Tuesday, March 19, 2013

Talinong nakakatakot, Yabang na nakakalason



 Gagawin kong lason ang iyong laway upang sa tuwing lumalabas sa bibig mo'y kayabangan ay unti-unting malulusaw ang iyong dila't lalamunan hanggang pagkahabag na lamang ang tangi naming maipukol sa'yo at dahil sa kirot at hapdi na iyong daranaisin kalauna'y ikaw na ang magkukusang loob na lamunin at lunokin ang lahat ng banyagang salitang itinuring mong iyong kayamanan; ibabalik ko sa'yo nang tatlong ulit ang panglilibak at panghahamak na iyong ginawa sa inakala mong mga istupido at mangmang na iyong kapwa.

Ngunit hangga't may panahon,  diringgin ko pa ring nawa'y maging isa kang tupang marunong sumunod at magmanikluhod at hindi isang putang namumuhay sa salaping nanggaling sa pinagputahan ng iyong palalong kamalayan.
* * *
Isang malaking kabiyayaan sa tao ang magkaroon ng talinong angat sa pangkaraniwan dahil hindi lahat ng tao ay napagkakalooban ng eksepsyonal na talino gayundin naman na hindi lahat ay nabibigyan ng oportunidad na makapagtapos ng pag-aaral. At marapat lang na atin itong ipagpasalamat sa mga taong tumulong sa atin para maisakatuparan ito dahil walang sinuman ang nakakamit ng tagumpay sa sarili lang niyang kakayahan. Ngunit kahit gaano ka pa katalino o sobrang taas na ng iyong pinag-aralan hindi pa rin ito karapatan para maliitin ang utak ng mga taong nasa paligid mo, hindi pa rin ito lisensiya para hamakin ang kapasidad ng sinumang tao.

Para saan ba ang talino kung hinahamak mo ang mga tao?
Ano ba ang silbi nito kung puro paghanga sa sariling kakayahan ang iyong pinangangalandakan?
Higit pa sa papuri ng talino ang kayang ibigay sa iyo ng mga tao kung ang iyong talino'y ginagamit mo sa mga positibong bagay hindi ang pagmamaliit sa mga taong ipinagpalagay mong walang talino. Dahil ba sa sobrang talino mo ay walang nakakapagpaalala sa iyo na mali na ang iyong ginagawa o ipinagpalagay mong lahat ng iyong ginagawa ay tama?
Hindi mo na kailangang ipangalandakan pa na ikaw ay angat sa pangkaraniwan hayaan mong ang mga tao ang makapansin nito, pupuriin ka nila ayon sa iyong inasta at hindi mo na kailangang ipagpilitan pang higit ang talino mo sa kanila.

Sa halip na manghamak, bakit hindi mo ibahagi ang iyong nalalaman?
Mas matutuwa ang mga tao kung nalaman nilang ang iyong pinag-aralan ay hindi mo sinarili lang kundi naibahagi mo ito sa ibang nangangailangan nito. Para saan ba ang iyong pangmamaliit? Makakapagpaangat ba ito sa estado ng iyong buhay? Sayang ang iyong mataas na pinag-aralan kung ang mas nakikita sa iyo ay ang pagkababa ng iyong pag-aasal. Sayang ang kahanga-hanga mo sanang talino kung ang kabilang bahagi ng iyong kamangmangan ang mas namamalas sa iyo ng mga tao.

Sa halip na manghusga, bakit hindi mo unawain ang kanilang kapasidad?
Kung nakakaramdam ka ng labis na kasiyahan sa tuwing huhusgahan mo ang mga taong sa tingin mo'y mangmang baka pag-uutak mo na ang may karamdaman. Mas kapuri-puri ang mga taong  maunawain kaysa sa mga taong palaging ipinagmamalaki ang kanyang kakayahan. Kung wala ka rin lang mabuting sasabihin sa iyong kapwa mas makabubuting 'wag ka na lang magsalita ng anumang makakapagpasama ng loob nila. Subukan mong ilagay ang iyong sarili sa kanila, isipin mong ikaw ang siyang hinahamak dahil lang sa kinapos na talino kung sa tingin mong sila'y nasasaktan malamang nasasaktan nga sila.

Kung binibisyo mo na pagtawanan ang mga taong "bobo" sino sa tingin mo ang nagiging katawa-tawa? Kung ang pagkaawa mo sa mga taguri mong mangmang ay may halong pang-aalipusta sino sa tingin mo ang nagmumukhang kaawa-awa? Sana pumasok sa isip mo ang isang matandang kasabihan na "kung ano ang ginagawa mo sa mga tao, iyon din ang gagawin nila sa'yo". Tingnan mo ang nasa paligid mo hindi mo ba pansin ang mga taong nag-aalangan sa'yo?

Hindi nakakadagdag sa pagkatao ang pagkahambog at lalong hindi nakakapagpabawas sa iyong personalidad ang pagpapakumbaba. Huwag mong iangat ang sarili mong upuan dahil mahihirapan ka kung ikaw ay nakaupo dito, may mga taong mag-aangat nito para sa'yo; mga taong kagigiliwan ka kung marunong makisama at makisalamuha.

Gumuguho ang anumang paghanga kung mas nauunang umalagwa ang kayabangan kaysa sa galing at talento. 'Pag ipinagpatuloy mo ang ganitong kaasalan hindi ka pa nakakaangat ng husto ibabagsak ka na ng sarili mong kahambugan. Hindi pa huli ang lahat, may oras at panahon pa para iapak ang paa sa lupa at iyukod ang ulong nagmamarunong sa halos lahat ng bagay dahil ang mga taong mapagkumbaba sila ang tunay na pinagpapala.

Ang talino 'pag sinamahan ng labis na kayabangan sa halip na hangaan ay madalas kinaiinisan at iniiwasan at minsan pa nga nakakalason at kinatatakutan.

1 comment:

  1. Tama ka naman... Hindi magandang match ang yabang at talino... magaling...

    ReplyDelete