Monday, October 15, 2012

Payong 1/2



Komplikado ang buhay, magulo ang mundo, mapagkunwari ang mga tao. Hindi madaling hanapin ang tunay na kasiyahan, ang tunay na pag-ibig at ang tunay na kaibigan. Minsan akala natin masaya na tayo pero sa paglapat ng ating katawan sa kama sa tuwing gabi huwad lang pala ang maraming kasiyahang iyong naranasan. Ang mga kaibigan iisipin nating lagi lang silang nariyan para sa atin; sasamahan, aalalayan, papayuhan, kasama sa lahat ng ating pupuntahan, sa inuman, sa pasyalan at sa kalokohan pero sa paglipas ng panahon matutuklasan mong marami sa kanila ang hindi pala totoo, marami sa kanila ang gusto ka lang kasama dahil sa napapakinabangan ka nila maging bagay man ito o personal na kadahilanan.

Mahirap uriin sa biglang tingin ang mga nagpapanggap na kaibigan pero sa kalaunan mararamdaman mo kung sino-sino ang totoo sa kanila. Hangga't bata tayo matuto tayong pahalagahan ang oras, ang kabataan, ang kaibigan at lahat ng ating mahal sa buhay huwag nating hintayin ang sandaling wala tayong makakausap, wala tayong matatawagan at wala tayong makakasama sa oras na bagsak ang ating emosyon at puno ng iba't ibang problema. Hindi sa lahat ng oras ay may dumadaan na matinong kaibigan 'wag nating ipagpalit ito sa mga taong magaling sa kwentuhan sa tuwing may inuman o gimikan.

Sa modernong panahong ito marami tayong pagkukunan ng ating pagkasiya dahil sa iba't ibang uri ng teknolohiyang nag-aanyaya bukod pa ito sa mga taong ating araw-araw na nakakasama at nakakasalamuha pero hindi rin sasapat ang lahat ng ito para malubos ang kaligayahan natin. Bahagi ito ng ating buhay; ang maging masaya at malungkot. Kung paano mo i-handle ang problema ay tanging ikaw lang ang makakaalam nito kaya marami ang nagpapakamatay at hindi nakakayanan ang unos ng buhay dahil sa depresyon at kawalan ng pag-asa huwag natin silang husgahan dahil hindi natin alam kung gaano kahirap ang pinagdadaanan nila baka kung ikaw ang may ganoong problema mas malala pa ang maging 'solusyon' mo dito.

Walang perpekto. Kahit anong ganda/gwapo mo darating ang puntong mararamdaman mong may kulang pa rin sa'yo at may hahangaan kang iba na taglay o na-achieve niya. Kahit anong ingat mo magkakamali ka pa rin, sabi nga sa isang kanta kung wala ka pang sala wala ka pang ginawa. Kahit anong talino mo mayroon ka pa ring hindi kayang gawin at iisipin mong sana mayroon kang ganito o ganoong kakayahan. Kahit anong husay o galing mo mararamdaman mong hindi pa rin sasapat ito na kahit anong pagpupursigi mo hindi pa rin masa-satisfy ang kakulangang ito. Kahit anong saya ang nararamdaman mo sa iyong kapartner sa buhay maging BF/GF o asawa mo man ito, hindi maiiwasang ma-bored ka sa kanya; ito rin ang dahilan kung bakit maraming mag-asawa o magkarelasyon ang naghihiwalay, kung ma-bored ka man sa relationship ninyo pansamantala lang ito kung talagang tapat na pagmamahal ang nararamdaman mo sa kanya at makabubuting gumawa ng paraan upang unti-unting manumbalik ang dating tamis ng pagmamahalan; hindi solusyon ang maghanap ng iba lalo lang nitong palalalain ang emotional breakdown na iyong nararanasan. Ang bawat isang indibidwal ay may kanya-kanyang katangian kung mahahanap mo sa iba ang iyong ninanais hindi ibig ipakahulugan nito siya na ang pinakaperpektong nilalang para sa'yo maaring hindi mo pa lang nakikita kung ano ang mali at ayaw mo sa kanya. Hindi natin kailangang maging perpekto mas kailangan natin ang ganap na pagtanggap sa kanyang buong pagkatao.

