainip ni Dianne sa sandaling ito tiyak na mapapapalitan ng 'hate' ang
'love' niya para sa akin.
Kung bakit kasi sa dinadami
ng araw, ngayon pa biglang nagloko ang cellphone ko. Badtrip. Hindi ko tuloy na-advise
sa kanya na loaded ang paperworks sa office at ako’y mali-late. Sa Binondo siya
nag-oopisina, Parañaque ako. Isang oras na biyahe para sa 14.41 kilometers na
distansiya pero sa siyudad kung saan parang Facebook na mahirap iwasan ang
‘traffic’ – madalas itong nado-doble.
Ngunit hindi hadlang ang tagal
ng biyaheng 'yon para sa akin at ang 14.41 kilometers na layo namin sa isa’t
isa ay magsisilbing numero lang para sa tulad kong umiibig.
'Yung iba nga’y LDR
ang sitwasyon pero napapanatili ang relasyon, kami pa kaya na hindi naman
tawid-dagat ang distansiya.
Kakatila lang ng ulan.
Automatic na ang ‘traffic’ dahil – may baha, may mga stranded, may magkakasagiang
sasakyan, pundidong traffic lights at idagdag mo pa ang sirang kalsadang
ginagawa o gawang kalsadang sinisira.
Habang papalapit ang minamaneho
kong sasakyan patungo sa tagpuan namin ni Dianne, patuloy namang nadadagdagan
ang aking inis at kaba. Inis, dahil magkakadugtong na halos ang mga kapalpakan
ko sa kanya. Kailan lang kami nagkabati pero heto gumawa na naman si Destiny ng
paraan upang mayroon kaming bagong pagtatalunan. Kaba, dahil si Dianne kasi ang
babaeng kung magalit ay may pagka-sarcastic. Hindi siya nananakit pero 'yung
mga banat niya ay kayang daigin ang mga banat nina Papa Jack at Ramon Bautista.
8:25 PM. After the classic
tale of the series of unfortunate events, narating ko ang Sta. Cruz. Naghanap
ng parking at agad na naglakad. Tanaw ko mula sa aking nilalakaran ang Sta.
Cruz Church. Nag-sign of the cross. Pumikit sandali. Humiling sa Kanya na wala
sanang maganap na digmaan sa pagitan namin ni Dianne. Pagod ako, ayokong
makipagtalo.
Sa entrada ng pintong
salamin ng McDo ay kita ko agad si Dianne. Nakaupo. Walang kibo. Maganda siya
sa suot niyang kulay beige na uniform. Nakatitig sa kulay beige ring dingding. Kung
mayroon siyang optic blast tulad ng kay Cyclops sigurado kanina pa nag-aapoy
ang buong establisimyentong kinatitirikan ng fastfood na ito.
Huminga muna ako nang
malalim. Binuksan ang pinto.
Hinanda ang sarili sa
posibleng labanan ng Brgy. Ginebra at Rain or Shine. Ako 'yung Ginebra, 'yung
laging talunan at siya naman 'yung Rain or Shine 'yung laging palaban.
Tsugtsugtsugtsug. Parang tunog ng lumang tren ng PNR ang lakas ng kaba ng dibdib ko.
Tiyak kong isa itong fear: Diannaphobia.
"Hi." maiksing bati ko. Pambasag ng tensyong kanina pa marahil naghahari at
gustong kumawala sa lugar na ito.
Ayokong tingnan ang mukha ni
Dianne. Ayokong makita ang mga mata niyang tila kayang sumugat ng balat dahil
sa sobrang talas makatingin at ang dalawang kilay niyang humugis boomerang at
'di na makita ang patlang sa pagitan. Ang maamong si Dianne ay alter ego ng mabangis
na dragong si Smaug sa tuwing nagagalit.
Wala akong maisip na sasabihing
magpapakalma sa nararamdaman niyang pagka-inis. "Kanina ka pa?!"
Shet. Mali ang approach ni
Justin.
"Tinatanong mo kung kanina pa ako?!" at lumabas na nga ang
nagngangalit na apoy mula sa bunganga ni Smaug.
