Monday, April 14, 2014

Bayani Ang Puta (A Talaang Ginto: Makata ng Taon Entry)

Ang TALAANG GINTO: MAKATA NG TAON ay timpalak sa pagsulat ng tula na itinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ni Balagtas tuwing Ika-2 ng Abril taun-taon.

Nilalayon ng timpalak na lalo pang pasiglahin at pataasin ang uri ng panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilala sa mga batikan at baguhang talino.

Mga (Ilang) Tuntunin:

1. Bukas ang timpalak sa lahat, maliban sa mga kawani ng KWF at kanilang kaanak.

2. Ang lahok ay kailangang orihinal at nasusulat sa Filipino, hindi salin mula sa ibang wika at hindi pa nalalathala sa alinmang publikasyon. Hindi patatawarin ang sino mang nahuli at napatunayang nagkasala ng pangongopya. Kakanselahin ng KWF ang ipinagwaging lahok nito sa timpalak at hindi na muling makasasali pa sa alinmang timpalak ng KWF.

3. Ang paksa para sa Makata ng Taon 2014 ay tungkol sa kabayanihan. Tatalakayin ng tulang ipapasa ang isang malaki at makabagong problema at kung paano kikilos ang isang makabagong bayani upang lutasin ito. Ilalahok ang mga tulang may sukat at tugma na nasa antas tudlikan pataas. Ang mga taludtod ng tulang ilalahok ay hindi bababa sa apatnapung (40) taludtod, at lalagpas sa walumpung (80) taludtod.

--------
Bayani ang Puta

Habang tila may kalso ang pag-uutak
Ng mga pulitikong animo'y latak
Sa lipunang nakalugmok na at bagsak
Na patuloy pa rin nilang winawasak.

Habang wari’y huminto na sa pag-usad
At kinakapa sa dilim ang pag-unlad
Ng bayang sinasaid at sinasagad,
Patuloy ang mga sakim sa paglikwad.

Habang ligalig sa pagpapakasasa
At sa pagbabalatkayo ay bihasa
‘Di mapipigilan ang panggagahasa
Sa perlas ng silangang kanilang bansa.

Habang pinagmamalaki'y bilyong dolyar
Na reserba’t naipong yamang pang-asar
Sa kamalayan ng mangmang at iskolar;
Lantad na kasinungalingang popular.

Habang trabahong dapat sa ‘ting estado
Ay winaglit ng senado’t deputado
Dahil gigil sa pangungupit ng pondo,
Milyo’y tutungo sa pagkadesperado.

‘Di makikita ng matang nakasara
‘Di maririnig ng taingang may bara
Mga kalabisang dapat nang mabura
Dahil lunod ng pagkaganid sa pera.

Anong ilalaman sa sikmurang kalam?
Paano tatalino ang walang alam?
Anong ibabayad sa tahanang hiram?
Paano’ng karamdaman ay mapaparam?

Propesyong pagpuputa, ang sasadlakan 
Ng hindi mabilang na kababaihan
Na kapos sa mailap na kapalaran,
Supog sa katawan, marahang lilisan.

Pansamantalang lunas sa habangbuhay
Na problemang isusudlong, isusuhay
Upang makausad ang bukas at buhay,
Trabahong sa moralidad ay pagsuway

Sa mata ng malilinis at marangal
Sa bansang naligaw at umaatungal
Umano'y walang puwang sa mga banal
Ang puta na kung ituring ay kriminal.

Para sa pamilya’y handang humilata
Kunwang halinghing ‘di ipahahalata
Dahil sa dagdag-kitang para sa bata,
Batang walang ama tulad nang sa tuta.

Upang sa ospital ay may ipambayad
Walang dalawang isip na maghuhubad,
Upang sa kagutuman ay makaigtad
Walang alinlangang luluhod, tutuwad.

Maglililis upang may makapagbihis
Akusahan mang paradigma ay lihis
Hanggang ang gamlay tumila'y magtitiis
Kahit puri at sanghaya'y maibuwis.

Handang lumusong, lumublob sa putikan 
Kahit pa masumbatan at mahusgahan
Ng kapitbahay dahil sa kasalanan
Perpektong simbolo (raw) ng kahalayan.