Kung mahal mo ang isang tao hindi mo hahanapin sa kanya kung ano ang kulang niya bagkus tatanggapin mo siya kung ano siya kasama ang lahat ng kanyang kapintasan hindi lang ang positibo at magagandang ugali at katangiang nasa kanya. Totoong nakakabighani ang magaganda/gwapo sa ating paningin lalo't minsan nakakaramdan ka ng pagkaburyong sa inyong relationship pero sapat na ba ito para iwanan mo ang taong nakasama mo at sinamahan ka sa mahabang panahon? Kung iisipin mong nagtitiyaga ka lang sa kanya dahil sa mga anak ninyo o pinanghihinayangan mo ang nasayang na panahon o sa simpleng dahilan na nawala na ang magic sa tuwing kayo'y magkasama, naisip mo bang baka ganun din siya sa'yo? Naisip mo bang baka nagtitiis lang din siya sa'yo at sa ugali mo? Maraming mga tao ang sumasama sa iba at iniwan ang kani-kanilang asawa pero karamihan sa kanila (hindi man lahat) ay hindi naging lubos ang ligaya may mga pilit pa ngang bumabalik sa dating karelasyon kasi iba talaga ang orihinal. Ngunit hindi lahat ay nabibigyan ng ikalawang pagkakataon mas malaki ang pagsisi kung magpapadala sa ganda ng ngiti o sa kakaibang saya sa tuwing kasama ang bagong nakilala. Hindi madali ang magmahal ng walang bahid pero kung may kakayanan kang magmahal ng magpakailanman para ka na ring superhero sa taglay mong kapangyarihan.

Tulad mo may mga bagay din akong hinangad na wala sa akin, may mga bagay akong pinangarap na sana mayroon din ako ngunit maluwag sa loob kong tinanggap na hindi na ito mapapasaakin dahil ito'y hindi naman materyal na bagay. Minsang... may pinagsisihang desisyon, may pinangarap na panahong sana'y maibalik, may mga salitang masasakit na binitiwan. Minsang... may pagkakataong walang maisip na maisulat, walang laman ang pag-uutak, walang sumisilay na ligaya sa puso at walang gana sa halos lahat ng bagay. Napapagod kahit wala namang pisikal na pinagkaabalahan, nalulungkot kahit hindi batid ang tunay na kadahilanan, napapangiti sa nangyari sa nakaraan, nababad trip sa nangyayari sa mundo, sa opisina, sa mga pilipino, sa pulitiko at sa Pilipinas.

Wala akong karapatang magreklamo sa buhay at kung tutuusin mas mapalad ako sa ibang mga tao dahil natupad ko ang marami sa aking mga pangarap; nakapasa sa board exam kahit di naman matalino, may matinong trabaho, nagkabahay, nakapaglalakbay, may sariling sasakyan, nakapagpublish ng libro, may magandang love story at may masayang pamilya at lahat ng ito'y aking pinagpapasalamat sa Kanya. Hindi ako relihiyoso pero alam kong parating dinidinig ang aking dasal at panalangin dahil naniniwala ako na hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao. Naniniwala rin ako na malaking bagay ang edukasyon upang kahit papaano'y umalwan at umangat ang ating buhay at pamumuhay. Bagamat hindi pa ako tapos mangarap hindi rin naman katumbas nito na ako ay walang kakuntentuhan sa buhay. Ang pangarap ay inspirasyon na magsisilbing gabay patungo sa magandang landas ng buhay at bukas. Hindi ko hinahangad ang sumikat o maging popular dahil alam kong may kaakibat na na malaking responsibilidad ang pagkakaron nito at alam ko rin wala akong kapasidad para dito. Pero ako'y puno ng mga pangarap at kasama sa pangarap ko ang maganda at mabuting Pilipinas, magkaroon ng isang magarang bahay, matikas na SUV, makapunta sa iba't ibang mga bansa sa Europa, magandang edukasyon at trabaho sa aking mga anak at ilan pang librong magsisilbing inspirasyon sa tulad kong manunulat at may mga ligaw ang isipan. Kung sakaling hindi ko man matupad ang karagdagang pangarap kong ito hindi ito dahilan para magalit ako o magtampo sa mundo, sa buhay at sa Diyos.

