Saturday, August 13, 2011

Ang Sining ni Mideo


Ang larawang ito ay ang sining na likha ni Mideo Cruz. Matindi ang impact sa maraming Pilipino ang ­ginawang ito ni Mideo. Kabi-kabila ang naging reaksyon ng magkabilang panig; ang mga aktibong katoliko na lubos ang pagkondena sa nasabing “sining” at ang mga kapwa niya artists na ipinaglalaban naman ang katha ni Mideo at kanilang sinasabi na ito’y isang “work of art”. Ano ba talaga ang kahulugan ng Sining?

Ayon sa Wikipedia ang depinisyon ng Sining o Art ay:
Art is the product or process of deliberately arranging items (often with symbolic significance) in a way that influences and affects one or more of the senses, emotions, and intellect. It encompasses a diverse range of human activities, creations, and modes of expression, including music, literature, film, photography, sculpture, and paintings. The meaning of art is explored in a branch of philosophy known as aesthetics, and even disciplines such as history and psychology analyze its relationship with humans and generations.

Kung pagbabasehan at pagbabatayan natin ang “sining” na gawa ni Mideo at sa kagyat na reaksyon ng mga tao; totoong ito ay nakaapekto sa emosyon at damdamin ng karamihan, mayroon di-umanong “simbolikong” nais ipahayag ang “sining” na ito at may paghamon sa katalinuhan at kaalaman ng isang ordinaryong tao. At sa aspektong ito ay nagtagumpay si Mideo.


Ngunit hanggang saan ba ang sining?
May hangganan ba naman ito?
Paano ba mababatid kung ito’y sining o isa lamang kahalayan?
Sa isang bansa na ang Relihiyong Katolisismo ay tinatayang walumpung porsiyento; malaki nga talaga ang hamon sa kamalayan at kaisipan ng mga tao ang ginawang “sining” na ito ni Mideo. Maaaring marami ang hindi nakauunawa sa kanyang mga gawa, maaaring marami ang hindi nakaiintindi ng kanyang sining dahil ang sining ay isang malalim na salita, mahabang diskusyunan kung ang isang bagay ba ay sining o hindi, para itong isang usaping pangrelihiyon na hindi natatapos ang paliwanagan. Halimbawa, maaring ang tingin ng marami sa pelikulang may temang paghuhubad at pagniniig ay kahalayan subalit sa iba naman na may higit na malalim ang pang-unawa ito ay isang sining.

Sa aking pananaw, ang Pilipinas ay hindi pa handa sa ganitong klase ng sining ‘di tulad sa maraming bansa sa Europa. Ang mga Pilipino ay napakasensitibo pagdating sa relihiyon tila ‘di matitinag ang kanilang paniniwala at pananampalataya ng kung anuman kaya’t kung nakanti mo ang paniniwalang ito tiyak na nakahanap ka ng kaaway. Kadalasan, sa sobrang paniniwalang ito ay ginagamit itong dahilan ng iba para makapangloko ng kapwa. Naalala nyo pa ba si Judiel Nieva at ang “Misteryo sa Agoo” noong dekada otsenta? Ilang libong katao ang agad na napaniwala ni Judiel na may aparisyon ang Birheng Maria sa kanya? Ilang libong katao ang nakumbinsi niya na ang lahat ng kanyang sinasabi ay totoo? Sa kalaunan, ang simbahang katoliko mismo ang nagsabi na ang misteryo sa Agoo ay isang malaking kalokohan at ang perang nalikom ng kalokohang ito ay ginamit lamang sa sariling interes. Nasaan na si Judiel ngayon? May nagtangka bang siya'y ihabla gayong siya pala'y nakapangloko ng libo-libong katao? Heto na siya: Angel dela Vega.

Kahit ang sanga ng puno na nagkataong may hugis ng mukha ni Jesus Christ, mga bangkay na ‘di pa naagnas o may likidong lumalabas sa isang banal na imahe ay pinaniniwalaan ng marami na isang milagro! Kahit paulit-ulit na sinasabi ng simbahan na ‘wag basta-basta maniwala dito. Ibig sabihin ganoon katatag ang paniniwala ng mga tao at lubhang mahirap itong buwagin. Kaya’t hindi kataka-taka na ang likhang ito ni Mideo ay lilikha rin ng kontrobersiya.

