Showing posts with label kamalian. Show all posts
Showing posts with label kamalian. Show all posts

Tuesday, December 4, 2012

Perpekto




Walang perpekto.
Kahit ang literal na mundong ating ginagalawan ay hindi perpektong bilog. At kung tinatangka mong maging perpekto ay tinatangka mong maging diyos. Lahat tayo ay may limitasyon, lahat tayo ay may hangganan. Kung may nakikita kang magagandang katangian sa ibang tao na wala sa iyo mayroon ka namang ibang katangian na hindi taglay ng iba. Hindi porke ang isang tao ay may magandang mukha wala na itong kapintasan at kahit may taglay pa itong hindi mabilang na kayamanan may pagkakataon na malulungkot pa rin ito. Maaring mas madali ang buhay ng iba kumpara sa iyo pero hindi ibig sabihin nito na masalimuot na ang buhay mo. Lahat tayo ay may kanya-kanyang katangian, kagandahan, biyaya, talento at kakayahan pero kung masyado mong itinutuon ang magagandang katangian, kagandahan, biyaya, talento at kakayahan ng ibang tao at hindi mo pinagyayaman, pinahahalagahan o nililinang ang mga ipinagkaloob sa'yo higit na malaki ang mawawala sa'yo. Papasukan ka ng inggit at hindi mo na mapapansin ang lahat nang biyayang nasa sa iyo dahil abala ka sa pagbibilang nang biyaya ng ibang tao.

Walang perpekto.
Ngunit hindi ito dahilan para gumawa ng paulit-ulit na kasalanan. Katwirang walang katuturan. Dahilang higit pa sa kamangmangan. Kailan pa dapat naging dahilan ang "hindi perpekto" para gumawa ng kagaguhan?
Kahit ipamukha mo sa mga tao kung gaano ka kakinis, kaganda, kalinis o kayaman alam mo sa sarili mong ikinukubli mo lang ang iyong kapintasan. Lahat ay may kanya-kanyang kadiliman kung sinuman ang wala nito siya lang ang taas-noong magmalaki sa taglay niyang kagandahan.
Lahat ay may kahinaan, lahat ay may kakulangan. Ang iba ay may kapansanan, marami ang may insecurities, marami ang mahina sa ingles, marami ang palpak sa grammar, ang iba naman'y hindi maperpekto ang paggamit ng salitang "ng" at "nang". Kung palagi mong hahanapan ng kapintasan ang bawat tao o kukutyain ang bawat ginagawa ng indibidwal at hindi mo man lang nakikita ang merito ng kanyang mabuting nagawa o layon, ikaw na ang perpekto at magbunyi. Teka, ano ba ang napala mo dito?

Walang perpekto.
Kahit na halos isampal mo sa mga tao ang taglay mong katalinuhan; ang mga napagtagumpayan sa pinasukang unibersidad, mga pagsusulit na hindi malampasan o lisensyang iginawad para ikaw ay maging propesyonal hindi nito maitatago ang iyong kamangmangan sa ibang bagay. Minsan ka ring naging tanga bago ka naging dalubhasa kaya't wala kang karapatang husgahan ang mga taong nag-uumpisa pa lang aralin ang iyong napag-aralan at kung hindi man nila makamit o makalahati man lang iyong naabot hindi pa rin katumbas nito ang kaperpektuhan. Hindi mo kailangang maging henyo para maging matalino pero hindi mo kailangang matalino para maging matinong tao at hindi mo kailangang maging perpekto para gawin ito.
Kahit gaano pa kataas ang posisyon mo sa trabaho hindi ito karapatan para maliitin ang nakabababa sa'yo. Batid mo ngang hindi ka perperkto pero umaakto kang isang perpekto na para kang hindi nagkakamali. At ang mga taong nakapailalim sa iyo ay halos tumiklop sa kahihiyan sa tuwing sila'y ipinapahiya sa nagawang pagkakamali.

