Komplikado ang buhay, magulo ang mundo, mapagkunwari ang mga
tao. Hindi madaling hanapin ang tunay na kasiyahan, ang tunay na pag-ibig at
ang tunay na kaibigan. Minsan akala natin masaya na tayo pero sa paglapat ng
ating katawan sa kama sa tuwing gabi huwad lang pala ang maraming kasiyahang
iyong naranasan. Ang mga kaibigan iisipin nating lagi lang silang nariyan para
sa atin; sasamahan, aalalayan, papayuhan, kasama sa lahat ng ating pupuntahan,
sa inuman, sa pasyalan at sa kalokohan pero sa paglipas ng panahon matutuklasan
mong marami sa kanila ang hindi pala totoo, marami sa kanila ang gusto ka lang
kasama dahil sa napapakinabangan ka nila maging bagay man ito o personal na
kadahilanan.
Mahirap uriin sa biglang tingin ang mga nagpapanggap na
kaibigan pero sa kalaunan mararamdaman mo kung sino-sino ang totoo sa kanila.
Hangga't bata tayo matuto tayong pahalagahan ang oras, ang kabataan, ang
kaibigan at lahat ng ating mahal sa buhay huwag nating hintayin ang sandaling
wala tayong makakausap, wala tayong matatawagan at wala tayong makakasama sa
oras na bagsak ang ating emosyon at puno ng iba't ibang problema. Hindi sa
lahat ng oras ay may dumadaan na matinong kaibigan 'wag nating ipagpalit ito sa
mga taong magaling sa kwentuhan sa tuwing may inuman o gimikan.
Sa modernong panahong ito marami tayong pagkukunan ng ating
pagkasiya dahil sa iba't ibang uri ng teknolohiyang nag-aanyaya bukod pa ito sa
mga taong ating araw-araw na nakakasama at nakakasalamuha pero hindi rin
sasapat ang lahat ng ito para malubos ang kaligayahan natin. Bahagi ito ng
ating buhay; ang maging masaya at malungkot. Kung paano mo i-handle ang
problema ay tanging ikaw lang ang makakaalam nito kaya marami ang
nagpapakamatay at hindi nakakayanan ang unos ng buhay dahil sa depresyon at
kawalan ng pag-asa huwag natin silang husgahan dahil hindi natin alam kung
gaano kahirap ang pinagdadaanan nila baka kung ikaw ang may ganoong problema
mas malala pa ang maging 'solusyon' mo dito.
Walang perpekto. Kahit anong ganda/gwapo mo darating ang
puntong mararamdaman mong may kulang pa rin sa'yo at may hahangaan kang iba na
taglay o na-achieve niya. Kahit anong ingat mo magkakamali ka pa rin, sabi nga
sa isang kanta kung wala ka pang sala wala ka pang ginawa. Kahit anong talino
mo mayroon ka pa ring hindi kayang gawin at iisipin mong sana mayroon kang
ganito o ganoong kakayahan. Kahit anong husay o galing mo mararamdaman mong
hindi pa rin sasapat ito na kahit anong pagpupursigi mo hindi pa rin
masa-satisfy ang kakulangang ito. Kahit anong saya ang nararamdaman mo sa iyong
kapartner sa buhay maging BF/GF o asawa mo man ito, hindi maiiwasang ma-bored
ka sa kanya; ito rin ang dahilan kung bakit maraming mag-asawa o magkarelasyon
ang naghihiwalay, kung ma-bored ka man sa relationship ninyo pansamantala lang
ito kung talagang tapat na pagmamahal ang nararamdaman mo sa kanya at
makabubuting gumawa ng paraan upang unti-unting manumbalik ang dating tamis ng
pagmamahalan; hindi solusyon ang maghanap ng iba lalo lang nitong palalalain
ang emotional breakdown na iyong nararanasan. Ang bawat isang indibidwal ay may
kanya-kanyang katangian kung mahahanap mo sa iba ang iyong ninanais hindi ibig
ipakahulugan nito siya na ang pinakaperpektong nilalang para sa'yo maaring
hindi mo pa lang nakikita kung ano ang mali at ayaw mo sa kanya. Hindi natin
kailangang maging perpekto mas kailangan natin ang ganap na pagtanggap sa
kanyang buong pagkatao.
