Tuesday, February 7, 2012

The adventures of Boy Kontra


Isang malabo at magulong usapan nina Emong Matanong at Boy Kontra.

EMONG MATANONG: O Boy, mukhang mainit na naman ang ulo mo ah!

BOY KONTRA: Oo! Badtrip ako.

EMONG MATANONG: Bakit naman?

BOY KONTRA: Pa'no may in-interview kanina sa 24 Oras tungkol sa kahirapan ng mga Pilipino may isang mama ang sabi kaya daw siya mahirap dahil sa gobyerno! Shet! Pa'nong hindi siya maghihirap eh mukha namang hindi siya naghahanap ng trabaho. Lahat na lang isinisisi sa gobyerno eh wala namang pakinabang 'yang letseng gobyerno na 'yan. Hindi niya pa ba alam 'yun?!?

EMONG MATANONG: Hayaan mo na. Baka naman may sarili siyang dahilan 'di ba nga ang sabi eh lahat ng bagay may dahilan?

Biglang tumayo si Boy Kontra at binatukan si Emong Matanong.

EMONG MATANONG : Aray Putsa, Emong! Ba't mo ko binatukan?!?

BOY KONTRA: Wala, gusto ko lang. Gusto ko lang patunayan sa'yo na hindi lahat ng bagay kailangang may dahilan.

EMONG MATANONG: 'Yan ang hirap sa'yo lahat na lang kinokontra mo.

BOY KONTRA: Hindi naman. Marami lang talaga mga maling bagay-bagay na akala ng marami ay tama.

EMONG MATANONG: Tulad nang...?

BOY KONTRA: Tulad ng paniniwalang ang mundo raw ay composed of 70% water at ang natitirang 30% ay land . Mali 'yun. Dahil ang mundo 100% composed of land. 'Di ba 'yung ilalim ng dagat, eh lupa?

EMONG MATANONG: Pilosopo ka naman eh. O sige, ano pa?

BOY KONTRA: 'Yung mga term na "safehouse" at "nakaligtas sa tiyak na kamatayan" na lagi kong naririnig sa mga balita, mali 'yun! Bakit? Meron ba namang safehouse na laging niri-raid at natutuklasan ng mga pulis? Eh 'di hindi na safe 'yun? Narinig ko nung isang araw si Oscar Oyda ng 24 Oras may binalitang biktima raw ng aksidente na "nakaligtas sa tiyak na kamatayan" kung tiyak na kamatayan 'yun dapat hindi siya nakaligtas. Ang gul0-gulo nila magbalita nililito nila 'yung mga tao. Shet.

EMONG MATANONG: Oo nga no? Malalim ka rin pala mag-isip Boy. (sinakyan na lang si Boy Kontra)

BOY KONTRA: Talaga. Tulad ng kasabihang Kung Oras mo, Oras mo na. Hindi 'yan totoo. Paano kung nakasakay ka sa eroplano ta's oras na ng piloto at inatake sa puso. Oras mo na din ba? Ano 'yan damay-damay? O kaya pinatay 'yung kaanak mo ng isang gagong adik at ikatwiran niya sa'yo na: "'senya na po oras na kasi niya!" Tatanggapin mo ba 'yung ganoong kagagong katwiran? 'Di pwede 'yun.

BOY KONTRA: Ilang beses na ring nababalita 'yung tungkol sa drug courier na mga Pilipino sa China may mga nabitay na sa kanila at may mga nakapila pang iba. 'Yung mga naiwang kaanak dito sa 'Pinas sinisisi na naman sa gobyerno kung bakit nabitay 'yung kaanak nila. Nalalabuan ako dun', pa'no naman naging kasalanan ng gobyerno ang kusang-loob na pagdadala ng droga nila sa China? Inutusan ba sila ng Embassy natin? Ang labo 'tol!

EMONG MATANONG: (speechless na nalabuan)

BOY KONTRA: Absence makes the heart grow fonder. May naniniwala pa ba diyan? Sino bang gunggong ang nag-imbento niyan? 'Pag ang dyowa mo nawalay sa'yo sa panahon ngayon malamang maiinlababo sa iba 'yun, tiyak yan. Kahit itanong mo pa sa mga Pinoy na nasa Dubai. Sa umpisa patikim-tikim na parang bisyo hanggang sa makalimutan na ang naiwang dyowa sa 'Pinas. Pa'nong hindi ko alam eh ginawa sa'kin yan! Shet talagang buhay 'to.

