"Honesty is such a lonely word, everyone is so untrue".
Linya ito sa isang kanta ni
Billy Joel na may titulong "Honesty".
Isang napakalungkot at brutal na
deklarasyon na ang lahat ng tao'y hindi matapat.
Nasaan na nga ba ang
honesty?
Sino ba ang maaring sabihing matapat? Sino ang may lakas ng loob na sabihing siya'y matapat? Ako? Ikaw? Sila? Guro? Ang ating mga Pari o Pastor? May natitira pa bang
matapat sa panahon ng mapagkunwaring mundong ito?
Huwag magmalinis. Dahil
lahat tayo hindi man madalas ay minsang hindi naging tapat; matino man o hindi
ang katwiran at mabigyang katarungan ang anumang dahilan ng hindi pagiging
tapat, ang punto rito: walang nabuhay na matapat kahit gaano ka pa katalino,
kahit gaano ka pa kagaling, kahit gaano pa kabanal ang tingin sa'yo ng mga tao,
kahit gaano pa kataas ang posisyon mo at kahit gaano ka pa kabait.
Hindi ako malinis at
mapagkumbaba kong aaminin at sasabihing sumuway din ako sa katapatan dahil
katulad ng halos lahat minsan sa kasaysayan ng aking buhay ako ay naging
suwail at hindi naging matapat. Kailanman ay hindi ito dapat ikarangal at
ipagmalaki ngunit ang pinakamahalagang nadulot nito ay ang natutunang leksyon
sa pagkakamali at ang pagsusumikap na huwag na muling maulit pa ang kamaliang
ito kaakibat nang pagtanggap at pag-amin ng kasalanan.
Ang anumang nangyari sa
ating buhay noon ay may koneksyon sa ating buhay ngayon maging maganda man ito
o kasawian, maging kabutihan man ito o kasalanan dahil ito ang nagbibigay
kahulugan kung sino tayo ngayon. Ito ang huhubog sa ating ganap na pagkatao
ngunit masasayang ang lahat ng ito kung wala kang pinagsisihan sa mga
kasalanan, kung wala kang itinama sa mga
kamalian at kung hindi mo isinapuso ang mga ibinigay na leksyon at aral.
Datapwat may mga bagay na
hindi madaling sundin ang katapatan mas marami pa ring pagkakataon na kaya
nating maging tapat. Nakakadismaya lang malaman na sa lahat ng antas ng buhay
ay talamak na ang pagiging suwail at hindi tapat. At alam nating marami nito sa
pulitika, sa pamahalaan, sa opisina, sa gobyerno at saan mang antas ng lipunan.
Bakit marami ang suklam na suklam
sa nanunungkulan ngunit ni hindi man lang nila nakikita ang kalokohang ginagawa
nila?
Bakit sa taas ng posisyong
nakaatang sa balikat tinutumbasan naman ito nang mababang uri ng pag-aasal?
Sa kabila ng ganda ng
trabaho, posisyon at sweldo, nakakadismaya na hindi pa rin napuputol ang
paghahangad ng kalabisan.
Sadya bang nakalulula sa
itaas o wala lang talagang kakuntentuhan ang paghahangad na mapunan ang
pagkagahaman?
Bukod sa pera, ang
dishonesty ang mortal na kalaban ng mundo. Napakaraming uri ng dishonesty ang
kayang gawin ng mga tao na kahit simpleng bagay na lang ay sinusuway pa. Sana
kung hindi rin lang ganoon kahirap na tupdin maging tapat tayo kahit walang
nakamasid at kahit walang parusang nakaamba. Kung sakali mang dumating sa
puntong sinusubok ang iyong katapatan piliting ito'y paglabanan 'wag masilaw sa
sandaling kasiyahan hindi mo man lubos itong pagsisihan may katumbas itong
kaparusahan nang hindi mo namamalayan.
Kung ang lahat ay hindi na
matapat dapat bang tayo'y magbigay ng tiwala?
