Friday, November 27, 2015

Walang (Pang) Epekto Ang Apec

Marami ang nagsasabing may mabuting benepisyo sa bansa ang APEC pero wala naman ni isang netizen ang nagbibigay ng komprehensibo at kongkretong paliwanag kung paano nga ba nakikinabang ang maliliit na mamamayan sa tuwing may nagaganap na pagpupulong sa APEC. 


Maari ngang may advantage ang APEC sa ekonomiya natin subalit meron din namang negatibong epekto ito sa bansa kabilang na sa naapektuhan nito ang maliliit nating magsasaka at mangingisda.
Sa simula pa lang ay kasama na sa naging paksa ng APEC ang Tariff Reduction. During 90’s may mga rate of duty pa na umaabot sa 30% hanggang 50% pero dahil sa agreement ng mga bansang kabilang sa APEC wala na ito. Ang existing na tariff rate na lang sa Adwana ay naglalaro sa 1% hanggang 10% na lang marami na nga ring 0% ang tariff rate – at ang dahilan daw rito ay ang kinakailangang pagsabay ng bansa bilang globally competitive country. 



Sa maliit na bansang tulad ng Pilipinas, malaking halaga ang nawawala sa kaban ng bayan sa pagpapatupad ng tariff reductions, huwag muna nating isama ang talamak na korapsyon sa Adwana na hindi kailanman mawawala. Halimbawa, ang dating binabayarang customs duty na Php1,000,000 kada container ay nagiging mahigit sa Php100,000 na lang o mas mababa pa (dahil sa APEC). Ito rin ang dahilan kung bakit palaging may deficit at short sa target ang Bureau of Customs taon-taon. Sa pagbaba ng buwis sa Adwana naramdaman ba natin na bumaba rin ang halaga ng maraming pangunahing produkto ng bansa? Ewan.
Malinaw na bilyong piso kada buwan ang nabawas sa kita ng Bureau of Customs simula nang magkaroon ng tariff reduction pero (halos) hindi ito naramdaman ng maliliit na mamamayan at malinaw rin na ang malalaking negosyante ang nakinabang dahil dito. 


Sa pagbaba nang koleksyon ng Adwana, struggling ang pamahalaan sa kung papaano at sa kung saan makakakuha ng perang pangtustos sa lumalaking gastos ng bansa. Dahil higit na madami ang import natin kaysa export nalalagay tayo sa hindi magandang sitwasyon, hindi tayo makasabay sa sinasabing ‘globally competitive’, hindi naging advantage sa atin ang APEC.

Isa pang naging dagok sa ekonomiya at sa sektor ng magsasaka at mangingisda na maraming imported na produkto ang nawalan ng restriction at naging freely importable, at ang maluluwag na pag-iisue ng Import Permits ng DA, BPI, BFAR sa inaangkat na agricultural at aquatic products tulad ng mga gulay na patatas, sibuyas, bawang, atbp. maniniwala ka ba na maraming isda sa palengke ay imported mula sa bansang Taiwan at China? At kung hindi pa pumutok at nas-sensationalize ang isyu tungkol dito malamang na patuloy lang sa pananamantala ang mapagsamantalang negosyante. 


Ang dapat sana na pagpapalakas sa industriya ng Agrikultura at Pangingisda upang makapag-export man lang tayo ng agri products (at sumabay sa APEC ekek) ay tila hindi nangyayari. Ang masaklap pa ay ipinagmamalaki ng kahit na sinong nanunungkulan sa gobyerno ang pag-iimport natin ng milyon-milyong tonelada ng bigas sa bansang Vietnam, idagdag pa natin ang pagkukulang sa ayuda ng pamahalaan sa ating magsasaka at mangingisda. 



Wala na ngang pondo para sa sektor ng magsasaka nagkaroon pa ng bogus na pondo para sa agrikultura na tinawag nilang Fertilizer Scam na alam ng lahat na nauwi sa korapsyon.

Dahil nakadepende ang maraming negosyante sa mababang taripa ng kanilang commodity hindi naging progresibo ang ating produksyon, nag-iimport na lang tayo ng finished products na ibinebenta nang direkta sa supermarket, grocery at palengke; iilang pabrika lang ba ang nagma-manufacture ng damit, tsinelas, sapatos, at iba pa? At bakit nga naman sila magtatayo ng pabrika kung mas mababa ang cost ng imports kesa mag-manufacture nito?


