Monday, August 24, 2015

#Balikbayan Box


Trending sa lahat ng social media platform (hindi ang aldub) ang isyu tungkol sa Balikbayan Boxes na pinadadala ng ating mga kababayang OFW na kung tawagin ng gobyerno ay Bagong Bayani pero hindi naman bayani kung kanilang ituring.


Tinatayang aabot sa 12 milyon ang OFW na nakakalat sa iba’t ibang panig ng mundo at kung susumahin ang kanilang remittances taon-taon, tinatayang mahigit ito sa US$21 bilyon. Ibig sabihin, ang OFW’s ay may napakalaking role na ginagampanan para sabihing ang ekonomiya ng bansang Pilipinas ay sumisipa pa at may ipinagyayabang pa.


Ang malaking bilang na ito (12 milyon) na ating mga kababayan ay nagsisikap, nagtitiis, nagpapaalipin, nagpapaalila, nagtitiyaga, nagtitipid para sa kinabukasan ng kani-kanilang pamilya para sa isang pangarap.
Isa sa munting paraan nila ng pagpapakita ng pagmamahal sa pamilya ay ang pagpapadala nila ng iba’t ibang mga gamit (ilan sa mga ito’y pinaglumaan na ng kanilang amo) karaniwan nilang pinapadala ay mga damit, toiletries, noodles, tsokolate, cellphone, gadgets, bags, sapatos, etc. at ang mga ito ay ilalagay nila sa isang hindi kalakihang karton na kung tawagin ay: Balikbayan Box.


Uminit at pumutok ang isyu dahil ang mismong commissioner ng Customs ang nagsabing iinspeksiyunin, hihigpitan at (kung maaari’y) bubuwisan nila ang laman ng mga kahong ito. Dahil (daw) sa mga kadahilanang ito:



Una, nawawala raw sa gobyerno ay mahigit Php60 milyong halaga ng buwis.

• Hindi ang mga padala ng OFW ang dapat nilang maging source ng pagkakakitaan dahil ang BOC ay kumikita ng average na Php31Bilyon kada buwan o humigit-kumulang sa isa’t kalahating bilyong piso kada buwan. Anong lohika meron ang BOC bakit ang mga pipitsuging laman ng balikbayan boxes ang kanilang pinagdidiskitahan?

 
Pangalawa, nagiging source daw ng technical smuggling ang laman ng balikbayan box.


• Mayroon ngang mga kaso na ang isang balikbayan box ay may lamang iligal o kontrabando pero ang mga ganito ay ‘isolated cases’ lang at kung ikukumpara mo ito sa marami at talamak na kaso ng pag-aangkat ng luxury cars, fireworks, ukay-ukay, at agricultural products na walang permits tulad ng bigas, bawang, sibuyas, gulay etc. ay parang patak lang ito ng tubig sa gabundok na yelo. 


• Totoong may karapatan ang BOC na buksan ang balikbayan box (nakasaad ito sa CMO 79-90/ 3.3.1) pero makatuwiran bang halughugin at bulatlatin ang isang kahon kung wala naman itong derogatory information? Ano ang silbi ng multi-milyong piso na halaga ng X-ray Machines kung kinakailangan din pala nang mano-manong inspeksiyon? 


Sa mga pagkakataong nababawasan, nabubulok o tuluyang nawawala ang laman ng isang balikbayan box, may nagawa bang paraan ang BOC para mahuli, masugpo o masakote ang mga sangkot dito?
Maganda sana ang layunin ng Adwana pero maganda ba ang kanilang sistema?
May nakasuhan at nakulong bang freight forwarder/NVOCC o customs employee dahil sa pagsalaula ng mga balikbayan boxes?



Sa kasalukuyang halaga ng piso, mas dapat pa ngang taasan ang limit ng halaga na US500 kada kahon, mas dapat pang dagdagan ang limit na isang beses kada anim na buwan. Pakonsuwelo na lang sana ito sa mga bagong bayaning nagtataas ng credit ranking ng bansang ito sa World Bank, pampalubag-loob sa mga bagong bayaning nagtitiis sa ibang bansa dahil ang kanya mismong bansa’y walang maiaalok na trabahong magtutustos sa pangangailangan ng kanyang kaawa-awang pamilya.


Ang balikbayan box ay parang isang love letter ng isang manliligaw sa kanyang nililiyag, puno ito ng pag-ibig at pagmamahal. 

Hindi lang basta gamit o pagkain ang nakapaloob sa kahong ito dahil kalakip nito ay isang hindi matatawarang pagmamahal na higit pa sa kayang sabihin ng mga salita. Ilang mga buwan ang bibilangin bago makapuno ng isang payak na balikbayan box,
ilang pakiusap sa amo na ibigay na lang sa kanya ang gamit na lotion o pabango,
ilang gabing pagpupuyat ang kinailangan para makabili ng cellphone na hiniling ng bunso,
ilang pag-skip sa lunch o dinner ang kinailangan para may maibiling damit ang nagdadalagang panganay.
 


