Monday, May 12, 2014

Tatlong Iglap (mga kwentong iglap) 3.0



Unang Iglap: Sorpresa

Namintig ang aking dalawang paang nakaharap sa pintuan ng aming kwarto.
Hindi ko makuhang kumatok o ipihit ang doorknob ng pinto.
Kung gaano ako kasayang umuwi ng maaga galing sa opisina upang sa isang sorpresa ay ganoon naman ang bigat ng dibdib na akin ngayong nararamdaman.

Ikalimang anibersayo ng aming kasal ni Dianne ngayong araw.
Hawak ko ang sorpresang 'sang dosenang bulaklak sa kanang kamay at isang malaking Toblerone na tsokolate sa kaliwa.
Bihira ko itong gawin. Sa katunayan hindi ko na maalala kung kailan ko ito huling ginawa.
Hindi naman kasi ako sweet gaya ng ibang mga asawang lalaki.
Hindi ko ugaling ipakita ang pagmamahal na nararamdaman ko kay Dianne pero hindi ibig sabihin no'n naglaho na ang sinumpaang pag-ibig namin sa isa't isa limang taon na ang nakararaan.

Kung hindi nakunan si Dianne apat na taon na sana ang panganay namin. Subalit dahil sa kaabalahan sa trabaho hindi na nasundan pa ang kanyang pagbubuntis. Bilang supervisor ng isang BPO madalas nasa night shift ang trabaho ko. Maraming beses na niya akong kinumbinsing lumipat ng trabaho pero hindi ko sinubukan. Higit sa dose oras na wala ako sa bahay at madalas tuwing nasa bahay naman ako'y mas lamang pa ang inilalagi ko sa pagtulog kaysa pag-uusap naming mag-asawa.

Magkasama kami sa iisang bahay ngunit halos wala na kaming komunikasyon.

Akala ko ay okay lang 'yun kay Dianne.
Akala ko'y wala kaming problema.
Akala ko'y naiintindihan niya ang sakripisyo ko para sa pamilya.

Datapwat nitong nakaraang buwan ay pansin ko na ang malamig na pakikitungo niya sa akin. Ang dating malambing na si Dianne ay tila naging masungit. Naisip ko lilipas din 'yan tulad ng paglipas ng kayang sungit sa tuwing siya'y may buwanang dalaw.

Kaya naisip ko siyang sorpresahin sa araw na ito. Siguro buong akala niya nakalimutan kong anibersayo ng kasal namin ngayon.
Ikatutuwa niya ang dala kong rosas at tsokokate.
Ikatutuwa niya ang pagiging maalalahanin ko.
Ikatutuwa niya ang sorpresa ko.

Tila nakapako sa sahig ang aking dalawang paa sa mga boses na aking naririnig. Hindi ko ito maihakbang o maiangat man lang. Namanhid. Tulad ng mga pakiusap ni Dianne sa akin.
Halinghing at ungol mula sa aming kwarto ang pumupunit sa katahimikan ng hapon.

Sa kagustuhan kong makapaghatid ng isang sorpresa, ako ang siyang nasorpresa.

- - - - - 
Ikalawang Iglap: PM


"Tangina pare. Hindi mangyayari sa akin 'yan! Sa itsura kong ito hindi ako kayang ipagpalit ni Noemi sa kahit sinong lalaki." si Andrei ang nagsasalita. Kausap niya ang barkadang si Joed at Kevin na nagkataong pareho ang dinadalang problema.

Tulad ng dati, sa inuman nag-uusap ang magkakabarkada at doon magsisiwalat ng kanya-kanyang problema, biruan, yabang at hinaing sa buhay sa oras na sumapi na ang ispiritu ng alak.

"Kahit ilang beses na akong nahuling nangchi-chicks ni Noemi, okay lang 'yun sa kanya palagi niyang pinatatawad ang sorry ko."

Malakas ang loob ni Andrei na magyabang sa mga barkada. Mabait naman kasi si Noemi. Hindi katulad ng ibang mga babae na hindi ka na makakahirit pa ng isang pagkakataon kung ikaw ay nagkasala.

Magtatatlong taon na silang nagsasama ni Noemi. Kahit sakit ng ulo ni Noemi sa Andrei hindi niya magawang iwan ang lalaki, responsable naman kasi at good provider ng pamilya si Andrei. May isa silang anak si Kurt - isang taon na ito sa darating na Hunyo.

Pasado alas diyes na nang matapos ang inuman.

