Monday, September 10, 2012

Lakbay - ikalawang yugto




Lakbay - ikalawang yugto
 

Ako si Felipe at ito ang aking ikalawang yugto ng aking paglalakbay.
 


Nilisan ko ang pagamutan ng may ngiti ang labi at may panibagong dalang pag-asang matagpuan ang lugar na matagal ko nang hinahanap, ang Baranggay Maunlad at nabanaag ko ito sa mga mata ni Kapitana Cora. Bagamat medyo may kirot pa akong nararamdaman sanhi ng sugat na natamo galing sa isang ligaw na bala, kaya ko na namang lumakad na at muling maglakbay.

 

Utang ko ang pangalawang buhay ko kay Kapitana kung hindi dahil sa mabuti niyang kalooban malamang ay kasama na ako sa hindi mabilang na mga nasawi o biglang naglaho sa buong panunungkulan ni Kap. Kokoy, mga desapericidos daw ang tawag sa kanila.


Wala na nga ako sa Baranggay Bagong Lipunan dahil 'di-hamak na malaki ang pagkakaiba nito sa naturang lugar. Kung sa dating baranggay ay makikita at mararamdaman mo ang lungkot at hinagpis ng mga tao, dito sa Baranggay Demokrasya halos lahat ng iyong masasalubong ay may taos na ngiti, ngiting may dalang pag-asa. Bawat indibidwal mahirap o mayaman ay may kakaibang sigla at saya, parang mga ibong biglang lumaya galing sa napakatagal na pagkakakulong.


Maraming bagay ang natutunan ko sa napakahabang dalawampung araw na pamamalagi ko sa naunang baranggay; na hindi lahat ng tahimik ay payapa, na hindi lahat ng hindi lumalaban ay umaayon, na hindi lahat ng nakikita ng mata ay totoo. Kung buhay mo nga naman ang magiging kapalit ng iyong pagsalungat mas makabubuting manahimik kaysa malagay sa panganib.


Pinagmasdan ko ang paligid at humakbang, sa ganda nang pakitungo at pagtanggap sa akin ngmga tao dito inaakala kong ito na nga ang aking lugar na hinahanap, ang Maunlad. Kasama kong nag-akala at umasa ang iba't ibang uri ng tao; estudyante, obrero, negosyante, artista, pari, madre, kawal, bata, matanda, mayaman at mahirap. Kitang-kita ko kung paano sila maghawak-kamay at magka-isa, kung paano nila pinigilan ang tangke tangan lamang ang ilang piraso ng bulaklak at dilaw na laso.


Nabalitaan ko rin na ang babaeng tumulong sa akin na si Kapitana Cora ay kabiyakpala ng pinaslang noon na si JR at nalaman ko rin na ang bagong nanunungkulan ay walang sapat at pormal na edukasyon upang pamahalaan ang isang malaking baranggay. Sapat na ba ang popularidad upang mapaunlad ang isang nasasakupan? Sapat na ba ang may mababang kalooban upang sundin ka ng iyong kabaranggay? Hanggang saan hahantong ang kasiyahan nilang ito?

 

Nagbubunyi nga ang lahat. Dilaw ang kulay na winawagayway sa kapaligiran na simbolo raw ng demokrasya. Unti-unting kumakalma ang emosyon ng mga tao. Tuloy ang inog ng kanilang buhay na pinutol na panandali ng mapayapang pag-aaklas. May mga bagong-luma akong nakikitang opisyal ng baranggay, mga opisyal na hindi ko mawari kung tapat na naglilingkod o tutulad din sa dating kapitan ng Baranggay Bagong Lipunan.


Nagpasya na rin akong maglakad at ituloy ang paglalakbay. Nagmamasid. Nag-uusisa.Minamalas ang mga taong nagkukumahog sa pagtatrabaho habang ang mga opisyal ng baranggay ay nakita kong nakataas ang mga paa sa kani-kanilang lamesa;ang iba nama'y walang-bahala sa mga kung ano-anong kalat sa paligid. Habang ang kanilang kapitana ay subsob sa trabaho, abala sa pag-iisip at pag-aasikaso sa kanyang nasasakupan at kabaranggay,ginagawan ng paraang makabawas ang umaapaw na kanilang pagkakautang.


