Thursday, March 14, 2013

Bastardo




Naghaharing halinghing at humihiyaw na alingawngaw ang pumukaw sa katahimikan ng mapanuksong gabi. Magkaulayaw ang kasakiman at pagkasuwail na pinaglibog ng kanilang pagmamahal sa ginto at salapi; pinag-alab ng pag-ibig sa pwesto't kapangyarihan. Iniulos ang matigas na litid ng pagkaganid. Idiniin ang naghuhumindig na pagkahayok sa panunungkulan. Mga ilustradong mangmang, mangmang na nagdunong-dunungan. Pinaghalong tamod ng pagkasakim at pawis ng traidor ang pumapatak, umaagos at umaalingasaw sa bawat kadyot na puno ng pag-iimbot. Hinihingal, humahangos sa bawat himod at hagod ng dugyot na kuyukot.

Saksi ang nilukubang ispiritu ng demonyo na hindi kumikilala ng kabutihan at katarungan. Siglo ang itinagal ng romansa. Pinag-aalab at sinisilaban ng pagnanasang makaalpas sa pagdarahop. Nilunok ang lahat ngunit lalong naging hambog. Nilabasan at nakaraos ngunit nananatiling gutom at hayok. Sumumpa ng pagkayabong habang marubdob na nagtatalik. Mapusok. Puno ng libog. Silang pinagtagpo (raw) ng tadhana na magsasama sa kahirapan at ginhawa.

Binuntis ng diwang pulos panlalamang at kabalastugan ang kaalaman na pinag-ibayo ng kasabikan sa materyal at komersyalismong inihahandog ng mundo. Kahalayang nagbunga mula sa kamalayang pagkaganid at kasakiman na ginatungan ng naaagnas ngunit 'di namamatay na sistema. Kamunduhang hindi lumilipas at patuloy na umuusbong habang lumilipas ang panahon. Ang simoy ng libog na nagmula at sinaklaw ng pagkagahaman ay 'di magbubunga ng katinuan KAILANMAN parang palabas na pornong paulit-ulit na panonoorin habang nililibang at nilalaro ang sariling kaselanan.

Pinaglihihan ang mga tinitingalang banyaga na kalaunan'y inaambisyong maging kawangis niya ang itsura; mga señorito't coñong relihiyon ang inihain, mga singkit na diyos ng teknolohiya, mga tisoy na mananakop na may bitbit na tsokolate at armas. Ngayo nama'y tumitili at lumuluwang mga mata sa may mapuputing mga mukha na 'di batid kung mensahe ng kanta'y patungkol sa makikiring puta. Samantalang nakaligtaan at 'di pinulot ang pagiging masikap ng mga taga Oriente, ang pagiging patriyotiko ng taga Hilagang pinagharian ng Joseon, ang utak progresibo ng malalayong Kanluranin.

Iniwan ng katinuan. Nilisan ng sanidad. Inabandona ng kabaitan. Hindi pa nailuluwal ginawa ng bastardo. Nagpapahabag ngunit namintini ang kayabangan. Tanging yamang ipinagmamalaki. Taas-noo sa kahit kanino pero nagsasalsal at nakakaraos gamit ang kalinga at donasyon. Pikit-mata kung dumalangin, sangkatutak ang debosyon ngunit sa tuwing magmumulat kumukupit sa kakatiting na pondo. Binibisyo ang mamintas ngunit nag-aaklas sa tuwing may mapanuring kritiko.

Dumating ang panahon nang paghilab.
Kunwang dumadaing sa labis na hapding dinaranas ngunit minamanhid naman nang panonood ng imortal na melodrama. Sumasakit ang obaryo ngunit itinitindig ng kayabangan sa tuwing may nagwawaging kababayan. Ginawang lunas ang huwad na surbey na umano'y umuunlad at yumayaman. Humuhugot ng medisina sa patawa ng mapanglait na nasa ikatlong kasarian. Hinihilom ang kirot sa pamamagitan ng walang leksyon at walang kwentang pelikulang ininit sa tuwing pista; istoryang paulit-ulit na dinaig ang 'di natatapos na paulit-ulit ding prediksyon sa paggunaw ng mundo (mga sabik sa paglangoy sa naglalagablab na apoy). Ginagamot at nilalamon ang nakahaing matatamis ng pangako nang pag-ahon mula sa pagkakalunod at pagkakalubog. Nilulustay at nagsisilbing anaesthesia ang salaping pinagputahan mula sa dayuhan ang ibinugaw na hindi inaarugang likas-yaman.
Umaastang walang karamdaman kung may tangan-tangang mamahaling gadyet at gamit.

