Monday, August 18, 2014

Kung Bakit May Port Congestion

Ang problemang Port Congestion sa ating dalawang pinakapangunahing pantalan (MICP - North Harbor, Port of Manila - South Harbor) sa Pilipinas ay hindi lang problema ng iilang negosyanteng naapektuhan nito na nag-aangkat ng kani-kanilang mga produkto, kundi ang Port Congestion ay maari nang ikonsiderang national issue na may kakayahang magparalisa sa lumalakas daw na ekonomiya ng Pilipinas. Sa bawat araw na pagkaantala ng ilalabas na container ay milyong pisong pagkalugi sa mga negosyante at bilyong piso naman sa ating gobyerno, kaya't hindi ito simpleng problema lang. Datapwa't ang MICP at Port of Manila ay dalawa lang sa labing-apat na Ports of Entry sa Pilipinas, sa dalawang port din na ito ibinababa ang majority ng mga imported goods sa bansa.


Kakambal nang pag-angat ng ekonomiya ay ang paglago ng kalakalang importasyon ng bansa ngunit hindi ba dapat na mas i-promote natin ang produktong sariling atin sa ibang nasyon at paigtingin ang ating exports sa halip na imports? Napakalaking bahagi kasi nang lumalalang port congestion natin ay ang kakulangan nating tumbasan ang libo-libong container na pumapasok sa ating pier bawat araw. Kunsabagay, iilang produkto lang naman kasi ang pwede nating i-export at ipagmalaki sa ibang bansa. Kung hindi pa dahil sa mga Export Processing Zone ay tuluyan na tayong nangangamote pagdating sa exportation.


Magmula sa suot mong damit at sapatos, mga gamit mong gadget o cellphone, mga appliances ninyo sa bahay, spareparts ng sasakyang ginagamit mo patungong eskwela o opisina, machine at equipment ng anumang telecommunication/network giants, mga gamot at medisina ng mga botika at ospital, mga pagkaing kinakain mo sa paborito mong fastfood chain --- ang lahat ng mga ito ay imported. Sa katunayan hindi makakausad ang bansang ito kung walang pag-aangkat ng produktong magaganap dahil hindi tayo self-sustaining country at ang ekonomiya natin ay nakasalalay sa mga inaangkat nating produkto. Kaya't kung iniisip mong hindi ka apektado ng problemang port congestion, nagkakamali ka.


As early as 2011, ay nag-umpisa nang magdagdag ng singil na Container Imbalance Charges (CIC) ang mga Carrier (Shipping Lines) sa bawat importation ng anumang bansang mula Asya, naglalaro ito sa $200 - $300 depende sa size ng container. Samantalang bago ito, ang binabayaran lang sa mga carrier ay Docs Fee na $30 at Terminal Handling Charges na higit lang sa pitong libong piso. Kung 2011 pa lang ay may CIC nang ipinapatong ang mga Carrier sa mga importer ibig sabihin nito'y nag-uumpisa nang magkaroon ng TRADE IMBALANCE sa kalakalan ng ating bansa. Mas marami ang import natin kaysa sa ating export --- kahulugan nito'y pagkatengga ng mga empty container sa CY/Depot ng Carrier at malaking porsiyento nito'y nasa yarda lang ng MICP at Port of Manila. Sa halip na mapunan ito ng mga loaded container ay nagko-contribute pa ang mga empty containers sa kakulangan ng espasyo sa port.


Pagkalipas ng dalawang taon pa'y nagkaroon muli ng additional charges ang mga Carrier; Port Congestion Surcharge (PCS) - $150 para sa 20' van at $300 naman sa 40' at Emergency Cost Recovery Surcharge (ECRS) - $100/$200, respectively. Ngunit sa kabila ng napakalaking expenses na kinukubra ng mga carrier sa mga importer nakapagtatakang hindi naiibsan ang problema sa Port Congestion. Samantalang sa laki nang naidagdag na charges ay kaya na nitong i-cover ang freight/pamasahe upang mabawasan/ibalik sa origin ang dumaraming container vans sa pier.


Ang dagdag na araw na inilalagi ng imported container vans sa pier ay katumbas ng karagdagang gastusin na ikinakarga sa mga importer (hindi pa kasama ang CIC, PCS, ECRS) gaya ng container demurrage, storage charges, electrical charges (para sa mga reefer container) bukod pa diyan ang posibleng karagdagang container detention charges na sinisingil ng Carrier (shipping lines) tatlong araw matapos na lumabas ang container mula sa pier. Sa paglala ng port congestion ay tila pantal na namaga ang bayad sa mga inuupahang truck sa Maynila; mula sa P7,000 na biyahe patungong Pasig ay naging mahigit na ito sa P20,000. Naging triple o higit pa ang itinaas nito mula sa kanyang orihinal na presyo nang magkaroon ng port congestion. May pagkakataon pang pumapalo ang truck rates sa singkwenta mil kung ang designated depot ng empty container ay sa napakalayong Cavitex. At isa pang dahilan ng paglaki ng bayad sa truck ay ang kakulangan ng space ng mga empty container sa ALINMANG container depot ng Carrier.

Para mas madaling maintindihan, humigit kumulang ay may karagdagang expenses na P40,000 para sa 20' van at P45,000 naman para sa 40' van ang nasasakripisyo ng mga importer dahil sa Port Congestion, at mas malaki pa ito kung reefer container ang ginamit sa importasyon --- halimbawa nito'y importation ng mga meat, chicken, vegetables, aquatic products and other agricultural goods. Kung halimbawang sampung container ang iyong importasyon tumataginting na P400,000 ang nadagdag sa iyong puhunan.
At siguradong sa bawat pisong idinadagdag na gastos sa mga container na ito ay ikinakarga at ipinapatong naman ito sa mga produktong binibili o kinokonsumo natin --- tayong mga end user. Dahil hindi naman papayag ang mga negosyante/importer na i-shoulder ang lahat ng mga unnecessary expenses na ito.


