Monday, September 28, 2015

Heneral Luna At Ang Bagong Henerasyon Ng Kabataan




Bihirang-bihira lang tayo makaranas ng matitinong pelikula, 'yung pelikulang maaari mong tawaging sining at maaari mong ipagmalaki saan mang film festival mo ito ilahok.
At kung sakaling mayroong ganitong klase ng palabas sa sinehan, nakalulungkot na madalang naman ang suportang ibinibigay ng mga pilipino sa ganitong klase ng pelikula. Kadalasan pa nga ang mga ganitong matitinong pelikulang ginawa ng mga producer, writer at director na may tunay na pagmamahal sa sining ay mas naa-appreciate pa ng mga kritiko sa ibang bansa. At 'pag nabigyan na ng karangalan sa International Film Festival, isa-isa nang maglalabasan ang magki-claim na proud (daw) silang maging Filipino -- isang kaplastikan, isa na namang pagpapanggap.


'Pag walang saysay ang isang pelikula mananawagan ang iba na (kunwari) 'wag manood sa ganitong uri ng basura pero kung mayroon namang matinong pelikula kulang naman ang marami sa ipinapakitang suporta. Tila wala tayong consistency at pinipili lang natin ang gusto nating purihin para tayo'y papurihan.


Bawat pelikula ng Star Cinema (OA na komedya man ito o tungkol sa walang pagkasawang tema ng pangangalunya, pabebe love story man ito o gasgas na kuwento ng katatakutan na hindi naman nakakatakot) ay tumatabo ng mahigit ng isandaang milyong piso sa takilya. 'Wag na lang nating sabihing walang sining sa likod ng mga nalikhang pelikulang ito, 'wag na lang nating sabihing basura ang pagkakagawa ng mga pelikulang ito, 'wag na lang nating sabihing hindi pinag-isipan ang mga istorya nito. Nakakalungkot lang kasi na marami na nga tayong ganoong uri ng pelikula hindi pa ito natutumbasan ng maayos-ayos namang palabas; kahit isa man lang matino sa bawat sampung pelikula ay sapat na siguro para sa ngalan ng totoong sining at para sa kapakanan ng pilipinong tinatanga, ginugutom at inuuuhaw sa ganitong uri ng programa at palabas.


Ang mga tao sa likod ng mga pelikula nina Vice Ganda, Kim Chiu, Daniel Padilla at iba pa ay hindi mo pwedeng sabihing walang utak at hindi nag-iisip, dahil ang katotohanan ay matataas ang kanilang edukasyon at pinag-aralan na may kinalaman at kaugnayan sa film making at creative writing -- nagkataon lang kasi na ang pelikulang kanilang ginagawa ang karaniwang gusto ng nakararaming masa. Kumbaga kung ano ang hinihiling 'yun ang ibinibigay. At kung gagawa nga naman sila ng matinong pelikula may manonod ba? Kikita ba ito ng mahigit sa isandaang milyong piso? Sisikat ba ng husto ang mga bidang artista dito? Mamahalin ba sa sila ng masa?
Nakakadismaya lang na silang may kakayahan at may kapangyarihan na mga nasa industriya ng pelikula ay nagpapalamon sa kinagisnang sistema. Ang tanong: kailangan ba na palaging pera ang motibasyon sa paggawa ng programa at pelikula?


Sa kabila nang naghihingalong industriya ng pelikula at sining dito sa atin tila nakakamanghang malaman na mayroon pa ring (mga) producer na pursigidong mamuhunan at sumugal para sa isang matino, matalino, makasaysayan at pinag-isipan nang hustong pelikulang tulad ng 'Heneral Luna'.

Ang tanong sa 'Luna': Bayan o Sarili?
Walang pag-aalinlangang Bayan ang sagot pero kaya ba nating pangatawanan ito gaya ng ginawang sakripisyo ng katulad ni Heneral Antonio Luna? Baka hanggang salita lang tayo, baka matapang lang tayo sa social media, baka magtaksil ka rin sa bayan gaya ng pagtataksil ng maraming pilipino noong panahon ng una at ikalawang giyera.
Sa nakikita nating ugali, asal at gawi ng bagong henerasyon ng kabataan ngayon tila iba ang nakikita at namamasid nating kanilang ipinaglalaban; handa silang makipagmurahan, makipaglaitan at magbanta para sa kanilang dinidiyos na mga idolo o para sa higanteng istasyon ng telebisyong nakikinabang sa kanila.
Si Heneral Luna ay ipinaglaban ang kalayaan ng kanyang Inang-Bayan samantalang ang bagong henerasyon ng kabataan ay ipinaglalaban ang kanilang mga idolong nagpapakilig sa kanilang kalamnan.

Saan ba nagkulang si Heneral Luna at ating mga bayani?
Nagkamali ba Si Dr. Jose Rizal nang sabihin niyang ang kabataan ang pag-asa ng bayan?
Sa kalayaang tinatamasa ng ating bayan hindi naman natin kailangan ng karagdagang bayani, ang kailangan lang natin ay disiplina sa ating mga sarili.

Sining o pera?
Sa komersiyalismong sumasakop sa industriya ng musika, telebisyon at pelikula tila hindi na kailangan pang sagutin ang tanong na 'yan. Kung talagang may pagpapahalaga at wagas ang pagmamahal ng mga producer ng pelikulang pilipino, telebisyon at musika sa sining -- mas marami pa sana tayong napapanood at naririnig na may saysay na kanta, programa at pelikula. Pero hindi e, dahil mas matimbang na nga ang pera sa halos lahat ng bagay dito sa mundo tila (halos) wala nang pakialam ang lahat sa halaga ng sining. Bukod sa komersiyalismo idagdag pa natin ang mentalidad ng kolonyalismo, saan na kaya patungo ang industriyang ito? Oo ang mga industriyang ito'y kailangan ng pera para patuloy na manatili pero kung kanilang gugustuhin maaari namang makalikha ng sining na hindi kailangang malugi.

Gusto kong mangarap na ang pelikulang 'Heneral Luna' ay ang magiging ehemplo at susi sa panunumbalik ng matitino at de-kalidad na pelikula sa bansa. Gustong-gusto ko.


