Thursday, October 20, 2011

Imbensyon, Paghanga At Dalamhati (iPad) kay Steve Jobs


Isang malungkot na balita na pumanaw si Steve Jobs.
Ang magiting na CEO ng Apple Company na lumikha ng tila may gayumang mga gadget na iMac, iPod, iPhone at iPad. Marami ang nagluksa. Milyon ang lumuha. Hindi ba
nakakatuyang isipin sa pagpanaw ng isang taong henyo sa teknolohiya ay milyon ang umiyak at nag-alay ng bulaklak samantalang milyon ang namamatay sa iba't-ibang bahagi ng Africa dahil sa labis na kagutuman pero parang winawalang-bahala.
Napaka-interesante ng buhay ni Jobs. Para itong isang karakter sa teleserye na pinaampon ng magulang, hindi nakapagtapos ng pag-aaral subalit naging matagumpay sa buhay.
Bakit ba marami ang apektado sa pagkamatay ni Jobs? Nanghihinayang ba sila sa mga inobasyon pa ng iPod, iPhone at iPad? O taos talaga ang pakikiramay at malisyoso lang ako?
Sabihin na nating nakikidalamhati o nakikiramay sila sa isang Icon ng telekomunikasyon at wala namang nagsabing masama ito pero hindi ba parang napaka-OA na natin at pagbukas mo ng iyong FB ay sandmakmak na pakikiramay ang iyong mabubungaran at mababasa? At ito'y paulit-ulit at maya't-maya na para bang close sila sa isa't-isa.

Ano ba ang naging epekto sa buhay ng ordinaryong tao ang mga inobasyon ni Jobs?
Nang mailabas ba ang iPhone ay hindi pa naimbento ang cellphone?
Nang mailabas ba ang iPod ay wala pang MP3 player?
Ano ba ang importanteng hindi kayang gawin ng ordinaryong brand ng laptop na kayang gawin ng iPad o iMac?
Sa komersyalismong mundong ating ginagalawan ay walang dudang nagtagumpay ang produkto ng Apple. Marami ang tumatangkilik, milyon ang parokyano at hindi nila alintana kung magkano man ang halaga nito. Sa katunayan at ayon na rin sa ulat, mas mayaman pa ang kompanyang Apple (US$75.87 Billion) kaysa sa mismong gobyerno ng Amerika (US$73.76 Billion reserves) sa kabila nito anong bansa ba ang gumagawa (manufacture) ng produktong ito? China. Thru Inventec at Foxconn.
Ang posibleng dahilan: Simple lang. Mababang halaga ng labor upang malaki ang kitain ng kompanya. Foxconn na napakontrobersyal dahil sa misteryosong pagpapatiwakal ng maraming trabahador nito.

Okay. Maganda, ma-appeal, sopistikado ang ilang Apple products. Touchscreen at innovative. Maraming "Apps" na hindi naman kalimitang nagagamit ng isang nagmamay-ari nito. Tapos?
Sadya kasing attractive ito na parang nalason ang pag-iiisip ng mga taong walang kakuntentuhan at mahilig maki-uso nna tila may bato-balaning produktong ito. Walang katapusang "pinakamabilis", "pinakamaganda", "pinakahigh-tech" at iba pang pinaka. Sa katunayan sa sobrang nakabibighani ng produktong ito isang labing-pitong taong na kabataang Tsino ang nagbenta ng kanyang kidney (http://news.yahoo.com/blogs/technology-blog/17-old-sells-kidney-ipad-2-192030630.html) kapalit ng 20,000 Yuan o
humigit-kumulang US$3,000 upang makabili ng iPad2! Nakakatakot ito. Habang ang iba'y nag-aagaw buhay dahil sa pinsalang tinamo ng body organ may mga tao namang walang pagpapahalaga dito. Tila baga may kung anong "orasyon" ang mga produkto ng Apple at marami ang nahihipnotismo.

