Lukas 16:10
"Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay."
Sa mundong ating ginagalawan na puno ng tukso, temptasyon at pagpapanggap lubhang hindi madali ang makahanap ng taong bibigyan mo ng lubos na tiwala; tiwalang hindi masisira ng materyal na bagay, personal na interes at sa kagipitang dahilan; tiwalang hanggang dulo'y walang bahid; tiwalang hindi igugupo ng anumang kadahilanan. Sinumang tao ay maaring ipagkanulo ang kahit na sino, malapit man ito sa kanya o hindi. Hindi kaila sa atin na maging ang mga taong lubos nating pinagkakatiwalaan ay sisirain ang tiwalang ating ipinagkaloob sa panahong hindi natin inaasahan. At huwag ka na ring magtaka at magulat kung ang atin mismong sarili ay sumira sa tiwalang naibigay sa atin.
Sa dinami-dami nang ginawa mong tama't may kabuluhan ang magmamarka sa isip ng mapanghusgang mga tao ay ang isa mong kamalian; lalo’t ito’y pagkakanulo mo sa tiwala. Nakalulungkot subalit 'yan ang malungkot na katotohanan. Masarap makarinig ng mga papuri sa iyong mga kagalingan subalit mas masakit mapakinggan ang mga sumbat at pintas na naging dulot ng isang kamalian. Ang tiwala'y mababasag na parang isang sensitibong salaming 'di na kayang tanggalin at burahin ang marka ng lamat anuman ang gawin; tulad din ito ng papel na kung sakaling malukot ay 'di na maibabalik sa dati.
Ang tao'y marupok at makasalanan na kahit anong pilit mong pigilang hindi gumawa ng kasalanan ay 'di mo namamalayang nagawa mo na ito at pagsisisi at paghingi ng tawad na lamang ang tangi mong solusyon dito. Nakakataba ng puso na mayroong nagtitiwala sa ating kakayahan, pinagkakatiwalaan tayo sa mga maliliit na bagay higit sa malalaking bagay at halaga. Subalit batid man ito ng marami ay kibit-balikat naman ang iilan na panandaliang kaginhawaan ang iniisip sa halip na habangbuhay na kapayapaan ng kaisipan.
Sabi sa isang kanta "Honesty is such a lonely word. Everyone is so untrue".
Sadya bang ang tao'y hindi na matapat?
Hindi na nga ba tayo dapat magbigay ng buong pagtitiwala?
Ang bawat isa ba'y dapat na nating pagdudahan?
Ang tiwala ay kakambal ng dignidad sa maraming bansa. Sakaling ang isang tao na nasa posisyon (sa pamahalaan man ito o pribadong kompanya) ay hindi na pinagkakatiwalaan o mababa ang tiwala ng kanyang mamamayan o ng kanyang pinagsisilbihan; kusa at mababang loob itong bumababa at nagpapaaalam sa kanyang tungkulin, nagpaparaya at nagbibigay-daan sa iba, humihingi ng kapatawaran sa kanyang naging kahinaan. Dahil mas mahalaga ang kanilang dignidad at pagkatao kaysa manatili sa pwestong pulos batikos at kapintasan sa kanyang kakayahan. Nakalulungkot na sa ating bansa ay tila ‘di ito nangyayari; marami sa mga nakapuwesto ang nagpupumilit at buong-tapang na makikipagpatayan sa isang posisyon; naglulubid ng kasinungalingan at itatanggi ang lahat ng paratang kahit na ang mga ebidensiya’y lampas pa sa kanyang pagkatao.
Ganunpaman, kahit ano pa ang sabihin 'wag magsawang magbigay ng tiwala sa kapwa, 'wag maging bilanggo sa paniniwalang ang lahat ay 'di matuwid, 'wag isiping ang karamiha'y puno ng pagpapanggap. Ang kasalanan ni Pedro ay hindi kasalanan ni Juan. Hindi minsan maalis ang duda sa bawat isa subalit hindi ibig sabihin nito na huwag tayong magtiwala bigyan natin ng pagkakataon ang sa tingin nating may potensyal na pagkatiwalaan; sino na lamang ang magbibigay sa kanya ng ganitong oportunidad? Oo, madaling sabihin pero lubos na mahirap ipatupad datapwat ang mundo'y isang estranghero gayundin ang ating kapwa; nararapat pa rin tayong mag-gawad ng pagtitiwala. Malaki man ang porsyento ng taong hindi matapat marami pa rin ang pwede nating pagtiwalaan. Bagama’t ang unang bumasag ng tiwala ay si Eba masasabi nating ang tao'y sadya ngang marupok; maaring hindi na nga maibabalik ng lubusan ang tiwalang napunit subukin ulit itong paghihirapan upang sa kahit na maliit na paraan ay unti-unti itong manumbalik, sa takdang oras at panahon. Matutong magpatawad sa taong may tapat na pagsisisi; lahat ay may pagkakataong magbago.
Gusto kong ibahagi at sabihing: ang paniniwala at tiwala'y magkaiba. Lahat tayo'y naniniwala at sumasampalataya na may Diyos; nananalangin, nagpapasalamat, humihiling at nagbibigay-papuri subalit hindi lahat sa mga ito ay lubos ang ibinigay na tiwala. Sa desperadong tao na labis ang sakit at pagdurusa ang nadarama dulot ng iba't-ibang uri ng suliranin hindi nawawala ang kanyang paniniwala sa Diyos subalit ang kanyang tiwala'y hindi sapat. May mga taong sariling buhay ay kinikitil dahil sa 'di sapat na tiwala; may mga taong sa halip na magpursigi at ibigay ang lubos na pagtitiwala ay ibinubunton ang lahat ng sama ng loob sa Diyos. Ang suliranin, karamdaman at kalungkutan ay bahagi ng ating buhay gayundin ang kasiyahan, pag-asa at pagmamahal subalit lahat ng ito'y panandalian lamang. Walang sinuman ang nais na makasanayan ang problema subalit ‘di ito maiiwasan ninuman. Kung may suliranin ka ngayon hindi ibig sabihin nito'y habambuhay mo itong pasang-krus; kung labis na kasiyahan ang iyong nararamdaman damahin at lubusin mo lang dahil hindi rin ito pangmatagalan. Ang anumang mayroon ka ngayon ay pangsamantala din lamang kahit ang mamahalin mong mga gamit at kasangkapan; hindi mo ito madadala kung sakaling ikaw'y pumanaw. Ang panandaliang kasiyahan ay maaaring katumbas ng habambuhay na pagkabagabag sa isipan huwag ipagpalit ang karangalan sa piraso ng kapalaluan.
Maging matapat at pahalagahan ang tiwalang sa iyo'y iginawad.
Gumawa ng tama at maging tapat kahit walang nagmamasid.
Gumawa ng tama at maging tapat kahit ang iba'y hindi ito sinusunod.
Gumawa ng tama at maging tapat hindi sa katiwasayan at kapakanan ng iba kundi sa katiwasayan at kapakanan ng iyong buhay at kaisipan.
No comments:
Post a Comment