EMONG MATANONG: (Sa wakas, may naisip na itanong) Boy, naniniwala ka ba sa walang lihim na hindi nabubunyag?

BOY KONTRA: Isa ring kalokohan 'yan. Kung totoo 'yan alam na ba natin kung sino nagpapatay kay Ninoy? O 'di kaya ano ang lihim sa pagkawala ni Amelia Earhart? Ano ba ang lihim sa pagkawala ng mga sasakyan sa Bermuda Triangle? 'Yung CD ko ngang Inuman Sessions ng Parokya ni Edgar hindi ko pa alam kung sinong lihim na kumuha. Saka lahat naman tayo may tinatagong lihim 'di ba? Ikaw, wala ba?

EMONG MATANONG: (Nawindang at napatunganga. Hindi dahil sa hindi niya alam ang tungkol sa Bermuda Triangle o kung sino si Amelia Earhart kundi dahil siya ang lihim na nagnenok ng CD na Inuman Sessions na lihim ding ninakaw sa kanya ng hindi niya kilala; bumuntong hininga saka nagsalita) Pare speaking of lihim may problema kasi ako. Feeling ko kasi may itinatagong lihim 'yung misis ko dapat ko pa bang usisain at itanong 'yun sa kanya'Di ba ang pagsasabi ng tapat pagsasama ng maluwat?

BOY KONTRA: Depende 'yan kasi hindi sa lahat ng pagkakataon pwede kang magsabi ng katapatan lalo't kung magiging resulta nito'y hindi magiging maganda. Eh 'di hindi na maluwat na pagsasama 'yun? Dahil baka magresulta 'yun sa hiwalayan. Kung sakaling hindi mo matanggap ang lihim na sasabihin niya sa sa'yo baka mag-away lang kayo at mauwi sa hiwalayan. Ang nakaraan ay nakaraan 'wag mo nang balikan at itanong pa.

EMONG MATANONG: Okay. Salamat Boy.

BOY KONTRA: No worries Emong. (humirit ulit) Gusto ko ring idagdag na hindi rin ako sang-ayon sa kasabihang "kung ano ang puno siya ang bunga" sa prutas lang pwede 'yan pero sa mga tao hindi uubra 'yan. Ibig sabihin 'pag gago ang tatay gago din ang anak? Meron sigurong ganun pero hindi sa lahat ng pagkakataon. Kasi maraming Pinoy ang naniniwala sa kung ano-anong shet kaya 'yung mga kasabihan na kasing-tanda pa ng mga ninuno natin ay pinaniniwalaan pa rin. Ako? Hindi ako naniniwala sa mga letseng hula-hula, horoscope o feng-shui na 'yan. Ang tao kaya minamalas kasi tamad! 'Yun lang 'yun, shet.

EMONG MATANONG: Ha? Ah eh si-siya nga Boy, may point ka 'dun.

BOY KONTRA: Oo naman. Nagtataka lang ako, kasi dun sa opisina namin 'yung messenger namin ang narating na education ay college level dahil 'yun daw ang qualification ng HR pero bakit 'yung isang senador natin hindi naman naka-graduate ng High School gumagawa pa ng batas, ano 'yan lokohan? Sabi ko nga sa messenger namin magtiyaga lang siya dahil kung may tiyaga may nilaga. Aba! Ang loko kinontra ako.

EMONG MATANONG: Me kumokontra din pala sa'yo? Hehe.

BOY KONTRA: Kahit nga ako nagulat, hindi lang pala ako ang pala-kontra. Katwiran niya: sampung taon na raw siya nagtitiyagang magmessenger hanggang ngayon messenger pa rin siya. Hindi ako nakaporma, wala akong maisagot. Nawala ang pagiging henyo ko. Kunsabagay, dati kasi naniniwala rin ako na daig ng maagap ang taong masipag kaya lagi akong maaga dati sa trabaho ngayon minsanan na lang kasi mas naniniwala na ko ngayon na daig ng sumisipsip ang taong masipag. Napo-promote na ang dami pa ng benepisyo.

EMONG MATANONG: Ayus 'yan. Sumipsip na lang tayo. Hehe.