Dahil sa Port Congestion, muli na namang naging tanyag ang Pilipinas sa ibang bansa dahil hindi maikakaila ang problemang dawit na rin pati sila. May pagkakataong nag-i-skip port ang mga barkong nakatakdang mag-dock sa MICP o Port of Manila sapagkat isang malaking abala ang dulot nito sa mga barko nila --- nasisira ang kanilang vessel's iterenary. At may pagkakataong sa labis na pagkainip ng mga foreign vessel na magbababa sana ng mga libo-libong container sa Pier ay bumabalik na lang ito sa kung saang port sila nanggaling, resulta: maghihintay ka ulit ng ilang linggo/buwan sa muling pagdating nito para marelease ang container mo.


Dati-rati, nag-a-average lang ng tatlo o apat na araw ang biyahe ng barkong patungong Pilipinas mula sa bansang Taiwan, Hong Kong, Singapore, Malaysia at China ngunit dahil sa port congestion ay mahigit na ito isang linggo, idagdag pa ang paghihintay sa breakwater ng mga barkong ito at naghihintay ng 'go signal' na sila'y maserbisyuhan ng ating mga Port Operator. Kadalasan, apat hanggang anim na araw ang paghihintay na ito. Ang dating 30+ days na sailing time mula America o Europa ay umaabot ng halos dalawang buwan. Isipin mo na lang ang damage nito sa iyong negosyo kung ganito katagal mo hihintayin ang produkto para sa iyong kompanya o pabrika. At dahil nga dito ay maraming empleyadyo/manggagawa ang pansamantalang nawalan ng trabaho dahil wala ang materyales/produkto na kailangan nila sa production.


Sa isang araw, humigit-kumulang limang-libong container ang naibaba sa mga pantalan natin at ang mga container na ito ay hindi naman agad narirelease at nadideliver ng mga broker sa kani-kanilang kliyente, dumadaan kasi ito sa proseso. Ngunit bago pa ang port congestion pumapalo lang sa dalawa hanggang tatlong araw ang kakailanganin mo upang mailabas ang iyong container. Ngayon dahil sa problemang ito, maswerte o milagro nang maituturing kung mailabas mo ang iyong shipment sa loob ng isang linggo lang.


Nang in-implement ang day-time truck ban noong February 2014 ng gobyerno ng Maynila sa bisa ng City Ordinance 8336 , lalong lumala ang dati nang problemang Port Congestion, para kang naglagay ng karagdagang hiwa sa isang malaki at lumalalang sugat. Sugat na hindi na gagaling sa pagbudbod lang ng penicillin o pag-inom lang ng anti-biotic kundi kailangan ng medical attention mula sa eksperto at dalubhasa upang ito'y tuluyang malunasan.
Around 30% ng mga container na dapat sana'y nadedeliver na sa mga bodega ng importer ang natetengga sa bawat araw at dahil dito napilitang ngang magtaas ng rate ang mga truck, isa pang dahilan ay ang apat na araw na dagdag sa kanilang biyahe (paghintay na makargahan at pagsauli ng container). Upang maibsan ang problemang ito ang band-aid solution ng dalawang pier ay kontrolin ang mga trak na pumapasok sa kanilang jurisdiction, sa bawat pagsauli ng empty ay may ilalabas silang loaded. Aminin man o hindi ng Manila Mayor's office, ang ipinatupad na daytime truck ban ay malaki rin ang naging epekto sa congestion.


May truck ban pa rin pero pakonswelo sa mga trucker na mayroon silang “Express” Trade Lane , hindi naman naibsan ang problema at ang port congestion ay nagpatuloy pa rin sapagkat hindi ginagawa ng Carrier ang obligasyon nilang ibalik ang mga empty containers sa kani-kanilang origin, kung ano ang dahilan sa likod ng tanong na ito ay sila lang ang tanging makakasagot. At sa pagwawalang-bahalang ito ay naglalaro sa 70%  hanggang 80% na nang kabuuang bilang ng kapasidad ng pier ang na-occupy ng magkasamang empty at loaded containers.

Bilang kapalit sa pagluwag umano ng City Government of Manila sa mga trucker ay ang dalawang kondisyong sumusunod:
  • una, magbayad ang importer ng dispatch fee sa halagang P112 bawat container na lumalabas sa Pier (wala nito dati noong iba pa ang alkalde ng Maynila)
  • ikalawa, ang mga dambuhalang truck na ito ay dapat sa isang lane lang mananatili (outer lane) kundi ay iri-wrecker sila ng tow truck na accredited ng City Hall ng Manila o kaya naman pagbabayad ng malaking fine na karagdagang gastos para sa mga trucker operator


At sa dami at sa napakahabang pila-pila ng mga truck sa kahabaan ng R-10 hanggang sa mga gates ng MICP at Port of Manila dinaig pa nito ang pinagsama-samang sagala o santacruzan sa Kamaynilaan tuwing buwan ng Mayo. Ang Port Congestion ay nagresulta na rin sa matinding Traffic Congestion na minsan ay umaabot hanggang sa Caloocan at minsang tumatagal nang hanggang dalawang araw. Dahil sa kagustuhang makabiyahe, kumita at huwag masingitan sa pila --- ang mga truck driver ay matiyagang naghihintay sa kanilang turn/pila umulan o umaraw man at kahit pa dis-oras ng gabi, ang malungkot ay may pagkakataong nahoholdap sila ng 'mababait' at mga notoryus na Jumper Boys ng R-10.


