Monday, March 25, 2013

Kill the Android



I Fear the Day That Technology Will Surpass Our Human Interaction. The world will have a generation of Idiots.
-Albert Einstein


 * * *
Mukha na tayong gago at pinagmumukhang gago na rin natin ang mga tao sa ating paligid. Hindi na natin alam kung ano ang mas dapat na unahin sa buhay, ipinagpapalit na natin ang mahahalagang bagay kaysa sa ating kagustuhan at hindi na natin binibigyang halaga ang oras na dapat sana'y ginugugol natin sa mahahalagang bagay.

Dumating na ang panahong mas prayoridad na ng mga tao ang kanilang gadget/gamit kaysa sa mga importanteng mga bagay at okasyon. Halos lahat na ng uri ng tao'y may tangan-tangang android/smartphone at mas nakatutok ang kanilang pansin at atensyon dito kaysa sa importanteng bagay at ang mas nakakalungkot kahit tayo'y kabilang na dito.

Ang mga gadget imbes na gawin nating alipin ay tayo na ang inaalipin nito. Nagiging sunud-sunuran tayo sa anumang ipag-uutos na mensahe ng nasa screen. Tayo ay biktima ng sarili nating krimen at hindi natin mapigilan ang paglaganap ng krimen na ito sa halip ay pinalalawak at kinukunsinti pa natin ito sa pamamagitan ng pagbigay/pagregalo nito sa ating mga mahal sa buhay. Hanggang sa madomina na ng teknolohiya ang kamalayan ng mga tao at ang pisikal na pag-uusap, pakikipag-komunikasyon at pakikipag-kapwa sa tao ay nababawasan kung hindi man unti-unting maglaho.

Sino ba sa atin ang hindi nakararanas nito?
Nakatutok sa gadget habang may personal na kausap.
Naglalaro ng games sa halip na nakikinig sa kaharap.
Naglalaro ng birtwal na games sa halip na nanonood ng aktuwal at totoong laro.
Kinakalikot ang apps habang nasa hapag-kainan.
May kausap/kachat/katext habang nanonood ng isang movie o concert.
Tumatawa sa napanood sa android kaysa sa patawa ng isang kaibigan.
May nakasuksok na headphone sa tenga at walang pakialam sa mundo.
Itutulog na lang ay nagla-log in pa sa Facebook.
Mas gustong hawak ang smartphone kaysa hawak ang kamay ng asawa of BF/GF.
May kausap na ibang tao sa halip na nakikinig sa aralin.

At ang mas nakakalungkot…sa tuwing may naaksidente mas inuuna pang video-han ang taong naaksidente bago ito tulungan.

Oo, nakakatulong ang teknolohiya sa ating mga tao pero kung ganito naman ang epekto nito sa atin mas nanaisin pa natin ang mabuhay sa panahong hindi pa gaanong maunlad ang mundo, sa panahong hindi pa tayo alipin ng teknolohiya, sa panahong mas mababaw pa ang kaligayahan ng tao kumpara sa ngayon. Wala namang internet sa mga panahon ng dekada sitenta at otsenta at hindi naman ganun kalaganap ang intenet noong dekada nobenta pero ironically, mapangahas kong sasabihin na higit na mas marami ang matatalinong kabataan noon kumpara sa modernong panahon ngayon.

Teka, kung ganoon pala ano ang silbi sa atin ng hightech na wikipedia kung higit na binabasa noon ang makakapal na encyclopaedia ng mga kabataan noon?
Sana wala na lang Google kung lyrics lang ng mga kanta nina Justin Bieber, Rihanna o Eminem ang interes natin  o hahanapin mo lang pala ang detalyadong interview kay Kris Aquino patungkol sa dati niyang asawang si James Yap.
Sana hindi na lang naimbento ang Temple Run, Fruit Ninja, Clash of Clans, Candy Crush, Little Empire atbp. kung prayoridad na ito ng mga kabataan at gugugol sila ng napakaraming oras dito kaysa kasama ang kanilang mga magulang o pisikal na naglalaro sa lansangan o nagbabasa ng kani-kanilang libro.
Ano bang kaimportantehang bagay ang pinag-uusapan ng mga kabataan sa virtual na mundo ng YM, Skype o FB Messenger ng mga kabataan?

Ilang personalidad (sikat man o hindi) na ba ang nag-commit ng suicide dahil sa isang kontrobersiya sa internet?
Ilang kababaihan na nga ang nahalay dahil sa pakikipag-eyeball sa isang estrangherong naka-meet lang sa cyberworld?
Ilang pamilya ang nasira dahil sa labis na pagkalibang at pagkalulong sa matatamis na salita ng isang kachat?
Ilang mag-asawa/magkasintahan ang naghiwalay dahil sa modernong teknolohiyang ito?
Ilang personalidad na ba ang nagtanim at nag-ani ng galit dahil sa cyber bullying?
Ilang estudyante na ang nasira ang pag-aaral/edukasyon dahil sa labis na paggamit ng computer?
Maaring marami ang magsasabing hindi ito lubos na kasalanan ng teknolohiya ngunit hindi naman maikakaila na napakalaking contributing factor nito para masira ang buhay ng isang indibidiwal. Dahil sa pag-abuso natin dito at sobrang pagka-enjoy natin sa mga bagay na hindi natin napag-iisipan ng husto nagiging hindi maganda ang kinahihinatnan nito. At huwag na nating itanggi ito.