Sari-saring supling ang iniluwal.

Mga uhuging paslit na binastardo ng kahinhinan at kagandahang-asal. Wala pang otso ngunit matatas kung pumutang-ina sa mga kaalitan at kaibigan. Pumapaslang, nagnanakaw sa edad  na diyes (manang-mana sa nagluwal sa kanila). Pagtuntong ng katorse wari'y sugapang humuhugot ng lakas sa kamunduhan na maaring ihambing sa malilibog na kuneho. Pulang dugo at serbesa ang sabay na dumadaloy sa kanilang ugat na patungong utak ang nagsisilbing motibasyon upang magpursiging bumangon at mabuhay sa bawat araw. Alila ng modernong libangan, alipin ng maimpluwensyang teknolohiya. Natatakam. Natatakaw.

Mga haligi ng tahanang batugan na binastardo ng sikap at katapatan sa pag-ibig. Walang inuuri kung hampaslupa o matapobre, kung masumpungan ang kakaibang init na impluwensiya ng obra-maestrang istorya ng pangangalunya. Sumusulpot madalas ang 'di mapigilang pagkahumaling sa alkohol sa tuwing magsasalpukan ang paningin ng mga istambay na tomador. Anumang oras, anumang araw. Ang sentimong para sa pagkain ng mga anak ay iaalay sa patak-patak. Pumutok na ang araw hindi pa pumupungas.

Mga nagsisitaasang puno, na ang ugat ay galing sa  lupa ng kasakiman. Binastardo ng kabanalan. Pagsisinungaling ang propesyon na kahit si Satanas ay kinukumbinsing katotohanan ang kanyang binabanggit at sinasambit. Nagnanakaw. Nauulol. Pumapatay. Mapanatili lang ang koronang nakaputong sa kanyang ulunan. Isasalin sa prinsesa o prinsipeng kalam din sa kapangyarihan. Gustong kamkakamin, angkinin, sakupin...pati ang Langit. Tumatawag ng kapayapaan at pagkakaisa ngunit may nakasukbit na iskwala sa kanilang tagiliran.

Mga gutom na kawal na binastardo ng katapatan. Tapat na serbisyo ang sinumpaan ngunit kinikitil ang sinumang humaharang at humahadlang sa pagmina ng kayamanan. Walang sinisino, walang sinasanto kahit kadugo'y 'di pinatatawad. Nagpapaulan ng punglo't  bala sa pagnanais na bumaha ng salapi at pera. Binabali ang batas. Binabasura ang katarungan. Bayani ng kagaguhan. Mistulang imbalido sa tuwing lalapitan at hihingan ng tulong. At sila'y patuloy na dumarami.

Mga nagdarahop na binastardo ng karapatan at pangarap. Parang mga asong-galang patay-gutom na umaasa sa kung anong tira-tira ang sa kanila'y ihahagis. Inalisan ng karapatang umunlad dahil sa pagkamkam ng lahat ng kanilang pangarap. Binubulag. Binibingi. Pinipipi. Sa araw-araw na kasinungalingan at dinaranas na kahirapan. Kulang ang isang buhay upang sila'y makaraos at mabuhay ng maayos, kulang ang isang habangbuhay upang sa kahirapa'y makahulagpos. Minamanhid. Nasasanay.

Silang mga supling na bunga ng kasakiman at pagkasuwail na pinaglibog ng kanilang pagmamahal sa ginto at salapi; pinag-alab ng pag-ibig sa pwesto't kapangyarihan.
Mga bastardo.

2 comments:

  1. Ang galing! Gusto ko ang pagkakagamit ng mga salita... tsk... IDOL!!!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Kung maka-idol si senyor oh! Wag ganun hindi ko kaya pangatawanan ang ganyang paghanga.
      Kunwari entry ko ito sa kamalayang malaya 4 ni sir jkul!
      Salamat sa bisita.
      :-)

      Delete