Magpapakatanga upang may mag-aral
Gagawin ang lahat kahit maging hangal
Para sa pamilyang labis niyang mahal
Kahit lurayin pa't babuyin ang dangal.

Humihiga upang muling makabangon
Kasama ng pangarap na nakabaon
Sa lukay na pipiliting maiahon
'Wag lang magutom papaanod sa alon.

Umiiyak upang gumalak ang iba
Hahalakhak kahit puno ng pangamba
Iluluha, lahat ng takot at kaba
Itatawa, lahat ng uri ng aba

Matrikula, palit ng himas sa suso
Magpapahipo nang walang puso’t pulso
Hahalik sa mga malibog at tuso
Makikipagtalik sa ngalan ng piso.

Magpapalaway kapalit ng pagkain
Na ihahain habang dumadalangin
Nang pagtubos, pag-ahon mula sa bangin
Papatak ang luha, sa Langit titingin.

Putang sa sakripisyo ay ikinasal
Sa gitna ng pagkakasala’t kumpisal
Sa pagitan ng dusa at pagmamahal
Ay bayaning marapat na maitanghal.

 --------
Ang tulang inyong nabasa ay ang aking ipinasang lahok sa 2014 Komisyon Sa Wikang Filipino, na sa hindi malamang kadahalinan ay hindi ko alam kung ito'y naging opisyal na kasali dahil wala man lang akong natanggap na abiso ng rejection o recognition. Nalaman ko na lang na mayroon na palang nagwagi sa kanilang kompetisyon. Ganunpaman, masaya pa rin akong ibabahagi sa lahat ang isa sa 'pinakamadugo' at 'pinakamahirap' na akdang ginawa ko. 
Ang ginamit kong Antas ng Tula ay Pantigan. May labingdalawang pantig sa bawat taludtod na may kabuuang walumpung taludtod. 

Thursday, April 10, 2014

Mabuting Balita



"At ayon sa Kawikaan Talata Tres, Bersikulo 28: Huwag mong sabihin sa iyong kapuwa, Yumaon ka, at bumalik uli, at bukas ay magbibigay ako; pagka ikaw ay mayroon."

"Dahil madalas mga kapatid na ang nagbibigay ang siyang laging pinagpapala, kaya't kung ano mang blessings ang meron ka ngayon lahat ito ay galing sa itaas na marapat lang na maishare sa mga taong higit na nangangailangan nito. Hindi mo mapapansin mga kapatid na ang balik nito sa'yo ay higit pa sa pitong ulit!" si Bro. Vincent ang nagsasalita, nakatayo ito sa loob ng pampasaherong bus na biyaheng Fairview.



Humigit-kumulang labing-limang minuto na si Bro. Vincent na nagpapahayag ng mabuting balita sa mga pasaherong naririto, hawak ang bibliya sa kaliwang kamay habang ang kanyang kamay naman nito'y nakahawak sa stainless na poste ng bus, malapit sa estribo. Nakasuporta ang kanang paa nito para sa biglaang paghinto ng sasakyan. Nakapostura ng husto si Bro. Vincent, nakarosas na longsleeve na tinernuhan ng itim na pantalon at brown na leather shoes.



Pasado alas-dose na ng tanghali. Mula alas-nuwebe kaninang umaga ay pang-apat na bus na ito na kanyang binahaginan ng magandang balita. Limang beses isang linggo ay ginagawa niya ito, magmula sa kanto ng Litex Road sa Commonwealth Ave. ay mag-aabang na siya ng pampasaherong bus na biyaheng Makati. Tatantiyahin ni Bro. Vincent na tapos na ang kanyang pagpapahayag bago pa dumating ang Cubao dahil tatawid na siya pakabilang kalsada upang sumakay naman ng bus patungong Fairview at bababa naman siya ng Don Mariano.



Pagkatapos ng kanyang mahabang pagpapahayag ng mabuting balita sa mga pasahero ng bus ay mamahagi siya ng puting sobreng may nakatatak na 'LOVE OFFERING' sa mga pasaherong sakay ng bus.

Kahit halos wala ng espasyo sa loob ng bus sa tuwing rush hour sa dami ng pasaherong sakaynito, matiyaga pa rin siyang nakikisiksik upang magpahayag ng mabuting balita.

