Paalala: Ang akdang ito ay hindi ginawa upang talikdan, pasinungalingan at kontrahin ang tinuran ni Gat Rizal na "Ang Kabataan ay ang pag-asa ng Bayan". Ito ay isinulat nang ayon sa obserbasyon at kasalukuyang nangyayari sa lipunan.
“Children today are tyrants. They contradict their parents, gobble their food, and tyrannize their teachers.” – Socrates
Hindi pa man kaarawan ni Gat Rizal, bibigyang pansin at espasyo kong muli ang mga kabataang pag-asa ng bayan. Kapansin-pansin naman talaga sila.
Mga kabataang kakaiba at nakakabahala na ang ugali at kilos.
Mga kabataang hindi lang basta kabataan.
Ano ba ang nangyayari sa kanila?
Sila ngayo'y mapupusok, matatapang, walang takot, walang pakundangan, walang pakialam.
Nagbago na nga ang mundo.
Sa murang edad na nasa elementarya pa lamang mga batang lalaki ay walang takot na ihahayag, ilalantad at ipapaskil ang kanilang kabadingan na pilit noong itinatago hangga't maaari. Matatapang na ibi-video ang sarili nakapusturang babae, nakatikwas ang daliri at buong giting na ihahayag ang malalaswang nais sabihin ng isip. Hindi ko alam kung sino o ano ang nag-impluwensiya sa kanila para magkaroon ng ganito kalakas ng loob para ipangalandakan ang napakamurang kalandian. Sa unang tingin, oo nakakatuwa pero kalauna'y hindi mo maiiwasang mapailing. Hindi ko nais na husgahan ang pagiging bakla nila pero talaga lang na nakakabahala. At hindi ka ba mababahala kung aksidenteng makita at mapanood mo sa Youtube na isa sa mga "rumarampang" ito'y anak mo? Saka mo sasabihing hindi ito nakakatuwa.
Sa halip na nasa bahay na nagbabasa ng aralin kasama ang pamilya, marami ang mas nanaising magpunta sa computer shop at maglalaro ng on-line games, mag-uubos ng mahabang oras sa Chat o sa Facebook, o kaya pasimpleng tatambay lang ng napakatagal. Magsasayang ng oras at perang pinagpagurang ng kanilang mga magulang. Kung ang bahay mo'y malapit sa isang computer shop alam mong kahit anong oras ay lagi itong puno at kabataan ang laging laman nito. Hindi masama ang mag-internet, mag-computer o maglaro pero ang lahat ng kalabisan ay masama. Mabuti sana kung ang sipag nilang magtungo sa ganitong lugar ay tinutumbasan din nila ng ganoong sipag sa pag-aaral.
Kapansin-pansin na rin na mga kabataan na rin ang nai-involve sa iba't ibang krimen na hindi lang sa Kamaynilaan kundi sa halos lahat na yata ng panig ng bansa. Mga batang snatcher, jumper boys o batang hamog, mga kabataang ginagamit ng sindikato at meron ding sa murang edad ay sila mismo ang namumuno nito, mga kabataang miyembro ng kung ano-anong gang at walang takot na makikipagrambulan sa mga nakakaaway. Napakatatalinong ipapamukha sa'yo na hindi sila pwedeng ikulong dahil sa umiiral na batas (RA9344- Juvenile Justice and Welfare Act of 2006), halos isampal na sa mukha mo ang dala nilang mga birth certificate katunayang sila ay sakop ng batas. Uulitin ko hindi sila pwedeng ikulong kahit sila'y miyembro ng carnapping syndicate, nagnanakaw o pumapatay. May gatas pa raw sa labi pero alam na kung paanong magnakaw at pumatay.
Kung dati 'pag may kaguluhan sa isang komunidad alam mo na agad na ang pasimuno'y mga adik na nagtitrip, mga lasenggong nagkapikunan o mga sigang maaangas. Sa modernong panahon ngayon mas malaki na ang porsyentong ang mga kabataan ang nag-umpisa ng gulo. Mas mahirap pa sawayin at supilin dahil kumakasa at walang preno sa pagmumura. Hawak ay sumpak, bote, tubo, bato at ihahagis ito ng walang pakialam kung sino ang tamaan. Hindi rin nila balak makipagsundo o makipagbati sa mga nakaalitan dahil ang plano nila'y rumesbak. Walang katapusang resbakan.
Pabata na rin ng pabata at tila sobrang maagang nahilig sa alak at sigarilyo ang mga modernong kabataan. Kung hindi mo ito napapansin siguro ay magandang obserbahan mo ang paligid mo. Mga teenager na kung makahitit ng yosi ay said na said hanggang 'dulo. Kay sasarap ng buhay na nakapagtatakang sa kabila ng kahirapan ng buhay ay laging may tangang yosi lalo sa gabi. Kapartner ng kwentuhan at ng yosing hinihitit ay ang umaatikabong inuman. Hanggang madaling-araw na lasingan lalo kung araw ng Biyernes o Sabado. Tila hindi makaporma ang mga magulang sa tigas ng mga ulo ng mga kabataang ito na karamiha'y magagaling mangatwiran at rebelde ang panakot kung sakaling mapagsabihan. At hindi lang mga kabataang lalake ang nasa umpukang inuman makikita mo ring nakiki-kampai ang mga kasing-edaran nilang mga kababaihan. Nagbago na nga siguro ang panahon at hindi ka sunod sa uso kung hindi ka marunong mag-yosi at tumoma.
Kung pag-uusapan na rin lang ang uso, uso na rin sa kabataan ang maagang mamulat sa SEX. Mga kabataang animo'y inosente, mga kabataang kung pagmamasdan mo'y 'di gagawa ng kalokohan pero marunong na pala ng sex o kaya'y mga kabataang babae na hindi nahihiyang magpaskil sa internet ng kanilang (halos) hubad na larawan. Liberated na nga sila. Kung malaking bahagi ng maagang pagkamulat ng kabataang ito ang malayang teknolohiya o mga programa sa TV na may temang pakikipagrelasyon o sekswalidad 'yun ang hindi natin alam. Marami-rami na ring kabataan ang nasira ang kinabukasan dahil sa maagang pagkamulat dito. Ayon sa pag-aaral, halos kalahating milyong sanggol ang pinaa-abort taon-taon ilang porsyento kaya dito na ang kabataan ang may gawa? Mga liberated na pag-iisip pero hindi naman kayang pangatawanan ang resulta ng kanilang pagiging mapusok. Asahan mo nang marami sa kabataang ito na maagang nabuntis o nakabuntis ay hindi magiging ganoon kadali ang buhay-pamilya dahil hindi nagawang mairaos ang pag-aaral.
Wala na nga yata ang panahong ang kababaihan ay mahinhin.
Wala na rin ang panahong ang kabirhenan ay pinahahalagahan.
Bawas na rin ang takot ng kabataan sa kani-kanilang magulang.
Mulat at liberal na rin ang kabataan sa iba't ibang mga bisyo.
Nagbago na ang mundo. Nagbago na ang kabataan.
Sila ngayo'y mapusok, mapangahas, mapanganib.
Sa kabilang banda, hindi naman lahat ng kabataan ay ganito pero marami sila, napakarami.
Kung ganito ngayon ang uso sa kabataan sana hindi na lang makiuso ang mga anak natin.
No comments:
Post a Comment