Kaya napakahirap para sa ating isipin kung papaano nila naaatim
na bawasan ng ilang piraso ang tsokolate,
na kupitin ang ilang magagandang mga damit,
na agawin ang isang cute na manika,
na ipalaro sa kanilang anak ang nakaw na laruan,
na kotongan ang akala nilang mamahaling gadget,
na arborin ang pinaglumaang shoulder bag.
Wala ba silang mga pambili?!



Ang balikbayan box ay hindi lang basta kahon.
Ang laman nito’y sampung porsiyentong kagamitan at siyamnapung porsiyentong pagmamahal.

At sa bawat pirasong kagamitang nakapaloob dito na nawawala, nababawasan, nasisira o nabubulok dahil sa kagahamanan ng maraming kawani ng Adwana na walang awa, walanghiya at walang paggalang sa ating mga bagong bayani (kuno) ay para na rin nilang inaagawan ng kaligayahan ang pamilyang dapat sana’y nakakatanggap ng simpleng mga bagay na ito, na katumbas sa kanila’y labis na kasiyahan.

Thursday, August 13, 2015

Guni-guni

At ang lahat ay magyayabang na kilala nila ang kanilang sarili.
Sa tuwi-tuwina, bibigkasin ang angking talino at iwawagayway ang kakayahan sa mga bagay-bagay. 
Kung papaano umunlad mula sa pagdarahop. 
Kung papaano umasenso mula sa kawalan. 
Kung papaano naging makapangyarihan mula sa pagiging busabos. 
Kung papaano binubusog ang tiyan ng masasarap na pagkain. 

At tulad ng dalaga sa kanyang mangingibig paniniwalaan ang katagang 'mahal kita' at 'magpakailanman' 
kahit paulit-ulit na lokohin, 
kahit paulit-ulit sa pagsisinungaling, 
kahit paulit-ulit ang pangako.

Ano't lagi nating niyayabang ang ating yaman? Ang talino?
Ang karangalan?
Ilang milyong piso na ang mayroon ka? Summa cum laude ka ba?
Pangarap mo bang maging alkade ng Maynila? Pera, talino at kapangyarihan.
Kombinasyong patungo sa kapalaluan kung walang pagtitimpi, kung hindi ikikimkim. 


Hambog ka, hindi mo lang alam o ayaw mo lang tanggapin.
Sinungaling ka, hindi mo lang maamin.
Ipokrito ka, ngunit sino nga ba ang hindi? Hindi mo kilala ang iyong sarili sa tuwing
may mabigat na suliranin,
may pamilyang nasa bingit ng kamatayan,
dadausdos ang karera sa pulitika,
nabigo sa pangarap ng kanyang paslit,
babagsak ang multi-milyong pisong negosyo,
kumalat ang sex video sa internet,
mabibigo sa pag-ibig,
o kahit may motoristang sumalubong sa one-way na kalsada.

May bubunot ng baril o kikitil sa ngalan ng kahambugan o isusugal ang buhay dahil
sa pagkadismaya sa mundo,
sa sarili,
sa tadhana at doon sa nasa Itaas.

Magpapasya ng may kaakibat na pagsisisi. Nasubukan na ba nating mamuhay ng may kapayapaan? Ewan. Malamang hindi.
Wika ng pilosopong matanda; buhay ay nilikha hindi para sa kapayapaan kundi para sa walang hanggang paghagilap sa mailap na tagumpay kesehodang makasagasa ng iba.
Oo. Malupit ang buhay. Malupit ang mundo. Salbahe ang tao.
Mabibigo ka kung kailan ka pursigido,
dadalaw ang trahedya sa panahong ayaw mo,
aangat ka kung mang-aapak ka,
sinadya mo man o hindi gagaguhin ka kung kailan nais mong magpakatino,
masasaktan ka kung kailan mo gustong magpakabait.

Nakalimutan na ng tao ang respeto.
Lahat na nga ay walang paggalang sa kapwa. Ang 'putangina' ang humalili sa 'po' at 'opo' bibitiwan ito tulad ng paglura sa kalsada,
magtataksil sa taong ubod mong mahal,
kukupit ng mula sa kaunti patungo sa malaki,
pagtatawanan ang may kapansanan,
kakamkamin ng ganid ang lahat pati na ang langit,
sisiraan ang kaibigan para sa kapirasong tawa,
pupurihin ang mga taong umaaglahi.
Kalilimutan ang nasa Itaas.
Saka lamang Siya maaalala tuwing sadsad na ang nguso sa lupa
o lupaypay sa tambak na problema
o nakikita na sa guni-guni ang anghel ng kamatayan.

Minsan. Minsan lang. Sasamba (kunwari) naman sa bahay dalanginan
tuwing Pasko,
tuwing Bagong taon,
tuwing kaarawan,
tuwing kasama ang syota,
tuwing Pasko ng pagkabuhay o
tuwing Miyerkules ng abo para magpakuha ng litrato at ipaskil sa librong hindi naman libro.

