Showing posts with label sugat. Show all posts
Showing posts with label sugat. Show all posts

Friday, June 21, 2013

Sugat (Inulit at In-edit)



Dumudugo ngunit 'di dumadaing, humahapdi ngunit 'di makahindi, tumatangis ngunit walang nakaririnig.

Kaawa-awa.

Sugatan.

Tangan ang isang sugat na tila wala nang pag-asa pang maghilom.
Walang kusang-loob na nagmamagandang-loob gayong marami ang may kakayahang ito'y gamutin. Samantalang ang nagnanais ay walang lakas,walang libog. Marami ang may kakayahang lunasan ang lumalalang sugat ngunit mas pinili ang magkibit-balikat na lang. Parati.

May sisigaw at idudulog ang nakatambad na galis at galos sa maalikabok na kalsada; nagmukha lamang tanga.
May susulat at ibubulong sa kinauukulan ang mga gunggong na may sanhi; itataboy at 'di pakikinggan.
May magbubunyag at isisiwalat ang dahilan ng mga halas; na mangmang lang naman ang nakamalas.
May boluntaryong iaabot ang medisinang paunang lunas ngunit isinantabi lang ito at ikinubli.

Manhid. Bingi. Imbalido. Baog.

Hanggang kailan dadalhin ang sugat? Sugat na namumutiktik na ang langib sa mahabang panahong walang nagmamalasakit.
Hanggang kailan mananatili ang sugat? Sugat na nawalan na ng kakayahang paghilomin ang sarili.
Hanggang kailan nakalantad ang sugat? Sugat na nakakadiri at wala ng pinagkaiba sa nabubulok na patay na hayop na nakakasulasok.

Silang mga may awa umano pero umaayuda sa pagdatal ng sakit.

Silang maasahan daw sa oras ng pangangailangan ngunit nagmamaang-maangan sa tuwing lalapitan ng awa.

Silang palaging may ngiti sa mga labi subalit daig pa ang unos sa pagiging madamot at masungit.

Silang nagsipag-aral kung papaano ang gumamot pero mas ninais magtanga-tangahan at nawiling sa kalokohan ginagamit ang napag-dalubhasaan.

Silang talos at nakikita ang kamalian pero ninais na pumikit at magbulag-bulagan at kalauna'y lalahok na rin sa kagaguhan.

Sila na magagalang tuwing ikatlong taon ngunit imbalido sa buong panahon. Ilustradong maituturing datapwa't sa estupido maihahambing.

Tayo.
Tayong nakamasid lang ang kayang gawin. Sa paghimod ng mga tarantado habang umaayuda sa hapding nararamdaman. Iiling at mapapamura nang kung ilang beses. Mga lunatikong 'di na tumulong paismid pang nilura ang kanilang nakahihindik na kamandag. Kahabag-habag.

Tayo.
Tayo na pinagmumukhang bobo at tanga. Umaasa sa wala naman. Nagrebelde, naghuramentado, naulol. Kaunti na lang ay magbibigti na sa kawalan nang pag-asa; ayaw mamasdan ang pag-baon ng panibagong punyal na kanilang itatarak sa mala-kanser na sugat.

May tuluyang lilisan at 'di na iibiging bumalik. Ayaw nang mamasid ang kalbaryo at paghihirap na dinaranas ng sugat na ang pag-asang maghilom ay halos patungo na sa pagkahulagpos. Galit na ituturan: "Sabay-sabay na kayong magpatiwakal!"

Daang-milyon pero halos walang bilang. 
Bilyong dolyar pero halos walang halaga. 
Dating henyong iskolar pero walang pakinabang. Lider-lideran pero walang matinong alam, walang silbi. 'Tangna! Pakiusap...gamutin niyo na kami! Hindi na namin kaya.

Sino ka ba? 
Sino ba sila?
Sino ba tayo?
 

Mga tagapaglingkod na maalam umano datapwat walang pakialam at hindi ito alintana, batid ng sugatan ngunit patuloy pa rin sa pag-unday sa sakit na nararanasan.
Walang puso. 
Walang kaluluwa. 
Harapan nang ninanakawan dapwa ang nais pa'y hubdan; maalis ang lahat ng saplot sa katawan hanggang sa maubos na kahit ang kapiranggot na kahihiyan. 

Ano pa ba ang kailangang nais? Hindi na nakontento sa nilikha nilang sugat nagpiga pa ng kalamansi na nagpadagdag sa sakit at hapdi. 

Ang iyong bawat sugat ay sumasalamin sa hirap na iyong dinaranas na iyong tinitiis sa mahaba-haba na ring panahon sa pag-aakalang ito'y muling maghihilom. 

Ang iyong bawat sugat ay sumisimbolo ng kawalanghiyaan ng mga taong may sanhi nito na hindi nangingiming muli kang sugatan kung mayroong pagkakataon. 

Ang iyong bawat sugat ay sumasagisag sa kagaguhan at kasakiman ng mga taong sinsasamba ang kuwarta at dinidiyos ang kapangyarihan.