May mga nagmumungkahi na dapat daw na i-divert ang mga container na dumarating sa Subic Port o Batanggas Port sa halip na MICP at South Harbor. At maraming importer na nga ang nagparating sa Batanggas port sa kagustuhang mapabilis at makalabas kaagad ang kanilang shipment. Ngunit kung patuloy sa pagdami ang importation sa Batanggas Port at hindi pa rin nasosolusyunan ang pag-export ng empty container ng mga carrier, hindi magtatagal ay sa Batanggas Port naman magkakaroon ng Port Congestion --- inilipat lang natin ang problema at hindi nasolusyunan.
Sa layo ng Subic Port at sa higpit ng patakarang ipinapatupad ng free port na ito (panibagong accreditation sa broker) may mangilan-ngilang importer/broker ang nagkakasya na dito na lang maglabas ng kargamento. Ngunit ilang porsyento lang ba ang mga importasyong ito sa kabuuang bilang na dumarating na mga container sa bansa?


Napakakaunti ng mga barkong nagdadocked sa dalawang port na ito at hindi praktikal na magtungo ka rito at magsalit-salit sa dalawa pang pier dahil hindi lang isang importer ang kliyente ng mga broker at hindi rin ito uubra kung ang parating mo ay hindi naman full container load. Idagdag pa na karamihan sa lokasyon ng mga freight forwarder, shipping lines at broker ay nakakalat sa Kamaynilaan.
Kung komportable at mas nais ng mga importer/broker na makipagtransact sa Adwana ng MICP at Port of Manila ay walang makapagdidikta sa kanila, karapatan nila ito --- ang solusyong ganito ay pansamantala lang at hindi lubos na nakatulong sa sektor ng mga negosyante.


May mga importer na hindi tumatanggap ng katwirang 'Port Congestion' ang dahilan kung bakit lumaki ang kanilang binabayaran at tumagal ng husto ang delivery ng kanilang kargamento kaya na nagreresulta ito sa bangayan ng Importer at Broker, Importer at Freight Forwarder, at Trucker sa broker at forwarder. Darating na ang panahon ng kapaskuhan at kasagsagan ito ng maraming importasyon at kung tatagal pa ang ganitong sitwasyon asahan mo na ang posibleng pagbagsak ng ekonomiya o ang paglobo ng presyo ng maraming produkto sa merkado.


Napakaganda sanang pakinggan at malaman na ang mga taong may kapasidad at may otoridad na magresolba sa problemang ito ay nagtutulungan at nagbibigay ng magandang suhestiyon at opinyon para sa ikabubuti ng sitwasyon sa pier ngunit sa halip kapansin-pansing sila ay nagtuturuan at nagsisisihan pa, nagmamang-maangan at tila inosenteng walang alam sa tunay na dahilan ng Port Congestion.


May batas na dapat ay 150 days lang ang inilalagi ng empty containers sa Pier ng Pilipinas, nakasaad ito sa Customs Administrative Order No. 2-97 at may otoridad ang District Collector of Customs na ipatupad ang kahit anong batas na may kaugnayan sa pagpapatakbo at pagpapalakad ng Aduana. At kung maghihigpit at parurusahan lang ng Bureau of Customs ang mga Carrier/Shipping Lines na hindi nagbabalik ng container sa dapat nitong paglagyan (port of origin) siguro'y unti-unti nang mariresolba ang lumalang problema ng port congestion. Port Congestion na noo'y tila hindi binibigyang pinapansin --- kung hindi pa naiulat at napagtuunan ng dalawang malaking news network sa bansa ay malamang na hindi pa rin ito ginagawan ng paraang masolusyunan ng kung sinuman, gobyerno man o pribadong sektor.


Ayon sa huling press release ng Bureau of Customs ay maiibsan na raw (sooner or later) ang Port Congestion sa bansa datapwa't walang tiyak na araw, masasabing may nagpupursigi nang kumilos at lumutas sa problemang inaakala ng marami na simple lang. Ang tanong ay, kung sa susunod na mga buwan ay masolusyunan na nga ang Port Congestion sa dalawang port (hopefully) maibabalik kayang muli mula sa dati nitong charges ang lahat ng expenses na ipinatong at idinagdag ng mga Carrier at Trucking sa bawat import container? Ewan. Tingnan muna natin kung masosolusyunan nga agad ang problema.

At ito ang kasaysayan ng Port Congestion sa Maynila.

Thursday, August 14, 2014

Sa Looban (Hindi ito Fiction)

Isang hapon ng Miyerkules, sa kagustuhan kong mapadali nang uwi, dumaan ako sa masikip na eskinita ng Delpan. Sa looban. Normal na sa akin ang pagdaan doon (dahil ilang beses na rin akong nakapagdrive sa naturang lugar) kahit alam kong may kasikipan ang kalsada at maraming batang pakalat-kalye sa kalye.


Inaasahan kong normal na araw lang 'yon para sa akin ngunit ilang metro lang pagkaliko ko mula sa kanto, eksakto na may batang babaeng nadapa sa gilid ng aking sasakyan, tumama ang mukha sa pinto ng auto at napabagsak siya sa daan.

Sa isang iglap, nagkaroon kaagad ng komosyon.

Ilang saglit pa ay dumagsa ang tao sa kalsada; tambay, usisero, baranggay, kamag-anak, kabarkada, kapamilya, kapuso, etc.
At sa halos lahat ng parte ng sasakyan ko ay may kumakatok. Pinilit kong magpakalma kahit alam kong pwedeng bigla na lang hampasin ng kahoy ang salamin ng kotse o batuhin ng bato ang kotse 
mismo.

