Relokasyon hindi demolisyon.
Bukambibig ng mga maralitang
hikahos na nananahan sa gilid ng maliit ngunit multi-milyong pisong halaga ng
kalsada mayroon din sa ilalim ng tulay na nakikinig sa saliw ng musikang
nanggagaling sa busina ng magagarang oto at dumadagundong na mga trak. Halos
tinakwil na sila ng lipunan at pinagkaitan ng biyaya ng kalangitan, may mga
tumatawag pa ngang sila ay salot. Hindi ba't sa hanay umano nila nanggagaling
ang kumukupit ng iyong kalupi? O pumipitas ng kumikinang na balagat? O ng
seleponong nakuha sa koersyon? Maaring oo, maaring hindi pero sigurado hindi
lahat. Ngunit teka saan ba nagmula ang umuumit sa kaban ng bayan? O umaabuso sa
pobreng obrero? O gumagahasa sa sagradong saligang batas? May piring nga pala
si Katarungan. Bulag nga pala ang hustisya.
Ilang beses na ba silang
iniahon at iniligtas? Ilang ulit na ba silang kinalinga at inayudahan? Ilang
beses na ba silang biniyayaan at tinulungan? Marahil mali ang katanungan. Dapat
yata'y ganito: Ilang beses na ba silang ginamit at pinagsamantalahan? Ilang
ulit na ba silang biniktima at binusabos? Ilang beses na ba silang inalipin at
inalipusta? Libong pangako libo rin ang napako ng mga pulitikong umaastang
santo na nagmumumog ng tubig na may basbas ngunit ang katauha'y kataliwasaan sa
pagiging banal. Mga katawang gusgusin at nanlilimahid pero kinakamayan sa
tuwing ikatlong taon ng mga tapat na lingkod-bayan. Tuloy po kayo sa
mapagkunwaring mundo ng magkabilang mundo! Balatkayo sa balatkayo. Isang ang
habol ay boto, ang isa nama'y habol ang ilang daang piso.
Dumadanak ng dugo, bumabaha
ng luha.
Umuulan ng bote, ng bato, ng
apoy, ng tae, ng bala. Literal.
Walang pakundangan kung
sinuman ang tamaan, walang pakialam kung maging sanhi ng kamatayan. Iskwater sa
sariling bansa, alipin ng mga may utak-banyaga. Salamin ng Pilipino, repleksyon
ng Pilipinas. Wala kang dangal kung wala kang pera. Busabos ka kung
taga-iskwater ka habang daig pa ang bathala kung umasta ang mga may kwarta at
kapangyarihan. Ngunit ang Diyos sa langit hindi sinusuri kung ang bahay mo'y
yari sa pader o pusali, kung ikaw man ay hikahos o sa kayamanan ay puspos.
Mabuti na lamang.
Ngunit paano mo ba iuuri ang
"Ugaling Iskwater"? Ito ba'y metapora sa mga taong sinaniban ng
masamang asal o niliteral ng mga taong higit pa sa halang ang pang-unawa? Bakit sa taga-iskwater hinahalintulad ang
kriminal sa lansangan? Higit na nakakatakot naman ang heneral na protektor ng
tumutulak ng droga. Bakit sa taga-iskwater hinahambing ang may kabastusang
pag-aasal? E higit pa nga sa kabastusan ang halayin ang batas at katarungan?
Bakit sa taga-iskwater hinahanay ang may barumbadong pag-uugali? Ano bang uri
ng tao ang umaalipusta o tumututok ng baril sa sentido ng kaawa-awang traffic
enforcer? Bakit sa taga-iskwater lang ibinibintang ang krimeng holdapan at
snatching? Sandali..may ipiniit na ba sa hanay ng pulitikong kumukulimbat sa
pondo ng bayan? Diskriminasyon makalipas ang diskriminasyon. Dahil ba sa ang
taga-iskwater ay gusgusin? At ang mga disenteng kriminal ay mababango at
nakapustura? Siguro nga.
Ilang sandali na lang at
bubuwagin na ng otoridad ang kani-kanilang tahanan. Igugupo gamit ang
kalawanging piko na hawak ng mamang inaambahan ang sinumang humaharang, mayroon
ding gamit ang bareta de kabra na winawasiwas ng bata ni Meyor na makutim ang
kulay ng pagkatao't balat at ang iba'y tangan ang martilyong handang ihampas sa
hamba at dingding na ilang beses na inabuso o sa haligi ng tahanang humihiram
ng katapangan sa taglay na kahirapan. At kung hindi kakayanin ng mano-manong
pwersa't lakas itutumba ito sa ayuda ng dambuhalang buldoser na di kumikilala
ng habag at pagkaawa.