Hindi ba labis na ang pagkahumaling natin sa teknolohiya? Na kinakailangan nating isakripisyo ang ating kakatiting na ipon para sa kinabukasan makapagpundar(?) lang ng moderno at mamahaling android?
At pagkatapos nito ay ano? Hindi na nga natin mapunan ang ilang pangunahin nating pangangailangan sa buhay nababawasan o nawawala pa ang atensyon natin sa mga bagay na higit na mahalaga. Hindi mo ba napapansin ang madalas nating pagwawalang bahala sa oras, sa kaibigan, sa pera, sa pag-aaral, sa okasyon, sa pamilya, sa pagkain, sa trabaho at sa iba pa, para lang mapagbigyan o mapaboran ang oras na hinihingi ng ating mga android! Tsk tsk, kung susuriing mabuti palaki ng palaki ang dating simpleng problemang ito.

Marami pang gamit ang internet bukod sa Facebook o pagdownload ng kung ano-anong apps pero sa pag-obserba natin sa mga computer shop o pagsilip sa mga android phones, iilang porsyento lang ba dito ang nagbabasa ng may saysay at may kabuluhan ang binabasa?

Isa pang tanong, kung hindi natin kayang patayin ang ating pagiging utak-android, paano natin mapipigilan o mababawasan man lang ang hindi magandang resulta ng teknolohiya sa ating pang araw-araw na buhay?
May nabasa akong Ads ng isang Telecommunications Company; ang nakalagay sa kanilang slogan: "The Family that Facebook together, stays together", hindi ba dapat "pray" ito sa halip na "Facebook"? Ganito na ba talaga tayo kadesperado para i-promote ang Facebook o ang kanilang kompanya para lang bumenta?

4 comments:

  1. Sang-ayon ako sa iyong mga naibahaging kaisipan. Pareho tayo ng punto de vista...


    Kaya nga I always make sure not to use any gadget when I am talking to someone... I also pause if they are multi-tasking...

    Tapang ng post na ito, ha?

    ReplyDelete
  2. Hindi naman siguro matapang,siguro reality check lang.

    ReplyDelete
  3. Kuya agree ako dito sa point mo " Hindi ba labis na ang pagkahumaling natin sa teknolohiya? Na kinakailangan nating isakripisyo ang ating kakatiting na ipon para sa kinabukasan "

    Isa akong OFW pati na ang Hubby ko, good thing is magkasama kami.. at madalas namin pagtalunan ang pagbili ng cellphone kasi naman yung cellphone after ilang months lang bumababa na ang value lalo na pag me nilabas na bagong model, di gaya ng lupa na di nag dedepreciate ang value o kaya i pasok sa bank at least nag eearn ng inetrest. kaya mahabang usapan ang nagaganap.. ang kagandahan lang is ako ang nasusunod, pinapalitan lang pag talagang kailangan na like if nabagsak at nag malfunction na yung Cellphone...

    Another thing is un ethical naman siguro yung gawain na me kausap ka tapos ang concentration mo nasa cp mo.. hay naku sakin gawin yan aagawin ko cp at sasabihin makinig muna at pag tapos ko magsalita saka ko iobabalik ang cp nya hahahahaha.

    Mas tinuturo ko sa anak ko na mas masarap mag bike at mag tatakbo kesa sa games sa computer.. pero me time naman na pinagagamit ko sila in a way na para matutunan nila ang pag gamit nito at di sila mag mukhang tanga me limit yun di pweding the whole day..

    At saka di naman lahat nang bagay kayang ituro at ibigay ng mga gadget .. gaya ng family bonding... di yun dina download gamit ang google .. pinaparamdam yun gamit ang puso... haba na ng comment feel na feel ko lang tong post mo :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi Ms Zei Maya,
      Isang magandang ehemplo na makontrol mo ang sarili mo na bumili ng mga high-tech at mamahaling mga gadget, sa kabilang banda, wala namang masama dito dapat lang alam natin kung ano ang prayoridad natin sa buhay ngunit hindi naman maikakaila na talagang marami ang "lulong" sa teknolohiya at iyon ang nakakapangamba.

      mahirap na ibalik ang panahong pisikal na naglalaro ang LAHAT ng kabataan at mas hilig nila ang pakikisalamuha sa totoong tao at hindi sa birtwal na mundo.

      magandang araw, salamat sa bisita.

      Delete