Tuesday, October 14, 2014

Kalsada

Naisip ko lang na ang kalsada ay may koneksyon pala sa kalagayan ng tao…

May limang uri ng kalsada tayong nilalakaran; matubig, mabato, lupa, aspaltado at sementado. At ang limang uri ng kalsadang ito’y maaaring maihahambing sa tao o sa kanyang kalagayan sa buhay.


1. Matubig – kalsadang hindi pa man umuulan ay baha na at lalo pang tumaas ito kung may ulan, higit pa kung may bagyo. Bahang minsan’y lumalampas pa sa tao. Ang kalsadang ito’y sumisimbolo ng mga mamamayang mahihirap, aba, mga taong kinapos ang kapalaran na umulan o umaraw man ay may kinakaharap na problema (tubig). Ang bahang hindi humuhupa ay ang pagkalugmok ng isang tao sa tubig ng kahirapan, may pagnanais man siyang makaalpas mula dito ay may iilang dahilan kung bakit ‘di niya ito kaagad magawa. Baradong estero na pwedeng sabihing sumisimbolo ng korapsyon, mababang lugar na maaring ihalintulad sa kawalan ng oportunidad at kawalan ng aksyon na maaring sabihing walang pagsisikap mula sa mismong taong lumalakad sa baha.


2. Mabato – kalsadang malubak at ‘di komportable ang paglakad o pagbiyahe. Nasa bracket na ito ang mga taong nagsusumikap na makaalis sa mahirap na sitwasyong kanilang kinalalagyan ngunit ‘di madali ito para sa kanila dahil ang bawat pagkilos nila’y may lubak (problema), bawat pag-apak nila’y kadalasan sila’y nasasaktan na nagiging dahilan ng pagkaantala ng kanilang paglalakad. Depende sa taong lumalakad dito kung hanggang saan at hanggang kailan niya kakayanin ang mabatong kalsada upang makarating sa malupang kalsada.


3. Lupa – kalsadang maalikabok kung tag-init at maputik naman ‘pag umuulan na kung minsan ay nakararanas din ng baha. Ang kalsadang ito’y mga mamamayang masisikap at may matinong trabaho ngunit dahil sa init ng araw (pagkahumaling sa 'di gaanong mahalagang bagay) idagdag pa ang panaka-nakang alikabok ay lumalabo ang daang kanyang tinatahak. Sa pagsapit ng tag-ulan kung ‘di nakapaghanda ay mabagal at mahirap ang paghakbang. Bagama’t mas komportable ang paglalakad dito kumpara sa matubig at mabato hindi naman nangangahulugang madali kang makakarating sa gusto mong destinasyon. Ang init ng araw at ang ulan ay dapat na pinaghahandaan.


4. Aspaltado - kalsadang komportable at mabilis kung lakaran pero vulnerable naman sa baha dahil madaling mabutas. Kung susuriin okay naman ang aspaltadong kalsada almost perfect na ito ‘wag lamang palaging maulan dahil katagalan ay magkakabutas at madidelay ang paglalakad. Mahahalintulad sa mga taong medyo nakakaangat na sa buhay. Hindi na matubig, hindi na mabato at hindi na malupa ang kanilang paglalakbay – may mga bahaging malubak na ‘di naman kayang iwasan dahil darating talaga ang ulan kahit anong gawin. Sa kalsadang ito hinuhulma ang isang tao kung paano niya i-handle nang matagal ang paglalakad sa komportable na kung kanyang mapapabayaan at tuluyang mabubutas maaring bumalik siya sa kung saan siya nagmula.


5. Sementado – kalsadang matibay at matatag. Mabilis ang paghagabis kung saang lugar mo man nais magpunta. Kabilang na rito ang mga taong maalwan (mayaman) na ang pamumuhay. Bagama’t may katigasan ang kalsadang ito, ito naman ang sumisimbolo ng tikas ng mga taong nasa ganitong estado. Samantala ang pagtakbo ng sobrang bilis ay minsang nagreresulta sa kapahamakan. Ang paglalakad sa sementadong kalsada ay ‘di assurance na habangbuhay ito maari kasing may bahagi ng kalsada na hindi matibay ang pundasyon na magreresulta sa pagguho kung ‘di maagapan.


Saan ka mang kalsada naglalakad, saan ka mang bracket nabibilang – lahat naman ito ay may dulo o hangganan. Hindi (gaanong) mahalaga kung matubig, mabato, malupa, aspaltado o sementado ang iyong ginamit na kalsada dahil higit na mahalaga ay nakarating ka sa iyong pupuntahan ng ‘di ka nandaya o nang-agrabyado ng tao.


Ikaw, saang kalsada ka naglalakad?

2 comments:

  1. Nasa lupa lang ako naglalakad. Sana balang araw, makalakad din ako sa sementadong daan. :)

    ReplyDelete