Ang katotohanan, hindi naman natin kailangang maging perpekto para tanggapin ka ng mga tao, hindi natin kailangang maging perpekto para ikaw ay respeto o hangaan at hindi natin kailangang maging perpekto para pahalagahan ka ng mga tao. Sasapat na ang magandang pakikisama, ang mahusay na pakikitungo at hindi pagpapanggap na kung sino ka. Kung ano ang trato mo sa mga tao 'yun din ang ibabalik nila sa'yo. Aminin ang pagkakamali at 'wag ikahiya ang pagkakadapa; ang pagkakadapa ay bahagi ng buhay at ito ang magpapatatag sa mga paa nating minsang naging lampa. Ang pagkakamali ay minsang hindi maiiwasan at ito ang ating magiging gabay sa paggawa ng nararapat. Ang hindi natin pagiging perpekto ang nagpapaalala sa atin na mayroong nakahihigit kaysa sa atin.

Sa kabilang banda hindi naman masama ang pagiging perfectionist ngunit ito'y hindi aplikable sa ating mismong buhay dahil kahit na anong gawin mong pag-iingat hindi mo kailanman maiiwasan ang pagkakamali. Kadalasan ang mga perfectionist na ito ang higit na may kakulangan sa buhay at dahil sa pagiging perfectionist nila mas nadadagdagan ang kanilang pagkainis at pagkabagot kung hindi nasusunod o natutupad ang nais nilang gawin at mangyari. Kung ikaw ay perfectionist at gusto mong i-apply ito sa ibang tao 'wag mong asahang lahat ay kayang sumunod dito dahil lahat nga tayo ay may hangganan at kapasidad kahit perpekto pa ang iyong motibasyon. Hindi rin masama ang kritisismo kung ang obhektibo mo'y positibo at layon mong itama ang ilang detalye ng pagkakamali, ang masama ay kung ang kritisismo mo'y may bahid ng pang-aalipusta at pati ang katauhan ng iyong pinuna ay iyo nang hinusgahan nang parang isang kriminal.

Anuman ang napagtagumpayan mong karangalan hindi katumbas nito ang pagiging perpekto mo sa buhay hangga't maari panatiliing nakaapak ang paa mo sa lupa, kung 'di maiiwasan tumingkayad ka para malaman nilang may angas ka rin pero dapat hindi ka na lalampas doon dahil walang pumaimbulog na hindi nahulog. Sinumang tao na labis ang pagpupursigi na maging perpekto ay mas lalong nagiging katawa-tawa dahil mas lalo lang napapansin ang kanyang mga kahinaan at kakulangan na pilit niyang pinagtatakpan. Tayo ay nabubuhay hindi upang maging perpekto kundi upang matuto sa bawat kamalian, hindi mo kailangang laging makipagkumpetensiya dahil mas madali ang buhay kung walang magdidikta sa bawat gagawin mo. Piliting maging payak, maging ikaw at huwag magbalat-kayo sa palamuting binili ng kung ilang libo o sa posisyong ipinahiram lang sa'yo.

Huwag matakot magkamali dahil hindi mo mailalagay sa tama ang lahat kung hindi mangyayari sa'yo ito, hindi ka lubos na makakausad kung minsan kang nagkamali at ayaw mo nang lumaban at magpatuloy. Mabilis lang ang oras, kung kaperpektuhan ng buhay at ng mundo ang iyong hinahanap hindi mo ito makikita dahil lahat ay may bahid, walang hindi. Nagkamali at pumalpak ang lahat ng matatagumpay bago nila narating kung ano ang kinahinatnan nila ngayon kabilang na diyan ang pinakamayayamang negosyante at mga tao sa mundo.