Ilang oras lang makalipas ang panunumpa sa tungkulin ni Kapitana Cora, marami nang planongpabagsakin at agawin ang kanyang pamamahala. Ang mga dating nakita kong nagprotesta laban sa diktaturyang pamahalaan ang siya ngayong nangunguna sa himagsikan! At sa ikatlongaraw ng aking pamamalagi hindi na ako nagulat sa hindi magandang balita, muli na naming sumiklab ang tangkang pang-aagaw sa baranggay. Sa pagkakataong ito, marahas, madugo at bayolente. May mga inosente at tanod na nagbuwis ng buhay at upang masawata ang apoy na nililikha ng mga rebelde ay kinailangan ng puwersang galing sa labas.


Mukhang hindi ko dito makikita ang aking hinahanap; walang pag-unlad kung laganap angkaguluhan, walang pag-unlad kung walang pagkakaisa. Mistula ngang mgahayop na nakawala ang maraming kawani at opisyal ng baranggay dahil kabi-kabila ang nababalitaan kong nakawan sa pondong kanilang hinahawakan. Ang nagrereklamo noon ng korapsyon ang sila ngayong inirereklamo, sino ba namang hindi maaakit na mangulimbat kung sandamukal na pera ang nakalaan sa bawat konsehal ng bulwagan.


Sa ganoon lamang natapos ang anim na araw kong paglalakbay sa Baranggay Demokrasya, lumisan akong nabaon sa pag-asa ang mga tao. Lalong naghirap ang mamamayang mahihirap, lumobo ang malaki nang pagkakautang, lumaki ang bilang ng walang trabaho. Samantalang ang nasa kapangyarihan ay lalong naging gahaman, ang mga nakaririwasa ay lalo pang yumayaman.


Dumating ako sa Baranggay 2000 ng may magulong pag-iisip. Pagod ang manipis na katawan, kumakalam ang sikmura at mistulang liyo ang isip. Ang bawat hakbang ko'y tila may katumbas na isang tanong ngunit hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa, alam ko mahahanap at mararating ko rin ang pangarap kong Baranggay Maunlad.


Isang nagngangalang Eddie ang kapitan ng Baranggay 2000. Matipuno at disiplinaryan dahil dati raw heneral, palaging may nakasubong tabako sa bibig na wala namang sindi at tulad ng pangkaraniwang opisyal ng baranggay, maraming matatamis na pangako.


Unang araw ko pa lang sa lugar na ito ay parang hindi na ako komportable. Hindi ba't ang mama ding ito ang isa sa opisyal na nagsilbi noon sa kinatakutang kapitan ng Baranggay Bagong Lipunan? Anu't anuman siya na ngayon ang nanunungkulan,siya ang pinagkatiwalaan ng mga taong naririto kaya't wala akong karapatang kuwestiyonin ang kanyang pagkatao. Hindi bale, baka ito na nga ang hinahanap kong lugar. Mukha namang may paninindigan ang mamang ito kailangan lang mabigyan ng pagkakataon.


Tama na kaya ang aking hinala? Sa kabila ng pagkalugmok ng ekonomiya ng mga karatig nitong baranggay, ang baranggay na pinangungunahan ni Kap. Eddie ay nananatili umanong matatag, malakas at lumalaban binansagan pa nga nila itong "Tigreng Ekonomiya". Ngunit tila ang pahayag na ito ay kabaligtaran sa tunay na kalagayan ng aking nakikita, isa na naman ba itong pang-uuto lamang?


Sa pagnanais ng bagong kapitan na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa kanyang lugar, nakipagsundo rin siya sa mga tumiwalag sa lipunan, binigyan ng mataas na katungkulan at sapat na pondo ngunit sadya yatang nakakalunod ang kapangyarihan dahil maging ang dating may matinong ipinaglalaban ay nilamon nang nabubulok na sistema.