Humigit-kumulang isandaang milyong piso ang budget nito para mapaganda at magmukhang makakatotohanan ang bawat eksena ng naturang pelikula -- malaking halagang mawawala at malulugi kung sakaling hindi ito tumabo at pumatok sa takilya. Sa unang mga araw nang pagpapalabas ng 'Heneral Luna' sa sinehan nag-abiso ang pamunuhan nito na ipu-pull out na ang pelikula dahil sa mababang benta ng tiket at upang magbigay daan sa mas malalaki, mas siguradong hit na pelikula ng Hollywood -- ito ay sa kabila ng limampung porsiyentong diskuwento sa tiket para sa mga estudyante.


'Pag sinabing estudyante sila ay ang mga kabataang pag-asa umano ng bayan. Sila ang balang-araw ay papanday sa ekonomiya ng bansa at magiging lider ng masalimuot na mundo ng pulitika. Hindi deserve ng 'Heneral Luna' na kalahati lang ang ibayad natin sa pelikulang ito dahil sa makatotohanan, husay, pulido at world class na pagkakagawa nito pero dahil nais ng mga producer ng pelikula na mas maunawaan at mas makilala nang malaliman ng mga kabataan ang karakter na si Antonio Luna at iba pang may kinalaman sa istorya ng kanyang buhay -- nagbigay sila ng malaking diskuwento.
Hindi ba't nakakagago lang kung iisipin na ang lahat ay willing na magbayad ng halos dalawandaang piso para sa mga pelikulang tulad ng 'Praybeyt Benjamin', 'Sisterakas', 'Girl, Boy, Bakla Tomboy', 'Enteng Kabisote', 'Pagpag' at iba pa pero sa makasaysayan at makabuluhang pelikulang 'Heneral Luna' ay tila hindi pa ito masuportahan, ito ay sa kabila ng discounted na ticket price nito.


Dahil sa maganda at positibong feedback, 'ingay' at panawagan ng maraming netizen na panoorin ang obrang 'Luna' napuwersa ang mga theater management na huwag munang i-pull out ang naturang pelikula at sa ikalawang linggo ay medyo nakabawi ang mga producer nito; tumaas ang ticket sales ng pelikula, dumami ang nanood at naging interesado kung ano ang mayroon sa 'Heneral Luna'. Salamat at naabot na ng pelikula ang isandaang milyong pisong kita. At isa pang magandang balita, ang pelikulang 'Heneral Luna' ang kinatawan ng bansa para sa Oscar's sa susunod na taon.


Kamakailan nag-trend sa Twitter ang isang post tungkol sa pelikulang Heneral Luna; may isa raw kabataang manonood ang narinig niyang nagtanong na kung bakit daw sa buong durasyon ng palabas ay nakaupo lang si Apolinario Mabini (Epi Quizon). Nakakatawang nakakainis lang na ang mga kabataang ito ay mas kabisado pa ang mga kanta ni Beyoce at Justin Bieber, alam ang dahilan ng paglisan ni Zayn Malik sa grupong One Direction at kilala ang bawat miyembro ng hinahangaang K-pop group pero mga mangmang at wala namang alam sa maliit na detalye sa isang bahagi ng kasaysayan.


Hindi man mabago ang iyong pananaw sa panonood ng pelikulang 'Heneral Luna', hindi man direktang maiba ang ibang aspekto ng iyong buhay -- makaka-relate ka naman sa maraming eksena ng obra-maestrang ito at mari-realize mong ang mga pilipino'y tila hindi nagbago. Na ang mga pilipino'y sadyang kulang sa pagkakaisa. Na may mga pilipinong may pagka-traidor sa kanya mismong bansa. Na may mga pilipinong pinahahalagan ang sariling interes kaysa sa interes ng kanyang nakararaming kababayan.
Habang may mga taong gustong lumaya marami naman ang gustong magpasakop sa banyaga.
Habang may mga polisiya na dapat ipatupad para sa layuning pagkakaisa, may mga ayaw namang magpasakop sa umiiral na batas.
Habang may mga bayaning handang ibuwis ang buhay para sa bayan, may mga pilipino namang pipigil at kikitil sa kadakilaan ng hangaring ito.


Ang karakter sa pelikulang 'Heneral Luna' ay nasawi at nabigo at ang kanyang istorya'y nauwi sa malungkot at masaklap na trahedya. At gaya ng pelikulang 'Heneral Luna' tila kabiguan at trahedya rin ang kinasasadlakan ng bansang kanyang ipinaglaban. Ito ay sa kabila ng mahigit isandaang taong kasarinlan at kalayaang ating tinatamasa.

At patuloy tayong malulugmok sa kabiguan at trahedyang ito hangga't pinipili at inuuna natin ang ating sariling interes kaysa ang kapakanan ng bayan.

Monday, September 14, 2015

Reunion II





December 6, 2014. 6PM
Eksakto lang sa oras ang dating ko sa venue ng Get Together ng Marcelo Del Pilar HS Batch 94.
Kaunti lang ang customer ng restaurant. Siguro dahil medyo nakakatamad ang panahon -- maulan kasi, idagdag pang may kalamigan ang klima. Ngunit sa kabila nito alam kong hindi ang mga ito lang ang pipigil sa batch para um-attend sa naka-schedule na mini-reunion. Sila pa na matagal na hinintay at inabangan ang espesyal na araw na ito.


Walang pasok sa opisina namin kung Sabado pero pumasok ako.
Araw 'yon ng aking pahinga pero okay lang sa'kin na ipagpaliban ko ito.
Kahit may kalayuan ang Bulacan sa Max's 10th Avenue, Caloocan walang problema sa 'kin 'yon.
Dahil tulad ng maraming aattend sa event na ito, may kanya-kanya ring silang sakripisyo.


