Showing posts with label proud to be filipino. Show all posts
Showing posts with label proud to be filipino. Show all posts

Monday, September 30, 2013

Alzheimers




At nagbunyi ang lahat sa tagumpay ng isang Filipinang nagwagi sa patimpalak ng pandaigdigang pagandahan nagkumahog ang dalawang dambuhala, inaangkin ang dilag bilang kanilang kapamilya at kapuso kuno, teka ganundin kaya ang trato kung ang kandidato'y umuwing nabigo? Kasama nilang natuwa at nagpuri ang mga buwitreng kasangkot sa multi-bilyong pisong pandarambong sa pondo ng bayan dahil pangkalso umano sa sensesyonal na balitang ilang linggo nang pinagpipiyestehan at pinagdidiskitahan ng media, ng mga nagmamalinis, ng mga katunggali sa pulitiko, ng mga pumuposisyon sa susunod na halalan, ng mga barubal na netizen, ng mga hindi naambunan ng husto at ng kawawang si Juan: Ang bagong-lumang anomalyang nabuko.

Samantala sa dulong bahagi ng mapa ng Pilipinas na kung tawagin ay Mindanao partikular na ang Zamboanga at Basilan ay may naghahasik ng kaguluhan, maraming kawal ang nagbuwis ng buhay para sa bayan samantalang ang kanilang mga lider ay nabubuhay sa buwis na galing sa bayan. Mga rebeldeng nananawagan ng kasarinlan at kapayapaan samantalang bala ng malalakas na kalibre ng armas ang pumapailanlang sa kapaligiran walang sinisino, walang sinasanto kahit anghel o demonyo'y kikitilin, uutangin ang buhay, nanakawin ang pangarap. Narinig ko kay Miriam ang nagpondo umano ng digmaan ay ang tinatawag ng saksi sa pandarambong ay si Tanda.

Dumepensa at bumanat ang gunggong na si Bigote na tanyag na magaling magpatawa sa triumvirate na TVJ, na umusbong muli ang pagsikat nang buong kayabangan niyang kopyahin ang talumpati ng mga may dignidad na mga personalidad (na 'di niya katulad) wala umanong katotohanan at kakayahan si Tanda na pamunuan ang himagsikan at pagtataksil sa bayan 'di raw nito hahayaang tumimbuwang ang kanyang mga kababayang gusto niyang maging happy. Bigla akong pumutangina! Naalala ko ang panahon ni Makoy nang lumaganap (umano) ang chaos o kaguluhan at may nagtangkang pumaslang kay Tanda bago ideklara ang nakakahilakbot na Batas Militar. Makalipas ang ilang dekadang paghahari bumalimbing para sa mas komportableng pananatili sa rurok ng kalapastangan tila imortal na hindi namamatay ang pagkagahaman.

Sabi ni Rizal, "Anong silbi ng kalayaan kung ang inaalipusta sa kasalukuyan ang siyang magtataksil sa bayan, kinabukasan." makalipas ang ilang pagpapahayag ng kalayaan, kasarinlan at demokrasya muli siyang nagdilang anghel, ang mga lumalaban para makamit ang demokrasya sa panahon ng diktaturya ang siya ngayong nagpapahirap at umaalipin sa bayan parang mga ulupong na bumibiktima ng mga mahihina. Sa susunod na eleksyon muli silang mahahalal iluluklok ng taong-bayang muling nagpasuhol, muling nagpaulol.

Sa likod ng huwad na katagang 'Proud to be Filipino' ay lantad na nagkukubli ang nakakakilabot na katiwalian, ang sumasasagad sa kaluluwang kahirapan, multi-bilyong dolyar na pagkakautang sa dayuhan, malalaki at maliliit na krimeng hindi niriresolba, ang inaalila at inaaliping kababayan sa sarili at ibang bayan, ang mga underpaid na guro, kawal, pulisya, manggagawa, mga busabos na ang tanghalian at hapunan ay mula sa basurahan ng restawran, mga kawawang sanggol na binubusog ng kapeng 3 in 1, mga kabataaang kulang sa edukasyon ngunit eksperto sa romansa, mga mangmang na 1-2-3 at A-B-C lang ang kaalaman, lumulobong populasyon ngunit walang tiyak na pinagkakakitaan, mga talamak sa bisyo ng teknolohiya, sugal, alak at droga, milyong iskwater na timawa sa pagkain at pang-unawa.

Samantala si Napoles kasama ng mga taksil na mambabatas at ng kanyang mga alipores literal na na humihiga, naliligo ng salapi - hindi nahihiyang ipangalandakan ang bag na daang libo ang halaga, mga sasakyang higit pa raw ang presyo sa pinagsama-samang buhay ng maralita, mansyong nakakalula sa lawak ang sukat - aminin man nila o hindi, lahat ng ito'y kinupit sa akin, sa iyo, sa kanila, sa lahat ng Pilipinong nagkukumahog na magbayad ng buwis

Umeksena si Sexy hindi umano niya kayang sikmurain na kupitan ang mahihirap na sa kanya'y nagluklok, hindi umano niya obligasyon na alamin kung saang impiyerno nakarating ang pondong pinagputahan ng mamamayang hilahod sa pagkayod - katwiran ng wala sa sariling pulitiko. Muling bumanat pagkatapos maghugas ng kamay gamit ang banal na agua bendita parang paslit na nagturo kung sino-sino pa ang isinangkot lahat ng nakinabang ay ibinulgar, idinamay para lang maisalba ang reputasyong daig pa ang may amag na tinapay.

