Showing posts with label ikasampung utos. Show all posts
Showing posts with label ikasampung utos. Show all posts

Friday, March 28, 2014

Ika-sampu



Muli nating pagniningasin ang gabing ito.
Muli nating sasamantalahin ang pagkakataong tayo'y magkasama.
Ubusin natin ang oras na tanging mga mata lang natin ang siyang nag-uusap, hahayaang ang ating mga labi ang gagawa ng paraang sila'y magkalapit at 'di pipigilan ang ating mga katawan ay magkasupong sa buong magdamag.

Pag-ibig ang lenggwaheng ating naiintindihan at ito rin ang dahilan upang tayo'y hindi nagkaunawaan.
Pag-ibig ang nagtagpo sa ating dalawa at ito rin ang siyang nagpahiwalay sa ating kapalaran.
Pag-ibig ang nagbigay kahulugan sa ating buhay datapwat ito ngayon ang naglalagay sa atin sa posibleng kapahamakan.

Mahal kita. Mahal mo ako.
Minahal kita. Minahal mo ako.
Ngunit sadyang may mga bagay na hindi natin kayang panghawakan.
Ginawa mo nang lahat ngunit hindi pa rin sumapat.
Pinilit mong unawain ngunit lalo lang gumulo ang sitwasyon.
Nagpakumbaba ngunit hindi pa rin nagtagumpay.

Hindi ito mali noon subalit ngayon, ito'y isang malaking kasalanan.
Gaya ng isang lulong at sugapa sa droga, hindi nagpapapigil sa paggawa ng kamalian.
Hinihiram natin ang gabing hindi naman sa atin. Ninanakaw natin ang sandaling nararapat na para sa iba.
Tila lahat ay ating kalaban, tila lahat sa atin ay 'di sumasang-ayon.
Balakid ang oras,  hadlang ang mga tao, katunggali ang mundo, tutol sa'tin ang tadhana.
Higit pa sa sugal ang ating ginagawa dahil buhay at dangal ang atin ngayong ipinauubaya. Ngunit hindi natin ito alintana dahil mas nangingibabaw ang ating pagnanais na tigibin ang uhaw nating pagmamahal. Wala tayong pakialam dahil mas ninanais nating umumit ng kaligayahang panandali sa daigdig nating balot ng kalungkutan at pagsisisi.

Minsan tayo mismo ay hindi na sumasang-ayon, minsan tayo mismo ay nagtatanong, ngunit madalas pinababayaan lang nating tayo'y magpatianod sa agos ng kapangahasang ito.
Masarap nga siguro ang bawal dahil sa tuwing ating ito'y nilalasap hindi tayo nag-aalala sa panganib na sa atin'y haharap. Ngayon, nauunawaan na natin kung bakit marami ang nalulubog sa kasalanan, kung bakit marami ang hindi makatanggi sa pagkakamali at kung bakit hindi sila nararapat na husgahan.

Batid ko noon, ako'y nakatakda para sa iyo at ikaw ay itinakdang makasama ko.
At katulad ng pangako ng kapayapaan, isa lamang itong kasinungalingan.
Marami ang nangyaring hindi natin ginusto ngunit ginawa pa rin natin.
Maraming sandali ang ating sinayang ngunit hindi natin ito pinanghinayangan.
Maraming pagkakataon ang nagbukas ngunit hindi man lang tayo nagparaya.
Kaya tumungo ang lahat sa ganito.

Gago ako nang mga sandaling hinayaan kitang umiyak.
Bobo ako nang mga sandaling pinabayaan kitang lumisan.
Tanga ako nang mga sandaling hinayaan kitang masaktan.
Naging manhid ako sa lahat ng iyong pakiusap at paghihirap.
Ngunit pagkatapos nang lahat ng ito...nandito ka.
Pinagsasaluhan natin ang isang bawal na kailanman'y hindi naman nararapat, kailanman'y tila walang katumbas na kapatawaran.

Lipas na ang aking 'patawad' dahil sinasang-ayunan mo ang isang kamalian.
Lampas pa ito sa pag-ibig dahil umabot na ito sa pagiging makasarili.
Lunas sa pagsisisi ang sapantaha natin sa ganitong uri ng kapangahasan.

Ngunit,
Alam pa ba natin ang mali?
Batid pa ba natin ang tama?
Tila pareho na lang ito sa paningin ng tulad nating patuloy na binubulag ng bawal na pagmamahal. Wala na itong pagkakaiba sa tulad nating patuloy na minamanhid ng labis na pag-iibigan.

Habang pinagniningas natin ang ating gabi.
Habang sinasamantala natin ang pagkakataong tayo'y magkasama.
Habang inuubos natin ang mga oras na mga mata natin'y nag-uusap.
Habang abala ang ating mga labing 'di tumitigil na maglapit.
Habang 'di nagsasawa ang ating mga katawang magkasupong sa kabuuan ng magdamag.

May mga buhay na winawasak dahil sa ninanakaw na sandali.
May mga pusong umiiyak dahil sa pag-ibig na pinagtataksilan.
Paulit-ulit.
Walang pagkasawa.
Walang pagsisisi.

Paulit-ulit.
Walang pagtigil.
Walang paglubay sa pagsuway sa sagradong ika-sampung utos.