Dadalangin ng biyaya, hihingi ng kapatawaran o katuparan sa pangarap o magandang kalusugan. Makalipas na mapagbigyan.
Wawaglitin ang lahat.
Kahit ang pasasalamat.

Paano kung ang rapture ay sa isang linggo?
O bukas?
O mamaya?
Paano tayo haharap sa Lumikha?
Kung right minus wrong ang batayan patungo sa dambana ng kalangitan, papasa ka kaya?
Paano kung hindi? Mainit daw doon.
Ewan.
Bahala na.

Inisa-isa kong bilangin ang aking mga kasalanan... Madami.
Hindi na ako nagulat.
Tama ba na isipin nating higit na marami ang mas makasalanan kaysa sa atin?
Kakatawa.
Pare-pareho ang katuwiran ng mga taong makasalanan.
Tulad ko.
Ikaw rin.
At sa iba pang babasa nito.
Aasang tutungo sa Langit kahit ang ginagawa'y pulos kagaguhan.
Ah, siguro malapit na nga ang katapusan.
May delubyo na sa lahat ng dako ng daigidig.
mapaminsalang lindol,
nagngangalit na alon,
naghuhuramentadong bulkan,
bagyong kumikitil ng buhay at kabuhayan,
digmaan ng tao sa tao,
ng masama at mabuti,
ng relihiyon at paniniwala,
pagbaha ng literal,
ng pagmamagaling at
ng kasakiman,
karamdamang walang lunas,
walang medisina. 


May mga propeta na magdedeklara ng katapusan, may lider ng relihiyon na walang takot na aariin ang kaligtasan.
At may makukumbinsi.
Na tanga o takot lang.
Na kulang ang tiwala pero (umano'y) naniniwala.
Na walang alam ngunit nagdudunong-dunongan. Ikakalat ang kabobohan sa madla, magpapaskil sa librong hindi naman libro.
Pupulutin ng media ang isa pang kabobohan,
ang prediksyong bulaan,
parang maligno na maghahasik ng lagim,
ng sindak,
ng takot.
Sa lahat.
Kahit ang demonyo'y kanyang tatakutin, susubuking mag-ulat ng nakakasindak; suot ang costume nang parang sa astronaut. Hindi niya batid na ang kanyang hinahasik ay ang mismong kanyang katangahan.
At nabuhay ang alamat ng mahusay na pulitiko sa pamamagitan ng 'hoax',
ng panggagago,
ng pang-uuto sa mga tao.
Hindi sinunod ang protocol sa kagustuhang maging trending, sa ngalan ng rating.
Kung pinaniwalaan ang isang kalokohan,
lalo na ang boladas ng mga nanunungkulan,
lalo't may kasamang pangsuhol na bigas
o de-lata
o noodles
o tatlong daang piso
o rosaryo na may letrang B.
Makakakuha ng isang boto ang nagmamalasakit kuno.

'Wag mo nang pagtakhan kung bakit patuloy ang pagwawagi ng kawangis nina Pogi, Sexy, Tanda, Komedyanteng Plagiarist, Apo Makoy, Gloring, Ampatwan, Abnoy at iba pang panginoon ng iba't ibang lalawigan. Ah, muntik ko nang malimutan ang VP na may maitim na balak. Marami pa sila. Na hindi naniniwala sa political dynasty ngunit magmula sa apo sa tuhod hanggang sa kanilang yaya ay may katungkulan. Marami pa sila.
Hindi na mabilang dahil nagkukubli
sa ganda ng ngiti,
sa mabuting salita,
sa talumpati,
sa pagkalinga,
sa huwad na surbey,
sa pagiging makatao,
sa pagiging maka-Diyos.

Tayo'y paurong. Hindi pasulong.
Tayo'y paatras. Hindi paabante.
Tayo'y palubog. Hindi paahon.

Parang ang lahat ng nagaganap ay guni-guni o bangungot.
Guni-guning totoo ngunit ayaw paniwalaan, bangungot na dati'y sa pagtulog lang nangyayari.
Ngayon na ang panahon na ang isang sandali'y mas pinapangarap ang mahimbing kaysa ang gumising.
Tayong nabuhay sa maling henerasyon, sa maling pagkakataon.
Kabahagi ka o tayo ng lipunang kumokonsumo ng magastos na teknolohiya sa halip na mag-ipon ng kaalaman.
Uubos ng oras sa android sa halip na sa pamilya,
uubos ng salapi sa alak sa halip na pagkain,
isusugal ang barya sa halip na ipunin,
interesado sa bugbugan ng palikerong artista kaysa kasaysayan,
magbubukas ng porno sa halip na libro o kwaderno.
Binobobo ng satirical na balita, magkokomento at ibabalagbag ang kamangmangan.
Dose oras sa harap ng kwadradong monitor ngunit walang natutunan, walang nadagdag na kaalaman kundi
scandal,
tsimis sa idolo,
kalibugan,
ang mga pabebe,
ang magnae-nae
at kahalayan.
Tanungin mo kung ano nang balita sa kababayan (bagong bayani raw) na hahatulan ng kamatayan sa gitnang silangan, walang pakialam.
Ngunit saulado ang mga awiting pinasikat ng amerikanong teenager na lunod sa kasikatan ngunit lulong
sa alak, 

sa droga rin,
sa kontrobersiya at
sa kababuyan.

