Tuesday, May 1, 2012

Para sa Manggagawang Pinoy



Manggagawa, empleyado, obrero- iba't ibang salita ngunit iisa ang ibig sabihin. Mga taong taga-sulong ng ekonomiya, mga taong pundasyon ng isang bansa, mga lakas sa likod ng matatayog na kapitalista. Minsang naging mag-aaral na ngayo'y nagsusumikap para umasenso at makaahon, may maipakain sa pamilya at kumakayod upang sila naman ang makapagpa-aral.

Hindi biro ang mag-aral at magpa-aral.
Daan-daang libong piso ang iyong kakailanganin para makapagpatapos ka ng isang estudyante. Isama mo pa diyan ang humigit-kumulang na labing-anim na taon na igugugol sa loob ng silid-aralan at ang libo-libong oras sa pagbabasa ng kung ano-anong references may kinalaman man ito o wala sa kinuhang kurso.
Pagkatapos ng lahat ng ito ay ano? 
Anong trabaho ang maibibigay ng pamahalaan o ng mga pribadong kompanya sa mga anak o magiging anak natin? 
Anong programa ang nakalatag para sa mga nakapagtapos ng apat na taong kurso? O para sa mga undergraduate? 
Mahirap isipin, nakakabahala at nakakapraning. Bakit ba naman hindi ka mababahala e pagkatapos ng mahabang panahon na pagsisikap at pagtitiyaga mo at ng iyong anak na mag-aral ay wala naman pala itong matinong mapapasukang trabaho. Lubhang mahigpit ang kumpetisyon para umasenso ka dito sa Pilipinas sa maraming kadahilanan. Kadahilanang ang resula'y kadalasang hindi papabor sa isang dating estudyante na nagtatangkang magtrabaho at sinisimulang buoin ang kanyang pangarap. Kaya nga umabot na sa 11 milyong pilipino ang ngayo'y naghahanap-buhay sa iba't ibang mga bansa sa pag-asang umasenso at umunlad at para na rin sa kani-kanilang mga pangarap.

Kung noong kabataan mo ay tinamad kang mag-aral o sadyang wala kang interes dito o hindi ka pinalad na makapagtapos ng pag-aaral sa kahirapang dahilan malamang na kalalabasan mo sa buhay ay tambay, palamunin o may mababang uri ng hanap-buhay. Dahil halos lahat yata ng a-applyan mong trabaho ay nagre-require ng at least college level; messenger, clerk o storekeeper man 'yan. Huwag mong sabihing nasa diskarte ang pag-asenso dahil applable lang 'yan sa limitadong tao; hindi lahat ay magaling dumiskarte nang kung ano mang skills 'yan. Sa kalagayan ngayon ng ordinaryong manggagawa o empleyado panaka-naka ka lang makakahagilap ng matinong employer at matinong pasahod. Lalo't kung ikaw ay nagtapos sa hindi popular na paaralan o pangkaraniwan lang ang iyong talino at talento. Kung akala ng isang bagong graduate na natapos na ang lahat ng kanyang paghihirap matapos ang mahabang panahon ng pag-aaral isa itong malaking pagkakamali!

Dahil sa kakulangan ng sistema, isang malaking paghihirap ang pagkuha ng kung ano-anong requirements na kailangan sa pag-aaply ng trabaho; unang-una na rito ang pagkuha ng NBI clearance, naranasan mo bang kumuha nito? Kahit relihiyoso ka'y tiyak na mapapamura ka sa kupad ng pila at kakulangan ng pag-aaral kung paano maiibsan ang ilang dekadang problemang ito. Ilang oras at pasensiya din ba ang kakailanganin mo sa pagtungo mo sa opisina ng SSS, BIR at iba pang ahensyang may iba-ibang acronym? Sumasalamin lang ito kung anong gobyerno mayroon tayo. Hindi rin madali ang pag-secure ng iba pang documents na simple lang naman kung tutuusin dahil sa makabagong teknolohiya pero tayo'y paurong kaya lumang sistema pa rin ang gamit natin.
Pagkatapos ng lahat ng kalbaryo sa pagkuha ng requirements haharapin mo ang iba't ibang kabiguan sa iyong mga nanaising trabaho na nagreresulta sa unemployment o under-employment - trabahong napilitan kang tanggapin dahil sa pagkainip o dahil wala ka ng ibang opsyon (HRM graduate na nagiging waiter, Criminology graduate na nagiging guwardya, Nursing graduate na nagiging sales clerk, etc.). Kung papalarin ka at agad kang makakapasok sa isang kompanya may kinalaman sa'yong natapos na kurso, huwag mong asahan na malaki ang matatanggap mong sweldo dahil wala kang work experience, wala kang karapatang mag-demand. Dito mo matutuklasan na mas may naiipon ka pang pera noong ikaw ay nag-aaral, mas nabibili mo ang mga gusto mong gamit noong ikaw ay may allowance, mas madali ang buhay estudyante kaysa buhay manggagawa.