Kahabag-habag na Pilipinas, sino ang lulunas sa lumalaki at lumalala mong mga sugat?

Umiiyak ang Pilipino, umiiyak ang Pilipinas, umiiyak ang langit.

Thursday, January 6, 2011

Paglimot

Kung susuriin ang "paglimot" ay isang malungkot na salita. Malungkot dahil kahulugan nito'y kailangan mong iwanan at lisanin ang alaala ng isang bagay upang makapagsimula ka nang panibagong yugto ng iyong buhay. May dalawang uri nang paglimot; ang una ay ang pagpilit sa sarili na limutin ang isang tao o bagay ang ikalawa ay ang paglimot ng hindi lubos na kagustuhan at hindi namamalayan. Nakatutuyang isipin na madalas kung sino pa ang gusto nating kalimutan iyon pa ang hindi mawaglit sa ating isipan siguro'y dahil maraming bagay ang nagpapa-alala sa kanya at ng kanyang presensiya o pagkukunwari lamang ang paglimot na ating ginagawa. Ngunit nakalulungkot din ang paglimot ng hindi natin kagustuhan ~ nagaganap ito sa mga taong hindi natin madalas makasama o makita at sa mga bagay na hindi natin gaanong pinahahalagahan. Sa isang kaibigan kung hindi mo siya madalas makasalamuha, makausap o makasama at sa dami nang pinagkakaabalahang gawain ito'y nangyayari.

Hanggang saan ba ang paglimot?
Kaya ba nating lumimot sa isang bagay na lubos na nagpapaligaya sa atin?
Kaya ba nating lumimot sa isang bagay kung ang katumbas nito’y matinding kalungkutan?
Bagamat ang kasalukuyan ay ginawa raw para kalimutan ang kahapon ako'y lubos na sumasalungat dito ~ ang kahapon ay bahagi ng ngayon at masayang alalahanin ang mga aral at masasayang naidulot nito.Datapwat kung hindi mo kayang labanan ang paglimot sa isang bagay na dapat nang limutin ikaw ang igugupo nito - igagapos ka ng nakaraan, malulubog sa kumunoy ng kahapon at maaaring humantong sa isang depresyon.

Gaano man kahalaga ang isang bagay hindi maiiwasan ang paglimot dahil hindi habang panahon na hawak natin ang anuman o sinoman at darating ang sandali na sa ayaw natin at hindi sila'y mawawala at dapat kalimutan. Masakit subalit totoo. Ang mga bagay na nagpapangiti sa'yo ngayon ang maaaring dapat mong kalimutan sa pagdating ng panahon. Kung hindi mo ito gagawin ang dating kasiyahan ay mauuwi sa kalungkutan. Hindi ka makararating sa iyong pupuntahan kung hindi mo gagawin ang unang hakbang.

Masaya ang bawat sandali. Nakapinid ang kalungkutan at animo'y walang katapusan. Musika ang bawat bitiwan niyang salita. Mahalimuyak ang samyo ng paligid. At pangarap mong matigil ang bawat oras na siya'y kapiling. Subalit mapagbiro ang tadhana ~ Siya'y lumisan at hindi mo matanggap ang dahilan. Wala ng ibang solusyon kundi ang paglimot, gagawin mo ito o matatali ka sa kahapon?

Ngunit ang paglimot ba'y kasagutan sa iyong katanungan o ito'y pansamantalang solusyon para maibsan ang kasakitan?

Makakahilom ba ito sa dinaranas mong sugat o ito’y magpapalala lang sa kasalukuyan mong sitwasyon?
Pagtakas ba ito o pagkasa sa hamon ng buhay?Pero sigurado ito'y kabawasan sa bigat na nakaatang sa'yong balikat.

Ano ba ang mas nais mo - ang ikaw'y lumilimot o ikaw ang nililimot? Walang pinag-iba. Ang ikaw ay nililimot o lumilimot ay parehong lumilikha ng sugat. Sugat sa lumilimot dahil bawat sandaling gusto mong makalimot at lisanin ang magagandang alaala ay lalong lumalalim ang pighati. Sugat sa nililimot dahil hindi mo man kagustuhan ang nangyari magdudulot ito nang pagkabagabag at pag-alala sa taong iyong nilisan, hindi mo man gustong makasakit ito ang hinihingi ng pagkakataon.

Kung sino man ang nagsabi na madali ang lumimot ay hindi pa nararanasan ang hirap nito. Madali ang magpatawad pero hindi ibig ipakahulugan nito na madaling kalimutan ang mapapait at masasayang alaala sa likod nito...


Lumipas ang panahon
Sapat na ang sampung-libong kahapon
Lahat tayo’y sa kalimot mababaon
Walang maka-aalala anuman ang ipamana
Ililipad ng hangin lahat ng gunita
Ni pangalan mo’y hindi alintana
Tulad nang iginuhit sa buhangin ng baybayin
Didilaan ng alon aanurin, buburahin
Paglimot ay magaganap ‘di man pilitin