Pagkatapos maghilamos at magtoothbrush ay diretso na si Andrei sa kuwarto nilang magkalive-in. Hihiga na sana siya upang matulong nang mapansin niyang may ilaw ang netbook ni Noemi na kasalukuyang humihilik katabi ang kanilang anak na si Kurt.

Wala siyang planong basahin ang kung anuman ang makikita niya sa monitor ng netbook, ang gusto niya lang ay i-power off ito at hugutin mula sa pagkakasaksak sa kuryente.

Isashut down na sana ni Andrei ang netbook ngunit hindi niya naiwasang basahin ang PM sa Facebook ni Noemi mula sa ex-BF nitong si Paul John.

Paul John: Siguro mas okay kung gumawa tayo ng bogus account sa FB. Alam mo na, mas okay nang nag-iingat tayo mahirap nang magkaproblema tayo baka one of these days, accidentally mabasa ni Andrei ang mga messages natin. I don't want to be the cause of your problem 'coz all I want is you to be happy. We both know kung saan tayo lulugar pero sana mas madalas pa ang pagkikita natin. I have no problem yet kasi next year pa uuwi si Tina from Hong Kong kaya I have all the time to spend it with you. Just be careful. Alam ko hindi madali itong ginagawa natin and you are sick and tired with your philanderer husband hayaan mo once na dumating si Tina sasabihin ko na sa kanya na maghiwalay na kami, na I don't love her anymore, na meron nang ibang babaeng espesyal para sa akin. At ikaw 'yun.

Paul John: Still there?

Paul John: Honey?...

Sa mga nabasa ni Andrei, biglang-bigla nawala ang kanyang pagkalango sa alak.

- - - - - 
Ikatlong Iglap: CCTV


Hindi sa wala siyang tiwala sa kanyang asawang si Zyra kaya siya nagpalagay ng CCTV sa bahay. Batid rin naman niyang walang ibang lalaking pumapasok sa kanilang bahay dahil kung mayroon ay matagal na itong isinumbong ng pamangking si Fely na nagsisilbi ring maid ng pamilya.

Talamak kasi sa kanilang subdivision ang nakawan at akyat-bahay at ito talaga ang pangunahing dahilan kung bakit nagpainstall ng CCTV si Nathan. Bago lang silang mag-asawa, magdadalawang taon pa lang at halos isang taon pa lang sila sa bagong bahay nila sa Crescent Village sa Parañaque.

Maganda ang kanilang bahay. Dalawang palapag na may tatlong kwarto. Eksakto lang sa kanilang mag-asawa at sa kanilang isang anak. Dati silang taga Kawit, Cavite ngunit dahil laging late sa pinapasukang opisina sa Makati pumayag na rin silang kumuha ng bahay sa naturang subdivision sa rekomendasyon ng kumareng si Carmi.

Dahil matalik na magkaibigan ang asawang si Zyra at ang dalagang si Carmi madalas na nagpupunta ang huli sa bahay. Classmate ni Zyra si Carmi noong nasa kolehiyo pa sila. Si Zyra ay graduating student nang mabuntis ni Nathan samantalang si Carmi ay nakatapos ng pag-aaral at ngayo'y may magandang trabaho bilang interior designer sa developer ng kanila ring subdivision.

Simula nang mabalitaan ni Nathan na may niloobang bahay sa kanilang lugar, walong bahay mula sa kanilang kanto ay hindi siya mapakali. Ayaw niyang malagay sa panganib ang pamilya, ayaw niyang mauwi sa wala ang kanyang paghihihirap at pagsisikap. Kasabay ng paghahanap niya sa kompanyang mag-iinstall ng CCTV sa kanyang bahay ay ang pagbili niya ng lisensyadong baril na. 45 caliber.

Pinili niya ang CCTV na mayroong link sa internet para kahit saan siya mapunta ay mamomonitor niya ang kalagayan ng bahay at ng pamilya na rin.

Lunes. Alas diyes ng umaga sa opisina.
Unang araw na nainstala ang CCTV sa bahay nila Nathan. Itinawag lang ito sa kanya ng manager ng CCTV company na kanyang kinontrata. Bukod sa isang CCTV na nakaposisyon sa gate ng kanilang bahay, walong camera pa ang nakakalat sa loob ng kabahayan kabilang na ang isa sa loob ng kanilang kwarto.

Alam ni Zyra na may bagong CCTV na sa bahay nila ngunit hindi niya alam na ito'y gumagana na at nakalink sa internet.

