Showing posts with label kalamidad. Show all posts
Showing posts with label kalamidad. Show all posts

Monday, November 18, 2013

Pilipinismo 2.0



Kuntento ka na ba sa katayuan ng bansa mo ngayon? 
Kuntento ka na ba sa estado ng buhay na iyo ngayong kinalalagyan?
Kung 'oo' ang sagot mo mabuti pero batid mo bang mayroon pang igaganda at ibubuti iyan kung naging tapat at progresibo lang sana ang puso at mentalidad ng mga namumuno sa atin? Ngunit kung 'hindi' naman 'wag kang mag-alala dahil kabilang ka sa napakalaking porsyento ng mga pilipino na umaasa na aangat at aasenso ang kanilang pamumuhay sa 'itinakdang' panahon.

Silang mga pilipinong nabubuhay at kinakamatayan na ang pag-asang siglo na nilang kinakapitan at inaasahan.

Hindi lingid sa atin na ang Pilipinas ay tanyag sa maraming bansa hindi lang dahil sa husay, determinasyon at galing ng mga pilipino sa maraming bagay o sa ganda ng ating mga karagatan o yaman ng ating kabundukan kundi dahil sa malawakang katiwalian at korapsyong nagaganap sa ating pamahalaan at kahit tayong pilipino nga mismo ay hindi buo ang ibinibigay na tiwala sa mga opisyal na namumuno sa atin. Kasaysayan ang nagmulat sa atin kung gaano kalala ang katiwalian sa ating gobyerno kaya't hindi natin masisisi ang sinuman (pilipino man o dayuhan) na magduda sa anumang pondong kanilang hinahawakan. Kung gaano kaliit ang ibinibigay nating tiwala sa mga opisyal na namamahala sa atin halos ganun din ang respetong iginagawad natin sa kanila ngunit kahit anong gawin nating protesta o pagpapahayag mistula silang mga manhid at walang pakialam sa ating mga pakiusap at hinaing.

Silang hindi natitinag sa kanilang kinatatayuan, silang hindi naaantig ang mga kalooban.

Biyernes, Nobyembre 8, 2013.
Habang may isang Napoles na lantaran ang pagsisinungaling sa hearing ng senado, sa mismong sandali namang iyon ay binabayo nang napakalakas na pwersa ng bagyo ang malaking bahagi ng Pilipinas. Habang ginagago at niloloko niya ang buong sambayanang pilipino tila nagpupuyos naman sa galit at lupit ang kalangitan. Maaring ito'y isang aksidente o nagkataon lang ngunit ito'y kakatwa kung ating iisipin at tila may ibig itong ipahiwatig at ipakahulugan.

Bumubuhos ng mga tulong, ayuda, suporta, donasyon at pera ng iba't ibang nasyon sa mga biktima ng super bagyong Yolanda at habang isinusulat ang akdang ito aabot daw ang halaga nito ng mahigit sa tatlong bilyong piso! Nakakalula ang halaga, nakakasilaw ang pigura. At dahil dito kabi-kabila ang panawagan at panalangin ng buong mundo na huwag naman sanang kulimbatin, nakawin o kupitan kahit na katiting na bahagi ng mga donasyong nakalap.
May mga radikal na panawagan, may mga lantaran ang pagtuligsa, may naghayag ng sama ng loob at sintimyento sa mga social network ngunit mas marami ang piniling manahimik ngunit hindi kahulugan nito na buo ang kanilang tiwala sa mga taong hahawak ng napakalaking suportang patuloy na dumarating at dumarami.

May kasabihan tayo noon na madaling maging tao pero mahirap magpakatao maari na nating idagdag ngayon na: 'hindi madali ang buhay lalo't nabubuhay kang isang pobreng pilipino'. Hindi madali dahil tila para tayong mga sugatang kuting na hinayaan ng ating iresponsableng ina na mamuhay sa madilim at masukal na kagubatan. Nagtatanong kung hanggang kailan ba tayo mananatili sa kagubatang ating kinasadlakan? Hanggang kailan ba tayo kayang tikisin at tiisin ng ating inang namumuhay sa kaginhawaan?