Ang mga huling araw ko sa paglalakbay sa Baranggay 2000 ang masasabi kong hindi ko makakalimutan. Sa pag-aakala ng lahat na si Kap. Eddie ay hindi mababalot ng kontrobersiya, dalawang malaki at masamang balita ang sa kanyang kabaranggay ay tumambad. Una, ay ang labis-labis na alokasyon sa paghahanda sa isang pistang-bayan at ikalawa, ay ang pagbenta ng lupaing malapit sa sapa sa napakababang presyo na taliwas sa tunay nitong halaga.


Kung nadismaya at nabigo ako sa mukhang napakahusay na si Kap. Eddie mas higit napagkadismaya ang aking namalas sa mata ng kanyang kabaranggay. Sayang.


Napadpad ako ng aking mga paa sa isang baranggay na pinamumunuan ng isang matikas at sobrang popular na dati raw aktor, si Kap. Jose ng Baranggay Para sa Mahirap. Hindi matatawaran ang kasikatan ng mamang ito dahil kahit anong posisyon sa baranggay ay kanyang napagtagumpayan.


Tulad ng dati ko nang nasaksihan, masaya at umaasa ang mga kabaranggay ni Kap. Jose na ito na ang makapagpapaangat ng kanilang nakasubsob na pamumuhay. Sa ganda at puno ng tiwala sa sarili na talumpati ni Kap. Jose walang hindi mapapabilib sa kanya. Wala umanong kamag-anak o kaibigan ang maaaring humadlang sakanyang magandang hangarin sa baranggay.Palihim akong natuwa ngunit hindi rinnaalis sa isip ko ang duda dahil alam kong ang mamang ito'y maraming kwento ng pangangalunya. Naniniwala kasi ako na kailangan munang payapa ang iyong tahanan bago mo pangunahan ang isang payapang komunidad.


Kung sa pamumuno ni Kap. Eddie ay naging mahinahon ang pag-uusap patungkol sa mga suwail ng baranggay, marahas naman ang hakbang at istratehiya ni Kap. Jose. Digmaan ang nais ng dating artista ng aksyon! Mabilis na nakubkob ng kanyang mga tauhan ang kuta ng rebelde ng lipunan ngunit nakapagtatakang hindi rin natatapos ang labanan.


Isang gabing ako'y naglalakad malapit sa bulwagan ng baranggay nakarinig ako ng mga nagtatawanan. Dahan-dahan akong lumapit at sumilip sa bintana ng baranggay; nakita ko si Kap. Jose kasama ang ibang opisyal ng baranggay, nagkakasiyahan.May hawak na tagay sa kaliwang kamay samantalang sa kanila namang kanan ay baraha. Napamura ako, tangina sabi ko na nga ba!


Mabilis akong nagpasya kailangan ko nang lumisan kaagad sa lugar na ito, walang mabuting kahihinatnan ang pananatili ko dito. Pangalawang araw ko pa lang pero batid ko nang walang maasahang katinuan ang mamamayan ng Baranggay Para saMahirap. Dali-dali akong umalis, lakad-takbo ang aking ginawa hanggang nakarating ako sa sumunod na baranggay. Sa ikatlong araw ding iyon nabalitaan kong sapilitang pinatalsik sa puwesto si Kapitan Jose, kawawa naman.


Isang babae ang aking nakasalubong sa paglalakbay sa bagong baranggay na aking napuntahan.Maliit ngunit mukhang edukada. Masaya siyang nakangiti, nakalabas ang ngipin at lumapit sa pumpon ng mga tao nagpapasalamat at kinakamayan angmga kabaranggay. Balot ng kontrobersiya ang pag-upo ng ale sa kanyang puwestobilang bagong kapitana dahil nakamit niya lang daw ito sa pamamagitan ng pwersa at impluwensiya. Kasabwat umano ang mga malalaking tao ng baranggay tulad ng negosyante, alagad ng kapilya at opisyal ng barangay, naagaw nila ang posisyong sadyang makapangyarihan.


