Friday, September 7, 2012

Kinunsinting Kalokohan




Gaano ba ko kasama kung halos lahat naman ay pangkaraniwan nang ginagawa ang mga bagay na aking ginagawa?
Gaano ba ko kasama kung wala namang nakakaalam at nakakakita ng aking mga kalokohan?
Gaano ba ko kasama kung hindi lang naman ako ang may pagkakasala?
Pagkakasala pa nga ba kung iilan na lamang ang hindi gumagawa?
Gaano ba ko kasama kung normal na gawain lang naman ang maging walanghiya?

Ano ngayon kung ako ang promotor nang pagpuputol ng puno sa gubat na nagiging dahilan ng pagkakalbo ng kagubatan? May permit naman ang negosyo ko no?
Kahit ako ang Kapitan ng Baranggay dito wala akong alam na mayroon palang aktibong saklaan at sabungan sa kanto.
Normal naman ang bigayan sa opisyal ng gobyerno ng SOP na komisyon sa bawat proyekto kaya tinatanggap ko.
Alam ko namang kolorum ang binibyahe kong van pero pulis naman ako kaya palusutin muna ako.
Isa akong SPO3 kaya pagbigyan niyo ako kung protektor man ako ng ilegal na beerhouse at bookies, kaysa naman maging protektor ako ng sindikato.

Okay lang din na maghagis at itambak ko ang aking basura sa kahit saang lugar ko gustuhin may maglilinis naman nun para sa atin.
Pangkaraniwan na sa aming empleyado ang mag-uwi sa bahay ng gamit galing opisina kaya bakit naman ako makokonsiyensiya?
Wala rin akong nakikitang problema kung mag-plagiariaze man ako at kopyahin ang gawa ng iba at hindi sila i-acknowledged normal na gawain lang ito sa senado.
'Wag niyo rin akong pakialaman kung intensyonal kong pababain ang aking kinita para bumaba ang aking buwis, wag na kayong magmalinis malamang ginawa mo rin ito.
Walang dapat pumigil sa'kin kung mag-beating the red light o mag-counterflow man ako sa kalsada, irespeto mo ako dahil mataas ang katungkulan ko.

Huwag niyo akong bawalan kung nagbi-videoke man ako sa dis-oras ng gabi nagkakasiyahan lang naman kami ginawa mo rin naman ito noong isang gabi, di ba?
Bilang pedicab at tricycle driver may karapatan din kaming kumita kaya okay lang na naglipana kami sa lahat ng kalsada ng Kamaynilaan, 'wag niyo rin kaming sitahin dahil tiyak na kami'y lalaban.
Nakakapagod umakyat ng footbridge kaya dito na lang ako sa ibaba tumatawid saka mas masaya dito marami akong kasabay.
Wala akong maparkingan eh kaya okay lang na ipark ko ang magara kong auto dito sa eskinita, wala namang problema ang double parking nasa isip mo lang iyon.
Maiintindihan mo naman siguro ako kung isasara ko ang kalsada dahil may kasiyahan kami ngayong gabi saka nagpaalam na rin naman ako kay Kap, tara inom tayo!

Bakit ako maghehelmet kung nagmomotor malapit lang naman ang pupuntahan ko?
Diskarte lang ang kailangan kung magpifacebook ka habang nagtatrabaho.
Hindi naman extra ordinaryo ang tsimisan sa loob ng opisina kaya ginagawa namin ito.
Ilang taxi driver lang ba ang hindi nangongontrata sa kanilang mga pasahero? Kaya iyon din ang ginagawa ko.
Bakit ako maghahanap ng trabaho kung pinapadalhan naman ako buwanan ng pera ng aking kaanak sa abroad?

Gustuhin ko mang magbaba at magsakay ng pasahero sa gitna ng kalsada dapat 'wag na kayong makialam dahil kailangan kong kumita ng malaki.
Mahirap lang kami kaya dito kami nagtitinda ng aming paninda sa halos gitna ng kalsada kahit alam naming istorbo kami sa mga tao at motorista, pasensiya na talaga.
Sino bang hindi pedicab o tricycle driver ang wala sa main road, hindi sumasalubong at hindi sumusunod sa batas-trapiko? Sabihin mo nga sa akin!
Lahat naman halos hindi nagsi-seatbelt 'pag nagmamaneho, so anong problema mo?
Maliit lang kasi ang sweldo ko kaya napipilitan akong mangotong ng motorista at alam akong mauunawaan mo ako.

Bakit ko naman idedeklara ng tama ang SALN ko eh hindi naman iyon ang kalakaran kahit saang sangay ng gobyerno?
Ano ngayon kung kinukupitan ko ang pork barrel fund na nakalaan sa aking constituent? Sino bang mambabatas ang hindi gumagawa nito?
Bilang abogado dapat lang na magsinungaling ang kliyente ko sa harap ng korte para maipanalo ko ang kaso kesehodang alam kong siya ang may pagkakasala.
Kailangang puro magaganda lang ang iulat ko sa SONA para kunwari magaling akong pangulo huhusayan ko na lang ang talumpati para lalo silang kumbinsido.
Kailangan i-ulat naming umaangat ang ekonomiya ng aming bansa para tumaas ang credit rating ng Pilipinas kahit alam naming hikakos naman talaga ang kalagayan nito.


Psst...hindi porke marami ang gumagawa iyon na ang tama.

No comments:

Post a Comment