Mababait sana ang pilipino kaya nga mayroong tinatawag na 'filipino hospitality' ngunit dahil sa labis na kahirapan at kawalan ng oportunidad para sa matinong hanapbuhay marami ang napipilitang kumapit sa patalim. Ngunit naniniwala pa rin ako na kahit kailan 'the end does not justify the means' ang kasalanan ay kasalanan kahit para sa kabutihan pa ang layunin ng ginawang kasalanan. Unti-unti, naglalaho ang ating pagiging filipino hospitality at napapalitan ito ng takot at pangamba. Takot at pangamba na mamuhay ng payapa sa sarili niyang bansa.
Ikaw ba'y hindi nangangamba sa iyong kaligtasan sa tuwing ikaw ay naglalakad sa alinmang kalsada sa Pilipinas lalo na sa Kamaynilaan?
Ikaw ba'y hindi nangangamba sa kinabukasan ng iyong mga anak at magiging apo sa mahal nating Pilipinas?

Sa kabila ng kayamanan at kagandahan ng ating likas-yaman, sa napakaraming buwis na pumapasok sa kaban ng bayan, aabot sa bilyong dolyar na remittances ng mga masisipag na bagong bayani daw ng ating bansa - heto tayo kaawa-awa sa paningin ng mga banyaga.

Noong panahong hindi pa talamak ang kahirapan kapansin-pansing higit na mababa ang naitatalang kriminalidad dito sa atin ngunit kalaunan habang padausdos ang ekonomiya ng Pilipinas at nang mag-umpisang makaranas ng gutom, paghihirap at kawalan ng pagkakataong magkatrabaho ang maraming pilipino tila sumabay na rin sila sa pagiging malupit ng mundo, gradually nagiging malupit na rin sila.
Sa kagustuhang malamanan ang sikmura ng bawat miyembro ng kanyang pamilya at tila nawalan ng kapag-asahang matutulungan silang maiahon ng gobyerno mula sa pagkakalubog sa kumunoy ng kahirapan nagiging mapangahas ang marami nating hikahos na kababayan.

Ngayon, mapangahas ko ring ipapahayag na sa kasalukuyan nating kalagayan walang sinuman ang may KATIYAKANG makapagsasabing may magandang kinabukasang naghihintay ang susunod na henerasyong pilipino. Kaya nga marami ang nagpapasyang maghanapbuhay sa ibang bansa dahil napakaliit ng tsansa na ikaw ay umasenso dito sa Pilipinas liban na lang kung ang iyong pamilya ay may labis na kayamanan o may matatag kang negosyo at palarin na magkaroon ng napakagandang oportunidad (ngunit kung susuriing mabuti ang liit ng odds para dito). Ang ordinaryong empleyado dito sa atin ay HALOS walang pagkakataong umunlad at umasenso.

Ang ating mga lider at pinuno ay ating mga magulang na sana'y gagabay at magpapalaki sa atin ng may respeto at pagmamahal sa kapwa subalit ang mga magulang nating ito, sa halip na maging magandang halimbawa sa atin sila pa ang nagtuturo at nagtutulak sa mga mahihina para makagawa ng mga bagay hindi kanais-nais. Walang nagnanais na mangholdap kung mayroon itong matinong pagkakakitaan, walang nagnanais na maghalungkat ng napakabahong basura kung may sapat na kalinga at programa ng edukasyon para sa mga kabataan, walang nagnanais na magpakaputa kung mayroong matino at magandang mga hanapbuhay na nakalatag. Bakit hinahayaan natin ang lantarang diskriminasyon sa lahat ng requirements ng mapapasukang trabaho? Bakit dapat may pleasing personality ang halos lahat ng available na trabaho? Bakit may age limit, paano na ang may edad na ngunit may kakayahan pang magtrabaho?
Isang katotohanan na kapag walang permanenteng trabaho tumataas ang bilang ng krimen.