Sa pagtatapos ng APEC, malamang na marami ang napag-usapan pero sana kasama sa napag-usapan ang pagpapalawig at pagpapalakas ng hindi lang ng BPO Industry kundi pati ‘yung mga pobreng nagbibigay sa atin ng pagkain sa ating hapag-kainan. Hindi lang naman teknolohiya ang kailangan ng bansang ito.


Monday, October 26, 2015

AlDub: Isang Pagsusuri




Isang penomenon at maimpluwensiya (habang isinusulat ito) ang tambalang Alden Richards at Maine Mendoza (sa karakter na Yaya Dub) o mas kilala sa tawag na Aldub at ang pagtanggi sa katotohanang ito ay katumbas ng pagsisinungaling sa sarili. Ang popularidad na ito ay umabot sa buong kapuluan at sa ibang pang panig ng mundo. Ang biglaang pagsikat ng tambalang ito ay 'di inaasahan, isang aksidenteng nagresulta at pumabor sa programa at sa dalawang nabanggit na artista.

Marahil nga ay hindi gaanong ganoon kahalaga na pag-usapan na halos araw-araw ay nakakakuha ito ng daang libo/milyong tweets at gumagawa ng record sa tuwing espesyal nilang araw na Sabado, dinaig pa nga ng mga tweets na ito ang dami ng bilang ng tweets na natala noong bumisita si Pope Francis sa Maynila noong Enero 2015. Ngunit kung susuriing mabuti ay may kakaiba rito; maraming mas nauna, mas sikat at mas popular sa tambalang Aldub ngunit bihirang mag-trend sa Twitter, worldwide. Sabihin na nating may kababawan pero hindi ba't nagrereklamo tayo sa mga paulit-ulit na gasgas na tema ng mga teleserye sa telebisyon? Hindi ba't naumay at nabanas tayo noon sa programang Wowowee/ Wowowin dahil sa nakabikining mga dancer nito at sa halatang paggamit o pagmanipula sa kalagayan at damdaming ng mga mahihirap na contestant ng nasibak na programa? Ang Aldub at Kalyeserye ay wholesome pero marami pa rin ang nagrereklamo. Sa segment na ito ng Eat Bulaga ay pinatunayang hindi kailangan ng slapstick na komedya, ng pamimintas sa kapwa para makapagpatawa, ng maraming sikat na bida para makilala, ng mabigat na script para magtrend at ng malaking budget para pumatok sa masa.

Sabihin na nating may pagkakataong nakakasawa ang segment na ito ng Eat Bulaga dahil sa paulit-ulit lang na kanilang ginagawa pero dahil sa kagiliw-giliw ang mga karakter sa likod nito isama na natin ang nakakatawang The Explorer Sisters -- riot ang kahihinatnan nito at marami pa rin ang natutuwa dito. Marami na tayong napanood at nasaksihang love teams sa telebisyon at pelikula at kahit gaano pa kasikat at kapopular ang anumang tambalan darating sa punto na ang Aldub ay mawawalan nang kinang kung hindi man kaagad malalaos. Ngunit bago pa ito mangyari kapansin-pansin na ang kanilang narating ay magmamarka na sa kasaysayan ng industriya ng showbiz. Hindi madaling sabihing magtatagal ang tambalang ito pero may kapasidad ang dalawa na tumagal at humaba ang karera kung sila'y mag-e-evolve.

Sa maikling panahon napatunayan na rin naman ng kalabang programa ng Eat Bulaga na mayroon silang ibubuga; ang mga talent search nila noon at nakakatuwang segment ay tinangkilik at nagklik sa masa ngunit sa pagdating ng Aldub mistula silang naging trying hard na pilit binabangga ang isang kongkretong pader. Ang anumang pagpipilit na kanilang gawin na gayahin ang patok na kalyeserye at tapatan ang penomenal na Aldub ay katumbas ng paglubog ng kanilang popularidad. Mas makabubutiing hindi na lang nila ito sabayan, 'wag manggaya ng konsepto, at maibalik ang dating It's Showtime na hinanap ng publiko.

