Tila nagmumura mula sa
kanyang matayog na kinalalagyan ang napakalaking letrang 'R' na logo ng
kabubukas lang na mall sa aming lugar. Lalo pang nagmumukha itong maangas
tuwing sasapit ang gabi dahil nangingibabaw ang kanyang liwanag sa rami ng kanyang
ilaw. Maraming nagsasabi na ang pagkakatayo ng mall na ito ay senyales daw ng
pag-unlad ng aming lugar. At sa tulad ng isang 'di kalayuang siyudad sa Bulacan
na aking tinitirhan pribilehiyo na maituturing para sa mamamayan nito na
mamalas ang pag-asenso at pag-angat (daw) ng aming lungsod.
Noong nakaraang taon lang
tanaw ko pa ang lupaing ito na hitik sa mga puno, malawak ang taniman ng gulay,
prutas at palay, may malinis na hangin, mga kalabaw na katuwang sa pagsasaka ng
mga magsasaka at pawid na kubo na kanilang tahanan at pahingahan. Saksi ako at
ng marami sa kanilang pagtatanim sa gitna ng tirik na araw, pag-ani ng gulay,
prutas at palay sa panahon ng anihan.
Sa loob ng humigit kumulang
limang dekada ay hindi lang nakatulong ang bukid na ito sa mga pamilya ng
sumasaka nito kundi malaki rin ang naging pakinabang ng maraming tao dito sa
aming lalawigan at sa ilang bahagi ng Kamaynilaan. Ngunit ngayon nga'y iba na
ang tanawin dito; sementado na ang dating luntiang palayan na paradahan ng mga
parokyano ng mall, ang tahimik na lugar ay naging maingay sa dami ng tao at
sasakyang labas-pasok dito at sa isang iglap naglaho ang sariwang simoy ng
hangin.
Sa lawak ng dating bukiring
ito kaya nito noong makapagproduce ng libo-libong tonelada ng prutas, gulay at
bigas. Mga lokal na produkto na pangunahin nating pagkain na sa loob ng
maraming mga taon ay nagsalba sa gutom at ekonomiya ng aming bayan pero
nakapagtatakang hindi nang pamilya ng mga sumasaka nito. Sa mahal ng halaga ng
binhi, abono at idagdag pa ang mapagsamantalang negosyante na bumabarat sa
kanilang mga pananim halos wala nang natitira pang kita para sa pamilya ng
magsasaka.
Kung sapat lang sana ang
ayuda at suporta ng pamahalaan para sa mga magsasaka dito sa Gitnang Luzon
hindi na aabot sa puntong ibebenta sa napakamurang halaga ang mga lupain at
sakahan ng mga pobreng magsasaka sa mga developer ng subdivision o ng mga
higanteng mall katulad ng may-ari ng napakalaking letrang 'R' na mall na aking
tanaw-tanaw. Ngayon, saan kaya kukuha ng kapunuan ang gobyerno sa libong
tonelada ng palay at gulay na nawala dahil sa pagtatayo ng mall na ito?
Hindi malayong mangyari na
sa hinahaharap halos lahat ng ating kakanin ay inaangkat na natin sa bansang
Tsina, Vietnam, Malaysia, Indonesia, Amerika at iba pang bahagi ng mundo. May
pagpapahalaga kasi ang pamahalaan nila sa usaping agrikultura hindi tulad dito
sa atin.
Kunsabagay hindi rin natin
masisisi ang mga magsasaka kaysa nga naman magpagod at makinabang lang ang mga
ganid na negosyante sa kanilang paghihirap at pagsisikap mas mabuti para sa
kanila na maging pera ang kanilang ekta-ektaryang lupain. Naghahanapbuhay at
nagpapakapagod sila para kumita hindi para malugi.
Sa unang araw ng pagbubukas
ng mall na may malaking logo ng letrang 'R' dagsa ang mga tao, masikip ang
trapik - parang piyestang bayan sa buhos ng mga mamimiling sabik sa lamig at
laman ng mall na gumagayuma sa lahat ng uri ng mamamayan, ang dating limang
segundong paghagibis ng mga jeep ay tila naging habangbuhay dahil sa maraming
tumatawid, paghihimpil at paghihintay nila sa mga pasahero, ang pagbubukas
nito'y tila pinilit at pinaabot sa nalalapit na kapaskuhan. Inaasahan ko na
iyon. Dahil sa panahong ito walang pakundangan ang mga tao sa paggastos hindi
alintana sa darating na malaking bills sa kanilang mga credit card - kakamot sa
ulo mababaon sa utang.
May pakinabang din naman ang
mga tao sa tuwing may nagbubukas na mga malalaking establisimyentong ito tulad
ng mall; kapalit nang pagkawalan ng mapagkakakitaan ng mga magsasaka, pagkawala
ng matabang lupang sakahan at paglahong parang bula ng tonelada sanang prutas,
gulay at bigas ay ang pag-empleyo ng daan-daang tao ng siyudad. Kakayod ng
higit sa walong oras para sa humigit kumulang limangdaang piso na pagkatapos ng
anim na buwan ay walang kaseguruhan kung sila'y muling kukuning empleyado.
Sa 'di kalayuan tanaw ko
naman ang higit na malaking palayan at bukiring hitik sa mga puno, malawak na
taniman ng gulay, prutas at palay, may malinis na hangin, mga kalabaw na
katuwang sa pagsasaka ng mga magsasaka at pawid na kubo na kanilang tahanan at
pahingahan. Na maaaring sa susunod na
mga taon ay pagtatayuan na rin ng isa pang higanteng mall na kanilang
kakumpitensya; na sa letrang 'S' naman nag-uumpisa.
Basta't may 'R', siguradong may 'S'. *tsk tsk*
ReplyDelete