Wednesday, December 19, 2012

Brutal



"Honesty is such a lonely word, everyone is so untrue".
Linya ito sa isang kanta ni Billy Joel na may titulong "Honesty".
Isang napakalungkot at brutal na deklarasyon na ang lahat ng tao'y hindi matapat.
Nasaan na nga ba ang honesty?
Sino ba ang maaring sabihing matapat? Sino ang may lakas ng loob na sabihing siya'y matapat? Ako? Ikaw? Sila? Guro? Ang ating mga Pari o Pastor? May natitira pa bang matapat sa panahon ng mapagkunwaring mundong ito?
Huwag magmalinis. Dahil lahat tayo hindi man madalas ay minsang hindi naging tapat; matino man o hindi ang katwiran at mabigyang katarungan ang anumang dahilan ng hindi pagiging tapat, ang punto rito: walang nabuhay na matapat kahit gaano ka pa katalino, kahit gaano ka pa kagaling, kahit gaano pa kabanal ang tingin sa'yo ng mga tao, kahit gaano pa kataas ang posisyon mo at kahit gaano ka pa kabait.

Hindi ako malinis at mapagkumbaba kong aaminin at sasabihing sumuway din ako sa katapatan dahil katulad ng halos lahat minsan sa kasaysayan ng aking buhay ako ay naging suwail at hindi naging matapat. Kailanman ay hindi ito dapat ikarangal at ipagmalaki ngunit ang pinakamahalagang nadulot nito ay ang natutunang leksyon sa pagkakamali at ang pagsusumikap na huwag na muling maulit pa ang kamaliang ito kaakibat nang pagtanggap at pag-amin ng kasalanan.

Ang anumang nangyari sa ating buhay noon ay may koneksyon sa ating buhay ngayon maging maganda man ito o kasawian, maging kabutihan man ito o kasalanan dahil ito ang nagbibigay kahulugan kung sino tayo ngayon. Ito ang huhubog sa ating ganap na pagkatao ngunit masasayang ang lahat ng ito kung wala kang pinagsisihan sa mga kasalanan,  kung wala kang itinama sa mga kamalian at kung hindi mo isinapuso ang mga ibinigay na leksyon at aral.

Datapwat may mga bagay na hindi madaling sundin ang katapatan mas marami pa ring pagkakataon na kaya nating maging tapat. Nakakadismaya lang malaman na sa lahat ng antas ng buhay ay talamak na ang pagiging suwail at hindi tapat. At alam nating marami nito sa pulitika, sa pamahalaan, sa opisina, sa gobyerno at saan mang antas ng lipunan.

Bakit marami ang suklam na suklam sa nanunungkulan ngunit ni hindi man lang nila nakikita ang kalokohang ginagawa nila?
Bakit sa taas ng posisyong nakaatang sa balikat tinutumbasan naman ito nang mababang uri ng pag-aasal?
Sa kabila ng ganda ng trabaho, posisyon at sweldo, nakakadismaya na hindi pa rin napuputol ang paghahangad ng kalabisan.
Sadya bang nakalulula sa itaas o wala lang talagang kakuntentuhan ang paghahangad na mapunan ang pagkagahaman?

Bukod sa pera, ang dishonesty ang mortal na kalaban ng mundo. Napakaraming uri ng dishonesty ang kayang gawin ng mga tao na kahit simpleng bagay na lang ay sinusuway pa. Sana kung hindi rin lang ganoon kahirap na tupdin maging tapat tayo kahit walang nakamasid at kahit walang parusang nakaamba. Kung sakali mang dumating sa puntong sinusubok ang iyong katapatan piliting ito'y paglabanan 'wag masilaw sa sandaling kasiyahan hindi mo man lubos itong pagsisihan may katumbas itong kaparusahan nang hindi mo namamalayan.

Kung ang lahat ay hindi na matapat dapat bang tayo'y magbigay ng tiwala?
Kung ang lahat ay may kakayahang basagin ang tiwala dapat ba ang isang pagpapatawad?
Kung ikaw ay minsan nang nagpatawad dapat bang magbigay ng ikalawa at isa pang pagkakataon?
Oo nga na ang lahat ay hindi tapat, maaring ang iyong mga ginawang kamalian ay hindi na nalaman at nasiwalat pa ng iba, ngunit naitanong mo ba sa sarili mo kung dapat ka rin bang pagkatiwalaan? Marami ang humihingi ng kapatawaran ngunit ang masaklap ang mismong may gawa ng sala ay 'di mapatawad ang sarili.
Ang hindi raw maasahan sa maliit na bagay ay hindi rin maasahan sa malaking bagay. Kung ang simpleng bagay lang ay 'di mo matupad paano ka pa mabibigyan ng isang malaking responsibilidad?

Madalas na hindi buo ang tiwala natin sa mga tao, madalas na kahit nagbigay tayo ng tiwala ay may kalahok pa rin itong pagdududa pero minsan nakakalimutan natin kahit ang sarili natin ay hindi natin kayang pagkatiwalaan. Kaya tayong ipagkanulo ng ating sarili anumang oras, anumang pagkakataon. Sa panahong akala natin ay kaya nating paglabanan at mapagwagian ang lahat ng uri ng temptasyon doon ka pa susubukin at saka mo malalaman na marupok ka pa rin at hindi sasapat ang lahat ng iyong nakaraan at karanasan, lahat ay mababale-wala sa isang kisapmata lang.

Kung sa tingin mo'y naging tapat ka sa buong panahon ng iyong buhay 'wag kang magpatawad pero kung hindi ka rin naging tapat, sino ka para hindi maggawad ng kapatawaran?
Ngunit hindi ibig sabihin nito na dapat kang alipinin at abusuhin nang paulit-ulit at gawing lisensiya at karapatan ang iyong pagpapatawad para ikaw ay maging katawa-tawa at maging tanga sa patuloy niyang hindi pagiging tapat.

Higit na masakit ang sugat na wala sa balat.
Kahit bukal sa loob mo ang pagpapatawad hindi maiwawaglit sa isip mo ang sugat na nalikha nito sa iyong damdamin. Kahit bukas sa puso mo na ibigay ang kapatawaran hindi kailanman malilimot ang sakit na dinulot nito. Ang alaala ng kasalanan ang magiging sanhi ng hindi lubos na pagtitiwala; ito ang pilat na magpapaalala sa sugat na minsang naging makirot na nanunuot hanggang sa iyong panaginip. Kahit napakaraming taon na ang lumipas hindi tuluyang maglalaho ang gunita ng nakaraan na mumulto sa nagpupumilit na tumiwasay na damdamin at kaisipan.

Wala ngang nabuhay na matapat ngunit...
Pagsumikapang maging tapat kahit na marami ang hindi ito ginagawa.
Piliting magpakatatag kahit walang nakakakita.
Pag-isipan nang maigi bago magdesisyon dahil kaakibat nito ang paglala o pagbuti ng sitwasyon.

Ang pagsusumikap na maging tapat ay parang pagsuong sa isang malakas na buhos ng ulan hindi ka man lubusang mabasa dahil sa dala mong pananggalang, kaya ka pa rin niyang basain sa taglay niyang hanging brutal at walang pakudangan.

1 comment:

  1. walang tapat na tao ni isa man sa mundo tulad nga ng iyong sabi, sa kahit na anong bagay, gawain o dahilan nito, maliit man o malaking kalokohan, kawalang katapatan pa din iyon.

    sabi ni mang inggo sa kanto, sa tsismisang iniwan na sila ng kanilang pinuno. "tiwala lamang tayo" kahit sa likod ng isip nya'y niloloko lamang ang sarili.

    ReplyDelete