Kahit minsan ay halos ipinagtatabuyan na siya ng kundoktor ng bus na kanyang nais akyatin ay hindi siya sumusuko at ipinagkikibit-balikat niya lang ang mga ito.

Kahit tagaktak na ang katawan niya ng pawis dahil sa kasagsagan ng init ng araw ay hindi siya nagdadalawang isip na magbahagi ng mabuting balita sa mga nangangailangan nito.



Dalawang beses maghapon ginagawa ito ni Bro. Vincent, umaga hanggang tanghali at hapon hanggang sa mag-gabi. Sa pagitan ng alas siyete at alas otso ng gabi'y uuwi na siya at sa tanghali nama'y sasaglit muna siya sa bahay upang mananghalian.

Maglilimang taon na niyang gawain ito. Naging bihasa siya sa pagpapahayag ng mabuting balita nang mapadalas ang pag-attend niya sa Bible Study dalawang beses isang linggo sa kapilyang malapit sa kanilang lugar.



Dating researcher si Bro. Vincent sa isang tabloid ngunit nang tumamlay ang benta ng diyaryo dahil sa halos libreng access ng mga tao sa internet, humina na rin ang kompanyang kanyang pinapasukan. At dahil doon napilitang magbawas ng empleyado ang kanyang employer at kabilang siya sa minalas na masisante, kaunti lang ang nakuha niyang kabayaran mula sa kanyang kompanya dahil ilang taon pa lang mula ng lumipat siya dito. Sa edad niyang apatnaput-apat hirap siyang humanap ng bagong mapapasukan, paubos na rin ang perang kanyang natanggap mula sa huling kompanyang pinasukan niya nang maging aktibo siya sa bible study.



Sanay na si Bro. Vincent sa eksena sa loob ng bus sa tuwing siya'y nagpapahayag ng mabuting balita; may nagtutulog-tulugan, may patay-malisya, may nakatingin sa labas ng bintana, may mga nakasuksok na earphone sa tainga, may kunwari'y ka-text, may naglalaro ng android, may hindi tumitigil sa pagkukwentuhan, may mangilan-ngilang kunwa'y nakikinig ngunit sa kabuuan ay iilan lang ang talagang binibigyan siya ng atensyon. Sinasanay na lamang niya ang kanyang sarili sa ganung senaryo, sa loob ng limang taon manhid na rin siya sa pasaring ng ibang tao lalo na sa tuwing iaabot niya ang puting sobre sa mga pasahero.



Tulad ngayon, tila walang interes ang mga tao sa kanyang pinagsasabi pagkatapos ng labing-limang minutong pagpapahayag ng mabuting balita iilan lang kaya ang nakaintindi sa kanyang salita? Halos walang pagnanais ang mga pasahero na tanggapin ang kanyang puting sobreng kanyang inaabot. Alam na niya ang takbo ng utak ng mga tao sa bus na ito, sa hirap nga naman ng buhay ngayon mahalaga ang bawat pisong lumalabas sa kanilang bulsa bukod pa sa pagsasamantala ng mga oportunista na gagawin ang lahat kumita lang sa ngalan ng pera.



Matapos kolektahin ang mga puting sobre sa mga pasahero, isang pamamaalam at pasasalamat ang kanyang binitiwan bago bumaba: "Batid kong hindi sapat ang salitang salamat sa pagtanggap niyo ng maluwat sa akin, na sa kabila ng kaabalahan niyo'y pinatuloy niyo ako rito. At sabi nga sa Salmo Bersikulo Beinte, Talata Tres hanggang Kuwatro, Alalahanin nawa ang lahat ng iyong mga handog, at tanggapin niya ang iyong mga haing sinunog; Pagkalooban ka nawa ng nais ng iyong puso, at tuparin ang lahat ng iyong payo. Muli, maraming salamat at magandang araw sa inyong lahat, pagpalain nawa tayong lahat ng Maykapal."


Sa kanto ng Litex Road siya bumaba. Dumaan muna siya sa isang karinderya, bumili ito ng dalawang putahe ng ulam. Pagkatapos nito'y sumakay na siya ng tricycle.



"Yehey, nandiyan na si Papa! Makakakain na tayo!" tanaw ni Jewel ang ama mula sa pagbaba nito sa tricycle. Panganay na anak nina Bro. Vincent at Amy si Jewel - anim na taong gulang na ito at bunso nila si Sonny na mag-iisang taong gulang na sa susunod na buwan.