Baranggay Matatag na Republika ang itinawag nila sa bagong administrasyong ito. Matatag hindi dahil matatag ang ekonomiya ng baranggay, matatag dahil iyon ang gusto nilang maging imahe ng kanilang pamamahala. Kapitana Gloring ang ngalan ng punong-baranggay, isang maliit na babae pero malaki ang bilib sa kanyang sarili. Kaya niya umanong paunlarin ang kanyangbaranggay sa panahon ng kanyang panunungkulan. Kahanga-hanga, aniko kung iyon nga ang talagang mangyayari. Hindi masama ang mangarap kaya kasama ng mga residente dito kami'y sabay-sabay na mananalangin at mangangarap na harinawa siya'y magdilang anghel.


Subalit paano makakamit ang inaasam na pag-unlad kung ang kanyang pagkakaluklok ay hindi raw lehitimo? Paano niya magagampanan ang tapat na tungkulin kungnapakaraming mamamayan ang tumututol sa kanyang panunungkulan? Sa kabila ng isang resolusyong nagpapatibay sa pagkakaupo ni Kapitana Gloring sa kanyang posisyon marami pa rin ang nag-aklas at nanawagan na ang kapitana'y umalis sa tungkulin.

 

At umusbong pang lalo ang galit ng mga tao nang sapilitang ipiit ang dating nakaposisyong kapitan. Parang isang eksena sa pelikula ang aking nakikita! Ang mga loyalista ng dating kapitan ay nagpupumilit na pasukin ang bulwagan ng baranggay; marahas at walang pakundangan. Sa sobrang lakas ng pwersang ipinangtapat sa nagpoprotesta hindi rin sila umubra; ikinulong at sinampahan ng kaso ang marami sa mga ito kabilang na ang may kaugnayan sa dating kapitan. Napilitan umanong maglabas ng manipesto ang baranggay na ang kanilang lugar ay nasa Estado ng Rebelyon.Unang mga oras pa lang puno ng kaguluhan.


Sa isip ko, isa itong hindi magandang senyal. Bumabalik sa aking ala-ala ang masamang pangitain noong ako'y nasa Baranggay Bagong Lipunan; kabi-kabila ang protesta at panawagan sa pagbaba ng kinauukulan, magulo, bayolente, nakakatakot. Masyado nang napulitika ang Baranggay Matatag na Republika at lahat ng kritiko ng Kapitana ay sumasawsaw sa kung anong lumalabas na kontrobersiya. Halos lahat ng kanyang ginagawa ay nagiging mainit sa mata ng madla.


Sa ikalawang araw ng panunungkulan ni Kapitana Gloring, inanunsiyo niyang siya'y hindi na muling tatakbo sa pagka-kapitana ng baranggay ang tangi na lamang daw niyang gagawin ay pawang sa kapakanan ng baranggay. Hindi ko alam kung ito'ymaganda o masamang balita. Marami ang nanghinayang ngunit mas marami ang nagbunyi. Ngunit ako'y duda sa kanyang pahayag hinala ko'y istratehiya lang ito upang mapalapit sa mga kabaranggay na unti-unting dumidistansiya sa kanya. Maari din namang mali ang aking akala at ang hinala ng mga taong sumasalungat kay kapitana, siguro'y kung mabibigyan lang siya ng sapat na oras at panahon baka sakaling may magagawa talaga siyang ikauunlad ng baranggay.


Nang sa buong akala ng lahat na kumalma na ang magkabilang panig isa na namang pagtatangka ang humamon sa kapitana. Sa ikatlong araw, isang masamang balita ang aking nasaksihan, isang grupo ng mga tanod ang gumambala at nananawagan ng panibagong pag-aaklas laban sa kapitana. Isa muling dagok ito sa pamunuan ng Baranggay Matatag na Republika, sadyang sinusubok nga kung gaano ito katatag. Katulad ng naunang pagtatangka muling nanaig ang makapangyarihan at nakulong ang naghamon ng pag-aaklas.