Kahit mga higanteng kompanya ay ganito rin ang sistema; maliit na pasahod (minsan wala pa sa minimum) at walang kaseguruhan ang regularization dahil madalas na ipinapasok nila sa agency ang bagong empleyado at niri-renew lang ang kontrata every 5 months o 'di kaya naman ay ililipat. Kung ganito ang napapala ng mga nagsipagtapos ng kolehiyo, ano pa kaya ang kahihinatnan ng mga hindi nakatapos? 
Anong trabaho ang kanilang makukuha? 
Saan sila hahanap? 
Saan ka mag-aapply kung ikaw ay lagpas na sa trenta? Katumbas na yata ng senior citizen ang pinoy na lagpas trentang naghahanap ng mapapasukan dahil limitado ang kompanyang tumatanggap ng ganitong edad hindi tulad sa ibang bansa na may pantay na oportunidad bata man o matanda.
Sa Pilipinas o kahit saan pa kung wala kang impluwensya at kakilalang mag-aayuda sa paghahanap mo ng mapapsukan, maliit ang tsansa mong makapasok sa gusto mong trabaho. Sa halos limangdaang pisong minimum na pasahod sa palagay mo ba'y sasapat ito sa lahat ng ating pangangailangan lalo't kung ikaw ay may pamilya? 

Matagal na ring usapin ang matinong pagpapataas ng sweldo ng manggagawa pero kahit sino pa ang maglupasay sa kalsada, kahit mapatid na ang litid mo sa kakasigaw nang panawagan sa kinauukulan, kahit magkulay uling ka na sa pagbilad ng iyong sarili sa arawan, hindi mangyayari na magkakaroon ng matino at mataas na sweldo ang ordinaryong obrero dahil kaawa-awa daw ang mga employer at baka ikalugi ng negosyo na posibleng magresulta sa pagbabawas ng empleyado. Kaya dagdagan pa ang pagtiis, bawasan ang luho, matutong magtitipid. 
Ngayong Mayo Uno muli na naman nating ipagdiriwang ang araw ng paggawa/manggagawa, dadakilain natin ang kontribusyon ng manggagawang pilipino habang ang mga oligarkiya, ganid na negosyante, pulitikong makasarili ay walang inaalala; namamasyal o naglilibang sa kung saan para sa bakasyon dahil mayroon silang alipin na gagawa ng kanyang pera at bubusogin ang kanyang sikmura anumang oras niyang naisin.
Isang pagpupugay at isang maligayang araw ng paggawa para sa lahat ng dakilang manggagawa! Kayo ang gasolina ng ating bansa, kung wala kayo hindi tayo uusad. Nakakalungkot lang na kayo'y winawalang-bahala at winawalang-hiya.
Tayo'y magdiwang at magsaya pero huwag magpakapuyat dahil bukas maaga kang babangon, tuloy ulit sa pagtatrabaho at paggawa. Ganyan ang buhay pinoy, buhay obrero.
Kung ang lahat ay may pagkakataon malaking porsyento ng mga pilipino ay nanaising magsilbi sa ibang bayan kaysa sa ating inang-bayan. Hindi dahil nais nilang tawaging bagong bayani kundi dahil nais nilang humilagpos sa tanikala ng nabubulok na sistema ng ating bayan.

Ganunpaman, naniniwala pa rin ako na bukod sa pag-aartista at pagiging mapanglamang mahusay na pulitiko, edukasyon pa rin ang susi sa pag-unlad ng ating buhay. Edukasyon sa loob ng silid-aralan kasama ng edukasyon at aral na ating natutunan sa buhay. 

1 comment:

  1. Ang daming salik kung bakit ganito ang kalakaran natin bilang manggagawa. Ilan diyan ay ang bilang ng kumpanya sa Pilipinas kumpara sa dami ng mga naghahanap ng trabaho, maling kurso/karera na kinuha na hindi akma sa estudyante, ang nangyayari tuloy, kung ano lamang ang pwedeng maging trabaho. Ganun din na kung ano ang in-demand na kurso kagaya ng nursing then eventually, kapag sobra na ang demand, hindi na natin alam kung saan saan na sasabak ng trabaho ang mga iyan.

    Kulang sa programa o maling programa ng gobyerno tungkol sa paggawa. Bakit hindi tayo magconcentrate sa pagsasaka, sa turismo. Perang maliwanag iyan.

    Isa pa, mapili ang mga nagsipagtapos, ang gusto de-aircon.

    At marami pang iba. Anupaman, may kalidad ang trabaho ng Pilipino kapag pinag-iigi, patunay ang paghahanap ng ibang nasyon sa mga Pilipinong manggagawa para magtrabaho sa kanilang kumpanya. Ikinararangal.

    ReplyDelete