Maraming krimen ang hinayaan na lang nating hindi maresolba, maraming krimen ang hindi na lang nirireport ng mga biktima, maraming krimeng pagnanakaw ang winawalang bahala at itinuring na lang na ordinaryong kaganapan sa Pilipinas, maraming krimen ang hindi talaga ginawan ng paraang malutas lalo't kung ang taong sangkot ay mayaman, maimpluwensya o makapangyarihan.
Lahat ng krimen ay kailangan ng hustisya ngunit iilan lang ang kayang lutasin ng ating batas at pulisya?

Kaya ba hinahayaan at pinababayaan na lang natin ang mga tsuper na lantaran kung walanghiyain ang batas trapiko?
Kaya ba handa nating tiisin ang mga minor o petty crime tulad ng snatching o holdapan?
Kaya ba okay lang sa atin ang magtapon ng basura kahit saan natin gustuhin?
Kaya ba ang prostitusyon ay tila tanggap na ng lipunan?
Kaya ba patuloy na lumalala sa bansa natin ang drug trafficking?
Siguro nga...dahil kung ano ang nakikita nating madalas 'yun ang ating nakakasanayan at ang mga kinasanayan nating ito habang tumatagal ay mahirap nang pigilan at supilin.

Pilipino sa pilipino walang tiwala at respeto. Banyaga sa pilipino ang tingin ay biktima ng sarili nilang pamahalaan. Nakakahiya pero iyan ang nagdudumilat na katotohanang sumasampal sa bawat isa sa atin at kahit anong pagsusumikap ng pinakamataas na namumuno sa atin o ilang may tunay na pagmamalasakit sa bansa na maging matapat at matino marami higit na marami pa ring gahaman at ganid sa pera at kapangyarihan kumpara sa matino at maaasahang pinuno.

Habang milyong tao ang labis na naapektuhan at ngayo'y nahihirapan ang kalagayan dahil sa nakalipas na kalamidad, ang mga nahalal ng tao na nangako noong nakaraang eleksyon ng pagbabago at pagmamahal sa bayan ay hindi makita at hindi mahagilap. Tila iniasa na ng mga pulitiko sa mga higanteng network sa bansa ang pagtulong at pagkalinga sa mga sinawing-palad na biktima ng sunog, lindol, sakuna, baha, landslide, storm surge at ang huli nga ay ang mapaminsalang bagyong si Yolanda. Ang nakakalungkot, sa susunod na eleksyon sila ang ulit ang mahahalal.

Napakahusay nating mambara at mambatikos sa sinumang nagbibigay puna sa ating lahi o sa ating mga ginagawi pero hindi naman tayo sensitibo sa nararamdaman ng iba. Bakit hindi natin maamin na ubod nang bagal ng ating pamahalaan sa pagresponde sa lahat ng klase ng kriminalidad, sakuna at kalamidad? Tanggapin sana natin ang ating kahinaan at magmula rito ay pagbutihin ang mga puna at kritisismong hindi naman kasinungalingan ngunit bilang ganti may magtatangka pang batikusin ang taong naghatid ng isang balidong ulat. Hindi sapat ang pagmamalasakit lang dahil mas mahalaga ang kagyat na pagkilos sa panahong ito. Hindi sapat ang nakatingin ka lang o nakikinig ka lang sa mga ulat dapat ay magtulungan tayo sa anumang paraang alam mo.