Kung ang lahat ay may
kakayahang basagin ang tiwala dapat ba ang isang pagpapatawad?
Kung ikaw ay minsan nang
nagpatawad dapat bang magbigay ng ikalawa at isa pang pagkakataon?
Oo nga na ang lahat ay hindi
tapat, maaring ang iyong mga ginawang kamalian ay hindi na nalaman at nasiwalat
pa ng iba, ngunit naitanong mo ba sa sarili mo kung dapat ka rin bang
pagkatiwalaan? Marami ang humihingi ng kapatawaran ngunit ang masaklap ang
mismong may gawa ng sala ay 'di mapatawad ang sarili.
Ang hindi raw maasahan sa maliit
na bagay ay hindi rin maasahan sa malaking bagay. Kung ang simpleng bagay lang
ay 'di mo matupad paano ka pa mabibigyan ng isang malaking responsibilidad?
Madalas na hindi buo ang
tiwala natin sa mga tao, madalas na kahit nagbigay tayo ng tiwala ay may
kalahok pa rin itong pagdududa pero minsan nakakalimutan natin kahit ang sarili
natin ay hindi natin kayang pagkatiwalaan. Kaya tayong ipagkanulo ng ating
sarili anumang oras, anumang pagkakataon. Sa panahong akala natin ay kaya
nating paglabanan at mapagwagian ang lahat ng uri ng temptasyon doon ka pa
susubukin at saka mo malalaman na marupok ka pa rin at hindi sasapat ang lahat
ng iyong nakaraan at karanasan, lahat ay mababale-wala sa isang kisapmata lang.
Kung sa tingin mo'y naging
tapat ka sa buong panahon ng iyong buhay 'wag kang magpatawad pero kung hindi
ka rin naging tapat, sino ka para hindi maggawad ng kapatawaran?
Ngunit hindi ibig sabihin
nito na dapat kang alipinin at abusuhin nang paulit-ulit at gawing lisensiya at
karapatan ang iyong pagpapatawad para ikaw ay maging katawa-tawa at maging
tanga sa patuloy niyang hindi pagiging tapat.
Higit na masakit ang sugat
na wala sa balat.
Kahit bukal sa loob mo ang
pagpapatawad hindi maiwawaglit sa isip mo ang sugat na nalikha nito sa iyong
damdamin. Kahit bukas sa puso mo na ibigay ang kapatawaran hindi kailanman
malilimot ang sakit na dinulot nito. Ang alaala ng kasalanan ang magiging sanhi
ng hindi lubos na pagtitiwala; ito ang pilat na magpapaalala sa sugat na minsang naging makirot na nanunuot hanggang sa iyong panaginip. Kahit napakaraming taon na ang lumipas
hindi tuluyang maglalaho ang gunita ng nakaraan na mumulto sa nagpupumilit na
tumiwasay na damdamin at kaisipan.
Wala ngang nabuhay na
matapat ngunit...
Pagsumikapang maging tapat
kahit na marami ang hindi ito ginagawa.
Piliting magpakatatag kahit
walang nakakakita.
Pag-isipan nang maigi bago
magdesisyon dahil kaakibat nito ang paglala o pagbuti ng sitwasyon.
Ang pagsusumikap na maging
tapat ay parang pagsuong sa isang malakas na buhos ng ulan hindi ka man
lubusang mabasa dahil sa dala mong pananggalang, kaya ka pa rin niyang basain
sa taglay niyang hanging brutal at walang pakudangan.
walang tapat na tao ni isa man sa mundo tulad nga ng iyong sabi, sa kahit na anong bagay, gawain o dahilan nito, maliit man o malaking kalokohan, kawalang katapatan pa din iyon.
ReplyDeletesabi ni mang inggo sa kanto, sa tsismisang iniwan na sila ng kanilang pinuno. "tiwala lamang tayo" kahit sa likod ng isip nya'y niloloko lamang ang sarili.