Gamit ang karag-karag at makalawang na sasakyan
Pakiramdam ng iba ito’y isang byaheng walang patutunguhan
Pareho ko ring nakasalampak sa gulanit at mga sirang upuan
Mga pasaherong umaasa sa patag at tuwid na lansangan
Mainit, masikip ang aming kinalalagyan
Bukod pa sa mga taong nasa ibabaw ng bubungan;
Walang pakialam kung umaraw man o umulan
“Okay lang” sambit ng isa “dadaloy din ang ginhawa”
Positibo ang karamihan sa mga pasahero
Kahit nahihirapan umaayon at tumatango
Siguro’y dahil ang bagong drayber ay mahusay mangumbinsi
Kaya’t kanyang naengganyo ay sadyang napakarami
Hindi angkop ang dami ng nakalulan sa liit ng sasakyan
Nakapagtataka marami pa rin ang nagmamayabang
Mga taong handang mag- maniobra sa sandali raw na sila’y kailangan
Habol lang naman ay aming pasahe na kung bayaran ay pilitan
Pero ayos lang, patungo naman daw kami sa kasaganaan
Tatahakin namin ang mailap na tuwid na daan
Pero marami na ang naiinip, sabad ng isa “tiis-tiis lang muna”
May isang ‘di nakapagpigil bumunghalit ng sigaw: “Ayoko na!”
Nagdabog at bumaba, patalikod na nagmura
Babaeng may katabaan, nagtatampo lang yata
Mga estudyante’t guro, kasama ang manggagawa
Maralita, negosyante at magsasaka’y nagbabanta
Hindi raw malayo na sabay-sabay silang “Para!” ang isisigaw
Handang pumanaog at nagbabadyang maglakad sa init ng araw
Mayroon namang nagpipigil, nagpupumilit na kumalma
Anila’y ‘di pa panahon para manghusga
Si Manong Drayber kalmado lang naman
Gano’n pa rin mahusay sa bolahan
Mabulaklak ang labi, tila lahat ay nabibighani
Salita’y mapang-akit, napakahusay sa talumpati
Suot niya’y dilaw habang humahabi ng pangungusap
Mukha namang ‘di siya nagpapanggap
Pero duda ako sa kanyang pagmamaneho
Higit ‘sangtaon pa lamang pero lahat yata’y tensyonado!
Si Manong Drayber panay ang puna sa dating tsuper na nagmando
Ito raw ang pasimuno kung ba’t ang makina’y mabagal at palyado
Ah, kaya pala hanggang ngayon tila ‘di kami makausad
Palusot kaya o sadyang dahilan ng aming pagsadsad?
Mausok na nga ang sasakyan sinabayan pa niya ng yosi
Hithit-buga, hithit-buga tila ‘di mapakali
Ayaw magpapigil kahit marami ang kumukumbinsi
Sumigaw ang isa: “Itigil mo na nga ‘yan nauusukan na kami!”
Si Manong Drayber parang nalilito
Madalas humihinto biglaang pumipreno
Paano ba naman mga alalay niya panay ang bulong
‘Di na lang pabayaan upang tayo’y makasulong
Dapit-hapon na, tila inip na rin ako
Sinipat ko ang kanyang pagmamaneho
'Tulad ko rin pala lumilinga ‘pag may magandang dalaga
Isa pang dahilan ng aming pagka-antala
Si Manong Drayber parating nakangisi
Kahit nabalaho may ilalaan pa ring ngiti
Tuloy kanyang kritiko sinabihan siyang may sapi
‘Di napipikon mahaba ang dalang pisi
Sinilip ko na rin ang labas ng bintana
Para tanawin ang tinatahak na kalsada
Tila baga naliliyo at nahihilo ako
Bakit halos hindi kami lumalayo?
Nakita ko na ang ganitong lansangan
Ito rin ang kalyeng una kong napuntahan
Akala ko ba’y matuwid ang daan?
Bakit puro lubak at masukal ang harapan?
Baka naman sa umpisa lamang ito
Sa kalagitnaa’y mayroon nang pagbabago
Sige tuloy lang ang pag-usad nang karag-karag na sasakyan
Mabuting maidlip na muna, pakigising na lang sakaling matunton na ang matuwid na daan.
No comments:
Post a Comment