Sa kabilang banda, ang tatlong buwan ng tambalang Aldub partikular na si Maine Mendoza ay gumawa ng isa pang kasaysayang (sa pagkakaalam ko'y) hindi pa nagagawa ng mga artista ng bagong henerasyon. Sa tatlong buwang ito ay nagkaroon ng anim na endorsement ng produkto si Maine, kung hindi popular ang personalidad na ito hindi ito pagkakatiwalaan ng malalaking brand ng produktong tulad ng O+, Zonrox, 555 Sardines, Talk N Text, Bear Brand at ang higanteng McDonalds. At ang bilang na 'yan na kanyang ini-endorse ay patuloy na madadagdagan sa susunod pang mga buwan. Sa loob ng maikling tatlong buwang pananatili niya sa industriya ay nakagawa na ito ng multi-milyong pisong kita na hindi nagawa ng maraming artista noong nag-uumpisa pa lang sila sa telebisyon at pelikula. Kung sakali man na hindi gaanong magtagal ang tambalang Aldub malaki-laking halaga na iyon para sa dalawanpung taong gulang na baguhang artista.

Hindi maikakaila na ang Aldub ay isang mabentang kalakal at ang mga negosyanteng nasa likod nito ay mahusay magbenta ng produkto at magaling magpatakbo ng negosyo. Ang kasikatan at popularidad ng dalawa ay nagamit nang husto dahil bukod sa mga commercial at endorsement ay magkakaroon sila ng pelikula sa darating na Filmfest. Ang pinakahuling pagtatanghal ng AldubEBTamangPanahon ay kumita ng mahigit na php14 milyon sa ticket sales pa lang kung hindi ito negosyo ano ang dapat nating itawag dito? Ang mahigit 55,000 na seating capacity ng Philippine Arena ay napuno upang masaksihan ang pagtatanghal na ito, record breaking ang 39 million tweets at tinatatayang mahigit sa 40% ang TV ratings nito. Isang pakonsuwelo para sa mga fans na ang halagang kanilang ibinayad sa ticket ay napunta sa maraming eskwelahan sa bansa upang makapagpatayo ng sarili nilang library kabilang sa benepisyaryo ng kanilang layunin ay ang tila nakaligtaan ng pamahalaan -- ang mga Lumads.

Magkaibang bagay ang entertainment industry at pulitika pero napatunayan na natin sa maraming pagkakataon na ang mga pilipino ay (halos) nagkakaisa sa mga bagay kung saan sila ay nalilibang at sumasaya gaya ng sa tuwing may laban si Manny Pacquiao at ito ngang Aldub. Sana kung mayroong pambansang isyu na dapat maresolba at pagtuunan ng pansin, magkaisa at magbuklod din tayo sa iisang adhikain. Ngunit tila hindi ito ang nangyayari sa ngayon dahil maraming fans ng magkabilang istasyon ang nagbibitawan ng masasakit na salita mapagtanggol lamang ang kani-kanilang idolo.

Nasaksihan ko mismo ang haba ng pila at masikip na traffic sa kalsada ng NLEX noong nakaraang Sabado sa pagtatanghal ng Aldub/ Eat Bulaga sa Philippine Arena, hindi biro ang pinagdaanang sakripisyo ng mga taong ito mapanood lang ang naturang pagtatanghal. Sa malaking bilang na nakibahagi sa Aldub mapa-live man o sa bahay, sana'y makibahagi rin sila bilang mga botante na makikilahok at handang magsakripisyo sa manit, sa pagkainip at sa masikip na pila sa presinto para makaboto at maghalal ng matinong pulitikong susunod na magiging lider ng ating bayan.

Bilang panghuli'y hindi tamang sabihin na ang LAHAT ng tagatangkilik ng Aldub ay mga mangmang na walang pakialam sa isyu ng bayan o mga uto-utong sunod-sunuran sa writer at producer ng naturang segment at mga walang pinag-aralan na dinidiyos ang dalawang personalidad. Sana lang ay malaman ng lahat ang kanilang limitasyon sa paghangang ito at may mas malawak na pang-unawa sa mga bagay na mas mahalaga kaysa sa pansamantalang kasiyahan.

Hindi dahil tagahanga ka ng kabilang istasyon o ng Aldub ay may karapatan ka nang husgahan ang hindi mo sinasang-ayunan, marami ang sensitibo sa sarili nilang damdamin pero insensitibo naman sa nararamdaman ng iba. Sa kabilang banda'y hindi rin dapat na magdiwang ang nasa kabilang panig dahil sa pagsadsad ng kalabang programa ng Eat Bulaga dahil maraming pamilya ang apektado nito kung sakaling ang Showtime ay tuluyang tumiklop at magsara, ang mga maliliit na taong nasa likod ng produksiyong ito ang lubusang maapektuhan -- mabibigyan niyo ba sila ng hanapbuhay at sapat na kita kung matigbak ang kanilang programa?

