Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Thursday, July 22, 2010
Sa Iyong Pagtawid
Ang pagkamit ng tagumpay ng isang tao ay maihahalintulad ko sa pagtawid ng isang tao sa isang napakalawak na kalsada. Hindi mo mararating ang isang lugar from point A to point B kung hindi mo ihahakbang ang iyong mga paa. Maraming balakid, abala at sagabal sa pagkamit ng napakailap na tagumpay. Gayundin sa pagtawid sa kalsada maraming iba't-ibang sasakyan na rumaragasa at humahagibis na karamiha'y walang pakialam sa katulad kong tumatawid.
Sa iyong pagtawid tumingin ka sa iyong kaliwa baka may mga sasakyang nagmamadali kahit na sila'y dapat nakahinto dahil sa ilaw na pula hindi nila 'yun pinapansin dahil ang gusto nila'y makauna. Luminga sa iyong kanan baka mayroong sasakyan na sumasalubong at dumadagundong sa bilis at ang ibig naman ay makaisa. Bagamat wala akong naringgang wangwang ay nakabukas ang mga ilaw sa gitna ng nakatirik na araw.
Walang nagsabi na madaling makamit ang tagumpay bagamat mayroong iilan na nabuhusan ng biyaya na dagling umunlad at yumaman na parang nakatagpo ng footbridge sa kahabaan ng EDSA. Ngunit ang katotohanan, paghagilap sa tagumpay ay walang shortcut, walang footbridge, walang traffic light. Ikaw ang magdedesisyon sa iyong buhay kung dapat ka nang tumawid o hindi pa, kung hihinto ka muna o magpaparaya sa iba.
Sa iyong pagtawid hindi ka nag-iisa marami ring gustong umunlad at makamit ang tagumpay, sila ang makakasama mo sa pagtahak ng iba't-ibang landas ng buhay. Impluwensya man o inspirasyon ang tawag mo sa kanila ikaw ang makakasagot nito. May mga taong di-umano makakasama mo sa pag-abot ng tagumpay pero dadalhin ka lang pala sa malayo at tuluyan ka ng maliligaw. May mga taong mag-gagabay sa'yo at kasama mo sa pagtamasa ng matamis na tagumpay hanggang sa dulo'y hindi ka iiwan. Pamilya o kaibigan ang tawag sa kanila. May mga taong sumubok na tumawid subalit nakuntento nang manatili sa island ng kalsada. Siguro'y naranasan na nila ang mabigat na suliranin kaya't sa tingin nila ay mas ligtas kung mananatili sila sa gitna ng kalsada. Tatawid pa ba sila? o Ayaw na nila? Hihintayin na lamang ba nila ang isang milagro na may magtatawid sa kanila? o Hanggang sa tumanda ay ganito ang kanilang kalagayan?
Sa iyong pagtawid hindi maiiwasang may matatanaw na naaksidente o nadidisgrasya, sila ang maagang sumalubong sa takip-silim ng buhay at hindi na masisilayan pa ang bukang-liwayway ng tagumpay. Sila na may ibat-ibang kadahilanan ang pagkamatay, sakit, aksidente o kagagawan ng iba. Hindi lahat ng nakamit ng iba ay makakamit mo rin, hindi lahat ng kanilang kasiyahan ay pwedeng kasiyahan mo rin, minsan ang dahilan ng kanilang kalungkutan ay dahilan naman ng iyong kaligayahan.
Sa iyong pagtawid maaaring maging matagumpay ka o kabiguan ang iyong masasalubong dahil hindi mo natawid ang hangganan o naligaw ka sa paghanap nito. Maaaring kasama mo pa ang iyong pamilya sa paghahanap ng mailap na kapalaran maaari namang sila na ang magpatuloy ng iyong nasimulan.
Sa iyong pagtawid maaaring makamit mo ang rurok ng katandaan, ipipinid mo na iyong mga mata, magpapantay na ang mga paa, kukulubot ang mga balat at magkukulay abo na ang iyong buhok pero ang hinahanap mong tagumpay ay hindi mo pa rin nakikita. Naging masalimuot o bigo ka man sa iyong pagtawid dito sa mundo, hindi ka na luluha 'pag nakatawid ka ng walang galit, pag-iimbot at kasalanang imortal, 'pag tuluyan ng nagpahinga ang iyong pagal na katawan kasabay ng iyong pagod na isipan.
No comments:
Post a Comment