Bitbit ko ang paperbag na may lamang pang-exchange gift at kakarampot na lakas ng loob na may halong kapal ng mukha dahil sa ako ang naatasang gumawa at magbigay ng opening remarks sa batch. Hindi ako sanay na humarap at magsalita sa harap ng maraming tao pero teka sino ba ako para tumanggi? Ano ba naman kontribusyon kumpara sa partisipasyon ng iba? Sa edad kong ito -- wala akong karapatang mag-inarte. Siguro ituturing ko na lang na isang pribelehiyo ang gagawin kong ito.


'Yung totoo, hindi ako komportable sa ganitong klase ng pagtitipon, sa katunayan sa ilang ulit na mini-reunion o get-together ng batch - ito pa lang ang aking ikalawa.
May kaunting pangamba na naglalaro sa aking isip, mga pangambang alam kong nilikha lang ng pagiging paranoid ko. Iniisip kong baka ma-out of place ako o baka mabored lang ako at baka hindi ko maenjoy ang gabing ito. Wala kasi akong naging close ng husto noong nag-aaral pa ako sa Del Pilar. Sabi nila, introvert daw ang tawag dun. Ewan ko. Introvert na kung introvert pero kaya nga ako nagtungo rito para makisaya, makipagkwentuhan at para muling buksan ang nakaawang na pinto ng pagkakaibigan.


Sa third floor ang event pero sa ground floor pa lang ng building ay dinig na ang bahagyang dagundong ng bass speaker mula sa itaas kung saan ginaganap ang party-party. Kung ano ang tahimik at payapa ng mga nasa ground floor ay sigurado akong sobra naman ang ingay at gulo ng mga nilalang na nasa ikatlong palapag. Maingay hindi lang marahil sa tunog na nanggagaling mula sa subwoofer speaker kundi mula sa mga halakhak ng mga taong panandaliang babalikan ang kanilang kabataan.


"Sa third floor ser!" sabi ng isang waiter sa'kin na nagbukas sa akin ng pinto kahit wala pa akong tinatanong sa kanya kung saang floor ang event. Hindi na nga siguro maitatago pa ang edad ko sa kanya dahil alam na niyang sa 'Get Together' ng Batch 94 ang aking destinasyon.
Habang papaakyat ang elevator ay pilit kong ikinukubli ang aking kaba at ngiti.
Kaba dahil ano ba ang dapat kong asahan sa okasyong ito?
Ngiti dahil mula sa aking kinalalagyan ay dinig ko ang musikang aking pinakikinggan sa tuwing araw ng Biyernes, mga kantang nagpapaalala sa akin na minsan akong naging bata: Music from the 80's!

Bago pa makarating ng 3rd floor ang elevator na sinasakayan ko'y saglit kong ipinikita ang aking mata. At sabay sa pagbukas ng pinto ng elevator ay ang aking pagdilat. Bumalik ako sa pagkabata.


Marami na ang nasa loob.
Kahit saan ko idako ang mga mata ko'y larawan ng kasiyahan ang aking nakikita. Hindi mga 30+ years old na kalalakihan at kababaihan ang nasa harapan ko kundi mga kabataang nagtatawanan at nagkakatuwaan.
Gusto kong ituring na Time Warp o Time Machine ang anumang reunion -- malaki man ito o maliit. Gaya ng pagtitipong ito, gaya ng nararamdaman ng bawat isang naririto. Ano pa nga bang mas sasaya sa alaala ng iyong kabataan?
Ano pa nga bang mas nakakatuwa kung muli mong makita ang dating mga kaibigan?
Sino lang ba ang tanging makakarelate sa mga walang kwentang mga kwentuhan?
Sino nga ba ang makakaunawa kung sa sandaling ganito'y lumabas ang iyong mga kalokohan?


Komportable akong nakaupo sa isang upuang tanaw ang halos lahat ng mga naroroon. Pilit na nililibang ang sarili sa larong Candy Crush sa Tablet habang bukas ang isip at pandinig sa nangyayari sa paligid.
Napupuno ang lugar nang malalakas na tawanan at walang katapusang kumustahan mula sa dating magkakaibigang tila pilit na pinatatanda ng panahon. Sumasabay sa kanilang mga boses ang ayaw paawat at nag-aanyaya nang sayaw na pop at new wave songs na umaalingawngaw sa bawat sulok ng paligid na tila nagsasabing: "Hoy pansinin mo naman ako! Pakinggan mo naman ako! Sumayaw ka naman! Hindi ba gustong-gusto mo ako dati?"


Akala ko'y nalilibang ako sa paglalaro ko ng Candy Crush pero hindi pala. Dahil mas nalilibang ako sa katitingin at kahuhula kung sino 'yung tumawa ng malakas o kung sino 'yung may matamis na ngiti, kung sino 'yung maingay at magulo, kung sino 'yung aligaga sa pag-aasikaso sa lahat at kung sino ang dumarating sa pagbukas ng pinto. Para akong estudyanteng naatasan ng Teacher na isulat at ilista ang mga magugulo at maiingay sa klase.

Tila may sariling isip ang aking labi -- napangiti na rin ako.

Itinigil ko ang paglalaro ng Candy Crush at ako'y nakipagkwentuhan sa mga naroroon. Nagbabakasali ring makakalap ng kwentong  maisusulat sa blog. Ngunit higit pa pala sa kwento ang makukuha ko. Kwentong hindi lang dapat na pakinggan kundi mas dapat na intindihin at unawain. Kwentong hindi na kailangang isulat at muli pang ikwento kundi mas dapat na manatiling lihim at sikreto.
At sa likod ng dramarama sa mga kwentong ito ay naroroon pa rin ang kanilang harot, halakhak at kasiyahan.


Maya-maya pa'y nadagdagan pa ang ingay sa paligid dahil sa halos sabay-sabay na pagdating ng mga kabatch. May kanya-kanya silang ngiting baon -- mga ngiting pwedeng gawing poster ads ng commercial ng Close-Up o Hapee Toothpaste.
Sa pagdami ng mga tao, hudyat na ito na kaunting sandali na lang ay mag-uumpisa na ang event.