Monday, October 8, 2012

Iskwater




Relokasyon hindi demolisyon.
Bukambibig ng mga maralitang hikahos na nananahan sa gilid ng maliit ngunit multi-milyong pisong halaga ng kalsada mayroon din sa ilalim ng tulay na nakikinig sa saliw ng musikang nanggagaling sa busina ng magagarang oto at dumadagundong na mga trak. Halos tinakwil na sila ng lipunan at pinagkaitan ng biyaya ng kalangitan, may mga tumatawag pa ngang sila ay salot. Hindi ba't sa hanay umano nila nanggagaling ang kumukupit ng iyong kalupi? O pumipitas ng kumikinang na balagat? O ng seleponong nakuha sa koersyon? Maaring oo, maaring hindi pero sigurado hindi lahat. Ngunit teka saan ba nagmula ang umuumit sa kaban ng bayan? O umaabuso sa pobreng obrero? O gumagahasa sa sagradong saligang batas? May piring nga pala si Katarungan. Bulag nga pala ang hustisya.

Ilang beses na ba silang iniahon at iniligtas? Ilang ulit na ba silang kinalinga at inayudahan? Ilang beses na ba silang biniyayaan at tinulungan? Marahil mali ang katanungan. Dapat yata'y ganito: Ilang beses na ba silang ginamit at pinagsamantalahan? Ilang ulit na ba silang biniktima at binusabos? Ilang beses na ba silang inalipin at inalipusta? Libong pangako libo rin ang napako ng mga pulitikong umaastang santo na nagmumumog ng tubig na may basbas ngunit ang katauha'y kataliwasaan sa pagiging banal. Mga katawang gusgusin at nanlilimahid pero kinakamayan sa tuwing ikatlong taon ng mga tapat na lingkod-bayan. Tuloy po kayo sa mapagkunwaring mundo ng magkabilang mundo! Balatkayo sa balatkayo. Isang ang habol ay boto, ang isa nama'y habol ang ilang daang piso.

Dumadanak ng dugo, bumabaha ng luha.
Umuulan ng bote, ng bato, ng apoy, ng tae, ng bala. Literal.
Walang pakundangan kung sinuman ang tamaan, walang pakialam kung maging sanhi ng kamatayan. Iskwater sa sariling bansa, alipin ng mga may utak-banyaga. Salamin ng Pilipino, repleksyon ng Pilipinas. Wala kang dangal kung wala kang pera. Busabos ka kung taga-iskwater ka habang daig pa ang bathala kung umasta ang mga may kwarta at kapangyarihan. Ngunit ang Diyos sa langit hindi sinusuri kung ang bahay mo'y yari sa pader o pusali, kung ikaw man ay hikahos o sa kayamanan ay puspos. Mabuti na lamang.