Ang “Kulo” Exhibit at ang “Politeismo” ni Mideo ay ginanap sa Cultural Center of the Philippines. Dito rin ipinapakita ang iba’t-ibang talento na may kaugnayan sa iba’t-ibang uri ng sining subalit sino-sino ba ang mga nagpupunta dito? Malilibang ka ba sa sayaw na ballet? Naa-appreciate mo ba ang nais ipahiwatig ng paintings? At kaya mo bang ipagpalit ang pera mo sa sining na ito? Nakapanood ka na ba ng “tunay na konsyerto”? Mas marami ang sasagot ng “hindi”. Kung ang musika ng Guns N Roses, Limp Bizkit o Chicosci ay sining sa iba ingay lang ang dulot nito sa iba, kung naa-apreciate ng kabataan ang hip-hop music basura naman ang tingin dito ng konserbatibong hindi na kabataan at ang babasahing Playboy, Maxim, o FHM ay kahalayan lang daw kung mga relihiyoso ang 'yong tatanungin. Samakatuwid, iba-iba ang pananaw ng tao sa sining. Sabi nga, hindi mo maiintindihan ang isang sining kung hindi ka ganap na artist. Paano ako? May mga ginawa akong hindi lubos na nauunawaan ng nagbabasa ng artikulo ko, ibig ba sabihin nito ay artist na ako? Hindi. Isa lang din akong ordinaryong tao na malikot ang imahinasyon pero isa lang ang sigurado ko: Hindi lahat ay kaya nating pagbigyan.

Ang CCP ay pag-aari ng pamahalaan at nasa ilalim ito ng Opisina ng Malakanyang. At kung pag-aari ito ng gobyerno ang taumbayan ay bahagi nito dahil sa ating buwis. Kung maraming tao na ang tumututol at tumutuligsa sa nasabing exhibit, ano ba talaga ang dapat na aksyon ng pamunuan nito?

Nahinto at tuluyang naisara na ang exhibit; ito’y dahil sa tindi ng impluwensya ng Media, pressure ng tao at ng Malakanyang mismo. Kung ito ba’y idinaos sa Museong pag-aari ng pribadong tao, makaya kayang ipasara ito dahil lamang sa pressure? Magiging kontrobersyal ba ito?

Si Mideo kabilang na ang organizers ng nasabing “Kulo” exhibit ay nahaharap ngayon sa mga demanda; ito ang naging resulta ng kontrobersyal na “sining” na ito. Sa kabilang banda, may mga suporta naman sa kanila at kinikwestyon sa pamahalaan ang kanilang freedom of expression, isa na namang mahabang diskusyunan kung may limitasyon ba o wala ang freedom of expression na ‘yan.

Nasa husgado na ang kasagutan sa tanong na: kung sining ba o pawang kahalayan at pambabastos lang ang gawa ni Mideo Cruz. At sana’y mapatawad na rin ng simbahan si Mideo sa kanyang ginawa dahil tila 'di niya batid ang kanyang ginawa gaya ng pagpapatawad noon ni Hesukristo sa mga taong nagmalupit sa kanya. Hindi ba’t ang tunay na itinuturo ng Kristyanismo ay pagpapakumbaba at pagpapatawad? Kung naipukol man niya ay bato marapat lang na ibalik sa kanya ay tinapay.

Ang pananampalataya ng mga Katoliko kay Bro ay may kaakibat na labis na pagmamahal kahit sabihin na nating patuloy pa rin sa pagkakasala (sino bang hindi?) at sinuman ang lumapastangan sa kanyang mahal sa buhay ay siguradong papalagan at makakaani ng komento at kaaway, hindi man tuwiran o lantaran ang naturang aksyon ni Mideo ay hindi ito lubos na mauunawaan ng sagrado-katoliko dahil marami rito ang hindi "artist" na tulad ni Mdeo.

Ang sining ay sining malalim ang kahulugan at mahirap ipaliwanag ito ng isang ordinaryong taong tulad ko bagama’t kung naisaalang-alang lang sana ang salitang “respeto” hindi sana hahantong sa ganito.
Tulad din ng sining; ang KATIWALIAN ay hindi ko rin maintindihan at kung maituturing din itong SINING sigurado ako tambak ang ating NATIONAL ARTIST.:-)

4 comments:

  1. ang sama mo wala kang respeto sa diyos segouro kampon ka ng dimonyo. walang hiya ka. bastos ka. ang daming naiinis sa iyo.

    ReplyDelete
  2. bat gayan ka binabastos mo ang diyos ang daming babastusin diyos pa napakawalangya mo.

    ReplyDelete
  3. this is just a WAKE UP CALL.....ginigising lng tau ni mideo sa mga kademonyohang nagagawa ng tao sa kapwa ni2 by means of condom , contraceptives nd many other more.....kung nd nia ginawa ang art na yan....wla taung matutunan at pagdedebatihan at nd rin madidiscuss ang reality ng buhay....

    ReplyDelete
  4. alam ko medyo late na ito,..
    gets ko naman yung 'idea' ni mideo, totoo naman yung mga nakita kong 'paggamit' ng mga religious items, tulad ng pamimigay ng mga kalendaryo ,mapa si Kristo o artista o kandidaato, para i-commercial o i-endorso ang usang produkto, kumpanya, o tao. pero yung lugar na pinaglagyan niya ng exhibit, public, kahit sino; bata, matanda, lalake, babae, hindi 'kontrolado' yung papasok. yun ang opinyon ko...

    ReplyDelete