Ilang minuto pa'y nagsimula na nga ng programa.
Sinimulan ito sa isang maiksing panalangin, candle lighting, kaunting speech at sa inihanda kong three pages na opening remarks. Makalipas ang humigit-kumulang limang minutong pagbabasa na may kahalong nerbiyos at kapal ng apog natapos din sa wakas ang aking napahabang speech. Kahit hindi naman interesado ang iba sa aking pinagsasabi - masaya na rin akong naging bahagi ako at ang aking sinulat ng mahalagang okasyong ito.


Gaya ng inaasahan naging masaya ang lahat hindi lang dahil sa maharot na host ng event kundi dahil na rin sa inihandang parlor games, kabi-kabilang picture taking, exchange gifts at sa bonggang paraffle na ang grand prize ay tumataginting na php5,000.
Nabusog din ang lahat dahil ang pagkain ay hindi tinipid. May mga kabatch na nag-volunteer na mag-sponsor ng malamig na beer para sa mas makulit at mahaba-habang inuman. Dahil sa kalaliman ng gabi at sa layo ng aking uuwian nagpasya akong magpaalam kasama ng iba pa. Masaya akong uuwi katulad ng maraming pumarito.

Bagama't hindi man lang nabunot ang pangalan ko sa raffle mag-uuwi naman ako ng masayang alaalang higit pa sa isang papremyo.

- - - - - -
Sa pagtatakda ng ganitong klase ng School Reunion o Get Together sana'y 'wag tayong magdalawang-isip na magparticipate, makibahagi, makisaya at dumalo dahil ang kasiyahang dulot nito ay maghahatid ng kasiyahan, kasiyahang magiging bahagi ng ating nakaraan na walang katulad.
Isang alaalang hindi matutumbasan ng kung anupaman, alaalang paulit-ulit na magpapaalala sa ating lahat na masarap pa ring kasama at kakwentuhan ang mga taong kasabay nating mangarap noon.

Tunay nga na ang ganitong muling pagsasama-sama ang magbabalik sa ating kabataan.

Kahit sa alaala na lang. Kahit minsan lang. :)

Thursday, September 3, 2015

Simoy ng Halalan

Nagkukumahog na (halos) lahat ng pulitikong kakandidato sa 2016 election. Ang itinakdang petsa para sa campaign period ay nagsisilbing payo lang para sa kanila dahil ang katotohanan kanya-kanya na silang diskarte kung papaano sila magkakaroon ng sapat na pondo, kung papaano sila makakaungos sa kanilang mga kalaban at kung paano sila magiging “mabango at mabait” sa mga botante.

Nakakatawang nakakainis lang, na ang plataporma at slogan ng (halos) lahat ng mga pulitikong ito ay may kinalaman at kaugnayan sa pagmamahal sa mahihirap na kababayan at sa bayan.
Isa-isahin natin.


1. Pagmamahal sa mahihirap – Sa papaanong paraan ba nila minamahal ang mahihirap? ‘Yun ba ‘yung pagmamahal na gagamitin, babayaran at pagtutuunan sila ng pansin sa tuwing may halalan? O sa tuwing may pangsarili silang motibo? ‘Tangna ‘wag na tayong maglokohan, kailan ba nila niyakap, minahal at binigyan ng pansin at importansiya ang mga nasa ibaba? Kung papaano nila binibigkas ang concern nila sa mga nagdarahop ganunding pagkamuhi ang kanilang sinasambit pagkatapos nilang manalo sa halalan. Dahil kung totoong may malasakit sila sa mga mahihirap, may matino sana silang programa para sa pabahay, trabaho at kaayusan. Hindi maikakaila na sa ilang dekadang nakalipas ang bahagdan ng mahihirap sa bansa ay hindi nababawasan bagkus patuloy itong lumulobo habang tumatagal. Ang programang 4P’s, nakakatulong ba talaga ito sa kanila? Wala bang anomalyang nakakubli dito?


Maaaring nakakatulong nga ito pero hindi ito ang sagot para maibsan ang kahirapan, ika nga sa kasabihang ingles: “Give a man a fish and you feed him for a day; teach a man to fish and you feed him for a lifetime.” Trabaho ang kailangan ng mga tao hindi ‘yung pansamantalang pagbibigay sa kanila ng kung ilang libo.
‘Wag nila sabihing wala silang kakayahan, talino at pondo para dito dahil unang-una (halos) lahat silang nasa puwesto ay may sapat na kaalaman at talino, kung hindi ba naman ay papaano sila naging matagumpay at mayaman sa kanilang napiling larangan? Pondo? ‘Tol, trilyong piso ang kabuuang pondo ng gobyerno taon-taon – nararamdaman mo ba ito? ‘Yung milyon o bilyong dolyar na donasyon sa Yolanda, ano na nga ulit ang nangyari dun? Ewan, baka kulang pa. Kung tototong may pagmamahal sila sa mga hikahos sa buhay hindi sana aabot sa 13 milyong pilipino ang walang sapat na makain at walang matinong natitirhan.


2. Pagmamahal sa bayan – Paano ba natin bibigyan ng bagong kahulugan ang pagmamahal sa bayan? Hindi na ba akma at pasok ang pagmamahal sa bayan na ginawa noon nina Bonifacio, Rizal, mga bayani ng digmaan, atbp. Sila na hindi nagdalawang-isip na magbuwis ng buhay para sa kalayaan pero heto lang pala ang mapapala nila. Sa’n ka ba naman nakahanap ng bansa na ang mga presidente nila’y hinahabla dahil sa katiwalian? Mga mambabatas na may kanya-kanyang diskarte ng kickback sa bawat kontrata o scam na maiisip nila. Mga kasapakat o kasabwat na paminsan-minsan nakakasuhan pero shet naman, hayun VIP treatment at tila inuupuan ang kaso. At kung sakaling mapatunayan ang pagnanakaw at pandarambong, mababawi ba natin ang mga ninakaw nila? Putsa, siyempre hindi. May nangyari/mangyayari ba sa mga kinurakot noon ng Pamilya Marcos? O sa perang kinulimbat ni Erap? Ni Bong. Ni GMA. Ni Enrile. Ni Jinggoy. Ni Jocjoc. Ni Binay. Marami pa ‘yan kayo na lang magdagdag. ‘Yang mga pangalan na ‘yan sooner or later, sa maniwala ka’t hindi maghahari at maghahari pa rin sa kaawang-awang Pilipinas.


