Showing posts with label katarungan. Show all posts
Showing posts with label katarungan. Show all posts

Monday, April 27, 2015

Déjà Vu



Kagyat na tumanyag at nawindang
ang Pilipinas, dalawampung taon
na ang nakararaan
hindi dahil sa lider na disiplinaryan,
o matitikas na kanyang mga batas.
‘Di dahil sa pag-usbong ng kaunlaran,
o sa pag-usad ng bansa
sa larangan ng medisina,
teknolohiya o ng agham,
kundi dahil sa isang “bagong bayani”
na kikitlin ang buhay sa
teritoryo ng dayuhan.


Dalawampung taon na ang nakararaan
nang bitayin si Flor, hindi dahil
sa brutal na kasalanan
o sa pag-alagwa ng kanyang sanidad
sa kabila ng kahirapan,
hindi dahil sa pagpaslang ng
kanyang kaawa-awang kababayan
o ng paslit na isinakripisyo
upang siya’y mahusgahan.
Binitay si Flor dahil sa paghahanap
ng mailap na kaunlarang
‘di niya mahagilap sa bansang
kanyang kinamulatan.  


Nahimlay si Flor na patuloy
na nananawagan sa katarungang
ipinagkait ng pamahalaang
araw-araw ay manhid at inutil
sa iyak at sigaw ng
kanyang kababayan.
- - - - -

 

Muling tumanyag at nawindang
ang Pilipinas, makalipas ang
dalawampung taon,
‘di dahil sa mga suwail at sutil
na mga “disiplinaryan”,
o sa binabalahura at binabarubal
na matitikas na mga batas,
‘di dahil sa nabalahong kaunlaran,
o sa ‘di sa pag-usad ng bansa
sa larangan ng medisina,
teknolohiya o ng agham,
kundi dahil isang “bagong bayani”
na nahatulang kitlin ang buhay
sa teritoryo ng dayuhan.

 
Dalawampung taon (muli) ang nakalipas
nang mahushagan ng
kamatayan si Mary Jane,
hindi dahil sa brutal na kasalanan,
o sa pag-alagwa ng kanyang
sanidad sa kabila ng kahirapan,
hindi dahil sa pagbitbit ng
drogang ipinanggatong sa apoy
ng kawalang katarungan
o ng pagngasab sa kakarampot 
na barya upang maibsan ang kagutuman.
Kundi dahil sa paghahanap
ng mailap na kaunlarang
‘di niya mahagilap sa bansang
kanyang kinamulatan.  



Hinatulan si  Mary Jane na patuloy
na nananawagan ng katarungang
ipinagkait ng pamahalaang araw-araw
ay manhid at inutil sa iyak at sigaw ng
kanyang kababayan.
(Bagong Bayani man o nasa sariling bayan)

Saturday, January 5, 2013

Ligaw na Bala



Gabi ng Disyembre 31. Nabalot ng lungkot ang dapat sana'y masayang pagsalubong at pagdiriwang ng Bagong Taon nang magmula sa kalangitan ay may balang ligaw na sumapul at kumitil sa inosenteng anghel na si Stephanie Nicole Ella. Sa isang isang iglap ay may ninakawan at pinagkaitan ng pag-asa, ng pangarap, ng kinabukasan at ng buhay...ng isang walang puso, hindi kilala at walang mukhang salarin.

Habang may isang demonyong nakangisi at nagsasaya dulot ng kanyang walang pakundangang pagpapaputok ng baril, may isa namang pamilya na ngayo'y dumaranas ng matinding kadalamhatian. Tumatangis at nagtatanong sa langit.
Habang may isang tarantadong humihiram ng huwad na kasiyahan sa tunog ng kanyang palalong baril, isang palahaw ng iyak ang umalingawngaw mula sa amang nagugulimihanan sa sinapit ng kanyang anak. Humahagulgol at nagtatanong ng "Bakit?"
Habang may isang mayabang na nakatindig sa kanyang kagaguhan at kairesponsablehan, may isa namang batang humandusay at kinitilan ng pag-asang mabuhay. Na ngayo'y kumakatok sa pintuan ng Langit.

Paano natin makuhang magsaya gayong alam nating anumang sandali ay mahahagip tayo at sinuman sa ating mga anak ng ligaw na bala?
Paano magsasaya at magdiriwang ang pamilya ng biktima na naiwan kung sa umpisa pa lang ng taon ay isang malagim na trahedya ang sa kanila'y sumalubong?
Paano naatim ng ibang taong magpaputok ng kanilang baril gayong alam nilang maaari itong kumitil ng buhay at pangarap?
Sa papaanong paraan sila nakakakuha ng kaligayahan kung ang umalagwang mga bala ay tutugis sa mga inosenteng nais lamang ay sumaya at magmasid?

Taon-taon. Paulit-ulit ang panawagan na huwag magpapaputok ng baril sa selebrasyon at pagsalubong ng bagong taon. Ano ba ang mapapala natin dito? Hindi hamak na mas malakas pa ang putok ng isang 5 star kaysa sa putok ng 9mm o kalibre 45 pero sadyang hindi maawat ang ubod ng yabang na may tangan ng baril. Hindi ko makuha ang lohika at dahilan sa likod ng walang habas na pagpapaputok ng baril sa tuwing bagong taon sa kabila nang pagkakaalam nila na posibleng may madisgrasya sa ganitong kairesponsablehan. Tangina. Kayabangan lang ba ang iyong dahilan para gawin mo ito? Ngayong nagawa mo na ito, nalubos ba ang kasayahan mo? Sagad ba sa tuwa ang naramdaman mo nang sumahimpapawid ang mga punglong iyong inutusang lumipad? Hintayin mo ang ganti at galit ng Langit.

Sana sa susunod na taon ikaw na mismo ang tamaan ng sarili mong punglo, itutok at iputok mo ito sa iyong sentido, hindi ito maligaw at tumagos sa iyong katawang may sanib ng kahambugan at nang maramdaman mo ang sakit, hapdi at init na unti-unting bumabaon sa iyong walang silbing kalamnan. Walang puwang ang tulad mo sa mundong naghahanap ng katiwasayan at kapayapaan.
Natupad na ang gusto mong magpaputok ng baril, nabawasan pa ang isang taong tulad mo na halang ang kaluluwa.

Hindi sapat ang salitang IRESPONSABLE para iuri ang mga ganitong tao. Sila'y mga pusakal na kriminal na walang awa at walang kaluluwa na walang iniisip kundi ang sariling pagkasiya. Alam ba nila na sila'y nagnakaw na ng buhay? Hindi, dahil wala silang pakialam. Hindi ba sila naaawa sa pamilyang iiwanan ng inosenteng kanilang mabibiktima? Hindi, dahil inosente rin ang tingin nila sa kanilang mga sarili.

Sana habang itinututok at ipinuputok nila ang kanilang baril sa langit, isipin nilang baka matamaan at mahagip ng bala nila ang kanilang mga anak o mahal sa buhay. Sana maisip nila na sa bawat balang kanilang pinakakawalan katumbas din ito ng isang buhay na kanilang uutangin. Kung may natitira ka pang konsensya at bait sa iyong katawan sana ay sumuko ka  na upang mapagsisihan at mabigyang katarungan ang isang imortal na kasalanan.
Sana hindi lang ito isang sensesyonal at kontrobersyal na balita na pinagpiyestahan at sinakyan ng mga pulitiko at media.
Sana ito na ang huling balitang may tinamaan ng ligaw na bala na may kaugnayan sa pagdiriwang ng isang masayang bagong taon.