Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Tuesday, July 27, 2010
Lakbay (unang yugto)
Hindi ko alam kung bakit ako nandito.
May amnesia yata ako. Maraming bagay akong hindi naaalala.
Hindi ko alam kung sino ako at paano ako napadpad dito.
Pero parang may bumubulong sa akin.
Maunlad. Siguro'y doon ako dapat magtungo. Baranggay Maunlad.
Marahil kung ako'y mapunta doon may mga makakakilala sa'kin.
Hindi ko alam kung gaano ito kalayo at kung gaano katagal ko itong lalakbayin.
Tatahakin ko ang landas kung saan siguro ako nararapat.
Tadhana ko kayang maglakbay? O manatili na lang ako kung saan ako namulat?
Parang wala na kong ibang pagpipilian.
Sinimulan kong mag-lakad. Wala naman akong nakikitang kakaiba.
Bagamat maraming mga tanod hindi naman nila ako inaabala.
May mga kaunting kaguluhan pero sa kabuuan maituturing pa din namang tahimik ang paligid.
Natapos ang dalawang araw ng paglalakbay ko pero parang hindi ako nakakaalis sa aking pwesto.
Napagod ako at nagpahinga. Nahimbing. Gumising ng may dalang pag-asa.
Sa muli kong paglalakad ako'y may nakasalubong.
Lalaki. Mukhang matalino. Maganda ang suot nya at kasama nya sa paglalakad ang isang napakagandang babae na may suot na may makikinang na alahas. Sinubukan ko syang lapitan, sa umpisa'y itinaboy ako ng kanyang mga tanod pero sa kalauna'y napagbigyan din ako. Kinamayan nya ako. Pagtanggap ba ito? o Pakitang-tao? Hindi ako interesado kung anuman. Ang mahalaga ako'y hindi napahiya. Ngumiti sya sa akin at gayundin ako sa kanya. Tiningnan ko ang kasama nyang babae. Walang reaksyon. Hindi man sya suplada hindi rin naman sya palabati.
Marami naman akong pwedeng mapagtanungan pero sa kung anong dahilan, sa kanya ko naibulalas ang aking tanong: "Saan po ba ang daan patungong Baranggay Maunlad?" Itinaas nya ang kanyang kamay at may itinurong direksyon. Bago pa man ako makapagpasalamat ay naitaboy na rin ako ng kanyang mga tanod kasama ng iba pang mga gustong lumapit sa kanya.
Ayon sa aking mga nadining 'yun daw ang Kapitan ng Baranggay dito sa Brgy. Bagong Lipunan.
Ang pangalang daw niya ay Kokoy. Kapitan Kokoy.
Hindi ko na binigyang-pansin ang iba pang detalye sa buhay ni Kap.
Sapat ng nalaman ko ang kanyang pangalan at maituro sa akin ang tamang direksyon ng aking patutunguhan. Pinagpatuloy ko na ulit ang aking paglalakbay. Katulad ng unang dalawang araw.
Tinatahak ko ang daan nang wala akong iniisip na panganib.
Sumapit ang gabi at muli akong nagpahinga.
Ika-apat na araw. Napadaan ako sa isang napakagarang istraktura.
Malaki, malawak animo'y simbolo ng kapangyarihan.
Maraming mga tao. May nagbulong sa 'kin ito raw ang tahanan ni Kap.
Ah, napakagandang Bulwagan ng Baranggay aniko.
Sa aking pagoobserba patuloy na kumakapal ang mga tao. Bata, matanda, estudyante o ano mang estado sa buhay ay narito. Hindi upang humingi ng tulong o bumisita kundi lahat sila'y nagpo-protesta, nagaaklas.
Sa kabila di-umano ng kagandahan at kaunlaran ng baranggay na ito ay nagtatago ang mapanupil na lider. Na ang karangyaan ng kanyang pamilya ay hindi galing sa kanilang pamilya kundi galing sa pondong inilaan para sa kanyang kabaranggay. Tumahimik ako. Mahirap magkomento dahil hindi ko alam ang totoong kwento. Maaaring ikapahamak ko ano mang maling sasabihin ko. Kasabay sa pagkapal ng mga tao dumami rin ang mga tanod na bumabarikada at nagbabantay sa bulwagan ng baranggay.