Inilapag ni Bro. Vincent ang dala-dalang pagkain, sabay halik sa asawa't mga anak. Nakahain na ang kanin sa mesa, nakahanda na rin ang apat na pirasong pinggan at mga kubyertos. Pasado ala-una na ng hapon nang makarating si Vincent sa bahay tiyak niyang gutom na ang kanyang mag-iina, mabuti na lamang at hindi gaanong trapik sa EDSA kundi'y magugutom sila ng husto.



"Kumusta?" bungad ni Amy sa asawa.



"Heto, matumal. Parang ayaw na magbigay sa love offering ng mga tao." sagot ni Vincent.



"Kung bakit naman kasi hindi ka pa maghanap ng matinong trabaho, mahirap umasa sa ganyang uri ng hanapbuhay baka dumating ang panahon na wala ka nang maiuwing pera para sa pamilya mo. Hala ka, ikaw din."



"Hindi naman siguro, hangga't nakakarinig ang mga tao ng mabubuting balita may magbibigay at magbabahagi kahit papaano ng biyaya. Hayaan mo makalipas lang ang birthday ni Sonny, mag-aapply na talaga ako ng trabaho pero hangga't wala pa akong mapapasukan, ito ang alam kong pinakamabilis na paraan para kumita ng pera. Tara, kain na tayo, gutom na rin ang mga bata. Mamayang alas-dos lalarga pa ako para dumilihensya ng pagkain natin mamayang gabi at para na rin makaipon sa birthday ng bunso natin." paanyaya ni Bro. Vincent sa asawa na halatang pagod at gutom na rin.

Tuesday, April 8, 2014

Pag-ibig, Buwan at Tag-init



Maalinsangan.
Nagpasya akong lumabas ng bahay upang magpahangin.
Minalas ko ang buwan. Kulang pa sa kalahati ang bilog nito.
Bigla kitang naalala at ang pagmamahal mo dahil tulad ng buwan, ang pag-ibig mo'y hindi husto.
Hinahanap ko rin ang mga bituing palagiang maningning. Mga bituing sana'y magpapasigla sa gabing ito na tila sumasabay sa kalungkutan ng marami.
Kabilang na ako.
Ewan ko ba. Ngunit sa dinami-dami ng mga gabing palagi silang nandiyan ngayong gabi'y ayaw nilang magpakita.
Nagkataon lang ba o ang tadhana'y nananadya?
Siguro'y mapanuya lang talaga ang mundo o kaya'y natapat na nagdadamot ngayon ang kalangitan.


Walang senyales na uulan o aambon man lang.
Katunayan, ang hangin na lumalabas sa bentilador ay mainit ang singaw parang usok na nagmumula sa bagong inin na sinaing hindi tulad ng pagtingin mong tila nawawalan na ng alab at init.
Sabi sa balita maghanda na raw sa inaasahang mataas na temperatura.
Tag-init na nga talaga. Pero bakit kaya hanggang ngayon wala ka pa? Ilang buwan na rin ng huli kang dumito.
Ano na naman kaya ang bago mong dahilan? Ganun ka naman parati. Napakahusay mong mangatwiran.
Mas mahaba na nga ang maghapon kaysa sa magdamag ngunit sa tulad kong tila panakip-butas lang sa relasyong dinadaig pa ang mga ilaw tuwing sasapit ang pasko sa pagpatay-sindi, mahaba at malamig pa rin ang darating kong mga gabi.
Maswerte nang maituturing kung sa loob ng isang buwan ay makita kita o mabisita mo ako sa kubling lugar na ito. Kahit nga tawag sa telepono hindi mo magawa. Maramot ka.
Sinasabi mo lang yata na ako'y mahal mo sa tuwing kapiling mo ako o sa tuwing ako'y kaniig mo pero sa mga panahong hindi tayo magkasama daig mo pa ang malalim na batis sa isang liblib na lalawigan. Walang imik. Walang kibo.


