Showing posts with label paalam. Show all posts
Showing posts with label paalam. Show all posts

Tuesday, March 4, 2014

Hangganan (Para sa Mga Kaibigang Lilisan)



May mga taong darating na mag-iiwan ng alaala.
Parang pilat na mag-iiwan ng bakas.
May biglang aalis at hindi na makukuhang magpaalam.
May magtatagal, ngunit lilisanin ka pa rin.

Kahit anong pakiusap.


Mga taong dadaan sa 'ting buhay, minsan may layunin maaari ring wala.
Kadalasan may dahilan kung bakit sila naging bahagi ng iyong nakaraan, may dahilan din ang kanilang paglisan pero hindi mo naman talaga alam kung ano, mapipilitang tanggapin na lang.
Ngunit kahit anong gawin maapektuhan ka pa rin.

Kahit magpakatatag.


Para maiwasang masaktan o magkasakitan, hindi na lang papansinin.
Pipilitin ang sarili na iwaksi ang nagbabantang hinagpis na may kalakip na tampo sa daigdig at walang katapusang tanong na ‘bakit’.
Minamanhid ang isip ngunit hindi ang damdamin.

Kahit magbalatkayo.


Kung gaano kalalim ang samahang namagitan at nagbuklod sa sinuman, iyon din ang lalim na maghahatid sa pagkalunod ng pagkasabik at lungkot sa sandaling sumapit ang hiwalayan.

Masakit ang salitang 'Paalam' lalo't galing sa kapilas ng iyong katauhan, nagmula sa ikatlong bahagi ng kabuuan ng isang maghapon at magdamag.
Ngunit higit itong masakit kung patuloy na igagapos ang sarili sa alaala ng mapaglaro at pilyong nakaraan.

Kahit pasubalian.


Mag-iipon ng lakas saka titingin sa Langit.

Babasagin ang katahimikan saka uusal ng dalangin.

Bubuntong-hininga saka muling iiling.


Tatangkaing iwan lahat ng naipong alaala kasama ng gunitang nagpasayaw sa saliw ng palihim na mga ngisi at hagikgik.

Susubuking limutin ang tunog ng malulutong na mga halakhak na minsa'y naging musikang lumikha ng awit sa mga puso at labi.

Pipiliting lumakad nang mag-isa at wawaglitin ang lahat ng natutunang ritmo at indayog ng mga bulong at sikreto na sa mahabang panahon ay matagumpay na naikubli.

Lahat ng mga ito, di maglalaon ay patungo sa pagluluksa gaya ng pagkubli ng araw sa tuwing sasapit ang gabi, gaya ng pagkubkob ng dilim sa tuwing sisikat ang buwan.

Bahagya na lang ang malalabing liwanag.


Sa huling pagtatagpo ng mata...

Sa huling pagbanggit ng korning patawa…

Sa huling paglikha ng alaala...

May mga luhang papatak.

Kahit pa ikubli, kahit pa pigilan.


Bagama’t hindi sasapat ang salitang ‘salamat’ sa lahat ng masasayang sandaling pinagsaluhan, sa higit isang dekadang walang pagkukunwari, sa paggapi at pag-apula sa ningas ng pighati, ‘di pa rin maiiwasang mamutawi ang katagang ‘Salamat’.

Salamat dahil minsan tayo ay naging tunay na magkaibigan.


Paalam, ito na marahil ang hangganan.