Lilinawin ko. Hindi ko ginagawa ito upang manira ng produkto o nagsa-"sourgraping " lang ako dahil 'di ko kayang bumili ng produktong ito (samantala, idadagdag ko na lang muna ang pambili ko dito hinuhulugan kong sasakyan) ginagawa ko ito dahil nagbabakasakaling may mapukaw na pag-iisip at umaasa na wala na sanang magbenta ng anumang (body) organ kapalit ng iPod, iPhone, iPad at kung ano-ano pang iLike. Humihikayat na bawasan kundi man mawala ang pagyakap at pagkahumaling sa komersyalismong hatid hindi lang ng Apple products kundi lahat ng naglalabasang high-tech na gadget.

Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya nating sabayan ang tawag ng teknolohiya dahil halos buwan-buwan may bago. At kung sasabayan mo ito baka hindi mo pa isinisuweldo ibinabayad mo na sa produktong bigla mong ginusto. Matutong timbangin ang pangangailangan kaysa kagustuhan baka sa panahon ng higit na pangangailangan wala kang madukot sa bulsa mo o ma-withdraw sa bangko dahil sa bago at maporma mong iPhone 4 o matikas na iPad 2 o magarang Samsung Tab 10.1". Kung may labis ka, bakit hindi? Hindi ito masama.

Oo, hanga ako kay Steve Jobs hindi lang sa inobasyon niya sa teknolohiya at dahil din sa paglikha niya sa buhay na animation (Pixar) ngunit mas higit na nakakahanga ang pagpupursigi at pagsisikap niya sa buhay. Na sa kabila ng kabiguan niya sa ilang aspekto ng buhay siya'y naging matagumpay. Ngunit ano bang legasiya ang naiwan niya bukod sa inobasyon niya sa teknolohiya? Katumbas din ba ito ng legasiyang iniwan nina; Thomas Edison na lumika ng kabit-kabit na imbensyon na may kinalaman sa phonograph, motion picture camera, electric bulb at iba pa o ni Leonardo da Vinci na walang katumbas ang kontribusyon sa sining at sa kanyang panahon ay may ideya ng makabagong helikopter, tangke, calculator at iba pa o ni Albert Einstein sa kanyang Theory of Relativity.
Ang kanyang inobasyon at imbensyon ba'y naging kapaki-pakinabang sa ordinaryo at pangkarinawang tao? Pinadali niya ba ang buhay ng tao? At sa anong paraan ito?

Gaya din ba ito ng imbensyong eroplano ng Wright Brothers na ginawang kombinyente at madali ang paglalakbay natin sa iba't-ibang bansa?
Tulad din ba ito ng imbensyong telepono ni Graham Bell na nagpadali ng komunikasyon sa loob ng matagal na panahon?
Pareho din ba ito ng imbensyong kotse ni Karl Benz na ginawang komportable ang paglalakbay natin sa lupa?
Sobra din ba ang pakinabang natin dito tulad ng pakinabang natin sa kuryente na unang natuklasan ng Ama ng Modernong Elektrisidad na si William Gilbert ?
Hindi ba't mas madaling gamitin ang computer dahil sa mouse na inimbento ni Douglas Engelbart?
Kaya't huwag na tayong magtaka kung bakit mas maraming inobasyon ang isang kasangkapan. Mas maraming idinadagdag na Apps o features sa isang gadget, mas palinaw ng palinaw ang anumang gamit na may kinalaman sa video/camera... dahil mas gutom at hanga ang mga taong walang kapanatagan at kakuntentuhan sa kung anong kanilang masasaksihan at kabusugan ng matang takaw-tingin.