Halimbawa, sa Batasan. Bakit walang quorom palagi ang mga congressmen? Kasi ang mga ulol hindi nagsisi-attend. Busy-busyhan sa kung ano-anong proyekto na may kinalaman at kaugnayan sa pagmamahal sa bayan. (Mahal niyo your face!) Naghahagilap sila ng mga pagkakakitaan nila para may panggastos sila sa Mayo, daig nang maagap ang masipag ‘di ba? Kaya hayun siyam na buwan pa bago ang eleksyon nagtatrabaho na sila – hindi ‘yung trabaho bilang mambabatas ha, ‘yung trabahong magkakapera sila. Yung trabahong may mapapala sila. Kaya nga binubutas ang mga kalsadang hindi naman dapat butasin para mayroon silang kitain. Kung totoong may pagmamahal sila sa bansa hindi dapat ganiito ang ugali nila, dapat may ginagawa pa sila doon sa Batasan, may hinahain, pinag-aaralan, pinagdedebatehan at pinagbobotohang batas. Pero ‘tangna (ulit) sino bang maniniwala na mahal nila ang Pilipinas? Ako? Ikaw? Bolahin niyo lelong niyo.



May mga hinahangaan din naman akong mga pulitiko sa bansa, na kakikitaan mo nang pagpupirisigi at pagiging masigasig na kahit papaano’y makikita mong ginagawa ang kaya nila kahit alam nilang maliit ang tsansa at kahit na matigas ang ulo ng karamihan sa atin. Sayang si Raul Roco –siya ‘yung dapat na presidente natin na hindi naging presidente. Si Bayani Fernando pero tinalo siya ni Haring Binay, tsk ganun talaga. Si Duterte at si Hagedorn na istrikto ang pamamahala. Okay din sana si Gordon, kaya lang…Si Salceda ng Bicol na walang pinipiling panahon ang serbisyo. Marami pa ‘yan suriin niyo na lang ‘yung iba. Saka pala si Governor Vilma ng Batanggas napanood ko kasi sa sine ‘yung pelikula niyang “Anak” – ang husay niya dun, napaiyak ako sa pelikulang ‘yun ng dalawang beses. Ganun siya kagaling.


Mayo 2016. Mangangarap na naman tayo na sana magkaroon ng isang messiah na mag-aahon sa bansa sa kinasasadlakan niyang kahirapan. Pangarap na isang siglo ng pinapangarap na hanggang ngayon ay pinapangarap pa rin.


Mamili na lang tayo: Binay o Roxas?

Ayos. Mabuhay ang Pilipinas.

Monday, August 24, 2015

#Balikbayan Box


Trending sa lahat ng social media platform (hindi ang aldub) ang isyu tungkol sa Balikbayan Boxes na pinadadala ng ating mga kababayang OFW na kung tawagin ng gobyerno ay Bagong Bayani pero hindi naman bayani kung kanilang ituring.


Tinatayang aabot sa 12 milyon ang OFW na nakakalat sa iba’t ibang panig ng mundo at kung susumahin ang kanilang remittances taon-taon, tinatayang mahigit ito sa US$21 bilyon. Ibig sabihin, ang OFW’s ay may napakalaking role na ginagampanan para sabihing ang ekonomiya ng bansang Pilipinas ay sumisipa pa at may ipinagyayabang pa.


Ang malaking bilang na ito (12 milyon) na ating mga kababayan ay nagsisikap, nagtitiis, nagpapaalipin, nagpapaalila, nagtitiyaga, nagtitipid para sa kinabukasan ng kani-kanilang pamilya para sa isang pangarap.
Isa sa munting paraan nila ng pagpapakita ng pagmamahal sa pamilya ay ang pagpapadala nila ng iba’t ibang mga gamit (ilan sa mga ito’y pinaglumaan na ng kanilang amo) karaniwan nilang pinapadala ay mga damit, toiletries, noodles, tsokolate, cellphone, gadgets, bags, sapatos, etc. at ang mga ito ay ilalagay nila sa isang hindi kalakihang karton na kung tawagin ay: Balikbayan Box.


Uminit at pumutok ang isyu dahil ang mismong commissioner ng Customs ang nagsabing iinspeksiyunin, hihigpitan at (kung maaari’y) bubuwisan nila ang laman ng mga kahong ito. Dahil (daw) sa mga kadahilanang ito:



Una, nawawala raw sa gobyerno ay mahigit Php60 milyong halaga ng buwis.

• Hindi ang mga padala ng OFW ang dapat nilang maging source ng pagkakakitaan dahil ang BOC ay kumikita ng average na Php31Bilyon kada buwan o humigit-kumulang sa isa’t kalahating bilyong piso kada buwan. Anong lohika meron ang BOC bakit ang mga pipitsuging laman ng balikbayan boxes ang kanilang pinagdidiskitahan?

 
Pangalawa, nagiging source daw ng technical smuggling ang laman ng balikbayan box.


• Mayroon ngang mga kaso na ang isang balikbayan box ay may lamang iligal o kontrabando pero ang mga ganito ay ‘isolated cases’ lang at kung ikukumpara mo ito sa marami at talamak na kaso ng pag-aangkat ng luxury cars, fireworks, ukay-ukay, at agricultural products na walang permits tulad ng bigas, bawang, sibuyas, gulay etc. ay parang patak lang ito ng tubig sa gabundok na yelo. 


• Totoong may karapatan ang BOC na buksan ang balikbayan box (nakasaad ito sa CMO 79-90/ 3.3.1) pero makatuwiran bang halughugin at bulatlatin ang isang kahon kung wala naman itong derogatory information? Ano ang silbi ng multi-milyong piso na halaga ng X-ray Machines kung kinakailangan din pala nang mano-manong inspeksiyon? 


Sa mga pagkakataong nababawasan, nabubulok o tuluyang nawawala ang laman ng isang balikbayan box, may nagawa bang paraan ang BOC para mahuli, masugpo o masakote ang mga sangkot dito?
Maganda sana ang layunin ng Adwana pero maganda ba ang kanilang sistema?
May nakasuhan at nakulong bang freight forwarder/NVOCC o customs employee dahil sa pagsalaula ng mga balikbayan boxes?