"Usapan natin alas-siyete 'di ba? Anong oras na? Taga-Bangkok ka ba at ‘di mo nalalamang late ka na ng
mahigit isang oras? Nabilaukan na ko sa kakakain ng mga nasa menu dito pero ni
isang text man lang hindi ka nagparamdam? Kanina pa ako mukhang tanga dito na
nakaupo at naghihintay sa ireponsable kong boyfriend na hindi ko alam kung
nabunggo ng pedicab ang minamaneho niyang bulok na kotse tapos itatanong mo
kung kanina pa ako?!"
Walang patid na rapido ni
Dianne.
Pakiramdam ko'y binigwasan
ako ng kung ilang ulit ng mga kamao ni Da King at hindi ko man lang makuhang
depensahan ang sarili ko. Oo, sira ang cellphone ko pero pwede naman akong maki-text
sa ka-officemate ko 'di ba?
"Bakit hindi ka nagti-text! Bakit hindi ka tumatawag? Wala ka bang
pang-load? Bakit 'di mo na lang ibenta 'yang kotse mong kakarag-karag para may pangload
ka? Nananadya ka bang talaga?! Sobra ka na ah, lagi ka na lang ganyan!"
Gusto kong sumagot. Gusto
kong mangatwiran.
Kawawa naman ako at ang 1995
Toyota Corolla ko na lagi na lang pinagdidiskitahan sa tuwing nagkakaroon kami
ng diskusyon.
Minsan na rin kasing
naghintay ng mahigit dalawang oras sa akin si Dianne at ang dahilan:
namamatayan ng makina ang aking ‘vintage’ na kotse. Second anniversary namin
nun at may dinner date kami sa isang restoran sa SM North. Mabuti at sa bahay
nila sa Malabon ko siya susunduin, hindi gaanong nakakainip, dahil kung
nagkataon baka magpantay na ang kulay ng kanyang iris, pupil at cornea sa kahihintay.
"Pasensiya na. Nasira kasi 'yung kotse e, namamatayan ng makina." my valid explanation.
"O, di ba sira ka rin? Bakit 'di ka pa namamatay?" bungad siya sa akin na
nakangiti. Siguro'y alam niyang lampas ang kanyang biro, kaya 'yung ngiti
niyang iyon ang magsisilbing peacemaker sa kapilyahang kanyang nasabi. Nasiraan
ka na, ang dungis mo na, ganun pa ang maririnig mo. At sa awa ng bathala ng mga
kotseng palaging sira ay natuloy naman ang dinner date naming ‘yon.
Center of attraction na
kaming dalawa ni Dianne.
Nakapako na ang tingin sa
amin ng papaunting customer ng fastfood at lahat ng crew ng McDo. Tumigil muna
sila panandali sa kanilang ginagawa upang panoorin ang isang championship game
sa pagitan ng dalawang magkaribal na team: Brgy. Ginebra at Rain or Shine.
Tambak ang Ginebra, 96-69. Mismatch ang laban.
Inis na tumayo si Dianne.
Kinuha ang bag. At akmang aalis na nang hawakan ko siya sa braso. "Magpapaliwanag ako!" gusto
kong ipaglaban ang aking karapatan bilang isang inaaping mamamayan. "Wala akong kasalanan!" ito
ang mga gusto kong ikatwiran sa kanya pero alam kong walang saysay ang anumang aking
eksplanasyon, gaya ng pangangatwiran ng isang suspek sa krimen na hindi
pinakikinggan ng mga otoridad kahit bago pa nila arestuhin ang mga ito'y
sasabihin na nilang: "Sa presinto ka
na magpaliwanag!"
"Honey naman, 'wag ka namang umalis, please. Matrapik lang talaga
kaya ako late. Hindi kita na-text o natawagan kasi nagloloko 'yung cellphone ko,
namamatay." walang joke, 'yun talaga ang rason.
"O di ba nagloloko ka rin? Bakit 'di ka pa namamatay?!" mataas ang kanyang
boses.
Pumalo na yata sa 160kph ang
gauge ng kanyang Toyometer. Ang sinumang humarang ay tiyak na masasaktan at
masasagasaan. Mapapaslang.
