“Ano naman ngayon?” sa isip ko. Ano bang espesyal at ipinagkaiba nito sa mga araw kong lumipas. Ah alam ko na, madadagdagan lang ang inggit na aking nararamdaman. Makakakita na naman ako ng mga magagandang mga damit, mga bagong laruan at masasayang mga bata sa kalsada. Makaririnig ng mga batang nangangaroling, mga awiting pamasko at nagtatawanang mga kabataan dahil sa hawak nilang pera at aginaldo.
Masaya ang pasko pero hindi para sa akin, hindi para sa mga tulad ko. Ano ba ang dapat kong ikasaya? Habang ang maraming mga tao ay nabubundat sa pagkain ng karne, heto kami binubusog ang sarili sa bip pleybor na instant nudols at tig-pipisong pandesal ni Mang Kardo. Habang nag-aabutan kayo ng inyo-inyong regalo, naghahanap naman ako ng kalakal sa basurahan sa kahabaan ng R-10.
Sa araw na ito, may mangingilan-ngilan na mag-aabot sa akin ng barya, ng prutas at ng tira-tira nilang pagkain; mga taong magpapakita ng simpatiya at awa pero lahat nang iyon ay pangsamantala lang. Pakitang tao, kumbaga, para kunwari maipadama sa amin ang diwa kuno ng pasko. Ano ba talaga ang diwa ng pasko? Alam niyo ba ang kahulugan ng diwa? Ano ba talaga ang pasko? Sa pagkakaalam ko ang diwa ng pasko ay pagpapakumbaba, katulad ng pagpapakumbaba ng sanggol na isinilang sa sabsaban. Kung papaanong nakonbert sa komersyalismo ang pagdiriwang nito ay kagagawan ng mga taong gustong makuha ang salaping inyong pinagkakitaan.
Naiisip ko swerte pa ang mga biktima ni Yolanda sa Leyte at Samar. Lahat yata sila dun nakakatanggap ng biyaya; mga pagkain, tsokolate, gatas, damit saka pera, may mga bago at imported pa nga. Buong mundo nagtutulungan para sila makaahon sa kanilang kinasadlakan – parang sila lang ang taong nangangailangan ng tulong.
Kami ditong nakatira sa gilid at sa mismong kalsada, sa kariton, sa ilalim ng tulay kailan kaya makakatanggap ng biyaya? Dati pa naman may naghihirap, dati pa naman may nangangailangan ng kalinga, dati pa may nagugutom pero sa isang iglap ang lahat na yata ng atensyon nakapokus sa iisang lugar lang.
Sana nabiktima na lang ako at ng aking pamilya ng kalamidad baka sakali maambunan kami ng bumubuhos na biyaya. Hindi ko sinasabing hindi nila kailangan ng tulong, ang himutok ko lang kung talagang taos sa mga tao ang pagtulong wala sana silang pinipiling kalagayan. Porke ba ikswater at salot kami sa Maynila wala nang magmamalasakit sa amin. Hindi ako tamad, sa katunayan patuloy akong naghahanap ng trabaho at mapagkakakitaan pero sa tuwing makikita pa lang ang hilatsa ng pagmumukha ko pinalalayas na agad ako sa kompanyang nais kong pagtrabahuhan. Kunsabagay, mababang uri kasi kami ng tao.
Sa tuwing makikita ko ang kumikislap at patay-sinding krismas layt sa bintana ng mayayamang bahay na aking nadadaanan habang tulak-tulak ko ang aking kariton, alam niyo kung ang nararamdaman ko? Pagkaawa. Naaawa ako hindi na lang sa sarili ko kundi sa ibang mga mahihirap na may malalang karamdaman, hindi na nga nila makuhang bumili ng kahit ‘sang pirasong anti-bayotik sa sakit nila lalo pang nadagdagan ang sakit nila sa tuwing sumasapit ang kapaskuhan. ‘Pag pasko raw dapat ay nagbibigayan. Bakit ganun? Hindi ba pwedeng magbigayan ang lahat kahit hindi araw ng kapaskuhan?
‘Tangina tama nang drama. Maghahanap pa ako ng maikakalakal sa basura.
Pasko? Lilipas din ‘yan.
Nalungkot ako matapos ko itong basahin. Never ko naisip ang pasko through the perspective ng mga taong gaya nito. Tama, ang pasko ay isang pangkaraniwang araw lamang para sa kanila.
ReplyDeleteNgunit hindi naman kailangan ng mga materyal na bagay para i-celebrate ang Pasko. But I guess I'm just being optimistic. *sigh*
Ang pagiging optimistic sa tingin ko ideal lang siya marami kasing bagay na dapat i-accept kung hindi na kaya 'pag NAPASOBRA ka sa pagiging optimist mas mahirap tanggapin 'pag naging negatibo ang resulta. Mas okay para sa akin ang realist. :)
DeleteTuwing sumasapit ang kapaskuhan sa mga dukha oo pangkaraniwan lang 'yun sa kanila pero parang mas malungkot pa nga sila sa mismong araw na iyon. Sa mga taong gaya nila mas lamang yata ang pagiging pessimism - habang dumadami ang problema lalong hirap sila maunawaan ang buhay.
Thanks sa pagbisita, hayaan mo sa mga susunod na blog entry makagawa ako ng nakakatuwa/nakakatawang post para hindi na *sigh* ang last word ng iyong comment, haha.
haaayssst... na depress naman ako T_T
ReplyDeletebuti po wala na yung malware infection dito sa blog nyo sir. kast week kase di ako makapasok dito lol
'Wag ka na madepress reality 'yan part of our lives, ganun talaga. So have to deal with them nicely kung hindi man natin sila mabigyan lagi ng barya 'wag na lang natin silang maliitin - malaking bagay na 'yun sa kanila.
DeleteHindi ko nga alam kung ba't napasukan ng malware infection 'tong blog ko, nadamay pati skype ko buti nabura ko agad. :)