Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Thursday, March 7, 2013
Tao
Walang perpekto.
Ang lahat ay nakatakdang magkasala.
Madalas nating sabihing tayo'y tao lang sa nagawang pagkakasala, dahil sa pagiging mahina, sa taglay na karupukan.
Nagiging katwiran at katarungan na rin ito sa iilan upang patuloy na gawin ang parehong pagkakamali, parehong pagkakasala.
Tayo'y bulag, bingi, pipi at manhid sa damdamin ng nakararami, sa mundong ating ginagalawan at 'di natin batid kabilang na rin tayo sa kanila.
Kawalan ng pag-asa sa mga nalulunod sa kapangyarihan.
Kawalan ng kapalaran sa mga 'di nabibiyayaan.
Tao.
Pinipilit na panatiliin ang kapanatagan ngunit 'di kayang supilin ang simpleng udyok lang.
Sinusubok na magpakahinahon ngunit ang kapalalua'y 'di sadyang lumulutang.
Minsanang magpapamalas nang pagtitiwala ngunit ang pagkainggit ay sumisilip ng madalas.
Nagsasabi ng angking katapatan ngunit ang kasinungalinga'y pilit pa ring lumalabas.
Batid ang tama sa kamalian subalit mas madalas ang nagagawang pagkakamali.
Batid ang mabuti sa kasamaan subalit hinahayaan ang sarili sa kasalanan.
Talos nang ang mapanghusga'y hindi mainam datapwat namimintas pa rin sa ngalan ng mapagkunwaring ngiti.
Sinusubok na pinakikita ang nakakubling kayumian ngunit ang kahambuga'y 'di maaaring sumipi.
Madalas ninanais na maging mapag-isa dapwa ito'y senyal ng pagiging makasarili.
Papakaying maging palakaibigan kahit batid nang hindi ito ang kanyang sarili.
Nakangiti upang ikubli ang pagkamuhi.
Nagbibiro upang itago ang pagkayamot.
'Di kagustuhan ang anumang uri ng galit bagaman parati lang na umaasa.
Natatanaw nila'y kagandahan dapatwa't kaiba ang siyang nabibista.
Tanto nang marami ang siyang nauuna ngunit ninanais pa rin ang maka-isa.
Alam nang may tangan ang nakasahod na palad ngunit ninanais ay karagdagan pa.
Inaapuhap ang mailap na pang-uunawa; bagkus ang natagpua'y dalamhati.
Sinisipat ang nakatagong kabaitan; bagkus sumasalubong ay balakid.
Kung pagkabagot ay isang kasalanan karapat-dapat lang na mahatulan.
Kung pagkabugnot ay isang krimen marami na ang tumimbuwang.
Kung pagmumura'y isang karamdaman malamang na nasa banig na ng kamatayan.
Kung pagtitig ay nakadudungis ng kapwa marami na ang nalunod sa putikan.
Sinusubukan ang katapatan kahit lumalabas sa bibig ay kabulaanan.
May sapat na pinag-aralan ngunit marumi ang kaisipan.
May iilang napagtagumpayan datapwa't walang kakuntentuhan.
Minsanang nagbibigay papuri ngunit sinisipat ang katiting na kadumihan.
Binubusog ang sarili ng biyayang nakamit gayong nararamdama'y kabahalaan.
May tiwala at katapatang hinahain subalit ipinagkanulo ng sariling kapasyahan.
Pilit na inuunawa at kinakalinga ang suliranin; madalas na bunga'y kapahamakan.
Binabahagi ang pangangalaga't pagmamahal; may nararamdamang pagkukulang.
Minsa'y nag-aabot ng tulong subalit nagkukumahog naman sa kung anong kapalit.
May pag-galang at paghanga ngunit pagsalungat ay 'di maalis sa isip.
Pilit na inuunawa ang may masamang pag-iisip itinatanong naman kung isa nang kabilang.
Humihingi, nagdarasal ng kapatawaran ngunit ang temptasyon ay 'di kayang pigilan.
Hindi isang manunulat ngunit dalubhasang gumawa ng imbentong kwento.
Hindi isang guro ngunit mapanglinlang at ipagyayabang na alam ang lahat 'di umano.
Hindi isang pastor ngunit sermon at pangaral ang laging pabaon.
Mangmang sa maraming bagay ngunit alam daw lahat ng direksyon.
Humihingi ng kapatawaran sa lahat ng kasalanan.
Upang maibsan ang suliranin at kahirapan.
Ngunit...Nararapat ba sa kapatawaran?
Nararapat ba sa kabiyayaan?
Ngayo'y...nagsusumamo, tumatangis, lumuluha.
Ang sulirani'y malulutas, pagdurusa'y kakalma.
Bukas...susuway sa pangako, babasag sa panata.
Tulad ng dati, tulad ng nakaraan; muling gagawa ng pagkakasala.
Tao.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Kasi ang tao di marunong makontento... pag nakuha na ang gusto meron ulit nabubuong panibagong nais makamit.. parang cellphone o computer na laging nag uupgrade. Kasi umiikot ang mundo at sa bawat pag ikot nito may mga pagbabago ..
ReplyDeletehaaayyyyy... maganda ang mga kaisipang iyong naibahagi... tama ka... wala akong pagtutol... galing!
ReplyDeletesang ayon ako sa mga nabanggit dito....
ReplyDeletelike ko din ang line na to
Nakangiti upang ikubli ang pagkamuhi.
Nagbibiro upang itago ang pagkayamot.
nice one ^^ keep on writing...
"lahat ng tao'y marupok, lahat ng marupok ay tao, lahat ng tao ay tayo"
ReplyDeletelahat ng iyong nabanggit ay pasok, sumasalamin sa katotohanan.
salamat, nakiraan lang :)