Sabik na binuksan ni Nathan ang kanyang computer.
Binuksan ang link ng CCTV ng kanyang bahay sa isang website.

Nakita niya ang kanyang asawa sa monitor. 
In high definition.
Nasa kanilang kwarto ito.
May kahalikan. Nakahubad.
Kasama ni Zyra ang kanyang bestfriend na si Carmi. Nakahubad rin.

Napailing si Nathan sa nakita. 
Nais niyang umiyak. 
Naalala niya ang bagong bili niyang baril. Balak niyang mag-undertime upang umuwi ng maaga.

May pakinabang ang CCTV sa bahay. 
Pati sa buhay.

 

Sunday, May 4, 2014

Ang pagdedeliryo ni Tonyong Demonyo



Parang slideshow presentation ng powerpoint ang mga larawang kasalukuyang nagpa-flashback sa memorya ni Tonyo. Si Tonyo na sa oras na iyon ay nakararanas ng isang pagdedeliryo. Detalyadong bumabalik sa kanyang alaala ang halos lahat ng mga kagaguhan, kawalanghiyaan at kasamaang ginawa niya mula pagkabata hanggang ngayong dahan-dahang siyang nililisan ng kanyang lakas at ulirat.


Itinuring si Tonyo na salot ng Brggy. Malaya. 
Kilalang tomador, basagulero, astig, ulol, lulong sa bisyo, maton, bully, tulak ng droga at labas-pasok sa bilangguan. Tanyag siya sa kanilang baranggay bilang si 'Tonyong Demonyo', binansagan siya sa ganoong ngalan 'di dahil malakas siyang lumaklak ng alak na may markang demonyo kundi dahil sa karakas at pag-uugali niyang may pagkademonyo. 
Demonyong walang respeto sa kahit sino; mapabata, babae o matanda man ito.


Madalas siyang mamatok ng bata tuwing hindi sinusunod ang kanyang inuutos, kumakatay ng aso ng kapitbahay upang gawing pulutan sa inuman, minsang nanapak ng isang matandang lalaki nang hindi siya napautang sa tindahan nito, nanampal ng ubod lakas sa isang baklang napadaan lang sa tapat ng kanyang bahay, palagiang minumura ang mga babaeng nagkukumpulan sa kanila sa pag-aakalang siya ang paksa ng usapan nito at bali-balita ring kaya nagpatiwakal ang dalagang si Susan dahil sa panghahalay ni Tonyo rito. Dahil sa pagtutulak ni Tonyo ng bato at damo, lumaki ang bilang ng mga adik sa kanilang lugar. 
Ang mga ito at iba pang mga alaalang puro kahayupan ang sumisiksik sa kanyang utak habang siya'y lupaypay na nakikipaghabulan sa papaupos niyang hininga.


Nakapikit ang kanyang mga mata subalit malinaw niya itong nakikita.


Walang matinong trabaho si Tonyo pero bungkos lagi ang pera nito sa bulsa. Hindi na ito nakapagtataka dahil unti-unti na siyang nagiging bigtime na tulak ng droga. At sa dahilan ring ito kaya lumakas ang impluwensya ni Tonyo sa mga tiwaling pulis na kanyang binibigyan ng payola kada linggo.


Naging halos untouchable si Tonyo.
Walang sinuman ang nais na bumangga sa kanya at maging ang baranggay na nakasasakop sa kanilang lugar ay naging inutil sa pagsupil ng mga kabalastugan. Mas lalo siyang kinamuhian ng mga kapitbahay at kabaranggay, tila pinangatawanan na ni Tonyo ang bansag na isa siyang 'demonyo'.
Kasabay ng pagdami ng sugapa sa droga sa Brggy. Malaya ay ang talamak na nakawang hindi nasasawata. Kasapakat na rin ang Kapitan ng baranggay ni Tonyo naging iresponsable ang mga opisyal ng lugar na dapat sana'y tagapamayapa at tagapamahala ng katinuan.


Ang Baranggay Malaya ay tila literal na naging 'malaya'. Malaya ang mga sugapa na tumira ng droga kahit saan nila gustuhin, malayang nakapagnanakaw ang mga pusakal na kawatan, malayang nakapagtutulak ng droga si Tonyo, malayang kumawala ang lahat ng katinuang nalalabi sa kanilang lugar.


Katulad ng nakaraang mga gabi, pasuray-suray na lumalakad ng eskinita si Tonyo dahil sa labis na kalasingan. Lasing sa alak, lango sa droga.
Solo lang niyang binabagtas ang kakiputan ng kalsada na patungo sa kanyang bahay dahil nauna nang umuwi ang mga barkada niyang mga halang din ang kaluluwa.