Tulad ng nakaraang mga gabi tiyak na malungkot na naman ang gabing ito.
Sabi mo dapat masanay na ako.
Pero 'tangina. Sino ang gustong makasanayan ang ganitong set-up?
Sinong martir ang tatagal sa ganitong klaseng relasyon?
Magpapakita ka lang kung kailan mo gusto. Para kang miyembro ng pusakal na riding in tandem na manunurpresa anumang oras ng anumang araw.
Ayokong isiping pinagpaparausan mo lang ako, ayokong isiping ginagamit mo lang ako. Ang lahat ng iyong kakulangan ay pinasisinungalingan ng aking pag-asa, pag-asang bumubuhay sa aking pangarap na tayo'y magsasama ng tahimik at habangbuhay. At gaya ng sampalataya ko sa iyong pangako, may sampalataya ako sa'yo.
Alam ko naman mahal mo ako. Ramdam ko 'yun sa tuwing nandito ka, sa tuwing namamalagi ka rito.
Pero ilang mga taon na rin pala ang binilang.
Ganoon pa rin ang mga sinasabi mo, ganoon pa rin ang mga pangako mo.
Nakabinbin ako sa kawalan samantalang ang pangarap ko nama'y patuloy na nakabitin.
- - -

Naalala ko noon, full moon. Sabi mo kung gaano kaperpekto ang bilog ng buwan ganoon din ang pag-ibig mo para sa akin, kung gaano kaganda ang liwanag na hatid nito ganoon din ang ipadarama mo sa akin.
Langit iyon para sa akin. Walang katumbas na kaligayahan.
Sa mga panahong iyon ginawa ko itong sandigan, labis-labis ang aking inasahan mula sa'yo. Ngunit gaya ng perpektong buwan, sandali lang ito nagtagal. Ilang gabi lang ang nakalipas nabawasan ang hugis ng buwan kasabay sa paglamlam ng liwanag nito.

Siguro kasalanan ko rin.
Masyado akong nagpadala sa'yo, sa mga matatamis mong mga pangako at salita. Dapat hindi ako masyadong umasa. Hindi mo naman ako masisisi, ang nais ko lang naman ay ang magmahal at mahalin. Pag-ibig ang laging nananaig sa tuwing nagpapasya akong komprontahin ka.
Ayokong sabihin na wala kang pinagkaiba sa iba dahil alam ko darating ang panahon na tutuparin mo ang lahat ng binitiwan mong mga pangako sa akin. Kahit katiting na lang ang liwanag na hatid ng iyong buwan, kahit natatabingan na ng ulap ang hugis nito; batid kong mangyayari ang lahat ng aking pinapangarap.

Sinindihan ko ang yosi.
Kahit alam kong hindi ito makakatulong sa aking mga agam-agam, kahit papaano'y makababawas ito ng aking pagkainis at pagkainip. Siguro kung mayroong dapat na magkaroon ng malubhang sakit dahil sa labis na pagyoyosi, ako na 'yun. Kung iipunin ang lahat ng mga nayosi ko simula ng ibahay mo ako rito siguro pwede na itong gawing pundasyon ng isang pangkaraniwang bahay, ganun karami. Bukod sa pagtingin ko sa kalangitan mapaaraw man o gabi, sa pagyoyosi na lang ang ako naaaliw at nalilibang.
Mabuti na rin sigurong sariling kalusugan ko na lang ang masira kaysa sirain ko ang aking bawat araw sa labis na pag-iisip at pag-alala ko sa'yo.

- - -
'Tangina talagang pagmamahal ito.
Kahit anong gawin ko hindi mawala sa aking isip na ginagago mo lang ako.
O pinaglalaruan mo lang ako pero hindi ko man lang makuhang manumbat at magtanong sa'yo. At kahit ganoon, sinasakyan ko pa rin ang tila pagkukunwari at huwad mong pag-ibig sa akin pero hindi ako sigurado. Ewan ko.
Aaminin ko, sa tuwing nalalasap ko ang sarap ng iyong laway ay nagigiyang ako para akong isang batang hinahanap-hanap ang tamis ng maruming sorbetes.
Sa tuwing dumidikit ang iyong kaselanan sa aking katawan ay nagdudulot ito ng kakaibang sensasyon sa sistema ko. Para akong baliw, para akong may sayad na nilisan ang lahat ng katinuan sa utak mapagbigyan lang ang libog at pananabik ko sa'yo.
Eh, 'tangina naman kasi.
Ano bang meron ka?
Anong meron sa pagitan ng iyong dalawang hita na hindi ko mahindian at matanggihan?
Sa tuwing hinihimod mo ang aking kaselanan kumakawala naman ang lahat ng tampo at hinagpis na nararamdaman ko para sa'yo. Sa loob lamang ilang sandali muling lalambot ang puso kong matagal na umipon ng pangamba, pag-alala at mga himutok.