Monday, April 29, 2013

Unang ulan ng Mayo



Naririnig kong pumapatak ang ulan. Dahan-dahan.
Naririnig ko ring may tumatakbong isang paslit sa gitna ng ulan. Walang pakialam, walang pagsidlan ang kasiyahan.
Masaya ba siya dahil umuulan o masaya siya dahil siya'y naglilibang?
Sa pagtila kaya ng ulan ay titila rin ang kanyang pagtawa?
Alam kaya niya na ang kahulugan ng ulan ay ang sandaling paghalik at pagtatagpo ng langit at ng lupa?
* * *
Tulad mo'y isang ulan na iglap na dumating at iglap ding lilisan.
Sa panahong kailangan kong magtampisaw, ikaw ay naroon. Naglibang at naputikan ngunit katulad ng isang paslit; walang pakialam.
Sa panahong nais kong mabasa gamit ang tubig na galing sa iyong ulap, higit pa sa tubig ang iyong ibinigay. Mas lamang ang pagkasiya sa tuwing ikaw ay bumubuhos kahit alam kong ikaw ay isang panandalian; pilit ko pa rin itong itinanggi.
Pinatid mo ng iyong ulan ang uhaw kong panaginip, hindi ka nagdamot at hinayaan akong magtampisaw sa iyong bawat patak at tilamsik.
Ang bawat anggi at ihip ng iyong hangin ay nagdulot sa akin ng kakaibang ritmo ng musika na aking inawit at sinayawan.
Hinalikan mo ng iyong tubig ang lupang natuyot ng balat-kayo at pagkukunwari.
Kung maari lang sanang hindi ka na tumila, kung maari lang sanang hindi ka na tumigil, kung maari lang sanang hindi ka na lumisan. Ngunit nakalulungkot na hindi ito ang itinakda.

Tulad ng sa ulan, ikaw ay lilisan at kasabay mong lilisan ang kapilas ng aking kasiyahan na hindi kayang tumbasan ng anumang libangan. Nalulunod ako sa tuwing ikaw ay bumubuhos ngunit nais ko pang ilublob ang aking sarili upang mabatid ko pa kung gaano ito kalalim.
Gaya ng sa ulan, ikaw ay titila at kasunod din nito ang pagtila ng kakaibang ngiting iyong idinulot sa noo'y nagulumihanan kong pag-iisip. Kaligayahan ang hatid ng iyong bawat patak at kahit batid ko nang ito'y titigil hindi ko pa rin hinanda ang aking sarili, 'di nagpapigil.

Ngunit...
Paano ba ihahanda ang sarili sa kalungkutan?
Paano ba itatakwil ang kaligayahan?
Paano ba pagtaksilan ang kasiyahan?
Ah, siguro'y ayoko pang magpasagip, ayoko pang umahon. Kung kasalanan ang lumangoy sa iyong tubig hayaan mo nang tuluyan akong malunod at kagyat na mahusgahan ng Langit.

Sa iyong paglisan, aalalahanin ko ang iyong tinig na minsa'y naglagay ng ngiti sa nagtatanong kong nakaraan. Gagawin kong sandigan ang iyong positibong pananaw sa buhay at 'di kailanman marunong magalit. Tatawa ako kasama ng iyong mga tawa at halakhak na ngayo'y isa na lamang pangarap. Babaunin ko ang kislap ng iyong ngiti na minsa'y naging inspirasyon ng aking panaginip.
Isa kang panaginip na naging totoo at bumalik sa pagiging panaginip.
Ayoko sabihing madamot ang tadhana kahit saglit ka lang niyang ibinigay sa akin.
Ayoko sabihing sinungaling ang mundo kahit minsan ka lang naging katotohanan.
Ayoko sabihing pinagkaitan ako ng pagkakataon kahit sandali lang nang tayo'y pinagtagpo.

Totoo palang masaya ang mundo at higit pa itong sumaya nang minsa'y sinamahan mo akong hakbangin at lakbayin ang isang landas patungo sa kasiyahan. Hindi ko na itatanong kung bakit sa isang kisap lang ikaw ay maglalaho dahil mas nararapat ang isang pasasalamat kaysa anumang panunumbat. Minsan ko na ring sinabi, na sa ating buhay ay may pagkakataong hindi sasapat ang salitang SALAMAT para masuklian ang lahat ng buti at kasiyahang idinulot sa atin ng isang tao. At ikaw, ay higit pa sa isang salamat lang. Higit pa sa iniisip ko noon, higit pa sa inaakala ko dati, higit pa sa isang panaginip ko ngayon.

Kung lahat ng bagay ay may dahilan, ikaw ang aking dahilan.
Kung lahat ng bagay ay may kasagutan, ikaw ang aking kasagutan.
Kung lahat ng bagay ay may katapusan, haharapin ko ito nang may paggalang.
Maraming salamat at hanggang sa muli.
* * *
Naririnig kong pumapatak ang ulan. Dahan-dahan.
Isa akong paslit na nagtatakbo sa gitna ng ulan. Walang pakialam, walang pagsidlan ang kasiyahan.
Masaya ako dahil umuulan hindi dahil sa ako'y naglilibang.
At sa pagtila ng ulan ay titila na rin ang aking pagtawa.
At sa iyo ko nalaman na ang kahulugan pala ng ulan ay ang sandaling paghalik at pagtatagpo ng langit at ng lupa.