Walang perpekto. 
Katulad ng ating buhay hindi araw-araw pasko, hindi araw-araw piyesta mayroon ding pagtitika at minsan kailangan nating magpunta sa pagamutan para gamutin ang ating karamdaman. Kung hindi mo kaya ang isang problema, okay lang na umiyak humingi ka ng tulong at kung wala naman ‘wag pigilan ang sariling tumawa at humalakhak. Bakit kinakailangang magmukmok kung hindi naman kailangan? Bakit kinakailangang magpasikat para lang papurihan? Bakit kinakailangang magmagaling kung pakitang tao lang?
Minsan babaan mo ang standard mo sa buhay dahil ito ang nagpapakomplikado ng iyong mundo, tanggapin mo lang na maluwag na ang buhay ay talagang may kulang at gawing simple ang ibang hindi naman ganoon kakomplikado. Walang perpektong tao pero may perpektong pang-unawa tanggapin ang mo ang nakaraan, ang kamalian at kakulangan. Magpatawad sa mga taong humihingi nito, unawain ang mundo, unawain ang tao kasama nang lahat ng kanyang kamalian. 'Pag nagawa mo ito, ang mundo ay nginigiting kasama mo.

Tuesday, April 10, 2012

Pinuta


Puta kung ako'y inyong bansagan.

Puta na...

Kailangang tumihaya upang may mapasaya.

Kailangang magpahipo upang may maiuwing piso.

Kailangang magpahalik upang parokyano'y bumalik.

Kailangang magpahimod upang may pambili ng gamot.

Kailangang makilaro upang makabili ng laruan.

Kailangang magbenta ng laman upang makatikim ng karne.

Kailangang tumuwad upang may pang-lakad.

Kailangang maging tanga upang may makapag-aral.

Kailangang magtiis upang may makapagbihis.

Kailangang magpahimas upang makabili ng bigas.

Kailangang humilata upang muling makabangon.

Kailangang lumusong sa pag-asang makaahon.

Kailangang magpasuso upang may makadede.

Kailangang may makatalik upang madugtungan ang buhay.

Kailangang magbigay aliw upang pamilya'y maaliw.

Kailangang maging manhid upang gutom ay mapatid.

Kailangang humiga upang makatindig.

Kailangang magpahigop upang may mahigop.

Kailangang lumuha upang may lumigaya.

Kailangang umiyak para sa inaasahang galak.

Kailangang maging mali upang may mamuhay ng tama.

Kailangang maghubad upang may maisuot.

Kailangang magpatira upang may pang-upa.

Kailangang magpakain upang may makain.

Dahil ako'y isang puta.

Pinuta ng kahirapan, pinuta ng maling sistema.

Tuesday, October 25, 2011

Ang Gulo Mo!


“If you have to choose between two evil choose the lesser one”, palagi kong naririnig ‘yan sa mga taong magagaling magpayo pero kung tutuusin parang wala ka namang choice na matino ditto. Halimbawa na lang noong panahon ng malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng Bulacan at Pampanga sa kasagsagan ng bagyong Pedring at Quiel; kailangan daw magpakawala ng tubig ang mga Dam para din sa kapakanan ng mamamayan dahil mas malalang trahedya kung ito’y mago-overflow. Resulta: Bilyong pisong lugi sa agrilultura, libong katao ang nawalan ng tahanan, daang-milyong pisong halaga ng ari-arian ang nasira at may tala rin ng mga namatay. Ito ba ‘yung lesser evil? Kailangan bang may dumating na dalawang demonyo tapos mamimili tayo sa kanila? Eh bakit hindi magpakawala ng tubig ng unti-unti noong panahon ng tag-araw at mas kaunti ang panganib? Nanghihinayang ba sila sa matatapong tubig? Paatras ba tayo magdesisyon at mag-isip?
Hindi ako matalinong tao at lalong hindi ako nagmamagaling nais ko lamang ay magtanong pero ang sabi naman ang batang matanong ay sensyales ng pagiging matalino. Bakit, ‘pag nagkaedad ba at matanong pa rin ay bobo na? Ang gulo!

Hindi lingid sa lahat na dumarami ang nag-aaklas laban sa gobyerno, sa malalaking korporasyon, sa mga lider, sa karapatang pang-tao, sa karapatang pang-hayop, sa preserbasyon ng kalikasan, sa ekonomiya at kung saan-saan.

~Marami ang nag-aklas laban sa ‘di-umano’y hindi matinong pangulo pero kapag naluklok na ang nagustuhan at ipinalit na pangulo , ilang buwan pa lang ayaw na natin ulit ito. Aklasan na naman.