At si Pogi? Painosenteng nasa sulok lang nagpapaawa, lumilimos ng simpatiya tinatangkang gaguhin ang masang minanhid ng katiwalian at pagkagarapal. Umano'y inaapi, inaagrabyado, pinagdidiskitahan ngunit hindi maipaliwanag at pangatwiranan ang lampas taong ebidensyang ipinapamukha ng Ombudsman, ng NBI, ng DOJ, ng gobyerno. Bukas o sa isang araw ididismiss ang kaso walang may kasalanan. Ang lahat ay sabay-sabay na puputangina.

Kulang ang isang araw para tukuyin kung sino ang may sala, kung sinong gahaman.
Kulang ang bilangguan kung ipipiit lahat ng suwail at lumapastangan sa ating kahapon, ngayon at kinabukasan.
Kulang ang isang habangbuhay para maibsan at mapatawad ang lahat ng kasalanan.

Kailan magigising ang nagtutulog-tulugang diwa ng mga ganid?
Kailan babangon mula sa pagkakatulog ang tunay na may malasakit sa bayan?
Kailan ipaglalaban muli ng mga dakila mula sa pagbangon ang bayang lumilimot ng kasaysayan?

Ilang Pogi pa ang bubulag sa ating mga paningin para paulit-ulit tayong gaguhin?
Ilang Sexy pa ang huhumaling sa atin para maharuyo sa kanyang panglilinlang?
Ilang Tanda pa ang mang-uuto sa atin para maulit ang kanilang paglalapastangan?
Ilang Napoles pa ang magiging kasangkapan at alagad ng pagtataksil sa bayan?


Bumilang ka ng napakaiksing isa, dalawa, tatlong dekada lahat ng kanilang kalokohan, kasinungalingan, pagtataksil at pagkakanulo sa bayan ay makakalimutan katulad nang  paglimot natin sa emperador ng diktaturya, ang iba'y maluluklok sa mas mataas na posisyon, ang iba'y papanaw ngunit hahalinhinan ng kanilang prinsipeng may katulad na buktot na layunin, ang iba'y mananatiling banal matagumpay na naikubli ang pangil, buntot at kanilang mga sungay.

Friday, August 23, 2013

Tula para sa Flipino at Filipinas sa Buwan ng Wika




Matatagpuan sa timog ng Silangang Asya
Noon ay Pilipinas ngayon'y Filipinas na.
Perlas ng Silangan kung ito'y bansagan
Tagalog ang wika, Filipino ang nananahan.

Mayaman sa kasaysayan na 'di pinahahalaghan
Hikahos sa kapalaran sagana sa kayabangan.
Tulad ng kalikasan na winalang bahala
Gaya ng pondong maanomalyang kinukuha.

'Ako muna bago ang bayan'
Mentalidad ng namumuno ganundin ang mamamayan.
Ekonomiyang maunlad at progresibo umano
Higit sampung milyon walang makain ng husto.

Agrikulturang bansa ang nais na ipasikat
Tone-toneladang bigas ang taunang inaangkat.
Milyong bilang ang nakapagtapos ng kolehiyo
Tinumbasan ng milyong taong walang matinong trabaho.

Sangkatutak ang mga batas na nakalantad
Simpleng ilaw ng trapiko lantarang nilalabag.
Mga bagong bayani aabot sa labing isang milyon
Ngunit 'di sapat ang kalinga at proteskyon.

Masipag na manghikayat ng mga turista
Nagkalat naman nakasusulasok na mga basura.
Pulis at miyembro ng militar hinahalintulad sa kriminal
Patuloy na dumarami tinuturing na pusakal.

Bilyong dolyar ang ipinagmamalaking ipon
Ngunit sa pagkakautang ay lubog at baon.
Sa listahan ng mahihirap na bansa ay kabilang
Selepono ay lampas sa sandaang milyon ang bilang.

Proud sa tagumpay ng kanyang kababayan
Pikon naman kung magagapi ng kalaban.
Relihiyosong bansa kung ituring
'Di naman maiwan pananamantala at pagsisinungaling.

Galit sa mga dayuhang nagdidiskrimina
Ayaw makarinig ng negatibong mga puna.
Sagad naman kung pintasan at iaglahi ang banyaga
Maski ang sariling lahi ay inaalipusta.

Ang 'tangina' ko ay katumbas ng iyong Amen!
Ngunit 'di ka nahihiya na kumupit sa'min.
Ang yosi ko'y katumbas ng 'yong banal na ostiya
Ngunit ikaw'y ay pumapaslang sa ngalan ng pera.

Higit sandaang taon nang nakamit ang kasarinlan
Alipin pa rin ng kamangmangan at kahirapan.
Marami ang nagpasyang mangibang bayan
Ayaw masangkot sa sari-saring kahihiyan.

Pilipinas o Filipinas, walang pinag-iba
Kung hindi mamahalin ang sariling bansa.
Tagalog o Filipino, opisyal na pambansang wika
Walang halaga kung may kaisipang 'kanya-kanya'.


Marami ang sumisigaw ng "Proud to be Filipino!"
Kahit alam niyang hubad ang kanyang pagkatao.
Marami ang sumisigaw ng "Proud to be Filipino!"
Kahit 'di niya batid ang tunay na kahulagan nito.