Tuesday, December 10, 2013

"Kagalang-galang"



Sa plate number pa lang ng sasakyan malaki na ang pagkakaiba natin, siyete o otso ang sa akin, ang sa inyo naman ay ewan ko, wala akong pakialam at 'di ko gustong malaman. Kaya 'wag na ninyong ipilit ang pagkakapantay-pantay ng bawat isa dahil simula pa lang na maisulat ang kasaysayan ng tao ay nakatakda nang may maghirap at maging alipin at may mayamang makapangyarihan na tulad ko ang mananatili at maghahari dito sa daigdig na iyong kinabibilangan.
Ang gaya ko ang bumabalanse sa pag-inog ng mundo.


'Wag kang magtaka kung ang lahat ay hinahawi sa tuwing sasakyan ko'y dumadaan o mabigyan ako ng special treatment saan mang kalsada ako mapadpad o VIP kung ako'y ituring anumang okasyon ang aking mapuntahan. Hindi ko rin kailangang huminto sa pulang ilaw ng trapiko para na rin sa aking kaligtasan dahil ang buhay ko'y mahalaga kumpara sa kung kanino lang.
Ang pangalan ko ay simbolo at sagisag ng tagumpay, pulitika, pera at kapangyarihan.


Anong magagawa ko kung halos lahat ng aking angkan at ninunong may kapareho kong pangalan ay mamahalin ng mga gunggong na dumidiyos sa akin? Marahil ay dahil sa napakahusay na serbisyong aking ipinapakita sa kanilang lahat, na aking mga kababayan.
Anong magagawa ko kung ang mga katulad ko ang takbuhan sa oras ng pangangailangan ng mga timawa, pobre at hampas-lupa? Siguro'y alam nilang likas akong matulungin sa aking kapwa.
Anong magagawa ko kung patuloy nila akong hinahalal kahit na iilan lamang ang naipasa kong batas at iilang beses lang din akong nakaattend ng session? Sa mga panahong iyon malamang nag-iisip ako ng pagkakakitaan ikakaasenso ng ating bayan.


Hindi ko kasalanan kung sa halagang tatlong daang piso o isang supot ng bigas na may kasamang groceries ay ipagpapalit nila ang kanilang boto. Sa mga taong kumakalam ang sikmura mahalaga na madugtungan ang kanilang buhay kahit dalawa o tatlong araw lang. Kaya 'wag na kayong lubusang umasa ng matinong pagbabago dahil sa simula pa lang hindi na maganda ang ating pagtitinginan; tingin ko sa inyo'y mapagsamantala samantalang tingin niyo sa akin'y gahaman. 'Wag na tayong magplastikan pa.


Tuwing ikatlong taon, maraming talumpati na nang pagbabago ang aking nabigkas, ilang pag-unlad at kapayapaan na rin ang aking naipangako at kahit ilang libong ulit ko pa itong hindi tuparin sigurado maiintindihan at mauunawaan pa rin ako ng mga kababayan kong may mataas na pagtitiwala at pagmamahal sa aking talino at kakayahan.
Batid din naman kasi nila na tulad ng pangarap, hindi lahat ng pangako ay natutupad. Tulad ko, sila rin ay maunawain.


Marami ang may ayaw sa akin, marami ang nasusuklam sa aking pagkatao, marami ang tumutuligsa sa aking mga ginagawa pero higit na marami ang nagmamahal sa akin! Dapat ay wala nang kumuwestiyon pa nito dahil ang paglilingkod ko at ng aking angkan ay aabot na sa pitumpung taon iyon din ang dahilan kung bakit nakadikit na ang pangalan namin sa lungsod at bayan ng lalawigang ito. Kung walang nagmamahal sa amin hindi kami magtatagal ng maraming dekada sa puwesto at nais kong ipaalala sa lahat na hindi political dynasty ang tinataguyod namin kundi ang serbisyong may dedikasyon at de-kalidad .