Oo, ako 'yung paslit at ikaw ang aking ulan.


Monday, March 11, 2013

Alaala




Hindi sasapat ang lahat ng inipon mong alaala para maibsan ang lungkot na aking nadarama. Hindi sasapat na gunitain lamang ang iyong mga ngiti para mabawasan ang pighating naghahari. Lumisan ka at ang lahat ng ating mga panaginip at pangarap ay naiwan ding naghahanap ng kalinga. Kung maibabalik lang sana ang lumipas na panahon pipiliin kong sulitin ang bawat oras na ikaw ay kasama.

Malungkot nang mawala ka pero mas malungkot ang katotohanan na sinayang ko lang ang aking oras sa walang kapararakang bagay habang ikaw ay tinatanong ang aking presensiya at sa panahong pangalan ko ang iyong hinahanap. Hindi ko na maibabalik ang lahat, hindi na kita makikita. Pilitin ko mang kumbinsihin ang aking sarili na 'di na kailanman kita muling mahahawakan, makakausap at makakasama ngunit anumang pagtanggi ay lalo lang sumisidhi ang aking pananabik sa iyo.

Ang iyong mga ngiti ang aking babaunin sa tuwing akin kitang aalalahanin.
Ang iyong mga luha ang gagawin kong sandigan sa pagsubok ng buhay.
Ang iyong mga tawa ang maririnig para agad na lumisan ang lungkot ang nadarama.
Ang iyong mga tinig ang makakapagpakalma sa tuwing ako'y nangungulila.
Ang iyong mga pangarap ang magsisilbing inspirasyon sa pag-inog ng mundo.

Kasama mong umalis ang kapilas ng aking sarili, gusto kong itanong kung BAKIT? Ngunit ako ba may karapatan? Bakit ganito? Bakit ganoon? Bakit ngayon?
Mas marami ang katanungan kaysa kasagutan, mas marami ang paghikbi kaysa pagngiti, mas marami ang luha kaysa sa tawa. Mas matagal ang mga gabi kaysa sa umaga. Wala akong karapatan para ilatag ang aking mga katanungan ngunit gusto ko pa ring itanong kung "Bakit ikaw" samantalang napakarami ang mas dapat na masupil ang kabuktutan, mas higit sa atin ang hinahasik na kasalanan at walang kaluluwang hindi marunong mahabag.
Patawarin ako ng langit sa aking kapangahasan.

Gusto kitang yapusin at ikulong sa aking mga bisig ngunit para saan pa gayong lahat ay huli na; yayapusin kita nang parang walang katapusan ituturing kong ito na ang pinakamahalagang alaala magaganap sa buhay, susulitin bawat minuto na ikaw ang ang kasama ko.

Gusto kitang hagkan at lunurin ng aking pagmamahal ngunit para saan pa ngayong wala ka na; hahagkan kita nang para akong isang baliw pupupugin kita ng pagmamahal at ibubuhos ang nalalabing segundo hanggang sa ikaw ay kanilang agawin sa akin.

Gusto kitang masdan at makasama sa buong maghapon at magdamag ngunit para saan pa hindi na kita masisilayan pa; muling sasariwain ang panahong tayo'y walang pakialam sa pag-usad ng oras, winawaldas ito ng malulutong na tawanan at walang sawang halakhakan.

Ang lahat ng bagay ay may dahilan pero sa kalagayan kong ito hindi ako makaisip kahit isa man lang na kadahilanan kung bakit nangyari ito, hindi ko maintindihan ang pagsubok na ganito, hindi ko batid kung ano ang kahalagahan nito sa buhay ko?

Kung may isang kahilingang kaagad na matutupad o pakiusap na dapat idulog; akoy maglalakas-loob na lalapit kay Bro at sasabihin sa kanya:
Maari bang hiramin kita sa Langit?