Sunday, July 25, 2010

Tubeeeeg!! (wala na po...)


Milyong beses ko nang narining na hindi bale ng walang kuryente 'wag lang mawalan ng tubig ibahin kaya natin; hindi bale ng walang tubig 'wag lang mawala ang facebook. Hehe. Joke lang, nagpapatawa lang ako. Ang totoo maraming mga bansa ngayon ang nakamasid sa atin at ngayo'y nakatawa dahil sa isa na namang problema ng Pilipinas. Habang ang suliranin ng ibang mga bansa ay makarating sa iba't-ibang planeta o makagawa ng autong lumulutang sa hangin o bakuna/gamot laban sa mapanganib na AIDS heto tayo namumroblema sa isang simpleng suliranin lang ng iba: Tubig.

Sa isang pelikula o kwento, hinahalintulad ang ulan sa isang malungkot na karakter. Na sa tuwing may dinadalang problema ang bida; nababalot ng dilim ang kapaligiran at biglang bubuhos ang napakalakas na ulan na animo'y hindi na hihinto. Dahil ang ulan sumisimbulo na isang dagok at kalungkutan sa buhay.

Sa pagkakataong ito hindi muna kalungkutan ang turing natin sa ulan. Kahit na alam nating may kabuntot na baha, traffic, minor accident at malulubog na naman sa baha ang sasakyan ko. Okay lang 'yan sa 'kin at malamang sa inyo rin. Marami ang nagdarasal at nangangarap ngayon na sana'y madagdagan ang buhos ng ulan na dumating sa atin na hindi na alintana ang anuman ang negatibong resulta nito sa karamihan. Mayaman man o mahirap ay apektado ng krisis na ito. Pero syempre mas madaling makagawa ng solusyon kung ika'y mayaman.

Para tayong mga nanlilimahid na pulubi na nakatanghod at naghihintay ng abang-limos galing sa kinauukulan. Na hindi pera ang nais na maibigay kundi tubig! Apektado na ang pag-iisip mo dahil sa kawalan ng tubig. Walang pang-saing, walang panglinis at pangsabaw sa pagluluto, walang ligo, malagkit ang katawan, mabaho na ang mga bata at tambak na labahan.

Parang kailan lang, namumroblema ang mahal kong Pilipinas kung papaano idi-dispose ang labis na tubig sa posibleng pag-apaw ng ating dam. Naging sanhi pa nga ito ng pagbubuwis ng buhay ng marami, labis na pagbaha, pagkasira ng pananim at pagkawasak ng tahanan sa may Pangasinan area. Ang dahilan: pagpapakawala ng tubig sa San Roque Dam. Isang buwan lang bago ito bumaha at lumubog ng husto ang NCR at karatig probinsya dahil naman kay Ondoy. On the average, may 20 bagyo ang dumadaan sa Pilipinas hindi pa kasama dito ang pangkaraniwang buhos ng ulan tuwing panahon nito. Sa palagay ko hindi pa sapat yun para maibsan ang pagkukulang natin sa tubig dahil heto tayo may brand new problem in the name of water.

Pero teka hindi ba nakakatawang isipin (should i say nakakalungkot?) na ang Pilipinas ay isang bansang arkipelago na napapaligiran ng tubig? At marami-rami ring ulan ang bumabagsak sa atin (kaya madalas ang baha 'di ba?) kumpara sa mga middle east countries na hindi pa naman so far nagkakaroon ng ganito katinding krisis sa tubig. Ano na naman ba ang nangyayari sa atin? Masyado na ba tayong makasalanan at tayo'y pinaparusahan sa kasalanang pinag-gagawa natin? O sadya lang paatras mag-isip ang adminstrasyong humahawak sa patubig? Sadista ba sila? Na gustong-gusto nilang nahihirapan ang mga tao sa pagpila at kakahintay ng kanilang precious water?

Mga sana. Kung pu-pwede pa lang madagdagan ang tubig sa dam sa pamamagitan ng cloud seeding SANA dati pa 'yun isinagawa nung hindi pa ganito kalala ang sitwasyon. Noong nalubog sa baha ang halos buong Pangasinan SANA sa Batasang Pambansa na lang napunta ang mga tubig at SANA may sesyon noon at kumpleto ang lahat ng magigigiting nating Kongresista. Noong nagkaroon ng lagpas tao na baha na dulot ng Ondoy SANA nadamay na rin ang MalacaƱang noon, napakaganda sigurong pagmasdan na ang babaeng nakatira doon ay nasa bubong at humihingi ng tulong.

Sa dami na ng problemang sumalubong kay P-Noy kabilang na dito ang kahirapan, trabaho, tag-gutom, mga utang, edukasyon, kakulangan sa budget, korapsyon, modernisasyon sa lahat ng sangay ng gobyerno, eleksyon, anomalya at scandal ng nakaraang rehimen at napakarami pang iba; nadagdag pa 'to sa sakit ng ulo niya at ng kanyang mga kababayan na ani nya ay kanyang Boss.

Ang krisis ngayon sa tubig ay siguradong malalampasan nating mga Pinoy dahil tayo ay likas na matiisin at mapagpasensya. Kung nakapagtiis nga tayo ng siyam na taon sa kuko ng mangkukulam na itatago natin sa pangalang Gloria dito pa kaya sa problema natin sa tubig na tatagal lang siguro ng isa o dalawang buwan o posibleng mas maaga pa.

No comments:

Post a Comment