Maulan ang gabi. May kadiliman ang paligid.
Hindi maaninag ang mga mukha ng mga nakakasalubong ni Tonyo kahit pa may sindi ang bumbilya sa magkabilang kanto ng eskinita.
Sinusugan pa ng kanyang labis na pagkalango ang kadiliman ng gabi kaya hindi pansin ni  Tonyo ang mga taong dumarating.
Si Mang Andy na ama ng isa sa mga batang madalas niyang kutusan,
si Ka Gerry na may-ari ng isa sa mga asong kanya noong kinatay,
si Lolo Eugenio na kanya noong sinapak dahil hindi siya nito napautang sa tindahan,
si Katarina na baklang kanyang napagtripang sampalin,
si Aling Luring Waray na numero unong tsismosa raw ng Brggy. Malaya
at si Mang Kanor na ama ng nagpakamatay na dalagang si Susan.


"Aggh..." isang mahinang ungol ang biglang nasambit ni Tonyong Demonyo ng nakasalubong niya ang mga ito. Na sa kabiglaanan at dala ng labis na kalasingan ay ‘di niya nakuhang depensahan ang sarili.

Muli pa itong nasundan ng kanyang mga impit na tinig na sumasabay sa sagitsit ng ulan. Lima pang beses.

Bagsak si Tonyo sa kalsada. Duguan.

Humalo ang kanyang dugo sa tubig ulan. Dumausdos ito patungong kanal.
Habang si Tonyo nagmamakaawa sa mga taong dumadaan sa kanyang harapan. Tila nagsusumamong dalhin siya sa pagamutan.

Ngunit walang boses na lumabas sa kanyang bibig.

Patuloy lang sa paglakad ang mga tao. Mistulang hindi nakikita si Tonyong Demonyong  naghihingalo at nagdedeliryo.

Ang mga larawang nagpa-flashback sa kanyang alaala ay unti-unting naglalaho.

Dumilim ang kanyang paligid.

Hanggang sa tuluyan na itong mawalan ng malay at ng hininga.

Anim na unday ng saksak ang kumitil sa salot ng Baranggay Malaya.

Walang suspek. Walang nais magsalita.


Thursday, May 1, 2014

Si Obama at ang bansa kong Pilipinas



Dalawang araw lang sa Pilipinas si Pres. Obama pero ang epekto niyon sa mga Pilipino malamang na higit pa sa dalawang dekada. At malamang din mayroong hidden agenda ang magkabilang panig sa pagpirma nila ng Agreement on Enhanced Defense Cooperation (AEDC), tandaang walang mapagkakasunduan kung wala silang magiging pakinabang.

Sa pagdating at pag-alis niya marami ang mainit siyang tinanggap, meron din namang nagprotesta. Kunsabagay, kahit saan namang isyu hati ang mga opinyon ng bawat Pilipino.
Pero naisip ko lang, kung simula’t sapul hindi tayo pinakialaman ng ibang bansa, ano kayang buhay meron tayo?
Sunod-sunuran pa rin kaya tayo sa Kastila?
Alipin pa rin kaya tayo ng mga Hapon?
May matatawag kaya tayong “kasarinlan”, kahit papaano?
Kakayanin kaya nating solohin ang mga sakuna/trahedya ng bansa natin?
Handa ba ang ating sandatahang lakas kung sakaling may banta galing sa labas?
At kung sakaling muling mambully ang bansang China, sino kaya ang tatakbuhan at hihingan natin ng tulong?



Nagmumura at naghuhumihiyaw ang katotohanang sa loob ng mahabang panahon hindi natin kayang yumaman at mamuhay sa sarili nating kakayanan, hindi nating kayang paunlarin ang dati na sanang maunlad na bansa natin, hindi nakasulong ng husto ang ating ekonomiya at napakakaunti ng porsiyento ng mamamayang pilipinong yumaman.
Sa halip ay lumobo sa labing-isang milyong Pilipino ngayon ang nangangamuhan sa iba’t ibang panig ng mundo, pumailanlang ang bilang ng mga walang trabaho, ang krimeng holdapan ay itinuturing na pangkaraniwan na lang at talamak ang korapsyon sa pamahalaan. Kung susuriing mabuti hindi naman nadedehado ang batas natin sa kumpara sa kahit anong bansa, napakagaganda at napakahuhusay ng batas at polisya natin ngunit hindi ito napakikinabangan ng marami. 