Ngunit paano mo ba iuuri ang "Ugaling Iskwater"? Ito ba'y metapora sa mga taong sinaniban ng masamang asal o niliteral ng mga taong higit pa sa halang ang pang-unawa?  Bakit sa taga-iskwater hinahalintulad ang kriminal sa lansangan? Higit na nakakatakot naman ang heneral na protektor ng tumutulak ng droga. Bakit sa taga-iskwater hinahambing ang may kabastusang pag-aasal? E higit pa nga sa kabastusan ang halayin ang batas at katarungan? Bakit sa taga-iskwater hinahanay ang may barumbadong pag-uugali? Ano bang uri ng tao ang umaalipusta o tumututok ng baril sa sentido ng kaawa-awang traffic enforcer? Bakit sa taga-iskwater lang ibinibintang ang krimeng holdapan at snatching? Sandali..may ipiniit na ba sa hanay ng pulitikong kumukulimbat sa pondo ng bayan? Diskriminasyon makalipas ang diskriminasyon. Dahil ba sa ang taga-iskwater ay gusgusin? At ang mga disenteng kriminal ay mababango at nakapustura? Siguro nga.

Ilang sandali na lang at bubuwagin na ng otoridad ang kani-kanilang tahanan. Igugupo gamit ang kalawanging piko na hawak ng mamang inaambahan ang sinumang humaharang, mayroon ding gamit ang bareta de kabra na winawasiwas ng bata ni Meyor na makutim ang kulay ng pagkatao't balat at ang iba'y tangan ang martilyong handang ihampas sa hamba at dingding na ilang beses na inabuso o sa haligi ng tahanang humihiram ng katapangan sa taglay na kahirapan. At kung hindi kakayanin ng mano-manong pwersa't lakas itutumba ito sa ayuda ng dambuhalang buldoser na di kumikilala ng habag at pagkaawa.

Sa isang kisap mabubuwag na ang kanilang barong-barong na ang pundasyon ay pinatibay ng sapin-saping suliranin, mga bubong na kinalsohan ng lumang gulong ng sedan na pumuprotekta sa iba't ibang unos na kanilang dinaranas, mga dingding na pinagdikit-dikit ng hinaing at iba't ibang kadalamhatian sa buhay, mga bintana na pinalamutian ng inaagiw na kurtinang ipinangtatabing sa mga mukhang puno ng pighati na panakanaka'y sinusulyapan ang iba ring may gutom na diwa't kaluluwa at pintuang yari sa gulanit na lawanit na di-hamak na mas matibay pa ang pintuan ng kulungan ng mabagsik na Rottweiler na laging nakapinid upang hindi masilip ang kalungkutang nananahan sa loob nito.
Kahit anong pagsisigaw, pagtutol at pag-aklas ay wala ring nangyari nanaig pa rin ang utos ng korte na palayasin ang umano'y sagabal at masakit sa paningin ng mga timawa at salaula. Binusabos na busabos. Aliping inaalipin.

Malabo ang mundo. Mabuti pa ang aso may tahanang gawa sa matatag at di kinakalawang na bakal na higit ang halaga sa sampung libong piso na ang sukat lang ay wala pa sa tatlong metro kwadrado, may pagkaing mula sa karne na halos doble ang halaga ng isang kilong bigas ng nagdarahop na maralita, aabot o hihigit sa dalawampung libong piso ang halaga ng isang matakaw na aso pero ang halaga ng isang anghel na sanggol ay 'di pa aabot sa sampung libo. Mapapalad na mga aso; kinakalinga at inaaruga. Kulong ang katumbas kapag inabuso, pinatay o kinatay pero parang lunatikong walang nag-alala, walang napiit at walang nag-imbestiga noong may tumimbuwang na taga-iskwater na dukha. Lumaban daw kasi. Ganon ba? Bakit 'di ninyo paslangin ang mga sundalong pulitiko na lumaban noon sa gobyerno? Si Panfilo, si Antonio o ang matikas na si Gringo na mga loyalista raw ng kalayaan at demokrasya. Ito ang mundong mas matimbang na ang karapatang pang-aso kaysa karapatang pangtao.