Hindi ko siya masisi. Higit
limang buwan pa lang ang nakararaan nang mahuli niyang nagloloko ako. Erratum:
magloloko. Hindi ko naman kasi alam na naka-saved pala sa conversation history
ang lahat ng palitan ng message namin ni Jill, 'yung liberated na dating OJT nila
Dianne. Bunga ng katangahan at hindi eksperto sa pagloloko, 'di ko nalogged-out
sa laptop 'yung YM ko.
Ang malas ko lang dahil laptop
ni Dianne ang gamit ko nun.
Hi. Thanks sa pag-accept, ha?
Welcome. Nauna ka lang na mag-add e, ako sana ang mag-aadd sa'yo.
Kumusta?
Okay lang. GF mo si Ma'm Dianne 'di ba?
Yep. Why? Problem?
Wala naman. Just asking. Baka kasi magalit siya, alam mo na...
Ba't naman siya magagalit? May ikakagalit ba siya?
Hmmm. Wala pa naman. Hihihi…
Haha. I like you. You're frank.
Likewise. GTG muna. I have something to do. We'll talk about it
sometime.
Okay. Take Care. Next time na lang.
Pero pasalamat na rin akong
naagapan ni Dianne ang first and last attempt kong lumandi kundi ay baka may
mas malalang nangyari. Baka hindi ako mabigyan ng second chance at tuluyang mawala
si Dianne. Hindi worth na mawala sa akin ang Dianne ng buhay ko para lang sa
isang estrangherong si Jill.
Ang problema, sa tuwing mayroon
kaming pagtatalo – ang isang pagkakamali kong 'yon ang lagi niyang bukambibig,
ang lagi niyang sinusumbat. Parang 'yon na ang naging sukatan ng aking pagkalalake.
Kinabukasan, kinompronta ako
ni Dianne. Sa Skype.
Pilit ko mang pangatwiranan
ang nagawa kong pagkakasala pero tila wala akong lusot para akong miyembro ng Akyat-Bahay
gang na huling-huli sa CCTV in HD.
Galit na galit siya.
Bagama't hindi ko nakikita ng sandaling 'yon si Dianne ramdam kong nag-transform
na naman siya sa pagiging mabangis na dragon.
Pero nang time na 'yun under
repair ang laptop ko. Nagka-crash ang internet.
Kaya't ako nang tumawag sa
kanya. Kahit alam kong makakatikim ako ng mga 'sweet nothings' mula sa kanya,
hindi ko na 'yun inalintana – ang mahalaga ay maplantsa agad ang nagugusot na
relasyon namin ni Dianne.
"Honey sorry! Wala naman akong ibig sabihin dun sa chat!"
"Ako pa talagang lolokohin mo?! Na-jireh Lin ka na, ayaw mo pang
umamin? Anong palagay mo sa akin, fan ng teleserye na makukuha ng drama at
sorry mo? Bakit ayaw mong magreply sa chat? May kachat ka namang iba siguro no?!"
"Hindi, wala akong kachat. Nagloloko kasi 'yung computer ko e,
nagka-crash..."
"O, 'di ba nagloloko ka rin? Bakit 'di ka pa magcrash?!"
Parati akong barado sa
tuwing mayroon kaming pagtatalo.
Kung pareho kaming abogado
at siya ang katunggali ko sa korte malamang lagi akong talo sa kaso dahil sa bilis
niyang mag-isip.
Hinabol ko si Dianne.
Hindi niya kailangang
tumakbo dahil 'yung mga hakbang niya’y singbilis ng mga pasaherong humahangos
sa jeep tuwing rush hour. Para kaming mga pusang naghahabulan sa ibabaw ng
yerong bubungan, siya 'yung pusang tumatakbong palayo at ako 'yung pusang
gustong makaiskor.
"Dianne, ano ba? Please naman mag-usap naman tayo!"
Huminto siya sandali.
Binuksan ang bag, tila may
hinahanap.