~Gusto natin ng magandang serbisyo ng LRT at MRT pero ayaw naman nating itaas ang pasahe nito. Sige hayaan na lang nating mababa ang pasahe dito pero maya’t-maya ay may tumitirik na tren sa gitna ng riles at tirik ding araw.

~Nananawagan tayo na sana’y magkaroon ng matinong pelikula at palabas sa TV pero ‘pag may showing na matinong Indie Film hindi ka naman nanonood. Magbabad ka na lang sa panonood ng maghapon teleserye at ang mababaw nitong istorya.

~Hiling tayo ng hiling ng progresibong pagbabago pero ikaw mismo ayaw makipagkoordina. Simpleng pagtawid at pagtapon ng basura ayaw mong isagawa ng tama.

~Gusto nating may maisuplong at makulong na magnanakaw na pulitiko pero ilang taon lang maaawa na tayo sa kanila at tuluyan nating kakalimutan ang lahat ng kawalanghiyaang ginawa nila. Kaya ‘wag ka ng magtanong kung bakit nasa posisyon sila ngayon.

~Halos lahat tayo ay tumutuligsa sa lantarang pagnanakaw ng ating buwis pero kakaunti lang yata ang nagbabayad ng tamang buwis. Ano ‘yan gantihan?

~Gusto mong magtipid at maka-ipon para sa kinabukasan pero panay naman ang bili mo ng modernong gadget at kasangkapan. May bagong iPhone ngayon bilhin mo ‘yun.

~Naiinis tayo ‘pag may mga nagka-counterflow sa kalsada pero kung ikaw ang nakasakay dito, okay lang sa’yo. Mabundol ka sana.

~Pintas tayo ng pintas sa mga taong mali-mali ang grammar at mga taong hindi kagandahan pero ‘pag ikaw ang napulaan sa ‘yong kamalian nanggagaliiti ka sa galit. Itigil mo na ‘yan hindi ka si Boy Abunda.

~Ang mga aktibistang maraming suhestiyon sa pagbabago ay aktibong-aktibo sa pagtuligsa sa pamahalaan pero sa kalaunan sila’y kakandidato at magiging bahagi na rin ng gobyernong dating kontra siya. Makibaka, sumali sa Kamara.

~Nababanas ka ‘pag may mga nagbi-videoke sa dis-oras ng gabi pero ‘pag ikaw, kasama ng mga barkada mo ang nagbi-videoke kahit medaling-araw na wala kang pakialam. Did it your way.

~Concerned ka umano sa milyong nagugutom sa mundo pero naiirita ka naman tuwing makikita sila sa kalsada. Para ka na ring pulitiko.

~Umiyak, nakiradalamhati at nagpost ka pa ng pakikiramay ng pumanaw si Steve Jobs pero nang may mabalitaan kang nagpakamatay dahil sa kahirapan ng buhay hindi ka man lang nalungkot. R.I.P. Steve Jobs.

~Galit na galit ka sa mandaraya ng eleksyon pero ‘pag may pagsusulit na binibigay ang propesor mo nandaraya ka rin naman. Magnanakaw galit sa kapwa magnanakaw.

~Halos sumpain mo ang manager ng isang bar na may nagsasayaw ng hubo’t hubad na menor de edad nang mapanood mo ito sa Imbestigador pero madalas ka namang customer ng kapareho ding bar. Banal na aso.

~Inis na inis ka kay Willie Revillame at sa kanyang kaplastikan pero lagi mo namang inaabangan at pinapanood ang Wiltime Bigtime. Hehe, plastic ka rin.

~Madalas mo tinatawanan ang mga hindi mahuhusay mag-park lalo na ang mga nagpa-parallel parking pero ikaw din mismo hindi mo ma-perfect ang ganitong pagpa-park. Park You.

~Banas na banas ka sa mga taong mahilig sa tsismis pero sandamakmak namang artista at celebrity ang pina-follow mo sa Twitter. Follow-in kita diyan eh.

~Gusto mong umasenso at yumaman pero tatamad-tamad ka naman at lagi kang late sa iyong mga pinupuntahan. Ligawan mo na lang si Paris.