Dadakilain at sasambahin ang (mga) idolo, ituturing na parang diyos;
iiyakan,
ipaglalaban,
hahagilapin,
tutunguhin,
sasambahin.

Lipas na nga ang panahong ang bayani ay tunay na dinadakila at ang mga dakila ay tinatanghal na bayani.
May respeto.
May dangal.
May karangalan.

Isa na lamang itong panaginip.
Isang guni-guni.

Thursday, August 6, 2015

Hindi Ako Si Popoy



Hindi ako si Popoy at batid kong hindi rin ikaw si Basha.
Pero ang istorya ng pag-ibig nila ang magiging inspirasyon natin para ang ating love story ay magkaroon ng masaya at magandang ending.
At kung pwede pa'y lampasan at hihigitan pa natin sila.
Na kahit lumipas man ang five years, ten, eleven, twelve thirteen, fourteen, at kahit matapos pa ang forever gusto ko sabihin sa 'yo na, sana tayo na lang. Sana tayo na lang ulit.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na naniniwalang kaya tao iniiwan ng mga taong mahal natin kasi baka may bagong dumating na mas okay, na mas mamahalin tayo, 'yung taong 'di tayo sasaktan at paaasahin, 'yung nag-iisang taong magtatama ng mali sa buhay natin, ng lahat ng mali sa buhay natin -- Ayokong umasa sa salitang baka.
Ayokong iwan ako ng taong mahal ko para lang umasa na baka may mas okay, baka mas mamahalin ako at baka ang bagong 'yon ang magtatama ng mga kamalian ko sa buhay. Baka. Baka. Baka.

Hindi ako si Popoy at alam kong hindi ikaw si Basha.
Pero kung sakaling magkasakitan tayo hinding-hindi ko hahayaan ang sarili ko na iwan ng taong pinakamamahal ko dahil ang salitang 'baka' ay walang kasiguruhan.
Ayokong dumating ang panahon na sa tuwing tumutugtog at napapakinggan ko ang kantang 'Nanghihinayang' ay maalala kita habang tumutulo ang aking luha dahil sa maling desisyong aking nagawa.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na manhid na tatanungin ang kanyang Basha kung ano bang problema.
Dahil hindi kailanman na ang tulad mo ay dapat na masaktan.
Na hindi mo kailangang magtiis sa kung anumang sakit na iyong nararamdaman.
Na sa bawat kasiyahang nararamdaman ko ay naroroon ka at kasama kita.
Na hindi mo kailangang umasa at sabihing, 'ako na lang, ako na lang ulit' dahil hindi ikaw si Basha na binalewala lang lahat ng masasayang alaala nila ni Popoy at hinding hindi mo maririnig sa akin ang panunumbat na 'she love me at my worst and you had me at my best' at alam kong you will not choose to break my heart. Ever.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na magtatanong nang, 'paano na tayo?'
Na sasagutin mo naman nang, 'wala na tayo'.
Dahil naniniwala akong hindi natin itatapon ang lahat, hindi natin hahayaang masayang ang ilang five years na ating pagsasama.
We already give more than five years of our lives at alam kong hindi pa 'yun sapat at kung pagmamalabis ang hilinging 'wag kang mawala sa buhay ko, so be it -- siguro nga I am asking for too much.
Hindi ikaw si Basha at ayokong marinig mula sa'yo na, 'How I wish I could turn back time, so I can fix all my mistakes'.
Dahil wala ka namang dapat balikan at wala kang dapat pagsisihan.
Hindi ako si Popoy at hindi ako kasing kisig ni Popoy pero ang lahat ay gagawin ko para masabi mong worth at deserving ako para sa 'yo at pagmamahal mo.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na minsa'y naging manhid sa nararamdaman ni Basha.
Na hindi alam kung siya'y nakakasakit na ng damdamin ng iba.
Na ang pagmamahal na kanyang binibigay ay nagiging sanhi na pala ng pagtitiis at tampo ni Basha.
Na dapat ay batid niya na minsan hindi sapat ang pag-ibig lang kundi dapat ay may kasama rin itong respeto at pagtitiwala.
Ngunit hindi naman ikaw si Basha na kahit hindi niya alam kung tama ang kanyang ginagawa ay magdedesisyon pa rin na dapat nang tapusin ang relasyon nila ni Popoy.
Gagawin ko ang lahat upang  hindi ko marinig mula sa'yo ang sagot na 'I'm so sorry' sa tanong na 'Mahal po ba ako?'