Akala ko'y pagbibigyan ang
pakiusap ko ngunit may kinuha lang pala sa bag at tumuloy ulit sa mabilis na
paglakad.
Sa LRT ang kanyang
destinasyon. Carriedo Station.
LRT card pala ang kanyang
kinuha sa bag na agad niyang in-insert sa slot ng barrier. Wala akong card at
kung pipila naman ako para bumili nito'y siguradong hindi ko na siya aabutan sa
haba nang nakapilang commuter. At isa pa'y baka ma-carnap ang prize possession
kong sasakyan. Wala akong magawa kundi tanawin papalayo si Dianne na hindi man
lang nakuhang ako'y lingunin.
Wala siyang awa sa isang
taong gutom, pagod at alipin ng pagmamahal.
At tuluyan na ngang naglaho
si Smaug. Sumuot at nagkubli sa malawak na kabundukan ng Erebor.
Sabado. Pasado alas-diyes ng
umaga.
Pagka-almusal ay diretso ako
sa internet shop. Hindi upang i-chat si Dianne. Hindi muna ngayon.
Nag-browse sa Facebook.
Sinilip ang account ni Dianne na 3 days ng walang update. Nagbasa ng dati
naming conversation. Naglogged-out.
"Anak, may problema ba kayo ni Dianne? Nag-aaway ba kayo?" magkakasunod na tanong ni
Mama na may naka-implant yatang radar sa katawan.
"Wala po." ewan ko kung makukumbinsi siya sa sa sagot kong
'yon. Ayokong mag-open up. May plano ako at alam kong ito’y epektibo.
Linggo. Pasado alas-diyes ng
umaga.
Pagka-almusal ay diretso ako
sa internet shop. Hindi upang i-chat si Dianne. Hindi muna ngayon.
Nag-browse sa Facebook.
Sinilip ang account ni Dianne na 4 days ng walang update.
Nagbasa ng dati
naming conversation. Naglogged-out.
"Anak, may prob..."
"Wala nga po." putol ko sa itatanong ni Mama. Napailing siya. Alam
kong hindi siya naniniwala pero 'di na siya nag-usisa.
Isang weekend ang lumipas na
nakatiis akong hindi kausapin si Dianne. Sa three years naming relationship,
first time nangyari 'yon. Ni tawag o kahit isang text message mula sa kanya ay
wala akong na-receive. Paano nga pala mangyayari 'yun e sira nga ang cellphone
ko.
Ang totoo, sinadya kong
hindi makipagkita o makipag-communicate sa kanya. Paraan ko ito ng protesta
para sa napapadalas na inconsiderate and childish behavior niyang parang
riding-in-tandem na bigla-bigla na lang sumusulpot.
Lunes. Holiday. Pasado
alas-diyes ng umaga.
Pagka-almusal ay diretso ako
sa internet shop. Upang i-chat si Dianne. Ngayon na ang tamang oras. Dahil hindi
na lang cellphone, laptop o ang kotse ko ang dapat na ma-repair kundi ang relationship
namin ni Dianne.
Nag-browse ako sa Facebook.
Sinilip ang account ni Dianne na 5 days ng walang update.
Naka-online siya.
Hi.
Hi.
Kumusta?
I'm fine. Ikaw, kumusta?
Heto okay na. Nakausap na kita e. Galit ka pa?
Hindi na. Daya mo.
Bakit?
Two days kang hindi tumawag o nagtext. Do you still care?
Of course, I care. Sorry for being unfair pero gusto ko lang kasi
magkaroon ka ng realization.
I’m sorry for being childish and inconsiderate.
Nag-sosorry ka ngayon pero 'pag nagkaroon ako ng kahit kaunting atraso
sa'yo isinusumbat mo naman ang dating pagkakamali ko. I love you Dianne. Sana
pagkatiwalaan mo ako. Past is past at pinagsisihan ko na kung anuman ang naging
kasalanan ko sa'yo. I missed you Dianne. I really missed you.
Sa sobrang pagka-miss ko sa'yo 2 days kong binabalik-balikan 'yung mga
conversation natin dati.
O, anong nangyari?