Walang pagdadalawang-isip, binuksan ko ang pinto. Ngunit hindi ako bumaba.

“Tara, dalhin natin sa Ospital!” nagmamadaling sabi ko sa nanay ng batang ‘nabundol’ ko.

Sumakay ang bata at ang kanyang nanay sa likod ng kotse.

Habang nagdadrive patungong pagamutan, ang lakas ng iyak ng bata – dahil nga nasa likuran ko hindi ko alam kung ano ang damage na tinamo niya.
Sari-saring pangitain ang nasa isip ko;
“Paano kung napuruhan ang bata? “
“Paano kung malala ang lagay niya? “
“Makakapatay ba ako?”
“Makukulong ba ako ngayong gabi?”
“Paano na ang mga dokumento kong gagawin para bukas?”


Isa pa sa inaala ko ay ang pera ko sa wallet. Isang libo lang kasi ang laman ng pitaka ko. No more. No less. Iniisip kong sa X-Ray Fee pa lang ay baka kapusin na ako.
Ganun pala ang pakiramdam kung labis ang kabang iyong nararamdaman, kahit ilang daang metro lang ang lapit ng hospital sa lugar na pinangyarihan parang napakalayo nito para sa akin.


Nanginginig ang kamay ko at nangangatog ang tuhod ko. 


At sa dami talaga ng bata sa kalsadang aking binabagtas sobra ang ingat ko, dahil ayokong maka-two hits sa isang araw lang.
Gamit ang kaliwang kamay – kailangang tumawag sa opisina upang magpadala ng extrang pera at sa misis ko para abisuhang siguradong mali-late ako dahil nakasagi ako ng bata. Hindi ko na pinahaba pa ang detalye dahil baka siya naman ang nerbyosin.


Sa wakas, ilang minuto pa ang lumipas ay narating ko rin ang ospital. 
Kasama ang nanay ng bata ay sabay kaming bumaba nang marating namin ang pinakamalapit na ospital.   


Agad kong sinuri ang bata hindi para i-estimate ang posibleng gastos ko kundi para malaman kung okay ba ang lagay niya. Sa puntong ‘yon medyo tahimik na siya hindi na rin umiiyak --- siguro’y nahimasmasan.
May gasgas sa kaliwang noong niya pero kailangang makasiguro.
Habang inililista ang pangalan ng bata at ng kanyang nanay sa logbook ng hospital ay bina-blotter naman ng officer of the day ng hospital ang aksidente. Ibinigay ko ang aking lisensya for record purposes daw. Kahit hindi ko ipinapahalata napansin niyang nandun pa rin ang panginginig ko.  


“Relax ka lang sir, maayos din natin ‘yan”, sabi niya.


Ang isa pa sa inaalala ko ay ang posibleng bayolanteng reaksyon ng nanay ng bata. Hindi naman kasi lingid sa lahat na posible akong maharass sa lugar na ‘yon, hindi ako makakareklamo/makakaangal kung sakaling magdemand ang nanay ng 'naaksidente' ko.


Pinahugasan ng doktor ang sugat ng bata. Sinuri. Inobserbahan. Tinanong kung nawalan ng malay, nahilo o nagsuka. Clear.
Nagbayad ako ng medico legal at kung ano-ano pang expenses sa ospital. Eksakto may Php500 pang natira sa akin.
Naghintay pa ng ilang sandali, maya-maya pa’y nagreseta ang doktor na agad naming binili sa mismong pharmacy ng ospital.


“Saan ba kayo sir, nakatira?” bungad na tanong ng nanay habang papunta kami ng pharmacy upang bumili ng niresetang gamot ng doktor.

“Sa Bulacan.” maikli at matipid kong sagot. Medyo asiwa ako sa magaganap na pag-uusap parang mayroong bakod na mesh wire na namamagitan sa aming dalawa. 
"Nakikiramdam ba siya o ako ang nakikiramdam?" tanong ko sa aking isip.

“Ganun po ba, ang layo niyo pala. Pasensya na po kayo ha naabala pa kayo.”

Mukhang mali yata ang iniisip ko at ng maraming iba pa na ‘pag nakatira sa slum area ay barubal na ang ugali.

“Hindi. Okay lang. Aksidente naman ang nangyari. Mabuti’t ganyan lang ang nangyari at hindi napahamak ang bata” bukas na ako sa isang usapan.

“Ikaw na muna ang magpunta sa pharmacy may kakausapan lang muna ako sa cellphone” sabay abot ko ng 500 pesos.


Ilang minuto pagkatapos kong sagutin ang isang tawag sa telepono nakasalubong ko siya sa hallway ng ospital. Ibinalik ang kaninang 500 pesos na inabot ko dahil siya na lang daw ang nag-abono ng gamot at walang panukli ang pharmacy.


Ilang sandali  pa dumating ang isang kagawad ng baranggay upang i-assist ang babae at i-assess ang naganap na aksidente. Ipinasulat ko ang cellphone number ko just in case may kakaibang sintomas na naramdaman ang bata.

Dumating na rin ang SOS kong pera mula sa opisina.

Muling binilinan ng doktor ang nanay ng pasyente. Clear.

Matapos ang humigit-kumulang dalawang oras at since may go signal na galing sa doktor ng ospital at officer of the day ay nagpapaalam na ang nanay at ang baranggay sa akin.

Nag-abot ako ng pera sa nanay pero pilit siyang tumanggi.

“Wag na po okay naman ang bata. Salamat na lang.” aniya.