Sa kasalukuyang halaga ng piso, mas dapat pa ngang taasan ang limit ng halaga na US500 kada kahon, mas dapat pang dagdagan ang limit na isang beses kada anim na buwan. Pakonsuwelo na lang sana ito sa mga bagong bayaning nagtataas ng credit ranking ng bansang ito sa World Bank, pampalubag-loob sa mga bagong bayaning nagtitiis sa ibang bansa dahil ang kanya mismong bansa’y walang maiaalok na trabahong magtutustos sa pangangailangan ng kanyang kaawa-awang pamilya.


Ang balikbayan box ay parang isang love letter ng isang manliligaw sa kanyang nililiyag, puno ito ng pag-ibig at pagmamahal. 

Hindi lang basta gamit o pagkain ang nakapaloob sa kahong ito dahil kalakip nito ay isang hindi matatawarang pagmamahal na higit pa sa kayang sabihin ng mga salita. Ilang mga buwan ang bibilangin bago makapuno ng isang payak na balikbayan box,
ilang pakiusap sa amo na ibigay na lang sa kanya ang gamit na lotion o pabango,
ilang gabing pagpupuyat ang kinailangan para makabili ng cellphone na hiniling ng bunso,
ilang pag-skip sa lunch o dinner ang kinailangan para may maibiling damit ang nagdadalagang panganay.
 


Kaya napakahirap para sa ating isipin kung papaano nila naaatim
na bawasan ng ilang piraso ang tsokolate,
na kupitin ang ilang magagandang mga damit,
na agawin ang isang cute na manika,
na ipalaro sa kanilang anak ang nakaw na laruan,
na kotongan ang akala nilang mamahaling gadget,
na arborin ang pinaglumaang shoulder bag.
Wala ba silang mga pambili?!



Ang balikbayan box ay hindi lang basta kahon.
Ang laman nito’y sampung porsiyentong kagamitan at siyamnapung porsiyentong pagmamahal.

At sa bawat pirasong kagamitang nakapaloob dito na nawawala, nababawasan, nasisira o nabubulok dahil sa kagahamanan ng maraming kawani ng Adwana na walang awa, walanghiya at walang paggalang sa ating mga bagong bayani (kuno) ay para na rin nilang inaagawan ng kaligayahan ang pamilyang dapat sana’y nakakatanggap ng simpleng mga bagay na ito, na katumbas sa kanila’y labis na kasiyahan.

Thursday, August 13, 2015

Guni-guni

At ang lahat ay magyayabang na kilala nila ang kanilang sarili.
Sa tuwi-tuwina, bibigkasin ang angking talino at iwawagayway ang kakayahan sa mga bagay-bagay. 
Kung papaano umunlad mula sa pagdarahop. 
Kung papaano umasenso mula sa kawalan. 
Kung papaano naging makapangyarihan mula sa pagiging busabos. 
Kung papaano binubusog ang tiyan ng masasarap na pagkain. 

At tulad ng dalaga sa kanyang mangingibig paniniwalaan ang katagang 'mahal kita' at 'magpakailanman' 
kahit paulit-ulit na lokohin, 
kahit paulit-ulit sa pagsisinungaling, 
kahit paulit-ulit ang pangako.

Ano't lagi nating niyayabang ang ating yaman? Ang talino?
Ang karangalan?
Ilang milyong piso na ang mayroon ka? Summa cum laude ka ba?
Pangarap mo bang maging alkade ng Maynila? Pera, talino at kapangyarihan.
Kombinasyong patungo sa kapalaluan kung walang pagtitimpi, kung hindi ikikimkim. 


Hambog ka, hindi mo lang alam o ayaw mo lang tanggapin.
Sinungaling ka, hindi mo lang maamin.
Ipokrito ka, ngunit sino nga ba ang hindi? Hindi mo kilala ang iyong sarili sa tuwing
may mabigat na suliranin,
may pamilyang nasa bingit ng kamatayan,
dadausdos ang karera sa pulitika,
nabigo sa pangarap ng kanyang paslit,
babagsak ang multi-milyong pisong negosyo,
kumalat ang sex video sa internet,
mabibigo sa pag-ibig,
o kahit may motoristang sumalubong sa one-way na kalsada.

May bubunot ng baril o kikitil sa ngalan ng kahambugan o isusugal ang buhay dahil
sa pagkadismaya sa mundo,
sa sarili,
sa tadhana at doon sa nasa Itaas.

Magpapasya ng may kaakibat na pagsisisi. Nasubukan na ba nating mamuhay ng may kapayapaan? Ewan. Malamang hindi.
Wika ng pilosopong matanda; buhay ay nilikha hindi para sa kapayapaan kundi para sa walang hanggang paghagilap sa mailap na tagumpay kesehodang makasagasa ng iba.
Oo. Malupit ang buhay. Malupit ang mundo. Salbahe ang tao.
Mabibigo ka kung kailan ka pursigido,
dadalaw ang trahedya sa panahong ayaw mo,
aangat ka kung mang-aapak ka,
sinadya mo man o hindi gagaguhin ka kung kailan nais mong magpakatino,
masasaktan ka kung kailan mo gustong magpakabait.

Nakalimutan na ng tao ang respeto.
Lahat na nga ay walang paggalang sa kapwa. Ang 'putangina' ang humalili sa 'po' at 'opo' bibitiwan ito tulad ng paglura sa kalsada,
magtataksil sa taong ubod mong mahal,
kukupit ng mula sa kaunti patungo sa malaki,
pagtatawanan ang may kapansanan,
kakamkamin ng ganid ang lahat pati na ang langit,
sisiraan ang kaibigan para sa kapirasong tawa,
pupurihin ang mga taong umaaglahi.
Kalilimutan ang nasa Itaas.
Saka lamang Siya maaalala tuwing sadsad na ang nguso sa lupa
o lupaypay sa tambak na problema
o nakikita na sa guni-guni ang anghel ng kamatayan.