Madalas nating naririnig ang katagang 'Healthy Competition' pero kahit saang anggulo natin tingnan tila hindi naman healthy ang nangyayari kundi isang personalan.
Minsan hindi na natin nilulugar ang ating sarili sa dapat nating kalagyan at hindi natin naitatanong ang ating sarili kung may punto at halaga ba ang ating ipinaglalaban?

Thursday, October 22, 2015

L D R



Lumayo ako.
Dahil lumaya sa kahirapan ang nais ko. 
Pinigil mo ako.
Ngunit pinilit ko pa rin ang aking gusto.
Hinintay mo ako.
Ngunit hininto ka nang pagbabalewala ko sa’yo.




Sa pagnanais na makamit ko ang (kahit) piraso ng paraiso.
Sa paghahagilap na mahagip ko ang pinapangarap kong pangarap.
Nagpasya akong lumisan habang iniwan kitang nakatingin sa kawalan at nawala ang ngiti sa katawan.
Ang kasalang pinangako ay napako ng kasalanang hindi ko kailanman inako.
Pinagdamot kita’t kinaligtaan habang pinagdasal mo ang aking kaligtasan.
Naakit ako sa kinikitang malaking halaga, datapwa't nakasakit at ‘di nakitang may nawalang mas mahalaga.



Tumuloy ako.
Habang tumutulo ang luha mo.
Lumayo ako.
Hanggang lumabo ang pagtingin mo.
 
Nagsisi ako.
Ngunit nagsisimula ka na pala nang bago.




Naging magkaiba ang ating oras habang ang oras ko’y naging para sa iba.
Dagat ang naghihiwalay sa atin sa isa’t isa sabay sa dagliang pagwalay ng damdamin nating dal’wa.
Nalilibang ako sa bagong alaala ng kakaibang natatanaw habang ikaw’y nahihibang sa pag-alala nang biglang pag-iiba ng aking dating pananaw.
Sa pag-aakala kong mararating ang bituin sa bagong daigdig hindi ko napansing nawaglit ko ang dating mundo kung saan umiinog ang aking buhay at pag-ibig.
Mahalaga nga ang ating bukas ngunit mas mahal pala ang halaga ng ating ngayon.
At sa pagtahak ko ng kapalaran sa Gitnang Silangan ay ang pagtapak ko pala sa kapalpakan at gitna ng alangan.


Lumipad ako.

Ngunit lumipas na ang pagmamahal mo.
 

Lumuha ako.
 

Ngunit lumubha na ang pagkamuhi mo.
 

Binalikan kita.
 

Ngunit binaling mo na ang damdamin mo sa iba.

Monday, September 28, 2015

Heneral Luna At Ang Bagong Henerasyon Ng Kabataan




Bihirang-bihira lang tayo makaranas ng matitinong pelikula, 'yung pelikulang maaari mong tawaging sining at maaari mong ipagmalaki saan mang film festival mo ito ilahok.
At kung sakaling mayroong ganitong klase ng palabas sa sinehan, nakalulungkot na madalang naman ang suportang ibinibigay ng mga pilipino sa ganitong klase ng pelikula. Kadalasan pa nga ang mga ganitong matitinong pelikulang ginawa ng mga producer, writer at director na may tunay na pagmamahal sa sining ay mas naa-appreciate pa ng mga kritiko sa ibang bansa. At 'pag nabigyan na ng karangalan sa International Film Festival, isa-isa nang maglalabasan ang magki-claim na proud (daw) silang maging Filipino -- isang kaplastikan, isa na namang pagpapanggap.


'Pag walang saysay ang isang pelikula mananawagan ang iba na (kunwari) 'wag manood sa ganitong uri ng basura pero kung mayroon namang matinong pelikula kulang naman ang marami sa ipinapakitang suporta. Tila wala tayong consistency at pinipili lang natin ang gusto nating purihin para tayo'y papurihan.


Bawat pelikula ng Star Cinema (OA na komedya man ito o tungkol sa walang pagkasawang tema ng pangangalunya, pabebe love story man ito o gasgas na kuwento ng katatakutan na hindi naman nakakatakot) ay tumatabo ng mahigit ng isandaang milyong piso sa takilya. 'Wag na lang nating sabihing walang sining sa likod ng mga nalikhang pelikulang ito, 'wag na lang nating sabihing basura ang pagkakagawa ng mga pelikulang ito, 'wag na lang nating sabihing hindi pinag-isipan ang mga istorya nito. Nakakalungkot lang kasi na marami na nga tayong ganoong uri ng pelikula hindi pa ito natutumbasan ng maayos-ayos namang palabas; kahit isa man lang matino sa bawat sampung pelikula ay sapat na siguro para sa ngalan ng totoong sining at para sa kapakanan ng pilipinong tinatanga, ginugutom at inuuuhaw sa ganitong uri ng programa at palabas.


