Ang akdang ito ay isang pagpupugay sa ating mga Bagong Bayani
Galing sa Google Images ang larawan |
Disyembre na. Ilang araw na
lang pasko na.
Habang abala ang marami sa
paglalagay ng mga ilaw at dekorasyon sa kani-kanilang bahay heto ako pilit na
nililibang ang sarili sa mga bagay na lahat ay pansamantala lang. Habang abala
ang marami sa pagbili ng mga gamit at damit na gagamitin at isusuot sa espesyal na
araw ng pasko heto ako kinukuntento ang sarili sa kung ano ang mayroon lang.
Habang abala ang lahat sa pamimili ng aginaldo sa pamilya, kaibigan at
kaanak heto ako pinanghihinayangan ang bawat dolyar na gagastusin para sa aking
mismong sarili.
Gamit ang aking ipinadalang
pera alam ko makakatulong ito upang makapaglagay ng ngiti sa mga labi nila,
alam ko dahil dito mabibigyan ko sila ng kakaibang sigla at saya. Samantalang ako'y
mag-aabang na lang ng kanilang ipo-post o ipadadalang masasayang larawan para kahit papaano'y maibsan ang
lumbay na aking nararanasan, maghihintay ng lima hanggang sampung minutong
tawag mula sa pamilya na kadalasan ay ipinagkakait pa.
Sa kabila ng aking mga ngiti
sa mga kaibigan at kasama nagkukubli ang mga luhang may pagnanais na
kumawala, sa kabila ng malulutong kong mga halakhak ay nagbabadya ang
pagsambulat ng tinatago kong kalungkutan. Sa kabila ng pinapakita kong
katatagan ay laging nakaamba ang pagkaguho ng aking lakas ng loob, sa kabila ng
pinapamalas kong pagkamanhid ay maaninag sa aking mga mata ang pagkasabik na
muling makabalik at makapiling ang mga mahal sa buhay.
Sa araw ng pasko isusuot
nila ang magagara nilang mga kasuotan habang magtitiyaga naman ako sa luma at mumurahing damit. Masaya silang
mamamasyal sa mall at sinehan habang aking nilalampaso ang sahig nang aking
tinitirhan. Kasama nila ang kanilang mga barkada at kaibigan ako naman'y
kapiling ang cellphone at unan pinalilipas ang lungkot ng maghapon at magdamag.
Masasarap na pagkain ang kanilang nasa hapag-kainan habang pinagkakaitan ko ang
aking sarili na bilhin ang nais kong burger, pizza at lasagna.
Ngunit handa akong magtiis
para sa kanila hindi ko man nais at kagustuhan ang malayo sa pamilya ito lang
ang tanging paraang alam ko upang magkaroon sila ng masaganang pasko. Kahit
wala ako sa kanilang mga bisig gusto ko pa ring maipadama ang pagmamahal ko sa
kanila; kapalit ng aking halik ay pera, kapalit ng yakap ko'y padala. Sapagkat
ang lahat ng mga pagsisikap at sakripisyo ko ang unti-unting bubuo sa pangarap
ko sampu ng aking pamilya, pangarap na tila mailap at mahirap kamitin.
Pinipilit kong iwasang
makinig sa mga awiting pamasko dahil alam kong makakapagdagdag lang ito ng
aking pagkalumbay pero minsan hindi ko rin magawa tila ba may halina at gayuma
ang himig pamasko na kukurot sa aking puso. Ibinabalik ako nito sa aking
pagiging musmos, ibinabalik nito ang lahat ng alaala na kapiling ang aking mga
mahal sa buhay. Kung mayroong araw na higit ko silang mamimiss, kung mayroong
araw na nais ko silang makasama, kung mayroong araw na mahalaga para sa
pamilya, pasko ang araw na iyon.
Nakakasawa na ang mga tanong
na: "Magkano ang iyong pinadala?" o "Nabili mo na ba ang gusto
kong cellphone/gadget?" o "May tsokolate at branded na damit ba sa
pinadala mong balikbayan box?" o "Baka kalimutan mo ang bilin ko
sa'yo ha?" Sana kahit isang araw man lang marinig ko mula sa puso nila ang
mga katagang: "Kumusta ka na? Namimiss ka na namin" o "Mahal na
mahal kita, sana dito ka na lang palagi". Sana kahit isang araw man lang
hindi tungkol sa pera ang paksa ng usapan. Sana madama at maunawaan nila kung
gaano katindi ang lungkot na aking nadarama sa araw na ito, kung gaano kalungkot ang mawalay sa mga taong mahal mo.
Ilang pasko na nga ba akong
ganito?
Ilang pasko ko nang
sinasanay ang aking sarili sa ganitong kalagayan?
Hindi ko na mabilang. Ayaw
ko nang bilangin. Ngunit alam ko darating ang panahon na lahat ng aking
pagtitiis ay mapapalitan ng tagumpay, higit pa sa kaligayahan ang sa akin ay
naghihintay at ang mga paskong aking namiss sa piling ng mga mahal sa buhay ay
'di ko na ulit papayagang mangyari.
Ah, sa ngayon magtitiis muna
ako dito malayo sa pamilya na aking pinagmumulan ng aking lakas at kahinaan.
Kailangang magtiis para sa mga magulang na nangangailangan ng atensyong medikal
at medisina, kailangang magtiis para sa magandang kinabukasan ng mga anak,
kailangang magtiis para sa mga kaanak na tila walang hanggan kung ikaw ay
asahan. Malayo sa bayang tila walang kongkretong plano at walang handog na
matinong buhay at kinabukasan para sa kapwa ko pilipino.
Disyembre na. Ilang araw na
lang bagong taon na.
Ilang araw na lang matatapos
na ang pasko pero tiyak hindi ang kalungkutan ko. Kailangan kong tanggapin na
kailangan kong magsakripisyo para sa aking pamilya.
Patuloy na mangangarap at aasa na sa susunod na mga pasko habangbuhay ko na silang makakasama.
Patuloy na mangangarap at aasa na sa susunod na mga pasko habangbuhay ko na silang makakasama.
Awww.. sir! *tap on the back*
ReplyDeleteSaludo po talaga ako sa mga taong gaya nyo na handang magsakripisyo at mawalay ng matagal sa pamilya para lamang maibigay sa kanila ang maalwan at masaganang buhay.
Cheer up sir, maraming means naman ngayon para kayo ay makipag communicate sa kanila dito sa Pinas. Although, iba pa rin yung feeling ng personal mo silang makakausap at mahahagkan. Pero maging thankful na rin tayo sa technology dahil gaano man kayo kalayo sa inyong loved ones, eh pinaglalapit kayo nito.
Prayers lng po sir!
Advanced Merry Christmas po!
P.s.
Pakinggan nyo po yung Sa Araw ng Pasko by All Star Cast :))
oo nga, mas bagay nga yung song na sinuggest mo :) at ayan pinalitan ko na. thanks.
ReplyDeletethis article is a tribute to all ofw, as the disclaimer says. hehe, hindi po ako OFW but nakakarelate naman ako somehow dahil marami akong friends and relatives abroad.
merry christmas din.
This comment has been removed by the author.
ReplyDelete