Clueless ako sa nangyari.
Nabigla. Nagulumihanan.
Blangkong napatingin sa
kawalan.
Nagtataka. Nagtatanong.
Hindi ko ito inaasahan mula
sa iyo.
Ikaw na nangako ng
magpakailanman, ikaw na itinuring kong aking langit, ikaw na aking daigdig at dahilan ng maraming
bagay para sa akin. Ang akala kong sagot sa aking mga katanungan.
'Di ko alam kung ano ang
nagawa kong pagkakamali at isinadlak mo ako sa ganitong kalagayan, 'di ko alam
kung ano ang naging aking kasalanan para ma-deserve ko ang ganitong pagtrato
mula sa iyo. Siguro nga'y bigla na lang nawala ang pagmamahal mo sa akin,
mabilis. Napakabilis. Kung papaano mo ako noon ituring na pinakamahalagang
nangyari sa buhay mo, ngayon'y tila balewala na ako sa'yo.
Pilit ko pang itinatanggi na
hindi mo kayang gawin sa akin ito ngunit ang anumang dagdag na pagtanggi'y lalo
lang nagpapahirap sa nararamdaman kong pagmamahal sa'yo. Nilibang ko pa ang
aking sarili na ang lahat ng ito'y produkto lang ng aking akala at imahinasyon
at umaasang muling aalab ang pagmamahal mo sa akin katulad ng pagmamahal na
inialay mo noong una mo akong nakilala.
Pinasinungalingan kong lahat
ng iyong pagbabago at inilagay sa isip na ito'y isa lamang dagok ng pagsubok.
Ngunit kailangan ko nang tanggapin na nagkamali ako.
Patuloy akong nagtiis,
nagkunwari, nagsumamo, nagpakumbaba, nanglimos at umasa.
Gabi-gabi. Araw-araw.
Hinihintay ko ang sandaling muling manunumbalik ang ubod-tamis na ating
pag-iibigan ngunit habang tumatagal lalo pa itong lumalamlam. Hindi ko na
maramdaman mula sa'yo ang ningas ng iyong halik at kasabay nito ang paglaho rin
ng alab ng iyong mga yakap na aking kinagisnan sa tuwing lumalalim ang gabi.
Kahit hindi mo sabihin, alam kong iba na ang nagmamay-ari nito.
Masakit para sa akin na
mawawala ka ngunit higit na masakit ang hayaan ko ang aking sarili na patuloy
mo lang na paglaruan at lokohin.
Malungkot na mawawala ka
ngunit higit pa sa kalungkutan ang nararamdaman ko sa tuwing nakikita kang
walang kasiyahang nadarama sa tuwing tayo'y magkasama.
...Kailangan kong tanggapin
na lilisanin mo na ako at hindi ikaw ang iginuhit para sa akin.
...Kailangan kong tanggapin
na ikaw at ang mga araw na tayo'y naging masaya ay magiging bahagi na lang ng
isang alaala.
Tulad ng pulubing walang
sariling tahanan, tulad ng ulilang kulang sa kalinga
Mahal kita ngunit hindi ko
nakikitang maligaya tayong dalawa sa piling ng isa't isa sa darating na mga
bukas.
Mahal kita at handa kong
gawin ang lahat para tumagal ang ating pagsasama ngunit katulad ng lahat ng
bagay, lahat nga ay may hangganan at siguro ito na ang katapusan ng ating
pagmamahalan.
Hindi ko na kayang
panghawakan ang mga pangako mong tayo pa rin hanggang sa dulo, kailangan ko
nang pigtasin ang anumang hiblang nagdudugtong sa ugnayan nating dalawa dahil
patuloy lang nating pahihirapan ang ating mga sarili kung mabubuhay tayo sa
likod ng isang pagkukunwari.
Ngunit pagkatapos ng lahat
ng ito hindi ko pa rin pinagsisisihang minahal kita dahil maraming bagay ang
natutunan ko sa'yo, ipinaranas mo sa akin kung paano ang magmahal na kay tagal
ko noong pinangarap at hinintay, itinuro mo sa akin ang kahalagahan ng pag-ibig
na kay tagal kong hinanapan ng kahulugan.
Sa pag-agaw ng dilim sa
kaliwanagan, lalong sisidhi ang pagkasabik ko sa'yo, ang kaya ko lang gawin'y
ipikit ang aking mga mata hindi para maidlip kundi para ikubli ang lahat ng
nararamdaman kong sakit at pagdurusa at patuloy na magtatanong kung bakit ang
ating pagmamahalan ay humulagpos at tumungo sa kawalan.
At bukas sa muling pagsikat
ng liwanag isasabay kong imulat ang aking mga mata. Hindi ko man lubos na
maunawaan ang dahilan at kahalagahan ng pagkawalay mo sa akin - babangon ako't
pilit na kalilimutan ang lahat ng malulungkot na alaalang idinulot mo sa akin.