~Panay ang bida mo sa ‘yong mamahaling gamit at damit pero ang dami mo namang pagkakautang sa bangko at kung kani-kanino. Ipon muna bago yabang.

~Naaawa ka sa balitang marami ang kinakatay na pating sa bansang Tsina at Taiwan pero paborito mo naman ang shark’s fin ng Henlin. Ipokrito.

~Aktibong advocate ka ng animal cruelty pero excited ka naman manood ng madugong UFC at URCC. Makahayop.

Sigaw ka ng sigaw ng “Proud to be Filipino” ‘pag may nagtatagumpay na Pinoy sa iba’t ibang larangan; beauty pageant, boxing, football, billiards, dance & singing competition at iba pa pero 'pag hindi naman nagtatagumpay patay-malisya ka lang. Piliin ba ang pagiging proud? Malimit nating nakikita ang mali ng lipunan pero kibit-balikat naman tayo ‘pag tayo ang mali at may pagkakamali. Minsan alam na nating tama hindi pa tayo naniniwala. Pintas ng pintas mas madungis naman sa pinipintasan, gusto mo nang pagbabago ayaw mo namang magtino pati mismong kasalanan at pagkakamali mo isinisisi mo sa iba. Kung paanong proud na proud ka sa Half-Pinoy na si Apl De Ap ng Black Eyed Peas pero sinasakyan mo naman ang paninira sa mga Fil-Foreign na miyembro ng Philippine Azkals, ang gulo mo!

Tuesday, February 22, 2011

Lihim

"Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasama ng maluwat."
Isang lumang kasabihan na nakatanim pa rin sa utak ng bawat isa sa atin. Sa modernong panahong ito at sa kitid ng isip ng karamihan ng mga tao, may katotohanan pa ba ito? Hindi. Hindi sa lahat ng oras. Hindi sa lahat ng pagkakataon.

Hindi man aminin karamihan sa atin ay may itinatagong lihim~iba't-ibang uri ng lihim. Mga lihim na madilim, nakakahiya, nakakadismaya, nakakatakot, nakakainis, nakakapanghinayang, nakakababa ng pagkatao, nakakaapekto sa iba, nakakadiri, nakakapagpa-iling, nakakasira ng araw, nakakasira ng buhay at maaaring makasira ng pamilya. Ang nakaraan ay nakaraan na pero may mga bagay na hindi natin kayang kailangang ibunyag at ipangalandakan pa kung ito'y magreresulta sa isang hindi magandang pangyayari. Ang bawat indibidwal ay may kanya-kanyang asal at ugali at kung ang isa ay kayang sikmurain at tanggapin ang anumang lihim, hindi naman ito kayang tanggapin ng iba.

Sabihin mo nang ang katapatan ay magpapatibay sa isang relasyon at magbubuklod na muli ng inyong pagmamahalan subalit kaya ba ng lahat i-detalye ng walang bawas ang nagawang pagkakamali? Paano pa titibay ang inyong relasyon kung ito'y magiging sanhi ng paghihiwalay?
Kaya mo bang maglahad ng lihim kung posible itong magresulta sa pagkasira ng pamilya?
Kaya mo bang magsabi ng maruming katotohanan kung alam mong wala naman itong maidudulot na mabuti sa inyo?
Kaya mo bang isigaw ang malupit na nakaraan kung alam mong hindi ka maiintindihan?
Kaya mo bang ipagtapat ang nakakahiyang pagkakamali kung may posibilidad na hindi ka paniniwalaan?
Kaya mo bang ilabas ang nakakasulasok na nakaraan kung alam mong maiiwan kang mag-isa?
Kaya ba ng iyong tapang harapin ang lahat ng negatibong resulta nito?
Kaya mo bang marinig ang pag-aalipusta ng mga taong nakapaligid sa'yo?
Kaya mo bang harapin ang mundo ng nakataas pa rin ang iyong mukha at noo?
Kaya mo bang gumising ng umaga nang wala na ang iyong pamilya?
Kaya mo bang harapin ang iyong sarili sa salamin?
Kaya mo bang ngumiti sa kabila ng lihim na pagkakamali?
Kaya ka bang unawain at intindihin ng lahat sa nagawa mong pagkakamali?