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na nawala sa katwiran ang pagiging seloso.
Na minsa'y nagpadala sa bugso ng panibughong damdamin at hindi binigyan ng pagkakataong maipaliwanag ang mahahalaga sanang sasabihin ni Basha.
Na dahil sa walang basehang pagseselos at pagdududa ay tumungo ang relasyon nila ni Basha sa hiwalayan.
At sa kabila ng kanilang pagmamahalan sa isa't isa at ng mga katagang 'Mahal na mahal kita' ay nadugtungan na ito ng mga salitang 'Ang sakit sakit na'.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na minsa'y naging madamot at naging insensitibo sa nararamdaman ni Basha.
Na tila huli na nang siya'y humingi ng kapatawaran sa lahat ng nagawa niyang kasalanan.
Na kahit alam niyang nakakasakit na siya ng damdamin ng iba ay mas inisip pa niya ang kanyang sarili, ang gusto niya lang, at ang kanyang nararamdaman.
Na hindi niya inalintana na kailangan na palang hanapin 'yung Basha na nawala, 'yung Basha na minahal niya sa umpisa pa lamang.


Hindi ako si Popoy at hindi ikaw si Basha.
Hindi tayo sa karakter sa isang kathang-isip na istorya.
Na ang love story nila ay isinapelikula at ngayon nga'y ginawa pang nobela.
Na ang love story nila ay pinagkaguluhan, hinangaan, iniyakan, kinakiligan ng marami at hindi malayong magkaroon pa ito nang isa pang karugtong.
Ngunit hindi gaya nang kuwento ng pag-iibigan nina Popoy at Basha -- ang love story nating dalawa ay hindi fiction at hindi likha ng imahinasyon.
Ang love story natin ay hindi kinakailangang hangaan ng marami.
Ayokong humingi ng 'One More Chance' dahil baka hindi ito mangyari.
Pero sa palagay ko'y sapat na ang unang pagkakataon.
Sapat na ang unang beses. Hindi na ito masasayang.
Hindi na natin kakailanganin ang second, third o fourth chances na 'yan.



Thursday, July 30, 2015

Mananakop



"Balang araw ay makakarating din tayo sa planetang 'yan. Iyang lugar na 'yan ang magiging ikalawang tahanan natin at aariing sa ating lahi ang lahat ng kayamanan at likas-yamang ating makukuha doon" susog ng kausap na si Lexi na nakatanaw sa isang asul na planetang kanyang natatanaw gamit ang isang sopistikadong telescope.


"Pero hindi ba't may mga katulad na nating nakarating diyan? At balitang totoo ngang nakakabighani at kamangha-mangha ang kanilang planeta. Sagana rin ito sa ginto, pagkain, malinis na tubig at mineral. Pero hindi pa rin sigurado ang ating mga dalubhasa kung kakayanin ba natin ang supply ng hangin, atmospera at klima sa ganyang planeta." sagot ni Dex kay Lexi.


"Marami-rami na nga raw ang matagumpay na nagtungo diyan upang pag-aralan ang lahat ng tungkol sa planetang 'yan kabilang na ang kanilang uri ng lupa, bato, hangin, tubig at iba pa pero hanggang ngayon nananatili pa ring lihim amg resulta nito sa atin." makahulugang sagot ni Lexi. "Kung mayroong matagumpay na nakabalik, sigurado akong marami ring nabigo at mga nasawi sa paglalakbay na tinuturing ng lahat na napakalaking tagumpay sa larangan ng siyensiya, agham, transportasyon at teknolohiya. Ang mga nasawing 'yon ang sakripisyo para sa kapakanan ng ating kinabukasan at ng susunod na salinglahi. At kahit anong pagtanggi pa ng ating gobyerno hindi nila maitatago na hindi sila tumitigil na gumastos ng malaking halaga upang pag-aralan at kalaunan ay sakupin ang planetang sa tingin nila'y maari nating ikalawang tahanan."


"At ang sigurong kakatwa rito ay tila ganundin yata ang motibo ng mga taga-ibang planeta -- ang sakupin ang iba pang planeta at makinabang umano ang lahat sa mga yamang kanilang makukuha. Ang lihim na ito ay pilit pang itinatago, na bukod sa atin ay mayroon pang ibang nilalang na nabubuhay sa kalawakan." astang dalubhasa kung magsaad ng kwento si Dex.


"Hindi malayo na sa darating na panahon ang mga katulad natin ay kakailanganin ng ating gobyerno o ng ating pinuno hindi upang labanan ang mga rebelde, hindi upang ipagtanggol ang planeta natin kundi upang lusubin at lipulin natin ang mga nilalang na nabubuhay sa planetang 'yan. Para saan ang malalakas nating mga armas kung hindi natin ito gagamitin? Para saan ang bilyon-bilyong halaga na ating mga fighter planes kung hindi natin ito gagamitin sa ating magiging kaaway?" sa tono ng kanilang usapan ay tila sigurado na sila sa kanilang mga sinasabi.