Napakabilis din nating sumigaw ng "Proud to be Filipino!" sa tagumpay ng iilang piraso nating kababayan pero itinatakwil at ipinagkakanulo naman natin ang ating kabuuan. Ang tagumpay ng ilang pilipinong indibidwal ay hindi sumasalamin sa kabuuan ng ating lahi dahil ang nakikita at namamalas sa atin ng mundo ay negatibo. Lantaran man o hindi, marami sa ating 'bagong bayani' ay nakararanas ng diskriminasyon dahil ayon sa kasaysayan tayo ay alipin ng mga dayuhan at hanggang sa kasalukuyan hindi pa natin nababago ang kasaysayang ito. Hanggang kailan tayo makakahulagpos sa konotasyong ito? Kung maaari lang, ngayon na sana. Hindi sa susunod na henerasyon, hindi sa susunod na salinglahi.

Bakit ba hindi tayo makahanap o makapaghalal ng matino at matalinong pinuno? O merong nagtatangka ngunit mas nais nating mamuno sa atin ay mga taong sikat at popular kahit salat sa sinseridad at kaalaman. Kung maari lang sanang i-clone ang mga katulad na pamumuno, tikas, astig, diskarte at abilidad nina Miriam, Duterte, Gordon, Robredo, Bayani, Hagedorn, Bonifacio, Rizal at iba pa. Marami pa ang tulad nila na handang umaksyon, tumugon at magmalasakit sa bayan pero madalas hindi natin nakikita o ayaw nating pansinin siguro'y hindi tayo sanay o ayaw nating magpasaway dahil mas nananaig ang katigasan ng ulo ng marami sa atin. Ang popular na pulitiko ay hindi katumbas na magiging magaling din siyang manungkulan, ang popular na magdeliver ng kanyang bawat speech ay hindi kahulugan na natutumbasan niya ng aksyon ang kanyang bawat sinasabi. Hanggang sa siya'y bumaba sa panunugkulan mananatiling siya'y Popular President lang kung mas marami pa ang kanyang paninisi kaysa karampatang aksyon.

Sana sapat na ang mga tulad nina Pablo, Pedring, Ondoy, Sendong, Habagat, Yolanda, Marcos, Revilla, Enrile at Napoles para matuto at magbago na, hindi lang ang mga lider natin kundi tayo mismong mga pangkaraniwang tao. Sana hangga't hindi pa huli ang lahat at may pagkakataon pa tayong baguhin ang mga mali sa ating kasaysayan. Sana hangga't hindi pa lubos na nasasaid ang papaunti na nating kabundukan, kabukiran at likas na yaman. Sana hangga't may mga nagtitiwala at tumutulong pa sa ating kasalukuyang kalagayan.

Madali ang manisi, madali ang mag-akusa ngunit pagkatapos ng napakahabang panahon ito pa rin ang ating mga katanungan.
Ano na ba ang napala natin?
Ano pa ba ang aasahan natin?
Ilang kalamidad pa ba ang kailangan natin para lang tayo maging matino at matutong magmalasakit at magmahal sa kapwa? O kahit siguro judgment day na ay hindi pa rin matitinag sa pagkamanhid ang mga suwail sa ating bayan. Kaawa-awang Pilipinas.

Sa kabila ng matinding kalamidad na ating kinakaharap nakakatuwa at nakakataba ng pusong malaman na ang kapwa Pilipino sa ganitong sitwasyon at kahit na ang buong mundo ay nagdadamayan, nagtutulungan at handa pang tumulong sa mga biktima at naapektuhan ng 'di pangkaraniwang bagyo. Hindi lang basta pinansiyal kundi personal na aalalay at nakikiisa sa mabilis na recovery ng bansa.
Sinasantabi pansamantala ang kulay, relihiyon, interes, lenggwahe, antas o estado ng buhay makapagbigay lang ng ayuda at pag-asa sa mga lubos na nasalanta.