Ang mga tao sa likod ng mga pelikula nina Vice Ganda, Kim Chiu, Daniel Padilla at iba pa ay hindi mo pwedeng sabihing walang utak at hindi nag-iisip, dahil ang katotohanan ay matataas ang kanilang edukasyon at pinag-aralan na may kinalaman at kaugnayan sa film making at creative writing -- nagkataon lang kasi na ang pelikulang kanilang ginagawa ang karaniwang gusto ng nakararaming masa. Kumbaga kung ano ang hinihiling 'yun ang ibinibigay. At kung gagawa nga naman sila ng matinong pelikula may manonod ba? Kikita ba ito ng mahigit sa isandaang milyong piso? Sisikat ba ng husto ang mga bidang artista dito? Mamahalin ba sa sila ng masa?
Nakakadismaya lang na silang may kakayahan at may kapangyarihan na mga nasa industriya ng pelikula ay nagpapalamon sa kinagisnang sistema. Ang tanong: kailangan ba na palaging pera ang motibasyon sa paggawa ng programa at pelikula?


Sa kabila nang naghihingalong industriya ng pelikula at sining dito sa atin tila nakakamanghang malaman na mayroon pa ring (mga) producer na pursigidong mamuhunan at sumugal para sa isang matino, matalino, makasaysayan at pinag-isipan nang hustong pelikulang tulad ng 'Heneral Luna'.

Ang tanong sa 'Luna': Bayan o Sarili?
Walang pag-aalinlangang Bayan ang sagot pero kaya ba nating pangatawanan ito gaya ng ginawang sakripisyo ng katulad ni Heneral Antonio Luna? Baka hanggang salita lang tayo, baka matapang lang tayo sa social media, baka magtaksil ka rin sa bayan gaya ng pagtataksil ng maraming pilipino noong panahon ng una at ikalawang giyera.
Sa nakikita nating ugali, asal at gawi ng bagong henerasyon ng kabataan ngayon tila iba ang nakikita at namamasid nating kanilang ipinaglalaban; handa silang makipagmurahan, makipaglaitan at magbanta para sa kanilang dinidiyos na mga idolo o para sa higanteng istasyon ng telebisyong nakikinabang sa kanila.
Si Heneral Luna ay ipinaglaban ang kalayaan ng kanyang Inang-Bayan samantalang ang bagong henerasyon ng kabataan ay ipinaglalaban ang kanilang mga idolong nagpapakilig sa kanilang kalamnan.

Saan ba nagkulang si Heneral Luna at ating mga bayani?
Nagkamali ba Si Dr. Jose Rizal nang sabihin niyang ang kabataan ang pag-asa ng bayan?
Sa kalayaang tinatamasa ng ating bayan hindi naman natin kailangan ng karagdagang bayani, ang kailangan lang natin ay disiplina sa ating mga sarili.

Sining o pera?
Sa komersiyalismong sumasakop sa industriya ng musika, telebisyon at pelikula tila hindi na kailangan pang sagutin ang tanong na 'yan. Kung talagang may pagpapahalaga at wagas ang pagmamahal ng mga producer ng pelikulang pilipino, telebisyon at musika sa sining -- mas marami pa sana tayong napapanood at naririnig na may saysay na kanta, programa at pelikula. Pero hindi e, dahil mas matimbang na nga ang pera sa halos lahat ng bagay dito sa mundo tila (halos) wala nang pakialam ang lahat sa halaga ng sining. Bukod sa komersiyalismo idagdag pa natin ang mentalidad ng kolonyalismo, saan na kaya patungo ang industriyang ito? Oo ang mga industriyang ito'y kailangan ng pera para patuloy na manatili pero kung kanilang gugustuhin maaari namang makalikha ng sining na hindi kailangang malugi.

Gusto kong mangarap na ang pelikulang 'Heneral Luna' ay ang magiging ehemplo at susi sa panunumbalik ng matitino at de-kalidad na pelikula sa bansa. Gustong-gusto ko.