Ayun, imbes na mabawasan'yung pagka-miss ko sa'yo lalo lang kitang na-missed.
Wow. I missed you too, Justin. Sorry talaga.
Wait for me. I'll go there.
Okay, I will wait. I love you.
I love you too.
-End of conversation.
"O humahangos ka, sa’n ang punta mo?" usisa ni Mama.
"Ligo lang ako 'Ma. Punta ko kina Dianne. Iri-repair ko lang ang
relationship namin!"
Muling umiling si Mama at
napangiti. Siguro nasa isip niya: "sabi
ko na eh".
Malayo ang Imus sa Malabon
pero walang halaga sa 'kin 'yon dahil mas mahalagang makarating ako kina
Dianne. May magandang plano akong matagal-tagal ko nang gustong gawin.
Tumungo muna ako sa mall.
Naglunch. Bumili ng favorite ni Dianne na JCO doughnut, dozen of roses, CD,
picture frame, cellphone (kapalit ng pahamak kong cellphone) at isang statuette
ni Mama Mary. Sumaglit din ako sa Jewerly Shop saka nagdiretso sa giftwrapping
counter.
Walang awkward moment sa
pagitan namin ni Dianne kahit galing kami sa isang pagtatalo at dalawang araw
na 'di nagkita dahil mas nanaig ang pagkasabik namin sa isa't isa. Isang
mahigpit na yakap at mainit na halik ang isinalubong ni Dianne sa akin kapalit
ng pasalubong kong roses at box of doughnut.
Bumalik na ang maamong Dianne
na kilala ko.
"And here's another box for you..." isang may kalakihang
box ang inabot ko sa kanya habang umuupo kami sa sofa.
"At ano naman ito? Nagawa mo na ang gimik na ito dati 'di
ba?" nakangiti
si Dianne na tinanggap ang kahon. Nakakunot ang noong nag-iisip.
"Hindi. Bago 'yan. Open it." ang tinutukoy niyang nagawa
ko na ay ang niregalo kong isang malaking box noong aming first anniversary.
Naglalaman ito ng pitong maliliit ding box na may kanya-kanyang label at iba't
ibang item sa loob.
For your eyes: contact lens cleaner
For your arms: Guess wristwatch
For your head: isang dosenang Dolfenal
For your ears: a pair of earrings
For your nose: Watson’s nose pack
For your finger: a gold ring
At ang pinakaespesyal
kunwari ay ang may label na 'For your
heart' na ang laman ay picture kong naka-frame.
Ang araw na 'yon ang isa sa pinakamemorable
at pinakamasayang araw namin ni Dianne.
Isa-isang nilalabas ni
Dianne mula sa box ang statuette ni Mama Mary, kahon ng O+ cellphone, flashcard na letter 'U', CD ni Willy Revillame at isang
picture kong naka-frame.
Lalong kumunot ang noo ni
Dianne, parang papel na nilamukos ng isang writer na na-mental block ang mukha.
Hindi niya makonek ang mga bagay na 'yon sa kanya.
Unang-una, hindi siya fan ni
Willy Revillame at wala ni isang kanta nito ang kanyang nagustuhan.
Hindi siya Marian Devotee at
‘di rin siya naniniwala sa santo.
Aanhin niya nga naman ang
isang empty box ng cellphone at flashcard na letter 'U'.
Ang tanging may koneksyon
lang sa kanya sa mga 'yon ay ang nakakaumay na picture kong naka-frame.
"Habang iniisip mo kung ano ang kahulugan ng mga 'yan, mag-CR muna
ako,’ ney."
Tila hindi ako narinig ni
Dianne. Sa itsura niyang 'yon para siyang chess grandmaster na nasa kalagitnaan
ng isang tournament. Nakatungo. Malalim ang iniisip.
Kung paano ko siya iniwan
bago ako mag-CR ay ganun pa rin ang posisyon niya ng aking balikan. Nakatungo
at nakatuon sa center table habang sinasalansan ang limang mga bagay na nasa ibabaw
nito.
Mahabang limang minuto ang
lumipas.
At na-arrange din niya sa
wakas ang limang bagay na tila jigsaw puzzle na matagal niyang binuo at pinag-isipan.