"Masanting pin karela! Kaibat na ning adwang pulo banua apalakwan dala din, kalwat deng pekenabangan ing gabun, ede pa buring ibie keng talagamg mikibandi, kaibat ngeni mimimua la keng gobyerno uling apihan do kano. Didinan da noman a sapat a pera at alipatan da, eno man bisa uling malao't kanu keng pipagobran da at mas buri da pa ing , makipagmurahan la, makipagbaronggahan la, at makipaglabanan la, at makipagpatayan la kareng otoridad. King metung a banda, wa ,makalunos la pin peru makananu naman nung ila naman ing mikibandi keng gabun a tutuknangan da? Nanu ing gawan mu? Ninu kanyan ing akakit mong me agrabyadu?" Litanya at pangangatwiran ng kapitbahay kong si Nanay Conching habang pinanonood ang demolisyon sa paborito niyang 24 Oras.



Uy, may bago na palang tawag sa mga taga-iskwater, "Informal Settler" na daw ang dapat nating itinatawag sa kanila. Maganda raw kasing pakinggan, eh ano ba naman kayang ipinagkaiba nito kung tawagin man natin silang 'iskwater' o 'informal settler'? Tulad ng nakikita mo sa tuwing paligid ay dumidilim. Malagim.

Tuesday, October 2, 2012

Euthanasia




Nakapanglulumo. Tila nakauubos ng lakas at katinuan ang eksenang tumatambad sa akin sa tuwing papasok ako sa silid na ito ng pagamutan. Walang puwang ang kasiyahan kung sa bawat paling ng iyong leeg, bawat sulyap ng iyong mga mata, bawat hakbang ng iyong mga paa ay pulos pasyenteng may iba't ibang karamdaman na nakaratay ang iyong mamamasdan; mga taong humihiram ng karagdagang oras ng buhay sa aparatong nakakabit sa kani-kanilang katawan.

At isa sa mga nakaratay na iyon ay ang aking ama. Ilang linggo na rin siyang naririto, pilit na nilalabanan ang sakit na nagpapahirap sa kanyang bawat kalamnan. Bago pa ito'y ilang beses na rin siyang nagpapabalik-balik sa mga dalubhasa at sa pagamutan; parang isang pusakal na hindi maiwasang maglabas-masok sa bilangguan; parang kirot na sa kanya'y parating dumadalaw pansamantalang lumilisan, matagal na nananahan. Sa bawat hinaing niya'y nararamdaman ko rin ang kanyang sakit na nararanasan, sa bawat daing niya'y tila hinihiwa din ang himaymay ng aking puso. Higit sa sakit at kirot mas nangingibabaw sa akin ang pagkahabag at awa. Ang larawan ng aking ama'y tulad rin ng maraming amang pigil ang emosyon, mapagkimkim ng damdamin at kung matuwa ay palihim. Mula pa sa aking pagkapaslit hanggang sa ako'y magkamalay nagisnan ko nang siya'y ganyan ngunit sa pagkakataong ito'y nakikita kong siya'y nahihirapan, dumadaing at lumuluha. Ilang anak ba ang kayang tiisin ang ganitong pangyayari? Sinong anak ba ang hindi maantig sa kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang sariling ama?

Ang kanyang dating matikas na katawan, ngayon ay pispis na at said na ang lakas; ang kanyang bibig na palaging may nakasuksok na yosi noon, ngayon ay may plastik na tubo na daluyan ng hanging binabayaran na nagmumula sa isang cylinder na gawa sa metal; ang kanyang matikas na tinig na parang sa hari na kanyang ginagamit sa tuwing kami'y pinagsasabihan dahil sa aming kakulitan noon, ngayon ay paos na at humahabol sa kanyang bawat paghinga; ang kanyang mga kamay na ginagamit niya noong pangdisiplina sa aming magkakapatid ay hindi niya man lang maiunat at maiangat ng matagal. Kung alak ang palagi niyang nilalagok noon, ngayon ay iba't ibang uri na ng gamot at medisina ang kanyang iniinom; pamatid-kirot. Ang alak at sigarilyo na kanyang matalik na kaibigan noon ang siya ngayong tumutugis sa kanyang kalusugan.