Humigit-kumulang isandaang milyong piso ang budget nito para mapaganda at magmukhang makakatotohanan ang bawat eksena ng naturang pelikula -- malaking halagang mawawala at malulugi kung sakaling hindi ito tumabo at pumatok sa takilya. Sa unang mga araw nang pagpapalabas ng 'Heneral Luna' sa sinehan nag-abiso ang pamunuhan nito na ipu-pull out na ang pelikula dahil sa mababang benta ng tiket at upang magbigay daan sa mas malalaki, mas siguradong hit na pelikula ng Hollywood -- ito ay sa kabila ng limampung porsiyentong diskuwento sa tiket para sa mga estudyante.


'Pag sinabing estudyante sila ay ang mga kabataang pag-asa umano ng bayan. Sila ang balang-araw ay papanday sa ekonomiya ng bansa at magiging lider ng masalimuot na mundo ng pulitika. Hindi deserve ng 'Heneral Luna' na kalahati lang ang ibayad natin sa pelikulang ito dahil sa makatotohanan, husay, pulido at world class na pagkakagawa nito pero dahil nais ng mga producer ng pelikula na mas maunawaan at mas makilala nang malaliman ng mga kabataan ang karakter na si Antonio Luna at iba pang may kinalaman sa istorya ng kanyang buhay -- nagbigay sila ng malaking diskuwento.
Hindi ba't nakakagago lang kung iisipin na ang lahat ay willing na magbayad ng halos dalawandaang piso para sa mga pelikulang tulad ng 'Praybeyt Benjamin', 'Sisterakas', 'Girl, Boy, Bakla Tomboy', 'Enteng Kabisote', 'Pagpag' at iba pa pero sa makasaysayan at makabuluhang pelikulang 'Heneral Luna' ay tila hindi pa ito masuportahan, ito ay sa kabila ng discounted na ticket price nito.


Dahil sa maganda at positibong feedback, 'ingay' at panawagan ng maraming netizen na panoorin ang obrang 'Luna' napuwersa ang mga theater management na huwag munang i-pull out ang naturang pelikula at sa ikalawang linggo ay medyo nakabawi ang mga producer nito; tumaas ang ticket sales ng pelikula, dumami ang nanood at naging interesado kung ano ang mayroon sa 'Heneral Luna'. Salamat at naabot na ng pelikula ang isandaang milyong pisong kita. At isa pang magandang balita, ang pelikulang 'Heneral Luna' ang kinatawan ng bansa para sa Oscar's sa susunod na taon.


Kamakailan nag-trend sa Twitter ang isang post tungkol sa pelikulang Heneral Luna; may isa raw kabataang manonood ang narinig niyang nagtanong na kung bakit daw sa buong durasyon ng palabas ay nakaupo lang si Apolinario Mabini (Epi Quizon). Nakakatawang nakakainis lang na ang mga kabataang ito ay mas kabisado pa ang mga kanta ni Beyoce at Justin Bieber, alam ang dahilan ng paglisan ni Zayn Malik sa grupong One Direction at kilala ang bawat miyembro ng hinahangaang K-pop group pero mga mangmang at wala namang alam sa maliit na detalye sa isang bahagi ng kasaysayan.


Hindi man mabago ang iyong pananaw sa panonood ng pelikulang 'Heneral Luna', hindi man direktang maiba ang ibang aspekto ng iyong buhay -- makaka-relate ka naman sa maraming eksena ng obra-maestrang ito at mari-realize mong ang mga pilipino'y tila hindi nagbago. Na ang mga pilipino'y sadyang kulang sa pagkakaisa. Na may mga pilipinong may pagka-traidor sa kanya mismong bansa. Na may mga pilipinong pinahahalagan ang sariling interes kaysa sa interes ng kanyang nakararaming kababayan.
Habang may mga taong gustong lumaya marami naman ang gustong magpasakop sa banyaga.
Habang may mga polisiya na dapat ipatupad para sa layuning pagkakaisa, may mga ayaw namang magpasakop sa umiiral na batas.
Habang may mga bayaning handang ibuwis ang buhay para sa bayan, may mga pilipino namang pipigil at kikitil sa kadakilaan ng hangaring ito.


Ang karakter sa pelikulang 'Heneral Luna' ay nasawi at nabigo at ang kanyang istorya'y nauwi sa malungkot at masaklap na trahedya. At gaya ng pelikulang 'Heneral Luna' tila kabiguan at trahedya rin ang kinasasadlakan ng bansang kanyang ipinaglaban. Ito ay sa kabila ng mahigit isandaang taong kasarinlan at kalayaang ating tinatamasa.

At patuloy tayong malulugmok sa kabiguan at trahedyang ito hangga't pinipili at inuuna natin ang ating sariling interes kaysa ang kapakanan ng bayan.