Ang mga sumunod na pangyayari ay hindi ko nagustuhan. Ang kanina'y maingay na paligid ay lalo pang naging malakas. May sunog na nagaganap at nakarining na rin ako ng putok ng baril. Nagtakbuhan ang kanina'y nagaaklas. Magulo. Napakagulo. At pagkatapos na lahat na ito; napakaraming sugatan at duguan bukod pa sa natagpuang mga taong wala ng buhay.
Lalo kong naisip ang makaalis sa lugar na ito. Hindi ko kakayanin ang ganitong senaryo.
Ika-lima at ika-anim na araw ay halos walang pinag-iba bagkus ay dumami pa ang kaguluhan. Kabi-kabila ang nagpoprotesta na kagyat lang na nagsasalita ay inaaresto na. Pangkaraniwan na lang ang tanawing may nasusugatan at namamatay sa bawat kilos-protestang ito.
Sa pamamalagi ko ng anim na araw dito sa Brgy. Bagong Lipunan ay hindi ko masasabing manhid na ako sa ganitong pangyayari. Nais ko nang makatakas sa lugar na ito. Ang anim na araw ay parang katumbas ng habang-buhay.
Akala ko'y nakita ko na ang lahat, naranasan ko na ang masalimuot na yugto ng aking buhay pero may gugulat pa rin pala sa akin; Sa ika-pitong araw ko ay nagising ako ng para akong nasa digmaan. Ang Baranggay Hall ay napuno ng hindi mabilang na mga tanod; maraming tao ang pilit na inaresto at kinulong ng walang dahilan; maraming mga tumatangis dahil sa nawawala nilang mga kaanak; ang mga dating sumisigaw at humihiyaw ay hindi na nakuhang magsalita o bumulong man lang; parang mga aso na may busal ang mga bibig; bala o kamao ang tangi nilang alam para masupil ang maiingay.
Kamay na bakal daw ang sagot ni Kapitan Kokoy sa malaganap na kaguluhan sa Brgy. Bagong Lipunan. Ipinatupad ang Baranggay Ordinance 1081.
Napailing ako. Wala akong magawa. Tumutol man ako'y baka ako naman ang pagbuntungan ng kanilang galit.
Kagyat na tumahimik ang Brgy. Bagong Lipunan. Hindi ko wari kung ang kahulugan nito'y pagsugpo sa gulo o pagkontrol sa kalayaan ng tao. Ang nakikita ko lamang na nakatawa at nakangiti ay ang mga tapat na tanod na sa tingin ko ay gagawin ang lahat ng ipaguutos ng kanilang Kapitan. Hindi ko na nasilayan pa ang mukha ni Kap at ng kanyang maybahay. Marahil ay nagtatago o natatakot sa poot ng kanyang kabaranggay. Sa tuwing sasapit ang gabi ay wala ng tao sa kalsada. Putok ng baril at huni ng ibon ang bumabasag sa katahimikan ng gabi. Sadyang nag-iba na ang baranggay na ito. Kailangan ko na talagang makaalis.
Tinangka kong tumakbo at hanapin na muli ang Brgy. Maunlad subalit kahit anumang gawin kong paglakad-takbo ay parang umiikot lang ako. Baluktot ang daan, maputik kung tag-ulan; maalikabok naman sa tuwing maaraw. Bawat daanan ko'y maraming tanod na nakamasid siguro'y binabantayan ang aming mga kilos. Datapwat wala akong balak na kalabanin si Kap tiyak ako hindi nila ito pakikingan. Ang turing nila sa lahat ay kalaban. Hindi ko namalayan siyam na araw makalipas ipatupad ang Ordinansa ngayon ito'y binabawi na. Kontrolado na raw ang baranggay at maunlad na rin sa kabuuan. Napangiti ako. Ngiting-aso. Ang lumalabas sa kanyang bibig ay taliwas sa nangyayari batid ko ito sampu ng kanyang kabaranggay. Umunlad ang nasa pwesto pero hindi ang buong baranggay. Kontrolado ang lugar dahil ang sinumang tumutol ay inuutas o pinipiit.