Unusual ito, sabi ko sa sarili. Kung ang ibang mga tao ay sasamantalahin ang ganitong pagkakataon upang magkapera ang babaeng ito ay hindi.
Sa isang sulok ng aking isipan ay medyo nahiya ako sa aking sarili dahil unang impresyon ko sa ugali niya’y katulad ng mga taong oportunista. Pasensya naman.

“Sige na, kunin mo na ‘yan. Hindi ‘yan para sa’yo kundi para sa anak mo. Nasaan ba ang tatay niyan?” usisa ko.

Single mom po ako. Tatlo nga po ‘yan eh” pagtatapat niya,

“O, tatlo pala ‘yan eh. Sige na kunin mo ‘yang pera para sakali may pambili ka ng gamot o ng pagkain para sa kanila” pagpipilit ko.

Ser, hindi ako humihingi ng pera ha?” muli niyang pagtanggi.

Habang nakatingin ang baranggay official at ang officer of the day ng ospital na siya namang nagkumbinsi na tanggapin ang pera para makauwi na kami pare-pareho.

Ser, salamat ha? Ingat po kayo at pasensya na uli sa abala.” ang mga huling katagang sinabi niya sa akin bago namin iwan ang ospital. 

 - - - - -
Kahit hindi maganda ang gabing ‘yon para sa akin nagbigay naman ito ng isang magandang aral na naidulot na matagal bago ko makakalimutan.

Hindi porke sa "looban" nakatira, may masamang loob na.
Hindi porke hindi nabigyan ng magandang oportunidad, oportunista na. 

Dapat siguro na ang ‘ugaling iskwater’ na madalas nating naririnig ay hindi ikinakabit sa mga taong nakatira sa looban dahil marami sa kanila ang malinis kung lumaban.
Meron nga tayong kilala nakatira sa tila mansyong tahanan pero masahol pa ang ugali doon sa mga nasa kulungan. Ang problema, nananalo pa sila sa tuwing may halalan.

- E N D -

Monday, August 11, 2014

Itim Ang Kulay Ng Mundo


Isang-daang milyon na ang bilang ng mga pilipino. Higit sa pitong bilyon na ang bilang ng tao sa mundo. Kung ngayon pa lang ay nakararanas na tayo ng unti-unting kakulangan sa supply ng pagkain paano kaya sa susunod na sampu o dalawampung taon pa? Kung ngayon pa lang ay naglalaho na ang karikitan at yaman ng dagat, bundok at kagubatan paano kaya sa paglipas ng ilang panahon pa?
Kaya bang pigilan ng mga tao ang pagkaubos ng yamang-dagat at likas-yaman kung siya mismo ang dahilan ng pagkasira at pagkawala nito?

'Wag na tayong magtanong at magtaka kung bakit ang bansang agrikultural umano ay kinailangang mag-angkat sa ibang bansa nang makakain upang matustusan lang ang kanyang sariling pangangailangan.
Dahil ang dating bukid ay kinatitirikan na ng dambuhalang mall, ang dating palayan ay ginawa ng magarang subdivision, ang ilog ay natutuyo at ang dagat ay bumabaho, ang dating bundok ay pinapasabog at unti-unti nang pinapatag. Paano kung dumating ang panahong ipagbawal na ng mga bansang ito ang pagluwas at paglabas ng kanilang mga produkto? Sasapat ba sa sarili niyang bansa ang kanyang mga pananim at pagkain upang matustusan ang nagugutom niyang mamamayan? Sa halip kasi na linangin at pagyamanin natin ang kalikasan para sa ating pangangailangan iba ang ginagawa at pinagkakaabalahan natin.

Itim na nga marahil ang kulay ng mundo.
Itim dahil sa labis na polusyon at pag-abuso. 
Itim dahil sa malaking pagbabago ng ugali ng tao.

- - - - -
Ang suliranin ng lipunan at ng mundo ay sumisidhi at lumalala. Wala nang pagmamahal, halaga at respeto ang tao sa kapwa niya tao, estranghero man ito o kanyang kadugo --- lalo na sa mga hikahos at patay-gutom. Anak na kikitilin ang buhay ng ina, ama na hahalayin ang anak o inang ibebenta ang kanyang paslit upang maging puta. Adik na gagahasain ang sanggol, anak na kakatayin ang kanyang magulang at mga pagpaslang ng walang kadahilanan. Ang tao ay tao at ang hayop ay hayop ngunit tila nabaligtad na ito. Mas marahas na ang tao at mas mabangis na tayo kumpara sa anumang hayop sa mundo. Mas kaibig-ibig na ang hayop kaysa tao at handa natin itong gastusan ng libo-libo.

Ang buhay ay mahalaga ngunit marami ang hindi na ito pinahahalagahan. Nakalulungkot na sagrado (raw) ang buhay ngunit hindi naman ito ang ating nakikita. Tila ang motibo ng buhay ngayon ay pera at kapangyarihan.
Pera na susuhol upang maging makapangyarihan at kapangyarihan para sa patuloy na pagkamal ng maraming pera. Ipinagpapalit natin ang buhay sa kapirasong pera at walang awang papaslang sa pagtamasa ng huwad na kapangyarihan.
Ang sinumang may pera ay tila diyos ang kakayanan. Siya ang magdidikta sa mundo, sa bukas at sa buhay. Gagawin nitong diretso ang baluktot at itutuwid naman ang liko.
Ang sinumang makapangyarihan ay tila haring mag-uutos. Mga alila'y susunod kahit labag sa batas, tutol sa kanyang kalooban at susuway sa utos ng tunay na May Kapangyarihan.
Ang mga may pera at may kapangyarihan, iniidolo at kinaiinggitan. Akala kasi natin perpekto ang kanilang buhay, walang problema at walang alalahanin. At kung meron man madali mong malulutas at mareresolba --- marami kasing paraan at impluwensiya. Ngunit 'di natin batid sa kabila ng pamumuhay ng may karangyaan ay ang napakaraming pag-alala, pag-aalalang bumabagabag sa tila paranoid na pag-uutak. Takot sa pagbagsak, takot na makanti ang putanginang pride, takot na marungisan ang dati nang marungis na pangalan. 'Di natin batid (o tayo'y nagkukunwari) na kakambal nang pagdami ng pera ang pagiging sakim at ganid. 'Pag sinamba ang pera tila isa itong sumpa na mananahan sa taong gahaman. Ngunit kahit pa, lahat tayo'y aasamin pa rin ito at ipagpapalagay na hindi tayo magbabago o ipapangakong manananatili raw na nakaapak ang paa sa lupa. Ipagpapalagay na iba tayo sa kanila, sa mga taong nag-iba ang pananaw dahil sa impluwensiya ng pera.
 