Kung mahal mo ang isang tao hindi mo hahanapin sa kanya kung
ano ang kulang niya bagkus tatanggapin mo siya kung ano siya kasama ang lahat
ng kanyang kapintasan hindi lang ang positibo at magagandang ugali at
katangiang nasa kanya. Totoong nakakabighani ang magaganda/gwapo sa ating
paningin lalo't minsan nakakaramdan ka ng pagkaburyong sa inyong relationship
pero sapat na ba ito para iwanan mo ang taong nakasama mo at sinamahan ka sa
mahabang panahon? Kung iisipin mong nagtitiyaga ka lang sa kanya dahil sa mga
anak ninyo o pinanghihinayangan mo ang nasayang na panahon o sa simpleng
dahilan na nawala na ang magic sa tuwing kayo'y magkasama, naisip mo bang baka
ganun din siya sa'yo? Naisip mo bang baka nagtitiis lang din siya sa'yo at sa
ugali mo? Maraming mga tao ang sumasama sa iba at iniwan ang kani-kanilang
asawa pero karamihan sa kanila (hindi man lahat) ay hindi naging lubos ang
ligaya may mga pilit pa ngang bumabalik sa dating karelasyon kasi iba talaga
ang orihinal. Ngunit hindi lahat ay nabibigyan ng ikalawang pagkakataon mas
malaki ang pagsisi kung magpapadala sa ganda ng ngiti o sa kakaibang saya sa
tuwing kasama ang bagong nakilala. Hindi madali ang magmahal ng walang bahid
pero kung may kakayanan kang magmahal ng magpakailanman para ka na ring
superhero sa taglay mong kapangyarihan.
Tulad mo may mga bagay din akong hinangad na wala sa akin,
may mga bagay akong pinangarap na sana mayroon din ako ngunit maluwag sa loob
kong tinanggap na hindi na ito mapapasaakin dahil ito'y hindi naman materyal na
bagay. Minsang... may pinagsisihang desisyon, may pinangarap na panahong sana'y
maibalik, may mga salitang masasakit na binitiwan. Minsang... may pagkakataong
walang maisip na maisulat, walang laman ang pag-uutak, walang sumisilay na
ligaya sa puso at walang gana sa halos lahat ng bagay. Napapagod kahit wala
namang pisikal na pinagkaabalahan, nalulungkot kahit hindi batid ang tunay na
kadahilanan, napapangiti sa nangyari sa nakaraan, nababad trip sa nangyayari sa
mundo, sa opisina, sa mga pilipino, sa pulitiko at sa Pilipinas.
Wala akong karapatang magreklamo sa buhay at kung tutuusin
mas mapalad ako sa ibang mga tao dahil natupad ko ang marami sa aking mga
pangarap; nakapasa sa board exam kahit di naman matalino, may matinong trabaho,
nagkabahay, nakapaglalakbay, may sariling sasakyan, nakapagpublish ng libro,
may magandang love story at may masayang pamilya at lahat ng ito'y aking
pinagpapasalamat sa Kanya. Hindi ako relihiyoso pero alam kong parating
dinidinig ang aking dasal at panalangin dahil naniniwala ako na hindi lang sa
pagkain nabubuhay ang tao. Naniniwala rin ako na malaking bagay ang edukasyon
upang kahit papaano'y umalwan at umangat ang ating buhay at pamumuhay. Bagamat
hindi pa ako tapos mangarap hindi rin naman katumbas nito na ako ay walang
kakuntentuhan sa buhay. Ang pangarap ay inspirasyon na magsisilbing gabay
patungo sa magandang landas ng buhay at bukas. Hindi ko hinahangad ang sumikat
o maging popular dahil alam kong may kaakibat na na malaking responsibilidad
ang pagkakaron nito at alam ko rin wala akong kapasidad para dito. Pero ako'y
puno ng mga pangarap at kasama sa pangarap ko ang maganda at mabuting
Pilipinas, magkaroon ng isang magarang bahay, matikas na SUV, makapunta sa
iba't ibang mga bansa sa Europa, magandang edukasyon at trabaho sa aking mga
anak at ilan pang librong magsisilbing inspirasyon sa tulad kong manunulat at
may mga ligaw ang isipan. Kung sakaling hindi ko man matupad ang karagdagang
pangarap kong ito hindi ito dahilan para magalit ako o magtampo sa mundo, sa
buhay at sa Diyos.
No comments:
Post a Comment