Sa isang kisap mabubuwag na
ang kanilang barong-barong na ang pundasyon ay pinatibay ng sapin-saping
suliranin, mga bubong na kinalsohan ng lumang gulong ng sedan na pumuprotekta
sa iba't ibang unos na kanilang dinaranas, mga dingding na pinagdikit-dikit ng
hinaing at iba't ibang kadalamhatian sa buhay, mga bintana na pinalamutian ng inaagiw na
kurtinang ipinangtatabing sa mga mukhang puno ng pighati na panakanaka'y
sinusulyapan ang iba ring may gutom na diwa't kaluluwa at pintuang yari sa
gulanit na lawanit na di-hamak na mas matibay pa ang pintuan ng kulungan ng
mabagsik na Rottweiler na laging nakapinid upang hindi masilip ang kalungkutang
nananahan sa loob nito.
Kahit anong pagsisigaw,
pagtutol at pag-aklas ay wala ring nangyari nanaig pa rin ang utos ng korte na
palayasin ang umano'y sagabal at masakit sa paningin ng mga timawa at salaula.
Binusabos na busabos. Aliping inaalipin.
Malabo ang mundo. Mabuti pa
ang aso may tahanang gawa sa matatag at di kinakalawang na bakal na higit ang
halaga sa sampung libong piso na ang sukat lang ay wala pa sa tatlong metro
kwadrado, may pagkaing mula sa karne na halos doble ang halaga ng isang kilong
bigas ng nagdarahop na maralita, aabot o hihigit sa dalawampung libong piso ang
halaga ng isang matakaw na aso pero ang halaga ng isang anghel na sanggol ay
'di pa aabot sa sampung libo. Mapapalad na mga aso; kinakalinga at inaaruga.
Kulong ang katumbas kapag inabuso, pinatay o kinatay pero parang lunatikong
walang nag-alala, walang napiit at walang nag-imbestiga noong may tumimbuwang na taga-iskwater na dukha. Lumaban daw kasi. Ganon ba? Bakit 'di ninyo
paslangin ang mga sundalong pulitiko na lumaban noon sa gobyerno? Si Panfilo,
si Antonio o ang matikas na si Gringo na mga loyalista raw ng kalayaan at
demokrasya. Ito ang mundong mas matimbang na ang karapatang pang-aso kaysa
karapatang pangtao.
"Masanting pin karela! Kaibat na ning adwang pulo banua
apalakwan dala din, kalwat deng pekenabangan ing gabun, ede pa buring ibie keng
talagamg mikibandi, kaibat ngeni mimimua la keng gobyerno uling apihan do kano.
Didinan da noman a sapat a pera at alipatan da, eno man bisa uling malao't kanu
keng pipagobran da at mas buri da pa ing , makipagmurahan la,
makipagbaronggahan la, at makipaglabanan la, at makipagpatayan la kareng
otoridad. King metung a banda, wa ,makalunos la pin peru makananu naman nung
ila naman ing mikibandi keng gabun a tutuknangan da? Nanu ing gawan mu? Ninu
kanyan ing akakit mong me agrabyadu?" Litanya at pangangatwiran ng kapitbahay
kong si Nanay Conching habang pinanonood ang demolisyon sa paborito niyang 24 Oras.
Uy, may bago na palang tawag
sa mga taga-iskwater, "Informal Settler" na daw ang dapat nating
itinatawag sa kanila. Maganda raw kasing pakinggan, eh ano ba naman kayang ipinagkaiba
nito kung tawagin man natin silang 'iskwater' o 'informal settler'? Tulad ng
nakikita mo sa tuwing paligid ay dumidilim. Malagim.
diskriminasyon..
ReplyDeleteang mga kriminal galing sa iskwater at ang mga taong naka suot ng puting barong tuwing may sesyon ay walang pinagkaiba. maliban na lamang sa paghusga ng nakakakita nito.
panahon na naman ng eleskyon, sasalo na naman ang mga diumanoy kagalang galang na may ambisyon sa hapag kainan ng taong nagdarahop. nakangting sa aso lamang natin nakikita.
napakagaling nitong inyong obra. direkteng tatama sa mga manhid na kalooban.
'pag nawala na sa mundo ng blogosperyo ang site na ito malamang pinatanggal na ng gobyerno 'yun ang inaalala ko.
ReplyDeletedalawang mukha naman ang ipinakita diyan, ung litanya ni nanay conching sa panig naman ng nagmamay-ari ng lupa 'yun nga lang kapampangan, pakiresearch mo na lang sir.
salamat sa muling pagbisita