Moderno na ang mundo ngunit paurong mag-isip ang mga tao.
Maligalig ang mundo, sinligalig ng isip ng tao.
Mahirap intindihin at mahirap unawain.

  • May bibili ng ilang milyong dolyar na halaga ng drowing kesa magpakain at magsalba ng buhay ng milyon-milyong taong literal na pinapatay ng kagutuman.
  • May maghahasik ng malalakas na bombang papaslang sa mga inosente't walang malay sa buhay para sa ilang ektaryang teritoryong lupain.
  • May handang sumakmal ng (sagradong) buhay ng tao upang makuha lang ang hawak mong isang pirasong selepono o ilang daang piso.
  • May alipin ng kanilang pananampalataya at ikakatwirang makatarungan ang kanilang pakikidigma --- aagaw ng buhay dahil sa (maling) paniniwala.

 - - - - -
May layunin at dahilan daw kung bakit tayo nabubuhay ngunit paano mo malalaman ang layuning ito kung bumabangon at nabubuhay ka lang upang maghanap-buhay? Wala tayong magawa at hinahayaan nating tayo'y maging kasangkapan at alipin ng oras, ng pera, ng kabataan, ng teknolohiya at ng kababawan.
Aanhin mo ang legasiya kung nagugutom ang iyong pamilya?
Aanhin mo ang dangal kung wala kang pambili ng medisina para sa iyong ina?
Aanhin mo ang marangal na pangalan kung titira kayo sa tahanang walang bubungan?
Aanhin mo ang layunin at dahilan kung natuto ka nang hindi kumilala ng dahilan?
Kung kahirapan, pagdurusa at kapighatian ang mararanasan nang marami habang nasa mundong ito, payapa at wala na sanang paghihirap ang ating kakaharapin doon sa kabilang buhay.


Ano ba ang higit na mahalaga; ang makabuluhang pamumuhay o ang makahulugang kamatayan?
Kung nabubuhay kang hikahos at salat sa buhay at kabuhayan, walang silbi sa iyo ang makabuluhang buhay o walang halaga sa iyo ang makahulugang kamatayan sasang-ayunan mo ba kung sasabihin kong para lamang 'yan sa may ambisyong maging bayani at dakila? Mas madalas sa minsan na ang asal, karakter at ugali ng tao ay nakadepende sa kung ano ang kalagayan at katayuan niya sa buhay, hindi ba't may may mga napipilitang mang-umit dahil salat sa yaman? Mapalad ang kapos sa pera ngunit puspos sa kagandahang loob. Subalit bakit maraming humihiga sa kayamanan na sagad sa buto ang kawalanghiyaan?


Mahiwaga nga (raw) ang buhay. Misteryoso.
Datapwa't tinutuklas na ng tao ang lihim sa likod ng bawat misteryong ito hindi naman natin binibigyang kahalagahan ang buhay at karapatan ng tao. Kinakailangan nating abusuhin at pagsamantalahan ang mundo, ang mga hayop, ang kalikasan, ang karagatan at ang lahat. At LAHAT tayo'y bahagi ng kalapastangang ito (hindi man natin gusto, hindi man natin maamin) para magpatuloy ang henerasyon ng tao, para uminog ang modernong mundo, para magkalaman ang sikmura ng bawat tao.


Mahiwaga nga (raw) ang buhay. Misteryoso.
Mas marami ang mga tanong kaysa kasagutan. May mga tanong na may sagot ngunit mas pinili ng taong hindi ito tugunin dahil marahil sa pagtatakip sa katarungan o sa ipinaglalabang adhikain at katwiran.
Ang mga dating imposible'y unti-unting naging posible. Ang milagro ay pinipilit ng taong maging karaniwan sa tulong ng siyensiya. Darating ang panahong kaya na ng siyensiyang bumuhay ng patay o bumalik sa nakaraan at gagawin nila ito ekslusibo (malamang) para sa mga may pera at makapangyarihan. 

Nakaapak na ang tao sa buwan at abot-kamay na rin natin ang iba pang planeta, pangkaraniwan nang may namamasyal sa kalawakan ngunit nagmamaang-maangan ang marami kung papaano makararating sa LANGIT.


Masaya daw ang buhay kung pipiliin mong maging masaya. Ngunit paano nga ba ang sumaya kung 'di mo mahagilap ang katarungan at hustisya?
Masarap daw ang mabuhay kung masusulit mo ito. Ngunit paano nga ba sasarap ang buhay kung wala ka ni piso sa iyong bulsa?
Sa modernong panahon ng agham at siyensiya, malaki na ang ibinaba ang halaga ng iba't ibang uri ng teknolohiya subalit nakapagtatakang 'di napipigilan ang pagtaas ng halaga ng gamot at pagkain gayong ito'y pangunahing pangangailangan natin.
Sa pagsulpot at pagdami ng iba't ibang uri ng komunikasyon at teknolohiya (virtual o kasangkapan, hardware o software) kakatwa na inilalayo naman natin ang sarili natin sa totoong tao --- kahit sa sarili nating pamilya. Lumilikha tayo ng sarili nating mundo, mundong makasarili na lalason sa kanyang isip at papatay sa pakikipagkapwa-tao.