Hindi rin natupad ang naunang pangako ni Kapitana na hindi na muling tatakbo pa sa pagka-kapitana dahil idinaos ang eleksyon nang siya ang muling nagwagi; kanyang katunggali ay isa nanamang sikat na artista na 'di matatawaran ang tagahanga. Ang tanong ko'y tanong rin ng marami; Siya ba talaga ang tunay na nagwagi? Paano mananalo ang isang kandidato kung hindi na siya mahal at tinatangkilik ng mga tao? Ah, malamang may anomalya sa likod nito. Hindi nga ako nagkamali marami ang nagpatunay na ang idinaos na halalan ay isang malaking kalokohan ngunit si kapitana, kibit-balikat lang sa lahat ng nagbubunyag ng anomalya.

 

Kakaiba nga ang aleng ito. Daig pa ang maraming bilang ng lider sa dami ng kinasangkutang intriga, kontrobersiya, alingasngas, bintang ng korapsyon at anomalya. Ilang beses na rin siyang pinagtangkaang alisin sa pwesto sa ligal na paraan ngunit sa dami ng kanyang kakamping kagawad na kasapakat sa kalokohan lahat ng pagtatangka'y nabigo. Kasagsagan ng kaguluhan nang mag-isyu ng isang ordinansa (Baranggay Ordinance 1017) ang kapitana na susupil umano sarebelde ng baranggay, kabi-kabila ang pag-aresto sa mga personalidad na tumutuligsa sa kanyang pamamahala, walang sinisino kabilang ang ilang konsehal ng baranggay. Tunay ngang parang bumalik ako sa nakaraan, parang pamamahala noon sa Baranggay Bagong Lipunan.


Wari ko'y hindi na ako makakatagal sa baranggay na ito, muntik-muntikanan na akong mahagip ng mga lumilipad na ligaw na bala galing sa mga tanod na nagpapakasasa! Kailangan ko nang lumisan, muling maglakbay at hanapin ang isang komunidad na may kapayapaan at pag-unlad. Sinasabing ang lugar na ito'y malaya ngunit ang mga tao'y parang mga asong may busal ang bibig, hindi lahat ay nakakulong ngunit para silang nasa bilibid. Nabulag at nalunod na sa kapangyarihan ang mga opisyal ng baranggay na ito, ano pang buti ang maihahandog nito sa kanyang pinaglilingkuran?


Sa pananatili ko ng siyam na araw sa Baranggay Matatag na Republika, ilan pang kontrobersiya, eskandalo at anomalya ang umalingasaw. Hindi man totoo ang lahat ng anomalyang ito, isa lang ang tiyak at sigurado basag na ang tiwala at pagkatao ng namumuno na siguradong ikapapahamak nito pagdating ng panahon. Ang ilan umanong anomalya na pakana o may kinalaman si Kapitana Gloring ay; ang pagkulimbat sa pondo ng abono at legal na pasugalan, overpriced napagpapagawa ngisang eskinita, pagkunsinti sa pagbili ng overpriced na tsubibo, maanomalyang kontrata sa telekomunikasyon, maligalig na kontrata sa pagsasaayos ng riles at paliparan, milyon pisong ibinayad sa pagkain sa labas ng baranggay, kabi-kabilang akusasyon ng pandaraya at korapsyon.


Pakiramdam ko ang baranggay na ito ang sinabi noon ng isa ring kapitan na si Manny na; mas mabuti raw na ang kanyang baranggay ay pinamamahalaan ng parang impyerno ng kapwa Pilipino kaysa pamunuan ito ng parang langit ngunit isa namang dayuhan. Sa dami ng kalokohan ng administrasyong ito tunay ngang para kang nasa impyerno!


Puno ako ng pagkabigo, panlulumo at sama ng loob na halos kawalan ko ng tino at ulirat. Ang baranggay na aking lilisanin ay katulad kong nauupos ang pag-asa ngunit kailangan kong magpatuloy sa paglakbay upang mahagilap ang mailap na Maunlad. Siyam na araw na katumbas ng habangbuhay na pagkainip, siyam na araw ngunit parang siyamnapung taon. Matagal.Nakakadismaya. Nakakapanghinayang. Nagsimula ng mabuti ngunit nagtapos ng masama.