Minsan. Minsan lang. Sasamba (kunwari) naman sa bahay dalanginan
tuwing Pasko,
tuwing Bagong taon,
tuwing kaarawan,
tuwing kasama ang syota,
tuwing Pasko ng pagkabuhay o
tuwing Miyerkules ng abo para magpakuha ng litrato at ipaskil sa librong hindi naman libro.

Dadalangin ng biyaya, hihingi ng kapatawaran o katuparan sa pangarap o magandang kalusugan. Makalipas na mapagbigyan.
Wawaglitin ang lahat.
Kahit ang pasasalamat.

Paano kung ang rapture ay sa isang linggo?
O bukas?
O mamaya?
Paano tayo haharap sa Lumikha?
Kung right minus wrong ang batayan patungo sa dambana ng kalangitan, papasa ka kaya?
Paano kung hindi? Mainit daw doon.
Ewan.
Bahala na.

Inisa-isa kong bilangin ang aking mga kasalanan... Madami.
Hindi na ako nagulat.
Tama ba na isipin nating higit na marami ang mas makasalanan kaysa sa atin?
Kakatawa.
Pare-pareho ang katuwiran ng mga taong makasalanan.
Tulad ko.
Ikaw rin.
At sa iba pang babasa nito.
Aasang tutungo sa Langit kahit ang ginagawa'y pulos kagaguhan.
Ah, siguro malapit na nga ang katapusan.
May delubyo na sa lahat ng dako ng daigidig.
mapaminsalang lindol,
nagngangalit na alon,
naghuhuramentadong bulkan,
bagyong kumikitil ng buhay at kabuhayan,
digmaan ng tao sa tao,
ng masama at mabuti,
ng relihiyon at paniniwala,
pagbaha ng literal,
ng pagmamagaling at
ng kasakiman,
karamdamang walang lunas,
walang medisina. 


May mga propeta na magdedeklara ng katapusan, may lider ng relihiyon na walang takot na aariin ang kaligtasan.
At may makukumbinsi.
Na tanga o takot lang.
Na kulang ang tiwala pero (umano'y) naniniwala.
Na walang alam ngunit nagdudunong-dunongan. Ikakalat ang kabobohan sa madla, magpapaskil sa librong hindi naman libro.
Pupulutin ng media ang isa pang kabobohan,
ang prediksyong bulaan,
parang maligno na maghahasik ng lagim,
ng sindak,
ng takot.
Sa lahat.
Kahit ang demonyo'y kanyang tatakutin, susubuking mag-ulat ng nakakasindak; suot ang costume nang parang sa astronaut. Hindi niya batid na ang kanyang hinahasik ay ang mismong kanyang katangahan.
At nabuhay ang alamat ng mahusay na pulitiko sa pamamagitan ng 'hoax',
ng panggagago,
ng pang-uuto sa mga tao.
Hindi sinunod ang protocol sa kagustuhang maging trending, sa ngalan ng rating.
Kung pinaniwalaan ang isang kalokohan,
lalo na ang boladas ng mga nanunungkulan,
lalo't may kasamang pangsuhol na bigas
o de-lata
o noodles
o tatlong daang piso
o rosaryo na may letrang B.
Makakakuha ng isang boto ang nagmamalasakit kuno.

'Wag mo nang pagtakhan kung bakit patuloy ang pagwawagi ng kawangis nina Pogi, Sexy, Tanda, Komedyanteng Plagiarist, Apo Makoy, Gloring, Ampatwan, Abnoy at iba pang panginoon ng iba't ibang lalawigan. Ah, muntik ko nang malimutan ang VP na may maitim na balak. Marami pa sila. Na hindi naniniwala sa political dynasty ngunit magmula sa apo sa tuhod hanggang sa kanilang yaya ay may katungkulan. Marami pa sila.
Hindi na mabilang dahil nagkukubli
sa ganda ng ngiti,
sa mabuting salita,
sa talumpati,
sa pagkalinga,
sa huwad na surbey,
sa pagiging makatao,
sa pagiging maka-Diyos.

Tayo'y paurong. Hindi pasulong.
Tayo'y paatras. Hindi paabante.
Tayo'y palubog. Hindi paahon.

Parang ang lahat ng nagaganap ay guni-guni o bangungot.
Guni-guning totoo ngunit ayaw paniwalaan, bangungot na dati'y sa pagtulog lang nangyayari.
Ngayon na ang panahon na ang isang sandali'y mas pinapangarap ang mahimbing kaysa ang gumising.
Tayong nabuhay sa maling henerasyon, sa maling pagkakataon.
Kabahagi ka o tayo ng lipunang kumokonsumo ng magastos na teknolohiya sa halip na mag-ipon ng kaalaman.
Uubos ng oras sa android sa halip na sa pamilya,
uubos ng salapi sa alak sa halip na pagkain,
isusugal ang barya sa halip na ipunin,
interesado sa bugbugan ng palikerong artista kaysa kasaysayan,
magbubukas ng porno sa halip na libro o kwaderno.
Binobobo ng satirical na balita, magkokomento at ibabalagbag ang kamangmangan.
Dose oras sa harap ng kwadradong monitor ngunit walang natutunan, walang nadagdag na kaalaman kundi
scandal,
tsimis sa idolo,
kalibugan,
ang mga pabebe,
ang magnae-nae
at kahalayan.
Tanungin mo kung ano nang balita sa kababayan (bagong bayani raw) na hahatulan ng kamatayan sa gitnang silangan, walang pakialam.
Ngunit saulado ang mga awiting pinasikat ng amerikanong teenager na lunod sa kasikatan ngunit lulong
sa alak, 

sa droga rin,
sa kontrobersiya at
sa kababuyan.

Dadakilain at sasambahin ang (mga) idolo, ituturing na parang diyos;
iiyakan,
ipaglalaban,
hahagilapin,
tutunguhin,
sasambahin.

Lipas na nga ang panahong ang bayani ay tunay na dinadakila at ang mga dakila ay tinatanghal na bayani.
May respeto.
May dangal.
May karangalan.

Isa na lamang itong panaginip.
Isang guni-guni.