Katapangan ang pagsasabi ng tapat at katotohanan at hindi ko hinihikayat ang lahat na hindi magsabi ng tapat sa aking pananaw ay maraming bagay na dapat na kinakalimutan at hindi na dapat pang binibigyan ng buhay. Ang pagkalimot na ito ay hindi nangangahulugan ng pagiging makasarili o kasamaan. Sa kabilang banda, mas nakapagpapaluwag ng damdamin ang pagsasabi ng nakaraan kung lubos na kakayanin mong harapin ang katotohanan at ang magiging resulta nito. Ang white lies o puting kasinungalingan ay pagtatago sa detalye nang tunay na nangyari para sa ikabubuti ng marami. Hindi ito madali ngunit mas mapanganib ang gagawing pagtatapat kung alam mong ikakapahamak ito nang iyong buhay, nang iyong mahal sa buhay at nang iyong pamilya.

Kahit katumbas nito'y pagpatak ng luha sa sandali ng kalungkutan o pagkurot ng konsensiya sa iyong katauhan.
Kahit na may ulap ng kalituhan ang iyong isip o nag-aagam-agam ang iyong desisyon.
Kahit na may multong namumuo sa iyong panaginip o labis na naghihirap ang iyong damdamin.
Kahit alam mong pagtatakip ito sa kamalian at mugto na ang iyong malamlam na mata.
Luha at pagsisisi na lang ang kaya mong gawin dahil balakid ang pagsasabi ng kamalian.
Luha ang kabayaran nang iyong pagkakamali at pagsisisi sa madilim na lihim na nakaraan na iyong pagkakasala.

Subalit kung ang iba ay tapat na nagsisisi at humihingi ng kapatawaran sa kamaliang nagawa at ang tanging kulang na lamang ay ang pagtatapat ngunit hindi magawa dahil sa takot na magiging resulta nito...marami pa ring mas pinili ang maglubid ng kasinungalingan, may dilang mapangahas at mapagtanggi at nabubuhay nang walang pagsisisi. Ang lihim na ito'y may katumbas na pagsisisi sa takdang panahon at sa takdang oras.

Napili ng isang heneral na kitilin ang kanyang buhay dahil sa isang lihim.
Ito ba'y katapangan o karuwagan? Pareho.
Katapangan dahil higit pa sa matapang na tao ang kayang tapusin ang paghihirap ng kanyang kalooban, higit pa sa katapangan ang protektahan ang isang lihim kaysa ibunyag ang katotohanan.
Katapangan dahil maraming mga tao ang takot sa kamatayan subalit matapang niya itong hinarap.
Karuwagan dahil mas pinili niyang manatiling lihim ang dapat sana'y kabayanihan. Karuwagan dahil mas nanaig ang kanyang emosyon laban sa paglaban sa pagsubok ng buhay.
Anu't-ano man. Katapangan o karuwagan. Mas maraming naiwang tanong kaysa kasagutan.

Tulad ng isang heneral na aking halimbawa.
May mga bagay na minsan ay dapat nating itago hindi dahil ito ay tama dahil sa ito'y makabubuti.
May mga bagay na minsan ay dapat nating ilihim hindi dahil ito ay dapat dahil sa ito'y nararapat.
May mga bagay na minsan ay dapat nang nakasara hindi dahil para itago kundi dahil para hindi na muling mabuksan.

Ang tao'y marupok at mahina at sa mundong ginagalawan na puno ng tukso, temptasyon at lihim...ang katapatan ay mahirap hanapin subalit lahat tayo ay nararapat na mabigyan ng pagkakataong magbago aminin,pagsisihan at tanggapin lamang natin ang ating pagkakamali. Kung mahal mo ang isang tao ano man ang nakaraan nito ay hindi ka dapat maapektuhan, mahalin ang kanyang buong pagkatao kasama ng kanyang kamalian.