Nakapanghihinayang lang na sa kabila ng napakaraming aral na dapat nating natutunan sa makulay nating kasaysayan, ni hindi man lang tumimo sa ating isip at tumatak sa ating puso ang mga sakripisyo, paghihirap at pagbubuwis buhay ng ating mga bayani. Mas nangingibabaw ang kanya-kanyang sistema maging opisyal man o pribadong indibidwal kaysa pagtutulungan at bayanihan. Napakaironic na tila sa tuwing may malalang sakuna lang tayo nagkakaisa at nagdadamayan ganunpaman may mga iilang sektor pa rin ng lipunan na nagsasamantala sa trahedyang ito.



Sabi noon ni Pres. Manuel Quezon: "I would rather have a country run like hell by Filipinos than a country run like heaven by the Americans.”, tila nagdilang-anghel na nga siya. Hindi ba’t parang impyerno na nga ang kinasadlakan ng ating bansa?
Panahon pa ni Lapu-lapu, wala na tayong pagkakaisa. Ang kinilala nating mga bayani ay ipinagkanulo ng kanyang kapwa Pilipino na may makasariling adhikain na pilit binubura sa kasaysayan. Gaya ni Lapu-lapu, sina Andres Bonifacio, Hen. Gregorio Del Pilar, Diego Silang at marami pang iba ay pinaslang o isinuplong ng kapwa niya Pilipino. 



Hanggang saan ba ng ating nasyonalismo?
Iyon ba ‘yung pagtangkilik sa gawang Pilipino? Pero bakit laglag ang benta ng Philippine made na mga teknolohiya kumpara sa Korean at US gadgets? Dahil ba sa mas maganda at mas popular ang Samsung at iPhone?
Saan ba sinusukat ang pagiging makabayan? Iyon ba ‘yung pagsigaw at ipangalandakan na “I’m Proud to be Filipino!” sa tuwing mananalo si Manny o may finalist na Fil-Am sa American Idol o may dugong pinoy na sumikat sa Hollywood?  Teka, ‘yun ba talaga ang salamin ng kabuuan ng Pilipino? 



Ang tagal na nating nakawala sa tanikala ng pagiging alipin, higit na sa isang siglo pero nasaan na kaya tayo? Hanggang ngayon, nganga tayo sa mga Kanluraning bansa at pati ang mga bansa na mas maunlad pa tayo dati ay umaarangkada at iniiwan na tayo. Globally competitive na sila.
May mga sinisisi ang mananakop sa atin kaya tayo nagkaganito pero marami ring bansa ang nakaranas ng kaparehong sitwasyon at ngayo’y tumatayo at nakatayo na sa sarili nilang paa.
Hindi ba’t may Korean War?
May Vietnam War?
At devastated ang Japan noong World War II?
Tayo heto pa rin. Hikahos. Hindi nakahulagpos sa taguring third world country.
Nakadepende ba ang popularidad at paghanga sa bansa natin sa tuwing magwawagi si Manny, o ‘di kaya kay APL ng Black Eyed Peas, o kaya kay Arnel ng Journey o kay Cobunpue na dalubhasa sa paggawa ng muwebles o kay Brillante na henyo ng pelikulang pilipino? At sa mangilan-ngingilang pinoy na umaarangkada sa ibang larangan?



Mas nakatutuwa pa at nakatataas ng moral at dangal ng ating bansa
- kung sikat tayo dahil sa pagbulusok ng ekonomiya natin, hindi dahil sa OFW remittances
- kung dahil sa matinong paggamit ng pondo, hindi sa pork barrel scam,
- kung dahil sa matitibay at world class na structure at infrastructure, hindi dahil sa palpak at maanomalyang kontrata
- kung dahil sa matalinong pagpaplano at pag-improve ng transportasyon at komunikasyon hindi dahil sa malalang traffic o pila-pilang commuters ng LRT/MRT o kulelat na internet connection sa Asya.



Ang mga amerikano wala pa tayo, nandiyan na sila. May sarili silang motibo, oo. Pero sino ba ang wala? Kung ginagamit tayo nila, hindi ba’t ginagamit din natin sila (directly o indirectly).
Nakakaawa lang na hindi natin alam kung kailan tayo makakatayo ng mag-isa sa kabila ng likas-yaman ng ating karagatan, kagubatan at kabundukan.
Saka may galing, tiyaga at talino rin naman tayo ‘di ba?
‘Yon lang, kulang tayo sa disiplina.