Monday, March 11, 2013

Alaala




Hindi sasapat ang lahat ng inipon mong alaala para maibsan ang lungkot na aking nadarama. Hindi sasapat na gunitain lamang ang iyong mga ngiti para mabawasan ang pighating naghahari. Lumisan ka at ang lahat ng ating mga panaginip at pangarap ay naiwan ding naghahanap ng kalinga. Kung maibabalik lang sana ang lumipas na panahon pipiliin kong sulitin ang bawat oras na ikaw ay kasama.

Malungkot nang mawala ka pero mas malungkot ang katotohanan na sinayang ko lang ang aking oras sa walang kapararakang bagay habang ikaw ay tinatanong ang aking presensiya at sa panahong pangalan ko ang iyong hinahanap. Hindi ko na maibabalik ang lahat, hindi na kita makikita. Pilitin ko mang kumbinsihin ang aking sarili na 'di na kailanman kita muling mahahawakan, makakausap at makakasama ngunit anumang pagtanggi ay lalo lang sumisidhi ang aking pananabik sa iyo.

Ang iyong mga ngiti ang aking babaunin sa tuwing akin kitang aalalahanin.
Ang iyong mga luha ang gagawin kong sandigan sa pagsubok ng buhay.
Ang iyong mga tawa ang maririnig para agad na lumisan ang lungkot ang nadarama.
Ang iyong mga tinig ang makakapagpakalma sa tuwing ako'y nangungulila.
Ang iyong mga pangarap ang magsisilbing inspirasyon sa pag-inog ng mundo.

Kasama mong umalis ang kapilas ng aking sarili, gusto kong itanong kung BAKIT? Ngunit ako ba may karapatan? Bakit ganito? Bakit ganoon? Bakit ngayon?
Mas marami ang katanungan kaysa kasagutan, mas marami ang paghikbi kaysa pagngiti, mas marami ang luha kaysa sa tawa. Mas matagal ang mga gabi kaysa sa umaga. Wala akong karapatan para ilatag ang aking mga katanungan ngunit gusto ko pa ring itanong kung "Bakit ikaw" samantalang napakarami ang mas dapat na masupil ang kabuktutan, mas higit sa atin ang hinahasik na kasalanan at walang kaluluwang hindi marunong mahabag.
Patawarin ako ng langit sa aking kapangahasan.

Gusto kitang yapusin at ikulong sa aking mga bisig ngunit para saan pa gayong lahat ay huli na; yayapusin kita nang parang walang katapusan ituturing kong ito na ang pinakamahalagang alaala magaganap sa buhay, susulitin bawat minuto na ikaw ang ang kasama ko.

Gusto kitang hagkan at lunurin ng aking pagmamahal ngunit para saan pa ngayong wala ka na; hahagkan kita nang para akong isang baliw pupupugin kita ng pagmamahal at ibubuhos ang nalalabing segundo hanggang sa ikaw ay kanilang agawin sa akin.

Gusto kitang masdan at makasama sa buong maghapon at magdamag ngunit para saan pa hindi na kita masisilayan pa; muling sasariwain ang panahong tayo'y walang pakialam sa pag-usad ng oras, winawaldas ito ng malulutong na tawanan at walang sawang halakhakan.

Ang lahat ng bagay ay may dahilan pero sa kalagayan kong ito hindi ako makaisip kahit isa man lang na kadahilanan kung bakit nangyari ito, hindi ko maintindihan ang pagsubok na ganito, hindi ko batid kung ano ang kahalagahan nito sa buhay ko?

Kung may isang kahilingang kaagad na matutupad o pakiusap na dapat idulog; akoy maglalakas-loob na lalapit kay Bro at sasabihin sa kanya:
Maari bang hiramin kita sa Langit?

5 comments:

  1. another mabagsik post from the master... ganda!

    ReplyDelete
    Replies
    1. natakot naman ako bigla dun sa "master" parang nabigyan ako ng mabigat na responsibilidad. haha

      Delete
  2. ito yung mga klase ng post na talaga namang pak na pak sa puso ko... makatulo uhog at luha ba .. i like it :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. napapadalas ang dalaw mo ms Zei Maya, salamat sa pag-click ng like button

      Delete
    2. Ang ganda po kasi ng mga akda nyo... kaya po lagi ako naka abang if may bago kayong post... at nag baback track rin kasi me napupulot na aral.. isa pa mas maigi nang basahin ang mga akda nyo kesa sayangin ko yung oras ko sa paglalaro ng games sa facebook.. masira man mata ko sa kakatutok sa computer me sustansya namang nakuha ang napurol ko nang utak :)

      Delete