Nagpatuloy si Lexi.
"Hindi na maitatago ang balitang sa lahat ng mga nilalang sa kalawakan ang lahi ng mga naninirahan sa planetang 'yan ay sila ang pinakasakim, pinakamarumi, pinakamaramot, at walang malasakit sa kapwa. Ang maganda at mayamang planeta nila ay 'di nila inaalagaan at patuloy lang nilang sinasalaula, ang napakaraming bilang ng mga nagugutom ay 'di nila makuhang pakainin sa kabila nang napakarami ring bilang ng mayayaman, sila-sila ay nagpapatayan para sa sarili nilang interes, gumagawa sila ng malalakas na armas para patayin ang isa't isa. Ang tanging mahalaga lang sa kanila ay ang tinatawag nilang 'pera'. Pera upang sila'y maging makapangyarihan, upang apihin at alipustahin ang mga salat dito. Ang mga nilalang na katulad nila ay hindi dapat nabibigyan ng puwang na mabuhay at magparami ng lahi. Sila'y kahihiyan sa kalawakan! " Ang kaninang simpleng usapan lang ng magkaibigan ay nauwi sa seryosong diskusyon.

"Sa mahabang panahon palagi nila tayong nilalarawan na pangit, mananakop, walang awa, sakim, masama, malupit at panganib sa lahat ng kanilang sulatin o pelikula ngunit ang totoo'y taglay nila ang lahat ng mga katangiang ito. Maari ngang hindi sila pangit kumpara sa itsura natin pero totoong sila'y mananakop, walang awa, sakim, masama, malupit, at mapanganib. Kung ganon ang tingin nila sa atin gagawin na natin itong totoo dahil mas karapat-dapat tayong mabuhay kesa sa kanila! Ang tawag sa kanila ay tao pero hindi sila makatao! Ang napakagandang kanilang tahanan na kung tawagin ay mundo ay sila rin mismo ang sumisira at wumawasak at kesa tuluyan na itong hindi mapakinabangan, mas mabuti nang ito'y maging sa atin upang magbigay daan sa pagpaparami ng ating populasyon."

"At kung dumating na ang panahong tayo'y ipatawag ng ating gobyerno para gawin ang ating tungkulin gagampanan ko ito ng walang pagdadalawang isip. Walang problema sa akin kung magbuwis man ako ng buhay para lamang malipol ang mga mamamayang naninirahan sa planetang mundo dahil walang karapatang mabuhay ang mga tulad nilang walang malasakit at walang pagmamahal sa kanilang kapwa."

"Oo, sang-ayon ako sa'yo pero tama na nga ang ganyang usapan mabuti pang umuwi na lang tayo bukas na lang ulit tayo magkita. Malalim na ang gabi at masyado na ring malalim ang ating mga iniisip." tinapos na ni Dex ang usapan. 

Thursday, July 16, 2015

Real Talk #1


Habang tumatagal lalong hindi nagiging youth-friendly at post-worthy ang mga lumalabas sa internet i.e. social media. Habang ini-expect nating magkaroon ng isang breaking news o article na magmumulat sa lahat (partikular na sa kabataan) nang isang post na magbabalik at magbubukas sa kaisipan natin sa kahalagahan ng buhay, ng pangalan, ng bayan, ng bayani, ng pananampalataya, ng dignidad, ng kalusugan, ng kapaligiran, ng edukasyon, ng mundo, ng kapwa, ng respeto, at ng iba pa – tila kabaligtaran ang ating nakikita.


Habang tumatagal pabata nang pabata ang nai-involve sa kontrobersiya, scandal o krimen at sa pamamagitan ng platform na social media tila parang parada ito ng magagandang mga bulaklak na pinagpipiyestahan sa tuwing may pagdiriwang ng Panagbenga Festival. Mabuti sana kung ang link na ating iki-click ay palaging maghahatid ng dagdag kaalaman sa ating kamalayan, o ng impormasyong makakatulong sa araw-araw na ating pamumuhay o ng social awareness kung papaano ‘wag masangkot o mabiktima ng scam.


At siguro kahit pa mayroong relevant at post-worthy na mga article ang maglabasan, dadaan lang ‘yan sa ating mga news feed kasi para sa marami hindi ito interesting, hindi entertaining at hindi nakakatawa – walang dating. Hindi ito magti-trend, hindi ito magki-click, hindi tatangkilikin ng marami, gaya ng hindi pagtangkilik ng madla sa dokumentaryo ng GMA News TV na nagsasaad ng lugmok na kalagayan ng bansa.


‘Yung mga nagti-trending sa social media kadalasan nakakatawa pero kung susuriin mong maigi iilan lang dito ang nakakatuwa. May mga video/ post na talaga namang nakaka-pollute sa isipan ng mga kabataan at ‘wag na natin itong itanggi pa, at ang masama rito ‘pag ang kabataan ay kulang sa pang-unawa o walang guidance sa kung ano ang mali at tama, aakalain niya na cool ang mga ganung bagay, na normal lang ito, na wala itong problema at dahil nga kulang sila sa pang-unawa at pag-intindi --- ‘yun ay gagayahin nila.


Hindi sa lahat ng oras ay laging nariyan ang mga magulang/ guardian para gumabay sa kabataan at dahil walang kontrol at restriksiyon sa paggamit ng social media ang mga kabataang ito – hindi natin namamalayan na malaking bahagi ng kanilang puberty period ay impluwensiya ng internet.