BOY KONTRA: 'Lam mo Emong, hindi kita kinukumbinsi sa mga sinasabi ko mga opinyon ko lang 'yan na katulad din ng opinyon ng ibang tao. Mabilis lang kasi ako mainis sa mga nagmamalinis o kaya sa mga naggagaling-galingan. 'Yung mga sumisigaw ng "kung kaya niya kaya mo rin" sa tingin mo totoo 'yun?

EMONG MATANONG: Siguro. Kasi 'di ba 'pag nagpursige ka sa buhay kakayanin mo lahat?
BOY KONTRA: Mali. Hindi lahat kayang gawin ng tao 'yung talento ng iba hindi pwedeng maging talento mo rin. May kanya-kanya tayong galing kaya nga may mga singer, dancer, doktor, engineer, abogado at iba pa. Halimbawang magaling ka sa isang bagay sa ibang bagay naman ay bobo ka kasi nga hindi mo expertise. Gets mo ba?!? (pasigaw)

EMONG MATANONG: Easy lang, Boy. Nag-uusap lang tayo.

BOY KONTRA: 'Sensya na. Nadadala lang ako ng emosyon ko. Meron pa pala isa 'yung magkakontrang dalawang kasabihan. "Huli man daw at magaling naihahabol din" saka "aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo". Ano ba ang tama diyan? Hindi ba ang labo? Kelangan pa bang ipaliwanag na malabo 'yan?

EMONG MATANONG: Malabo nga. Parang 'yung impeachment lang. Ang gulo, ang labo. Nanonood ka ba ng Impeachment?

BOY KONTRA: (uminit na naman ang ulo) 'Tangna! Nagsasayang lang tayo ng oras saka pera d'yan, kahit na ma-impeach pa 'yang si Koronang Tinik wala namang mangyayari d'yan hindi tayo mabubusog ng impeachment na 'yan at hindri yayaman ang Pilipinas o ang isandaang milyong Pinoy diyan, lalaki lang ang bill mo sa kuryente sa kakapanood mo sa walang kwentang palabas na 'yan. Mga honorable lawmakers na nagpaparatangan kung sino ang magnanakaw eh pare-pareho lang naman sila! Sabihin mo nga sa'kin kung sino ang hindi kurakot diyan?

EMONG MATANONG: (hindi nakaimik) Boy, inom na nga lang tayo sagot ko. Sandali bibili lang ako ng dalawang Red Horse.

BOY KONTRA: 'Yang pag-inom inom na 'yan alam nating masama sa katawan natin 'yan pero sige pa rin tayo ng sige. Alam mo ba ayon sa pag-aaral, ang liver related disease ay pangatlo sa Top 10 causes of Death dito sa Pilipinas? At pangatlo rin sa most common form of cancer sa buong mundo? Konting okasyon, inom. Bertday, piyesta, graduation, pasko, bagong taon, may nanalo sa karera o sa sakla, inom, 'pag nagkaumpukan inuman agad. Kaya ang daming nag-aaway dahil sa inom-inom na 'yan, eh.

EMONG MATANONG: 'Kala ko ba si Boy Kontra ka? Kuya Kim ka na rin ba?

BOY KONTRA: Hehe, hindi naman. Nabasa ko lang 'yan sini-share ko lang i-like mo naman! Ang totoo gusto kong uminom muna ng beer bago kumain, pampagana. Sige na, bili ka na nang maumpisahan na natin. Kampai!

Mga aral daw ng kuwento:
  1. 'Wag maniwala sa sabi-sabi. Kung may nais malaman magsaliksik, mag-usisa, mag-imbestiga. Hindi lahat ng balita ay totoo at hindi lahat ng tsimis imbento. Maraming kasabihan ang kalokohan lang tulad ng propesiya o mga hula-hula kuno.
  2. 'Wag umasa sa suwerte. Magsumikap at magtrabaho.
  3. 'Wag isisi sa gobyerno ang kamalasan mo sa buhay. 'Wag din sa magulang mo, sa droga, sa barkada. Wala silang kinalaman sa desisyon mo sa buhay o sa taglay mong katamaran.
  4. 'Wag mag-akusa sa kung sino baka mas madungis ka pa sa inakusahan mo.
  5. Ang buhay ay hindi puro drama minsan may komedya din.
  6. Iwasan makakwentuhan o maka-inuman si Boy Kontra (marami diyan sa paligid mo na ang bisyo'y kontrahin lahat ng kanyang maririnig, may kwenta man o wala).

No comments:

Post a Comment