Showing posts with label rickrolling. Show all posts
Showing posts with label rickrolling. Show all posts

Thursday, January 23, 2014

Pusong Bato - An Acrostic Poetry



An acrostic is a poem or other form of writing in which the first letter, syllable or word of each line, paragraph or other recurring feature in the text spells out a word or a message.  (Source: Wikipedia)


Dahil favorite kong kantahin sa videoke ang 'pusong bato'. Sasabihin kong 'Oo' pinagtiyagaan ko ito.

-----------------------

Hindi natin pansin o ayaw nating pansinin na tila hirap na tayo sa maraming bagay. Kaya
mo sa umpisa ngunit kalaunan mapapaisip ka rin kung may kahihinatnan ba ang pagsisikap.
Alam nating marami ng umiiral na batas sa Pilipinas, marami ring tagapagpatupad nito ngunit
dahil sa kawalan ng disiplina ng marami nagreresulta ito sa suliranin. Kabilang man  
sa pinakamayaman o pinakamahirap. Pedestrian, pedicab o jeepney driver, na naghahatid sa
iyo patungo sa pinapasukan mong kompanya. Garapalan ang paglabag sa batas-trapiko.
Ako o ikaw ay bahagi ng ganitong sistema mas pansin lang kasi natin ang mali ng iba. Tayo
ay bahagi ng bansa, Mali ng marami ay sumasalamin sa ating pagkatao sa mata ng banyaga.
Hindi ang pag-away sa driver na sumalubong ang lulutas sa sistema naghahanap lang siya ng
makakain iyon ang madalas nilang katwiran. Pero kahit anong isip mo o kahit anong katwiran
hindi dapat gawing alibi ‘ang pagiging mahirap’ para lang makalusot sa batas kung ganoon
rin lang ang katwiran natin disinsana'y may karapatan ang mayorya na lumabag sa batas.
Makatulog ka kaya ng mahimbing kung ang ipinapakain mo sa pamilya mo'y galing sa mali?
Buhat ng magkamalay ako alam ko na ‘di madaling umasenso bukod sa sipag kailangan din
ng impluwensiya. Maraming kwalipikado pero kung wala kang kapit sa itaas ang lahat ng
iyong pagsisikap at pagpupursigi ay walang silbi. Matapat ka pero 'di ito lisensya para 'di ka
lokohin ng iyong kapwa. Para saan? Sa kapirasong piso? O sa piraso ng pangarap? Tsk. Tsk.
Kung nabubuhay lang siguro ang mga sinaunang bayani natin higit silang manghihinayang.
Ako ay bahagi ng sistema ngunit handang magsakripisyo para sa kapakanan ng marami. Ikaw
ay may sariling pagpapasya, maliit na kontribusyon mo'y malaki sana ang maidudulot.
Muling makikilala ang Pilipinas hindi dahil sa negatibong konotasyon kundi positibo. Muling
iibig ang pilipino sa Pilipinas,‘di na niya itatatwa ang kanyang lahi,‘di na siya magpapaalipin
sana sa ibang lahi. Noong dekada 70 may panawagan si Pangulong Marcos na ang disiplina
ay kailangan sa pag-unlad ng isang bayan. Pagkatapos ng ilang dekada, ang disiplinang ito ay
hindi pa rin natin maisakatuparan. Masyado nang garapal ang kanya-kanyang sistema na
maging tayo ay unti-unting nilalamon nito. Hindi ko tuloy maiwasan na maihambing na
katulad na tayo ng mga hayop sa gubat na sasagpangin ang kapwa niya hayop upang tulad
mo at ng maraming iba pa ay madugtungan ang buhay. Habang ang iba ay umaasenso na;
tulad ng Singapore, Hong Kong, Korea at iba pa heto pinagtitiyagaan, niyayakap, sinisikmura
mo,  ako, natin ang nakahaing programa ng pamahalaan na “concerned”  sa bawat kapakanan
na may kaugnayan sa pag-asenso at pag-unlad. Ngunit iilan lang ba ang naniniwala sa kanila?
May naniniwala pa ba sa kanila? Relihiyoso tayo pero hinahanap ko ang mapagmahal at
pusong pilipinong handang kumalinga sa kanyang kapwa. ‘Di ko inasam na magkaroon ng
bato na monumento tulad ng kay Bonifacio pero umaasam ako ng mabuti at maunlad na Pilipinas.