Thursday, August 6, 2015

Hindi Ako Si Popoy



Hindi ako si Popoy at batid kong hindi rin ikaw si Basha.
Pero ang istorya ng pag-ibig nila ang magiging inspirasyon natin para ang ating love story ay magkaroon ng masaya at magandang ending.
At kung pwede pa'y lampasan at hihigitan pa natin sila.
Na kahit lumipas man ang five years, ten, eleven, twelve thirteen, fourteen, at kahit matapos pa ang forever gusto ko sabihin sa 'yo na, sana tayo na lang. Sana tayo na lang ulit.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na naniniwalang kaya tao iniiwan ng mga taong mahal natin kasi baka may bagong dumating na mas okay, na mas mamahalin tayo, 'yung taong 'di tayo sasaktan at paaasahin, 'yung nag-iisang taong magtatama ng mali sa buhay natin, ng lahat ng mali sa buhay natin -- Ayokong umasa sa salitang baka.
Ayokong iwan ako ng taong mahal ko para lang umasa na baka may mas okay, baka mas mamahalin ako at baka ang bagong 'yon ang magtatama ng mga kamalian ko sa buhay. Baka. Baka. Baka.

Hindi ako si Popoy at alam kong hindi ikaw si Basha.
Pero kung sakaling magkasakitan tayo hinding-hindi ko hahayaan ang sarili ko na iwan ng taong pinakamamahal ko dahil ang salitang 'baka' ay walang kasiguruhan.
Ayokong dumating ang panahon na sa tuwing tumutugtog at napapakinggan ko ang kantang 'Nanghihinayang' ay maalala kita habang tumutulo ang aking luha dahil sa maling desisyong aking nagawa.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na manhid na tatanungin ang kanyang Basha kung ano bang problema.
Dahil hindi kailanman na ang tulad mo ay dapat na masaktan.
Na hindi mo kailangang magtiis sa kung anumang sakit na iyong nararamdaman.
Na sa bawat kasiyahang nararamdaman ko ay naroroon ka at kasama kita.
Na hindi mo kailangang umasa at sabihing, 'ako na lang, ako na lang ulit' dahil hindi ikaw si Basha na binalewala lang lahat ng masasayang alaala nila ni Popoy at hinding hindi mo maririnig sa akin ang panunumbat na 'she love me at my worst and you had me at my best' at alam kong you will not choose to break my heart. Ever.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na magtatanong nang, 'paano na tayo?'
Na sasagutin mo naman nang, 'wala na tayo'.
Dahil naniniwala akong hindi natin itatapon ang lahat, hindi natin hahayaang masayang ang ilang five years na ating pagsasama.
We already give more than five years of our lives at alam kong hindi pa 'yun sapat at kung pagmamalabis ang hilinging 'wag kang mawala sa buhay ko, so be it -- siguro nga I am asking for too much.
Hindi ikaw si Basha at ayokong marinig mula sa'yo na, 'How I wish I could turn back time, so I can fix all my mistakes'.
Dahil wala ka namang dapat balikan at wala kang dapat pagsisihan.
Hindi ako si Popoy at hindi ako kasing kisig ni Popoy pero ang lahat ay gagawin ko para masabi mong worth at deserving ako para sa 'yo at pagmamahal mo.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na minsa'y naging manhid sa nararamdaman ni Basha.
Na hindi alam kung siya'y nakakasakit na ng damdamin ng iba.
Na ang pagmamahal na kanyang binibigay ay nagiging sanhi na pala ng pagtitiis at tampo ni Basha.
Na dapat ay batid niya na minsan hindi sapat ang pag-ibig lang kundi dapat ay may kasama rin itong respeto at pagtitiwala.
Ngunit hindi naman ikaw si Basha na kahit hindi niya alam kung tama ang kanyang ginagawa ay magdedesisyon pa rin na dapat nang tapusin ang relasyon nila ni Popoy.
Gagawin ko ang lahat upang  hindi ko marinig mula sa'yo ang sagot na 'I'm so sorry' sa tanong na 'Mahal po ba ako?'

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na nawala sa katwiran ang pagiging seloso.
Na minsa'y nagpadala sa bugso ng panibughong damdamin at hindi binigyan ng pagkakataong maipaliwanag ang mahahalaga sanang sasabihin ni Basha.
Na dahil sa walang basehang pagseselos at pagdududa ay tumungo ang relasyon nila ni Basha sa hiwalayan.
At sa kabila ng kanilang pagmamahalan sa isa't isa at ng mga katagang 'Mahal na mahal kita' ay nadugtungan na ito ng mga salitang 'Ang sakit sakit na'.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na minsa'y naging madamot at naging insensitibo sa nararamdaman ni Basha.
Na tila huli na nang siya'y humingi ng kapatawaran sa lahat ng nagawa niyang kasalanan.
Na kahit alam niyang nakakasakit na siya ng damdamin ng iba ay mas inisip pa niya ang kanyang sarili, ang gusto niya lang, at ang kanyang nararamdaman.
Na hindi niya inalintana na kailangan na palang hanapin 'yung Basha na nawala, 'yung Basha na minahal niya sa umpisa pa lamang.


Hindi ako si Popoy at hindi ikaw si Basha.
Hindi tayo sa karakter sa isang kathang-isip na istorya.
Na ang love story nila ay isinapelikula at ngayon nga'y ginawa pang nobela.
Na ang love story nila ay pinagkaguluhan, hinangaan, iniyakan, kinakiligan ng marami at hindi malayong magkaroon pa ito nang isa pang karugtong.
Ngunit hindi gaya nang kuwento ng pag-iibigan nina Popoy at Basha -- ang love story nating dalawa ay hindi fiction at hindi likha ng imahinasyon.
Ang love story natin ay hindi kinakailangang hangaan ng marami.
Ayokong humingi ng 'One More Chance' dahil baka hindi ito mangyari.
Pero sa palagay ko'y sapat na ang unang pagkakataon.
Sapat na ang unang beses. Hindi na ito masasayang.
Hindi na natin kakailanganin ang second, third o fourth chances na 'yan.