Hindi dahil nakakatawa ‘yun na ang tama at hindi dahil okay sa nakatatanda ang napapanood o nababasa okay pa rin ‘yun sa kaisipan ng mga bata. Kairesponsablehan ang mag-share ng mga post na lalason sa kamalayan ng mga kabataan at sana ‘wag nang umabot sa puntong gaya ng mga adik o kriminal sa lansangan, kakatakutan at pangangambahan na rin natin ang kabuuan ng nilalaman ng world wide web maging Twitter man ito, Facebook o Instagram.

Monday, June 29, 2015

Dine-In



Swerte lang siguro at napasok ako sa sosyaling restaurant na ito. Nakatulong marahil ang pinagsama-samang kwalipikasyon ko: graduate sa magandang unibersidad, sapat na experience at 'pleasing personality'. Hindi ba't nakakagagong isipin na kailangang may 'pleasing personality' ang isang tao upang makahanap nang matinong mapapasukan? Paano na lang ang mga aplikanteng kapos nito? Ibig bang sabihin nun na dapat ay makontento na lang sila sa kung anong kompanya ang magtitiyaga sa personality nila? 'Yung kompanyang hindi judgmental, pantay ang pagtingin sa lahat ng antas o uri ng aplikanye, 'yung kompanyang tinitingnan ang kapasidad at kakayahan mong gampanan ang ibibigay sa'yong trabaho hindi dahil sa ikaw ay maganda o gwapo lang.


Isa akong bagitong waiter sa isang magarang restaurant dito sa BGC, isang restaurant kung saan halos lahat yata ng mga customer ay tila mga walang problemang pinansiyal at kung umorder ng mga drinks at pagkaing napakahirap bigkasin ay hindi tinitingnan ang halaga nito. At kahit batid na ng mga customer na ito na overpriced ang karamihan sa mga pagkain at inuming sini-serve dito, marami pa ring tira o left over sa kani-kanilang mga plato. Kakatwang malaman na maraming mga tao ang kapos sa pambili ng pagkain at dahil sa kahirapang ito'y humahantong pa minsan sa paggawa ng krimen pero heto ang mga burgis at mayayamang taga alta-sosyedad na maraming pambili ng halos lahat na naisin nila ay bumibili ng pagkaing overpriced pero hindi naman nila nauubos, minsan nga parang hindi pa nila nabawasan ang kanilang order.


Galing ako sa hirap at masasabi kong mas masarap pagmasdan ang mga mahihirap kung lumantak ng pagkain -- nakakamay, simot na simot ang kahuli-huliang sarsa ng ulam at wala ni piraso ng mumo kang makikita sa plato, 'di tulad ng halos lahat ng mga customer na nagtutungo rito na tila de-numero ang kilos, ang pagtawa at pagsasalita at mahinhing isinusubo ang maliit na piraso ng pagkain sa bibig na sinadyang maliit lang ang pagkakabuka. Kung minsan, hindi ko rin maintindihan ang mga mayayaman kung bakit sarap na sarap sila sa mga pagkaing matatabang at mapuputla ang kulay na ang halaga yata ay isang buong araw na pagtatrabaho ng ordinaryong empleyadong tulad ko. Ewan, pero para sa akin nasa maliliit na carinderia pa rin ang masasarap na pagkain at nasa slum area pa rin ang mga taong masasarap kung kumain -- hindi rito sa lugar na puno ng pagbabalatkayo na ang pagkain ay dinadaan sa ganda ng presentasyon at ang ambiance umano ay ilalayo ka sa mundong maligalig at magulo. Na pagkatapos ay ano?


Halos tatlong linggo pa lang ako rito at gusto kong sanayin ang sarili sa bagong environment na aking napasukan. Dapat masanay ako na ito na ang bagong mundong aking gagalawan at ang trabahong ito ang magiging tuntungan ko patungo sa inaasam kong tagumpay. Hindi gaanong hataw ang trabaho dito, 'di tulad sa huli kong napasukang american fastfood franchise na dagsa ang customer palagi dahil nasa loob ng mall. Maliban na lang kung araw ng Biyernes, Sabado, Linggo at holiday -- doble ang customer na dapat naming pagsilbihan. Dahil mayayaman ang customer dapat astang may 'breeding' din kami, kailangan mas magalang kami, kailangan mas aware ka sa kanilang pangangailangan na sa pagtaas pa lang ng kanilang kamay ay nasa harap ka na nila -- iyon at marami pang iba ang naituro sa aming orientation bago pa ako isalang dito.


