"Ikaw naman kasi! Matagal ko ng sinasabi sa'yo na niloloko ka lang
niya pero hanggang ngayon hindi ka pa rin naniniwala. Napakadali mong utuin,
kaunting drama at isang 'please' lang ang katapat sa lahat ng pagiging matigas
mo!"
tila galit na naman ito.
"Makakatulong siguro na intindihin mo na lang ako. Oo, may
pagkakataon na hindi ko na gusto ang ginagawa ko pero mas nananaig pa rin
sa'kin ang pagnanais na makatulong. Unawain mo naman sana 'yun." pangangatwiran ko sa kanya.
"Oo nga na hindi masama ang tumulong pero hindi mo ba napapansin
na inaabuso na ang kabaitan mo? Noong panahon na ikaw ang nangailangan ng
tulong, natulungan ka ba nila? Ni hindi ka nga pinagbuksan ng pintuan kahit
alam nilang umuulan sa labas. Hindi na yata kabaitan ang tawag diyan kundi
katangahan!" ayaw talaga magpatalo ng aking kausap.
"Sige na, katangahan na kung katangahan! Kung ikaw ang nasa
katayuan ko may magagawa ka bang iba? Makakatanggi ka ba sa kanila? Mga
kamag-anak ko sila wala akong karapatang magdamot sa kanila. Naririnig mo ba
ako?"
tila sinabayan ko na rin ang kanyang galit.
"Pwede naman eh, ayaw mo lang talaga! Nasaan na ang lahat ng mga
naipon mo mula sa pagtatrabaho mo sa Hong Kong? Magkano na ang natira sa
savings mo? Minsan matuto ka namang tumanggi. Minsan hindi ito kadamutan lalo
na kung obvious nang nagti-take advantage lang sila sa'yo. Nang mga panahong
nangangailangan ka ng pangplacement fee 'di ba hindi man sila nag-effort na
tulungan ka?" medyo iritable na ang kanyang boses.
"Ayoko nang makipagtalo sa'yo! Sigurado namang palagi kang may
isasagot sa bawat katwiran ko. Pabayaan mo na lang muna ako. Ang importante
nandiyan ka at hindi mo ako iniiwan katulad ng iba, doon pa lang panalo na ako.
Salamat ng marami sa'yo." isinara ko na ang usapan.
Hindi ko na muling narinig
ang boses niya.
Ganun naman palagi, nagtatalo at hindi kami nagkakasundo sa
ibang bagay pero sa huli kahit ayaw niya makikipagkasundo siya sa akin. Hindi
tulad ng mga naaabutan ko ng tulong minsan mong tulungan lagi ka ng aasahan at
'pag tumanggi ka naman sasabihan at itsi-tsimis kang masama at madamot.
Hindi
ko na tuloy alam kung saan ako lulugar.
Mabuti na lang nandiyan
palagi ang boses na nagpapaalala sa mga kalokohan at kamalian ko.
Mabuti na lang naririnig ko
pa ang boses ng konsiyensya ko.