Wala akong pakialam kung ang ibigay niyo sa akin ay takot o huwad na respeto dahil ang mahalaga sa akin ay makakuha ng simpatiya, ang hindi mapahiya sa mata ng madla, at maiangat mula sa paghihirap ang bayang aking sinasakupan. Kung "kailan?" ang tanong niyo, 'wag kayong mainip darating tayo diyan. Ika nga, patience is a virtue. Samantala, makontento muna kayo sa serbisyong inihahatid at ipinagkakaloob sa inyo. Huwag niyo muna akong gambalain dahil abala ako sa pagpapatakbo ng aking mga negosyo.


Hindi madaling itanggi ang masangkot sa multi-milyong pisong pork barrel scam o Malampaya fund scam o fertilizer fund scam kahit na sumasampal sa pagmumukha ko ang napakaraming papeles, ebidensiya at testigo hindi pa rin ako kayang makasuhan, maihabla, maipakulong at mapatunayang may pagkakasala. Dahil ang katotohanan, inosente talaga ako sa lahat ng kanilang akusasyon hindi ko kayang gawin iyon sapagkat kung may taong nagmamalasakit sa bayang ito, ako lang iyon!


Walang sinuman ang may karapatang i-freeze ang lahat ng aking kayamanan at ari-arian dahil lahat nang aking yaman at salapi ay mula sa lehitimo kong negosyo. May permit ng DENR ang aking trosohan at mining business, wala akong kinalaman sa gambling activities dito sa aking nasasakupan at mariin kong pinabubulaanan na nagkakamal ako ng isang milyong piso kada linggo bilang proteksyon sa gambling lord, pamumulitika lamang ang nakikita kong dahilan nang panggigipit nila sa akin dahil ako'y nasa kabilang partido.


Ngayong pinagtibay na ng Supreme Court na ang pork barrel fund naming kongresista at senador ay ilegal, paano ko na ngayon matutulungan ang aking mga constituent?
Saan ako kukuha ngayon ng pondo para sa kanilang medisina at pagpapaospital?
Saan ako maghahagilap ng pondo para sa pagpapalibing ng mga namatay kong kababayan?
Saan ako didiskarte ng pondo para sa pagpapaaral ng mga iskolar ng aking nasasakupan?
Paano na ngayon maipagpapatuloy ang magandang adhikain at simulain ng foundation na aking sinusuportohan?
Tuwing summer, saang bulsa ako dudukot para sa pondo ng bola, tropeyo at uniporme ng mga kabataang mahihilig sa away sports?
Kung walang magagawang alternatibong pondo para sa mga nabanggit kong proyekto 'wag niyo nang asahan na makakatulong ako sa mga mapagsamantalang aking constituent, uulitin ko wala na kaming Countrywide Development Fund.


Magpapasko pa naman at tulad ng nakaraang mga pasko sigurado dadagsa at magkukumahog na naman sa aking opisina ang mga timawa, pobre at hampaslupa na aking mga kababayan na hihingi ng mga aginaldo at tulong pinansyal upang may maihain na masarap na putahe sa kanilang hapag-kainan kahit man lang daw 'sang beses isang taon, parang ninong na kasi kung ako'y kanilang ituring. Sa pagkakataong ito mas malamang na mabigo sila dahil wala na akong mapagkukunan ng kanilang bisyo at luho sa ikatlong beses aking uulitin WALA NA KASING COUNTRYWIDE DEVELOPMENT FUND at hindi ko kayang ipamahagi nang basta na lamang ang aking yaman at pera dahil para iyon sa akin, sa aking pamilya at sa kanilang kinabukasan.


Sa kabila ng mga kalokohan, kabalastugan, katiwalian, pagkasuwail at pagtataksil ko sa bayan mananatili at mananatiling nakakabit sa aking pangalan ang salitang KAGALANG-GALANG. 
 
Gradong makukuha ng pulitikong kagalang-galang

1 comment:

  1. Parang may kilala akong politiko na ganito mag-isip. *hehe*

    Anyway, minsan hindi kasalanan ng mga politikong gahaman kung bakit lubog ang Pilipinas, madalas sa minsan ang sisi ay nasa mga taong walang disiplina na bumoboto sa kanila.

    ReplyDelete