Isang ordinaryong Huwebes lang para sa akin ang araw na ito. May mangilan-ngilang customer na karamiha'y napagsilbihan ko na rin. Maliban sa isang medyo may edad na lalaki ns pamilyar ang mukha pero hindi ko maalala kung saan ko nakita. May kasama siyang apat na iba pa; tatlong lalake at isang babae. 'Yung babae ay bata pa siguro'y nasa late 20's, kung may malisya ang magmamasid sa ikinikilos ng dalawa ay sasabihing may relasyon sila. Isa sa natutunan ko sa orientation ay ang pagkontrol sa sarili na hindi makialam sa personal na buhay ng mga customer lalo na kung ito'y pulitiko at artista. Sa iksi pa lang nang panahong paninilbihan ko rito totoo ngang dapat ngang maging wala akong pakialam sa aming mga customer dahil kung hindi, baka mas marami pa akong maihatid na tsismis sa kung sinong showbiz reporter ng programang Startalk.


Paunang order ng matandang lalaki ay brandy, sa kasama niyang babae ay wine. Makalipas ang ilang minuto ay umorder na siya ng pagkain; siyam na putahe ng ulam! Gusto kong itanong sa kanya kung ganun ba talaga sila kalakas kumain? At alam ba nila na ang pinuntahan nila'y hindi karinderya na trenta pesos ang kada order ng ulam? Kung susuriin namang maigi ay hindi naman siya mukhang mayaman -- ordinaryo ang suot na polo, ordinaryo ang kulay ng balat, ordinaryo ang kilos at pananalita. Basta, iba talaga ang kilos at gawi ng mayayaman kumpara sa nagyayaman-yamanan lang.
Teka, sino ba ako para kuwestiyunin ang pagkatao niya? Sino ba ako para umuri kung sino ang mayaman at sino ang mahirap? Sino ba ako para sa kanya? Isa lang akong ordinaryong waiter na tagapagsilbi. Sabi nga sa ingles, 'don't judge the book by its cover' at dapat kong i-apply ito ngayon mismo.


Tama nga ako. Hindi nga nila naubos ang kanilang inorder 'yung dalawang putahe nga ay halos hindi man lang nabawasan at 'yung iba naman ay parang kalahati lang din ang bawas. Iba talaga sila, kung mortal sin para sa mga mahihirap ang magtira ng pagkain sa plato para sa mga customer dito ay parang obligasyon mong mag-iwan ng kaunting piraso sa bawat pagkaing in-order mo. Halos naririnig ko pa ang pagalit at mura sa akin ng nanay ko noong hindi ko kainin ang ulam naming paksiw: "Hoy! Gago kang bata ka bakit hindi mo kainin 'yang ulam na nakahain sa mesa? Maraming mga bata na walang makain, ikaw may matinong pagkain na sa harap mo ayaw mo pang kainin?!" piningot pa ako ni nanay noon para lang kainin ang paksiw na aming ulam.


"Excuse me, can I have the bill?" halos hindi ko narinig ang sinabi ng lalake mabuti na lamang at wala gaanong customer at mahina ang swabeng musikang tumutugtog sa restaurant kaya narinig ko ang malaki niyang boses.


May dahilan kung bakit mahina at swabe ang musikang tumutugtog sa ganitong klase ng mamahaling restaurant, ito ay para i-encourage ang mga customer na mag-stay pa nang matagal at umorder ng umorder ng drinks at pagkaing higit sa 600% ang patong sa orihinal na presyo. At may dahilan kung bakit malakas at nakakairita ang tugtog sa mga fastfood chain, ito ay para bilisan ang pagkain ng mga customer dito para magbigay daan sa iba pang customer na nakapila at nakatayo sa labas.

Hindi man lang nagulat ang matandang lalake sa halaga ng bill na inabot ko sa kanya. Nasa isip ko: marahil ay sanay na siya sa ganitong klase ng lugar at mayaman talaga ang pamilya niya at marumi lang talaga ang pag-iisip ko.
Inabot nang mahigit sa dose mil ang kanyang bill!
Binigyan niya ng instruction ang babaeng kanyang kasama. Mula sa sobreng kinuha ng babae ay inilabas nito ang labing limang piraso ng isang libong piso, iniabot ito sa akin.


"I received ma'm, sir, fifteen thousand pesos. Php 12,565 lang po ang bill ninyo..." akmang ibabalik ko ang two thousand sa babae nang magsalita ang matandang lalake. "You can keep all the change. Saka pakilagay pala sa resibo: Philippine National Police."


Natahimik akong bigla.
May dahilan pala kung bakit galante ang lalake, may dahilan pala kung bakit hindi siya nanghihinayang sa halagang kanyang ibinayad sa mamahaling restaurant na tulad nito --
hindi galing sa kanyang bulsa ang perang ipinangagasta niya sa kanyang inumin at mga pagkain.
Ilang establisimyento pa kaya ang winawaldasan niya ng perang hindi naman sa kanya?
Ilang opisyal pa kaya ng gobyerno na tulad niya ang walang panghihinayang na gumastos gamit ang pondo ng bayan?


Sa marahan kong paglalakad papuntang cashier ay bigla kong naalala ang ilang libong pisong ibinawas at ibabawas sa sweldo ko kada buwan at ang pinagsama-samang ilang bilyong pisong buwis kada taon na kinakaltas sa mga ordinaryong obrerong nagpapaalipin para lamang may maihaing pagkain para sa hapag-kainan ng kani-kanilang pamilya.