Sana kahit walang emergency, krisis o kalamidad ang isang bansa magawa nating mahalin at tulungan ang bawat isa sa atin.
Sana kahit walang panawagan na tayo'y tumulong kusang loob nating ibigay ang nararapat na kalinga at pag-aaruga sa mga tunay na nangangailangan.
Sana kahit walang batikos at pumupuna magampanan natin ang ating tungkulin at obligasyon ng buong puso para sa bansa at sa mga tao.
Sana.

'Pag nangyari ito sigurado lahat tayo ay may kakayahang sabihin na: PHILIPPINES would be a better perfect place to live in.


Monday, November 11, 2013

Saglit lang, basahin mo naman ito...



Ang kalamidad daw ay walang pinipili; mayaman o mahirap, naghihikahos na bansa o progresibo basta kapag hinagupit ka nito walang sasantuhing kahit na sino. Walang kuwestiyon na wala ngang pinipili ang kalamidad pero tila naka-bookmarked or naka-marked as favorite ang Pilipinas sa bansang laging tinatamaan ng kalamidad o delubyo. Hindi pa nga tayo ganap na nakakarecover sa PDAF issue, sa giyera sa Mindanao, sa napakalakas na lindol at halos isang buwan pa lang ang nakalilipas ay mayroon na namang dumagok sa atin: ang bagyong si Yolanda na ayon sa NASA, PAGASA, etc. ay isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo.

Katulad ng mga world record na pinanghahawakan ng Pilipinas na worst sea disaster in the world, one of the most corrupt country, most corrupt official at iba pa, kailanman ay hindi natin dapat itong ikatuwa.
Ano bang meron sa Pilipinas at lagi tayong may disaster (man made man o nature)?
Ano bang meron sa Pilipinas at paborito tayong dalawin ng kalamidad?
Ano bang meron sa Pilipinas at inaabot tayo ng iba't ibang klase ng delubyo?

Ang Pilipinas ay earthquake / landslide / storm / flood prone country. Sa katunayan, ayon kay Mang Tani na beteranong meteorologist ang average na bagyo natin sa isang taon ay aabot sa dalawampu at ngayong 2013 ay lampas na tayo sa quota. Hindi sa nagmamagaling ako, kung lagi tayong dinadaanan ng mga malalakas na bagyo at matataas na baha hindi ba dapat ay mayroong isang MATINONG EVACUATION CENTER sa bawat bayan o siyudad na ipinagawa ng local government? Para sa mga panahong may sakuna o kalamidad ay iyon na agad ang takbuhan ng mga biktima o nasalanta at hindi ang eswelahan ng mga mag-aaral sa elementarya ang nagiging pansamantagal na evacuation center. Pasensya na, nagtatanong lang.

Oo, nagkalat ang mga corrupt at ganid na pulitiko at government officials sa bansang ito pero 'wag naman sana nating isipin na 'karma' sa bansang Pilipinas ang mga nangyayaring lindol, digmaan, bagyo, landslide, baha at mga sakuna. Ang mga biktima ng kalamidad ay walang kinalaman sa pagiging walanghiya ng mga namumuno at kung maari nga na kung sino lang ang labis na nagpapahirap sa bansa 'yun lang ang maging biktima ng kalamidad.

Nakakalungkot na sa kabila ng kakapusan natin sa pera nangyayari pa sa atin ang mga ganito katinding kalamidad. Ninanakaw na nga ang malaking bahagi ng ating pondo mapupunta pa ang ilang bahagi nito sa mga nasalanta at sa halip na magagamit sa pagpapaunlad(?) ng bansa, daang milyong piso tuloy ang mailalaan para matulungan ang marami nating kababayan. At sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas hindi ka ba nag-iisip na may mag-iinteres pa rin na opisyal sa donasyon at tulong para sa mga biktima? Dahil hindi lingid sa atin na maraming bansa sa mundo ang nagpahiwatig ng tulong pinansyal sa mga nabiktima ng bagyo.