Habang mugto kong minamalas ang kanyang kahabag-habag na kalagayan siya'y tumitig sa akin at minuwestrang nais na niyang umuwi, umiling at wari'y sinukuan na ng pag-asang bumuti at gumaling. Ilang araw lang ang nakalipas nang matapat na kaming sinabihan ng doktor na ang kanyang karamdaman ay malabo nang malunasan. Ilang linggo, araw o oras na lang ang hihintayin at dapat ng asahan ang hindi inaasahan. Ito ba'y kanya na ring naramdaman? Paano mo haharapin ang ganitong uri ng sitwasyon? Iilang matapang lang ba ang kayang harapin ang kanya mismong katapusan? Ngunit bilang anak marapat lang na gawin mo ang lahat at buo mong kakayanan upang madugtungan pa ang oras na pananatili sa mundo ng iyong ama kahit katumbas nito'y pagod na isip at katawan, hirap at pighati sa kalooban at paggugol ng salaping pangtustos sa bawat araw na kanyang pananatili sa silid na ito at sa medisinang magdudugtong sa kanyang paghinga sa tuwing ika-anim na oras.

Kasabay sa pagkaubos ng aming pag-asa ay ang unti-unting pagkaubos ng pondong pandugtong sa buhay ni itay. Balot na ng lungkot ang aking lumuluhang damdamin at hindi na mawari kung ano ang isusunod na magiging pasya. Makabubuti ba talagang wakasan na ang paghihirap na nararanasan ng isang may karamdaman? Anong ganda ang maidudulot nito kung katumbas nito ay ang pagkabatid mong agad na paglisan ng iyong mahal sa buhay? Ito ang sandaling kahit na anong maging iyong pasya ay mali, ang sandaling ni sa panaginip ay hindi mo pinangarap at inisip. Ngunit kailangan nang isang pagpapasya.

Sumasabay sa patak ng ulan ang luha kong aking pinigil sa loob ng silid; ang kidlat na aking naririnig ay parang aking sigaw na pinipilit ikubli, ang kadiliman ng paligid ay katulad ng akin ngayong nararamdaman; kalungkutan. Kung naiipon lang ang lakas ng loob iyon ang aking gagawin upang walang pangamba akong haharap sa aking amang iginupo nang kapusukan, nang kabataan, nang karamdaman. Walang salitang makakapagpakalma sa aking nararamdaman sa sandaling ito, pilit kong pinasisinungalingan na ang nagaganap ay hindi katotohanan ngunit anumang dagdag na pagtanggi ay lalo lang nagpapahirap sa aking kalooban. Mas maraming katanungan kaysa kasagutan ang bumabagabag sa aking isipan.

Nakakagago. Isang nakakagagong pasya ang aking ginawa. Kinailangan pa naming umupa ng taong may sapat na tapang at lakas ng loob na magpapatid ng kung anumang instrumentong nagdudugtong sa gahiblang pagitan ng buhay at kamatayan. Kung ito'y isang pagkakasala sana ay mapatawad ako sa pasya kong ito. Patawad dahil sa sandaling iyon hindi ko na batid ang mali sa tama. Isinama ko na rin sa paghingi ng tawad ang lahat ng kasalanang nagawa ng aking ama; lantad man o hindi nailahad. "Panginoon kayo na pong bahala sa kanya".

Sadyang napakabilis ng oras kung ang bawat sandali'y iyong pinahahalagahan parang isang kidlat na kumislap na sa isang iglap ay maglalaho. Ilang oras makalipas na marating ang kanyang tahanan tuluyan na ngang si itay ay nagpaalam. Ang tinuran ng doktor na asahan namin ang hindi namin dapat asahan ay amin na ring inasahan ganunpaman nagdulot pa rin ito ng labis na pighati at kalungkutan. Wala na nga si Itay ngunit ang kanyang mga aral at pangaral ay pipilitin kong isabuhay at isapuso hangga't ako'y nabubuhay.