 

Pagod kong narating ang bagong barangay, tila lumalamlam na rin ang hibla ng aking pag-asa.Halos lahat na ng uri ng punong-baranggay ay akin nang nakasalamuha pero hindi ko pa rin nakikita ang aking hinahanap; abogado, heneral, makabayan, artista at ekonomista. Sino ba talaga ang makakapagsalba? Saan ba ang kalsada patungo sa kaunlaran?


Dinala ako rito ng aking mga paa sa lugar kung saan ang pader ay napapaligiran ng dilaw na pintura at tinawag nila itong Baranggay Tuwid na Daan at ang punong-baranggay ay nagngangalang Binoy. Mukha namang matino ang mamang ito, aniko. May magandang hangarin sa baranggay at itutuwid umano ang baluktot na nakasanayan. Ang kanyang Ina ay ang minsang nagligtas sa'kin sa tiyak na kapahamakan, isang taong may mabuting kalooban, si Kapitana Cora ng Baranggay Demokrasya.


Bakas sa pagkatao ng mamang ito ang pagnanais na maglingkod ng tapat ngunit tulad ng kanyang Ina marami ang nakaaligid sa kanya na halatang sumasawsaw sa kanyang kapangyarihan. Magiliw sa kanya ang mga tao dahil sa kanyang popularidad at sa husay ng talumpati. Ipinagbawal niya ang maingay na wangwang. Ngunit sasapat ba ito upang pangunahan ang paglalakbay sa tuwid na daan at kalauna'y sa kaunlaran?


Unang araw pa lang isang sampal agad ang sumalubong sa kanyang pamamahala, ilang dayuhanang napahamak sa paghuhuramentado ng isang tanod. Isang trahedya na pwedeng naiwasan kung nagkaroon ng mabilis na desisyon, ang ugat ng pag-aamok: korapsyon at pulitika. Nagturuan ang mga opisyal ng baranggay, walang umamin, walang nagkasala.


Sa pagnanais na maalis ang balakid sa tuwid na daan, inimbestigahan at kinasuhanang inakalang sagabal; mga dating makapangyarihan ay inalisan ng kalayaan at kapangyarihan.Parang gantihan ang namamalas ng mapanuring kritiko. Ilang personalidad pa kaya ang dapat na ipiit upang maituwid ang baluktot na kalsada?


Pangatlong araw ko na dito pero pakiramdam ko'y 'di naman kami umuusad siguro'y dahil sa mga opisyal na naggagaling-galingan at pulos papogi ang inuuna kaysa magbigay ng tapat na serbisyo, siguro'y dahil din sa patuloy na pagpaparinigan at pag-iisnaban ng mga kapwa opisyal sa halip na iaabot ang kamay ng pagkakaisa. Ngunit alam ko masyado pang maaga para manghusga, alam ko may iuusad pa ang baranggay na ito, alam ko balang araw hindi lang sa talumpati maririnig ang magandang ekonomiya at kaunlaran, alam ko. Ngunit kung kailan ito...iyon ang hindi ko masasabi.


Hindi pala madali makita ang Baranggay Maunlad, hindi pala biro ang ginagawa kong paglalakbay na ito. Pero kahit hapo na ang manipis kong katawan, ilang beses nalagay sa panganib ang buhay, sumala man sa pagkain o magkandaligaw-ligaw sa masusukal na dinadaanan hindi pa rin ako titigil sa pagtugis sa kaunlaran. Ngunit ilang araw, taon, dekada o siglo pa ang kakailanganin? Hindi ko rin alam pero isa lang ang sigurado, matagal-tagal pa ang lakbayin kong ito.


Ako si Felipe at iyan ang ikalawang yugto ng aking paglalakbay.

-----------------------

2 comments:

  1. nice blog. ang linaw ng kwento. alam mo malaki ang chance mo na manalo, gudluck sayo.

    sayang hindi mo pa ginamit yung 21 word, saktong 3,000 words ka na. ingat baka ka makaltasan ng puntos.

    ReplyDelete
  2. Napapanahon ang akda .

    Naiimagine ko tuloy na nakashades ka habang sinusulat mo to gaya nung picture sa libro mo... hehehe :)

    ReplyDelete