Naunawaan na niya ang mensaheng nais kong sabihin.
>Willy Revillame CD
>O+ cellphone box
>‘U’ Flashcard
>Mama Mary statuette
>Framed picture of myself
Limang bagay na ayon sa
pagkasunod-sunod ay mangangahulugang:
WillyOUMaryMe?
Tila parang batang
nasurpresa si Dianne na napatingin sa aking kinauupuan.
Umiiyak sa kaligayahan.
"I love you, Justin. I love you. And yes, I will marry
you..." lumuluhang
sabi sa akin ni Dianne habang mahigpit niya akong yakap-yakap.
Sa nararamdaman kong 'yon
tila gustong kumawala ng puso ko mula sa aking dibdib dahil sa labis-labis na
pagkabog nito. Ginantihan ko siya ng mahigpit na yakap at halik. Habang
nag-uumpisa na ring tumulo ang aking luha.
Kapwa na kami humihikbi.
"I love you Dianne. I love you so much. Three years ago nang
maging boyfriend mo ako, despite the ups and downs, inspite of my shortcomings,
tayo pa rin. You may be childish and I have failed you once, pero hindi naman
'yun ang importante dahil ang higit na mahalaga ay natuto tayo sa mga naging
mali natin. You are still here with me and I am still here, loving you. I may
not promise you forever but I will love you as long as my heart keeps on
breathing. I may not be perfect but we can do many things perfectly. Ikaw ang
aking gasolina at pamasahe naman ako – ikaw ang dahilan kung bakit patuloy akong
nagmamahal..."
"Honey, ang corny mo ha...but I love you. I love you so
much.·" humihikbi pa rin siyang
nakayakap sa'kin.
Pakiramdam ko'y parang
eksena sa Hollywood movie na love story ang tema ang eksena naming ‘yun ni
Dianne. Kahit 'di na halos tumitigil sa pagtulo ang magkahalong sipon at luha namin,
masasabi kong kaming dalawa ang pinakamasayang tao sa mga sandaling ito.
Kinuha ko mula sa aking
bulsa ang isang maliit na box na naglalaman ng engagement ring na aking
pinag-ipunan – ang maliit na bahagi ng aking dahilan kung bakit laging under
repair ang aking kotse, cellphone at laptop. At ang kabuuan ng pag-iipong ito’y
aking ilalaan para sa kasal namin ni Dianne sa lalong madaling panahon.
"Ms. Dianna Torres of Malabon…Will you marry me?" nakaluhod akong hawak
ang singsing sa isang maamong anghel na nasa aking harapan ngayon.
"Yes. Mr. Justin Gatchalian
of Imus. I will marry you!" at muli na namang bumaha ng luha sa Malabon na
naging dahilan nang pagkaantala ng mga sasakyang patungo rito.
Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor:
Woooooow ang galing :D
ReplyDeleteSalamat Memories without an 'O' :)
DeleteBiglang may surprise proposal sa huli? *hahaha* Nawa'y maging masagana ang pag-iibigan nila Justin at Dianne; sana mas mag-work sila ngayong magiging mag-asawa na sila. :)
ReplyDeleteGood luck Kuya Ramil! Libre kapag nanalo huh! lol
Kahit hindi manalo Sep, ititreat kita 'wag ka lang umalis sa pagbablog. huhu
DeleteHanep ang creativity ng writing mo dito kuya. Lalo na yung proposal.
ReplyDeleteSana may ganitong creativity din ang utak ko pagdating sa pagsusulat ng love story. hehe
Goodluck sa SBA :)
Namiss ka namin Sir Bagotilyo! Kumusta naman?
Deletepahumble pa ito, alam naman naming mahusay ang creativity mo pagdating sa mga ganitong sulatin,
salamat sa goodluck. abangan namin 'yung sa'yo. :)
Ang kulit! haha gusto ko yung marriage proposal. Sobrang unique.
ReplyDeleteSalamat sa pagbisita. Mabuti at kahit papano nagustuhan mo 'yung mga ganitong akda. :)
Delete