Noon pa man alam na nating hindi patas ang mundo, batid na nating hindi madali ang buhay ngunit kadalasan tayo rin ang nagiging dahilan upang humirap ito ng husto.
Hinahanap natin ang kapalarang tila ayaw magpahagilap.
Gutom tayo sa kasiyahan kahit busog tayo sa bagay na materyal.
Lahat ng nais nating malaman ay nasa teknolohiya ngunit nakapagatatakang marami pa rin ang walang alam dahil hindi pursigidong may malaman.
Ipinagpapalit natin ang pangangailangan para sa pangsariling interes at kagustuhan.
At sa kagustuhang makibagay sa mundong kanyang kinabibilangan, ang tao'y nagiging bihasa sa pagpapanggap kahit labag sa kanyang kalooban.


Kahit anong gawin bahagi na ng daigdig ang kahirapan, digmaan, diskriminasyon, alipin, pagmamalabis, kagutuman, kasakiman, kaguluhan at kamatayan. Marami na ang nagtangkang ito'y baguhin at pigilan ngunit gaya ng ulan at baha noong panahon ni Noah, 'di rin mapipigilan ang pagragasa at pagkalat nito sa mundo.
Sa patuloy na pag-ilanlang paitaas ng makapangyarihan at mayayaman ay ang 'di maitatangging paglaganap ng kahirapan at kagutuman, kabi-kabila ang karahasan at digmaan, 'di maipaliwanag na delubyo ng kalikasan, at ang pagsulpot ng mga karamdamang tila walang kalunasan. Kung nalalapit na nga ang araw ng paghuhusga ay walang sinumang tiyak na makapagsasabi ngunit iba na nga ang mundo kaysa dati at hindi ito ang kaganapan sa mundong gusto nating MANGYARI.


Datapwa't marami na ang nagmagalaing at nagprediksyong malapit na nga ang katapusan ng mundo at huhusgahan na ang mga tao ayon sa kasalanan nito ngunit nananatiling lahat ng pagpapahayag na ito ay bigo at palso. Walang pa ring makapagpapahayag kung kailan ang ating katapusan. Sabi nga, bigla itong darating sa panahong 'di mo alam at inaasahan, gaya ng magnanakaw na may dalang elemento ng sorpresa. Sa dami na ng kasalanan ng tao, kasalanang lampas pa siguro sa inaasahan nating lahat, maari na marahil na muling malipol ang tao kasama ng kanyang mga kabuktutan at kasalanan upang tayo'y magbigay daan sa bagong henerasyong walang muwang sa korapsyon, sa kapalaluan, sa kasakiman at sa kapangyarihan.

Upang mapalitan na ang umiitim na kulay ng mundo.

Friday, August 1, 2014

Maynila, Sa Kuko ng Manileño



Kung pilipino ka hindi mo na dapat pagtakhan ang napakasikip na trapiko sa Kamaynilaan at sa karatig nitong lalawigan, hindi na bago sa paningin mo at sa iyong pang-amoy ang marumi at mabahong Kalakhang Maynila. Minsan na ring binansagan ng isang english author na ang Maynila raw ay 'Gates of Hell', marami ang tumuligsa dito ngunit marami ring sumang-ayon, umamin at hindi na nagmaang-maangan pa sa tunay na kalagayan ng lungsod.
Dahil sa deka-dekadang problema at senaryong ito tila nasanay na tayo sa ganitong sitwasyon. Mabuti sana kung wala na tayong nakikitang solusyon at kaparaanan, mabuti sana kung wala tayong nakikitang mga opisyal na tagapagpatupad ng batas o walang nakahaing batas para sa sari-saring paglabag na ito - pero hindi e, mayroon at mayroong solusyon para dito, na sa kasamaang-palad at sa hindi malamang kadahilanan ay tila naging bulag  at naging inutil ang mga opisyales na may otoridad para dito.


Maynila. Tunay ngang kabisera ng Pilipinas dahil ito ang salamin ng kabuuan ng bansa. Populated. Marumi. Matrapik. Abala. Kanya-kanya. Kulang sa seguridad. Mapolusyon. Kulang sa disiplina. Masaya. Magulo. Maingay. Maraming shopping mall at maraming negosyo. Masaya.
Kung ano ang makikita mo sa Maynila, humigit-kumulang ay siya mo ring makikita sa kabuuan ng bansa. Sa napakaraming sutil na mga pilipino (hindi lang Manileño) kailangan natin ng opisyal na may tapang at bayag upang supilin at suwayin ang pagkasutil na ito. Isa lang ang mabagal na trapiko sa maraming problema ng bansa pero kung mababawasan at maiibsan lang ito ng kahit na kaunti malaki ang maitutulong nito sa ekonomiya ng bansa.


Marami na ang nagpapalit-palit na opisyales sa MMDA ganundin sa opisina ng alkalde ng iba't ibang lungsod ng Kamaynilaan pero tila nakagapos ang kanilang mga kamay para hambalusin ang mga pasaway sa kalsada. Sigurado naman tayong alam nila ang nangyayari sa kanilang nasasakupan.
Naawa ba sila sa mga huhulihin nila o gusto talaga nila ang masikip na trapiko?
Kulang ba ang sweldo ng mga traffic enforcers o naduduwag silang ipatupad ang batas?
Hindi ba sila komportable sa magandang dulot ng maluwag na trapiko o ineffective sila bilang opisyal ng gobyerno?