Dahil sa pagbalik daw ng demokrasya, sa araw ding yun may magaganap daw na halalan sa pagkakapitan. May mga lumaban pero alam ko namang ito'y pakana lamang. Gaya ng inaasahan, si Kapitan Kokoy ay nanatili sa pwesto. Wala mang tumatangkilik sa kanya pero mas makapangyarihan ang pera at pwersa.
Iwinaksi ko ang bangungot sa pagkakapunta ko sa lugar na ito; ako'y muling naglakbay. May lakas at ulirat pa naman akong natitira. Sa pagkakatanda ko'y ikalabing-anim na araw ko na dito sa mala-impyernong baranggay na ito. Hindi ko makuhang magsisi dahil ito na ang aking nakamulatan; hindi ko rin kontrol kung ano ang dapat at hindi dapat na mangyari. Nanlilimahid at umaalingasaw na ako. Hindi ko na nakuha pang mag-ayos ng sarili dahil sa bilis at lupit ng pangyayari. Labis na pagod at gutom na rin ang nararamdaman ko; iilang piso na lang ang nasa bulsa ko ninakaw pa ng mga tanod na nagsagawa ng checkpoint. Muli akong nagulantang sa bagong balita mayroon na naman daw pinaslang. Mayroon pa bang kakaiba sa balitang ito? Ilan na nga ba ang napaslang sa pamamahala ni Kap? Aksidente man ito o hindi. Subalit ang nagbabalita nito sa akin ay lumuluha bagamat hindi nya ito kaanak siya raw ay lubos na nalulungkot at nanghihinayang. Nakinig ako. Tila magiging emosyonal na rin ako sa pagkakataong ito. Ang naturang pinaslang daw ay ang posibleng magbalik ng tunay na kalayaan sa Baranggay Bagong Lipunan; ito raw ang may tapang na salubungin at sanggahin ang bawat ulos na bibitawan ni Kap at ng kanyang mga tanod; ang pangalan daw ng pinaslang ay JR. Gaya ng dati walang nagawa ang buong baranggay kundi bumunghalit ng iyak. Inilibing sa JR na halos buong baranggay ay nakiramay; umiiyak ang madilim na langit at ang baha ay hindi galing sa ulan kundi galing sa luha ng nakamasid at tumatangis na mga tao.
Sa aking ikalabing-siyam na araw pansin kong lahat ay mugto ang mata; ultimo mga tanod ay dumidistansya nakababa ang mga mukha sa tuwing masasalubong; nahihiya ba sila o nagbabait-baitan lang? Halatang nagtitimpi at nagpupuyos sa galit ang pilit na itinatago ng mga tao sa Baranggay Bagong Lipunan. Masisisi ba sila sa kalbaryong kanilang hinaharap at nararanasan? Patuloy ako sa pamamasid ng biglang dumilim ang aking paligid. Nakaramdam ako ng sakit at init sa kanang balikat.
Pagmulat ko at pagbalik ng aking isip ako'y nasa isang pagamutan. May tama raw ako ng bala at kung hindi raw naagapan ako'y pinaglalamayan na pero 'wag na daw akong mag-alala dahil ako'y ligtas na. Ang nagsasalita ay hindi doktor o nars; siya daw ang nakakita at nagdala sa akin sa pagamutang ito. Siya na rin daw ang magbabayad ng gastusin sa gamot at doktor. Nagpasalamat ako bagamat ako'y kailangan pang magpahinga naitanong ko ang kanyang pangalan; siya daw ay si Cora; Kapitan ng Baranggay Demokrasya.
-itutuloy...
No comments:
Post a Comment