Dahil sa iyong 'pag-ibig' at taglay na galing mo na aking pinakahahangaan at kinababaliwan para kang lason na dahan-dahang kumikitil ng aking
takot at lungkot,
ng inis at inip,
ng konsiyensya at awa,
ng galit at hinanakit.
ng pagkamuhi at pandidiri.

At kahit gaano pa kahaba ang gabing ito, kahit gaano pa kaalinsangan ang magdamag na ito tiyak kong isang araw ito rin ay magwawakas at matatapos.
At gaya ng aking paghihintay sa'yo at sa 'pagmamahal' mo tiyak kong isang gabi'y ikaw ay muling darating at babalik.
Muli mong pupunan ang mga gabing labis kong pinanabikan, muli mong pag-aalabin at pagniningasin ang aking gabing nakararanas ng lamig kahit sa kasagsagan ng tag-init.
- - -

Tuesday, April 1, 2014

Boses



"Ikaw naman kasi! Matagal ko ng sinasabi sa'yo na niloloko ka lang niya pero hanggang ngayon hindi ka pa rin naniniwala. Napakadali mong utuin, kaunting drama at isang 'please' lang ang katapat sa lahat ng pagiging matigas mo!" tila galit na naman ito.


"Makakatulong siguro na intindihin mo na lang ako. Oo, may pagkakataon na hindi ko na gusto ang ginagawa ko pero mas nananaig pa rin sa'kin ang pagnanais na makatulong. Unawain mo naman sana 'yun." pangangatwiran ko sa kanya.


"Oo nga na hindi masama ang tumulong pero hindi mo ba napapansin na inaabuso na ang kabaitan mo? Noong panahon na ikaw ang nangailangan ng tulong, natulungan ka ba nila? Ni hindi ka nga pinagbuksan ng pintuan kahit alam nilang umuulan sa labas. Hindi na yata kabaitan ang tawag diyan kundi katangahan!" ayaw talaga magpatalo ng aking kausap.


"Sige na, katangahan na kung katangahan! Kung ikaw ang nasa katayuan ko may magagawa ka bang iba? Makakatanggi ka ba sa kanila? Mga kamag-anak ko sila wala akong karapatang magdamot sa kanila. Naririnig mo ba ako?" tila sinabayan ko na rin ang kanyang galit.


"Pwede naman eh, ayaw mo lang talaga! Nasaan na ang lahat ng mga naipon mo mula sa pagtatrabaho mo sa Hong Kong? Magkano na ang natira sa savings mo? Minsan matuto ka namang tumanggi. Minsan hindi ito kadamutan lalo na kung obvious nang nagti-take advantage lang sila sa'yo. Nang mga panahong nangangailangan ka ng pangplacement fee 'di ba hindi man sila nag-effort na tulungan ka?" medyo iritable na ang kanyang boses.


"Ayoko nang makipagtalo sa'yo! Sigurado namang palagi kang may isasagot sa bawat katwiran ko. Pabayaan mo na lang muna ako. Ang importante nandiyan ka at hindi mo ako iniiwan katulad ng iba, doon pa lang panalo na ako. Salamat ng marami sa'yo." isinara ko na ang usapan.


Hindi ko na muling narinig ang boses niya. 
Ganun naman palagi, nagtatalo at hindi kami nagkakasundo sa ibang bagay pero sa huli kahit ayaw niya makikipagkasundo siya sa akin. Hindi tulad ng mga naaabutan ko ng tulong minsan mong tulungan lagi ka ng aasahan at 'pag tumanggi ka naman sasabihan at itsi-tsimis kang masama at madamot. 
Hindi ko na tuloy alam kung saan ako lulugar.


Mabuti na lang nandiyan palagi ang boses na nagpapaalala sa mga kalokohan at kamalian ko.


Mabuti na lang naririnig ko pa ang boses ng konsiyensya ko.