Ngunit sa kabila ng katalinuhan ng tao pagdating sa larangan ng teknolohiya nakapagtatakang hanggang sa ngayon makalipas ang ilang dekadang pag-aaral at pananaliksik ay wala pa ring natutuklasang gamot laban sa HIV-AIDS o kahit man lang bakuna para rito at kung sakaling may siyentipikong dalubhasa na makatuklas nito, kikilalanin din ba natin ito gaya ng pagkilala at pagpaparangal na iginawad sa isang Steve Jobs? Duda ako. Yayaman at mapapabilang din kaya siya sa isa sa pinakamaimpluwensyang tao sa mundo? Makikidalamhati din kaya ang buong daigidig sa kanyang pagpanaw? Tanong ko lang. Pati ba ang daigidig ng Siyensiya ay nalukuban na ng komersyalismo?

Nakakapraning ang suhestiyon ni Rep. Golez na parangalan si Jobs dahil di-umano sa kontribusyon nito sa Siyensiya, pang-ulol ba ito? May kinalaman ba si Jobs sa pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas? Masyado ba siyang nabighani sa Apple products at ang laman ng kanyang silid sa Kongreso ay koleksyon ng Macbook, iPod, iPhone o iPad? Nakabuti siguro na dugong Syrian ang nanalaytay sa dugo ni Steve Jobs. Dahil kung sakaling may kapiranggot na dugong Pinoy si Jobs tiyak ako marami na naman ang magmamayabang at isisigaw sa kanilang FB wall: I'm proud to be Filipino!. We're proud of you Steve Jobs!

Kakambal ng pagyaman ng isang tao ay ang pagtulong sa mga kapus-palad. Gaya ng pagtulong na ginagawa ng mayayaman at maiimpluwensyang tao tulad ni Oprah Winfrey (Oprah Winfrey Foundation), Bill Gates (The Bill & melinda Gates Foundation) Warren Buffet (Warren Buffet Foundation, Giving Pledge), Angelina Jolie at marami pang celebrity na nakakaangat sa buhay. Share your blessings, ika nga. Subalit sa pagsasaliksik ko sa buhay ni Steve Jobs tila hindi umaayon ang expectation ng marami sa realidad; walang naitalang Foundation na aktibo si Jobs at walang balitang lumabas patungkol sa pagkalinga sa mga nangangailangan (http://dealbook.nytimes.com/2011/08/29/the-mystery-of-steve-jobss-public-giving/). Sa katunayan, noong 2007 binansagan pa nga ito ng Stanford Social Innovation Review (Magazine) na ang Apple daw ay "America's s least philanthropic companies”. Nakakalungkot. Kung ikaw nga na bumabasa nito nagnanais na tulungan ang mga mahihirap sa paraang nakaluluwag para sa'yo. Hindi natin alam baka naman may ibang dahilan si Jobs na hindi natin alam o baka naman masyado lang na-focus ang kanyang atensyon sa inobasyon ng kanyang produkto kunsabagay si Carlos Slim nga na pinakamayamang tao sa daigdig wala ring Foundation. Nakakapanghinayang lang. Mabuti pa si Apol (de Ap) ng Black Eyed Peas sa maikling panahon niya sa Industriya may itinatatag na APL Foundation para sa kapus-palad na kabataan.

Sa kabilang banda, dapat din naman na may papuri't parangal na matanggap si Steve Jobs sa mundo ng teknolohiya at hindi maitatanggi na kahanga-hanga siya sa larangang kanyang kinabilangan. At sana lang parehong papuri't parangal din ang ialay natin sa mga taong may maganda at mabuting kontribusyon sa lahat ng larangan maging Sining, Siyensiya o Teknolohiya man ito. Bilang paghanga sa kanyang katauhan, nais kong makita ang mundo sa pananaw ni Steve Jobs, gusto kong mangarap taglay ang kanyang pagsisikap, gusto kong kumilos taglay ang kanyang determinasyon.

Napakainteresting na malaman; ano pa kaya ang nasa kanyang utak at naisakatuparan kung hindi siya agad na pumanaw?
Bilang panghuli, makikiramay na rin ako. R.I.P. Steve Jobs.

No comments:

Post a Comment