Madalas na ipinagmamalaki ng kung sinong pangulo ang pag-angat (umano) ng ekonomiya ng bansa. Kahit hindi maramdaman ng mga ordinaryong pilipino ang pahayag na ito gusto kong paniwalaan ito ng may halong pagdududa. Kung may kakayanan pala tayong umangat at umunlad bakit hindi natin kayang ipatupad ang mga batas sa lansangan? Siguro'y kalabisang ihambing ang ibang mga bansa sa atin pero hindi maiiwasang ikumpara ang trapiko at mga traffic enforcer nila sa atin. Walang problema sa ating batas kaya't hindi na natin kailangan pa ng karagdagang multa (na isinusulong ngayon) sa mga traffic violator kailangan lang ay ang mahigpit na pagpapatupad nito.


Noong golden age ng Subic, walang sinuman ang sumubok na suwayin ang batas trapiko doon na hindi hinuli kahit na walang nakaistasyong enforcer sa lugar na pinangyarihan. Kahit walang traffic light, ang lahat ng sasakyan sa intersection ay kusang humihinto upang magbigay daan sa kung sino ang nauna. Walang motoristang nag-uunahan o nagkakarerahan sa kalsada. Walang pedestrian na basta-basta na lamang tumatawid. Walang sasakyang lumalampas sa itinakdang speed limit.
Bagama't ngayon ay mangilan-ngilang pang motorista gumagawa nito sa Subic mas marami nang hindi ito alintana, walang pakundangan dahil sa nakasanayang pagmamaneho sa kalsada ng Maynila.


Magkakahalong inis, pagkadismaya, inggit at tukso ang iyong mararamdaman sa tuwing may mga motoristang intensiyonal na nagkacounterflow o nagbeating the red light upang makauna sa kalsada. Inis at pagkadismaya dahil malaking dahilan sila kung bakit lumalala ang masikip na trapiko sa Kamaynilaan. Inggit at tukso dahil kahit papaano'y may pagnanais ka ring gawin ito sa pagnanais na maaga kang makauwi at makasama ang pamilya. Ngunit hangga't maari bilang isang matino at may pagnanasang magbago ang sistema maghihintay kang umandar ang linya kung saan naroroon ang sasakyan mo. Ang paghihintay ng ilang minuto sa pagpapalit ng ilaw na berde ay hindi makakabawas sa pagkatao bagkus isa kang ehemplo sa paningin ng iba pang motorista.


To be fair, mayroon pa namang mga lugar sa Pilipinas ang malinis at disiplinado ang mga taong naninirahan dito kahit hindi gaanong progresibo. Sinusunod ang batas trapiko at ginagalang ang nagpapatupad ng batas bilang ganti ay nirirespeto rin ang motorista at pedestrian at hindi kanya-kanya ang sistema. Dahil dito at bilang isang motorista ay mapapasunod ka sa pinaiiral na batas, marahil ito rin ang dahilan kung bakit ang mga pilipino sa ibang bansa ay matinong sumusunod sa batas na pinapatupad doon.


Naging epektibo ang mahigpit na batas at polisiya noon sa Subic kaya ito'y naging maunlad at disiplinadong lugar na nagresulta rin sa napakaganda at napakaluwag na daloy na trapikong dapat na tularan ng lahat ng lungsod at bayan sa Kamaynilaan at iba pang lalawigan. Kung ipapatupad natin ang batas sa mahirap man o mayaman, kung may bayag ang mga traffic enforcer o pulis na hulihin ang lahat ng lumalabag sa batas (pedicab driver man o driver ni congressman), kung hindi tayo maaawa sa mga lantarang nanggagago sa batas at kung may political will lang sana ang lahat ng mga nanunungkulan at nasa pwesto, maaari at posibleng mabawasan ang ilang dekadang mga problema nating ito:
 

  • tambak ng basura sa gilid at gitna ng daan 
  • marumi at baradong kanal, ilog at estero
  • mga tricyle/pedicab/kuliglig sa main road
  • nagkacounterflow na mga motorista
  • illegal na vendor sa sidewalk man o hindi
  • motoristang nagbi-beating the red light
  • pedestrian na nagji-jaywalking
  • sinarang kalsada dahil sa paliga ng baranggay o sa pasakla ng may patay o may nagbirthday na taong maimpluwensiya
  • mga sasakyang nakabalagbag at iligal na nakaparada sa kalsada
  • matagal na pagsasaayos ng daan
  • hindi sinusunod na traffic lights at traffic regulations
  • smoke belcher na mga sasakyan
  • overloaded na truck, kuliglig, tricycle, buses at jeepney
  • iligal na structure na nakasagabal sa daan; bahay man o tindahan
  • mga kunsintidor na traffic enforcer
  • mga violator ng number coding at truck ban 
  • mga astig at walang modong motorista
  • dumaraming pulis na nasusuhulan  


Hindi maikakaila na kawalang galang at kakulangan sa pagmamahal sa bayan ang malaking dahilan ng mga hindi kanais-nais na gawaing ito ng ating mga kababayan pero may malaking kontribusyon sa paglala nito ay ang ating mga tagapagpatupad ng batas. Nakakasawa na ang marumi at matrapik na Kamaynilaan at sa mahaba-habang panahon ay ito na ang ating nakagisnan. Kung kulang o walang disiplina ang mga Manileño o kahit sinong pilipino, dapat tumbasan ito ng paghihigpit at pagpapatupad sa batas sa kahit kanino ng walang sinisino. 'Yun lang at tapos ang kwento.