Partikular sa Visayas.
Aabot sa libo ang nasawi. 'Di mabilang na bahay ang nawasak. Libong ektarya ng pananim ang nasira. Milyong tao ang apektado. Bilyong piso ang damages. Libong kaluluwa ang naliligaw. Magsingdami ang baha at ang luha. At kung nababasa mo ang akdang ito mas maswerte ka sa kanila dahil may oras ka pang makapag-internet samantalang ang problema ng mga biktima ng bagyong Yolanda ay buhay at kabuhayan.  Walang puso lang ang hindi maaantig sa eksenang iniwan ng bagyo at kung sa mga bahay natin dumaan ang higit sa 200kph na lakas ng bagyong ito malamang wala na tayong mauuwiang tahanan.

Kalunos-lunos ang kanilang kalagayan katunayan sa sobrang hirap na kanilang dinaranas ngayon ay nagkaroon ng malawakang looting sa maraming establisimyento. Nakawan ng iba't ibang mga bagay tulad ng mga pagkain, damit, tubig at nakakadismaya na pati mga electrical appliances ay ninanakaw na rin. Sino ba tayo para manghusga? Pero noong kasagsagan ng tsunami sa Japan noong taong 2011 nakita ko ang mga hapong biktima nito disiplinado at matiyagang nakapila para sa rasyon ng pagkain sa kanilang evacuation center. Marahil sa kawalan ng sistema ng mga namumuno desperadong nagawa nila ang looting ng mga appliances.

Nasaan na kaya ang mga magigiting na pulitikong naghahangad ng pagbabago sa bansa sa panahon ng kalamidad? Ewan natin. Nakakadismaya lang na masyadong iniasa ng mga namumuno sa malalaking TV Network ang pagkalinga sa mga nasalanta ng bagyo. Sa halip na magpapogi sila sa harap ng telebisyon o ipangalandakan ang accomplishment/kagalingan nila sa print media ito ang tamang panahon para kumilos, magkaisa at tumulong hindi lang sa pagngawa kundi sa mismong paggawa. Sana kahit minsan magamit man lang ang kanilang pera at impluwensiya sa mabuting kaparaanan.

At sa kabila ng mga unlimited na trahedyang ito at katulad ng iba pang kalamidad na naranasan ng Pilipinas, sigurado bukas o sa makalawa ay makakabangon tayo mula sa muling pagkakadapang ito. Sana sa pagbangon nating ito ay matauhan na rin ang mga namumuno sa atin at maisip nilang itigil ang kanilang pangungulimbat sa bayan. Sana maisip nila na may mga taong higit na nangangailangan ng pondo ng bayan. Sana mahabag na sila sa kaawa-awang kalagayan nang nakabagsak na Pilipinas.

Hindi sapat ang awang ating inuusal sa tuwing sila'y napapanood natin sa balita.
Hindi sapat ang simpatiyang ating pinupukol sa kanila sa tuwing nakikita mo ang bakas ng trahedya sa internet.
Hindi sapat ang atensyon na makukuha nila sa atin sa tuwing may iniiyakang bangkay na biktima ng pagkalunod.
Hindi sapat ang dasal at panalangin na iyong sasambitin para sa mga naiwang biktima ng trahedya.
Hindi lang awa, simpatiya, atensyon at dasal ang kanilang kailangan. Kailangan nila ay damit, pagkain, medisina, pera at higit sa lahat pang-unawa. Sana kung may maitatabi kang pera o anumang pwedeng maitulong sa kanila makapagbigay ka naman kahit na kaunti lang. Maari kang magbigay o magdonate sa pinagkakatiwalaan mong NGO pwede rin sa KAPAMILYA o KAPUSO o KAPATID Foundation.

Hindi mo alam na ang kaunting halagang iyong naibigay ay makapaglalagay ng kakaibang ngiti sa kanilang labi o makakapagdugtong ng isang araw sa kanilang buhay o panibagong pag-asang kanilang babaunin sa pagmulat ng kanilang mata kinabukasan.