Friday, November 4, 2011

paulit-ulit

Walang matalinong eksplanasyon kung bakit instinct na sa isang tao lalo na sa Pinoy na ulitin ang sinabi ng taong kausap nito, 'yung tipong automatic na 'pag may itinanong ka ibabalik din sa'yo yung tanong o 'yung sagot mo ay isasagot din sa'yo. Walang dahilan, ang tendency ay uulitin mo ang sinabi at sinasambit sa'yo ng hindi namamalayan at hindi sinasadya. Halimbawa: "Nasaan ka na ba?" Sagot: "Dito na sa Cubao" Nagtanong: "Cubao ka na?" o "Ano ulam mo kanina?" Sagot: "Adobo." Nagtanong: "Adobo?"
Hindi ba paulit-ulit? Hindi lang pansin ng marami pero sa isang ordinaryong usapan ay marami ang gumagawa nito. Ang paulit-ulit na na pananalita na ito ng mga Pinoy ay pinagkakitaan na ng husto ng isang stand-up comedian na itatago natin sa pangalang Vice Ganda sa kanya ring paulit-ulit na skit sa tuwing siya'y magpe-perform.

At ewan ko rin ba kung bakit nakakabit na sa mga Pinoy ang salitang "paulit-ulit". Parang kinagiliwan na natin ito at tuwang-tuwa tayo sa senaryo at mga bagay-bagay na paulit. Gaya ng pangkaraniwang pangalang Pinoy. Dito pa lamang sa aming opisina ay may mga ka-officemate akong inuulit ang pangalan o ang unang pantig ng pangalan; Joyjoy, Wewe, Tintin, Janjan, Jonjon, Junjun, Langlang, Jongjong, Daday, Dodoy at Jojo. Parang wala ng ibang pangalan at animo'y alingawgaw na sa pandinig natin ang mga ganitong nakakatuwang pangalan ng mga Pinoy na kahit ang ilan sa ating mga bayani ay mayroon ding inuulit na pangalan; Jose Rizal na may palayaw na "Pepe" at ang unang bayani na si "Lapu-lapu". Idagdag at isama na rin natin sa listahan ang mga pangalan ng mga opisyal ng bayan na may inuulit ding pangalan: Bongbong (Marcos), ang mag-amang Nene at Koko (Pimentel) at siyempre ang ating Pangulo; si Noynoy.

Hindi lang sa pangalan o pananalita nahihilig ang mga Pinoy bisyo na ring maituturing ang panonood natin ng mga programa sa telebisyong inuulit. Inuulit na tema, inuulit na istorya, inuulit na konsepto at ang mas matindi; literal na inulit ang isang palabas na iniba lamang ang bida/kontrabidang artista. Hindi na ko magugulat kung bakit tinatangkilik at libang na libang ang masang Pinoy sa mga recycled na palabas na; Mara Clara, Marimar, Mula sa Puso, Maria La del Barrio, Full House, Lovers in Paris, Darna, Captain Barbell, Dyesebel, Blusang Itim, Stairway to Heaven, Endless Love, Utol kong Hoodlum, Bagets at napakarami pang iba na sa sobrang dami ay mauubos ang letra ng keyboard ko. At kung hindi man inulit na istorya malamang ay mayroon itong inulit na tema; Anong pumatok na teleserye ba ang walang ampon sa istorya? Anong teleserye ba ang walang namatay na karakter (pero buhay pala)? Anong teleserye ba ang walang digmaan ng mayaman at mahirap? Anong teleserye ba ang walang pag-aagawan sa naiibigang bidang karakter? Anong teleserye ba ang walang bahid ng pangangalunya sa istorya?

Kapansin-pansin din na sa tuwing magpapasko na lang ang mga pelikula sa Filmfest ay 'yun at 'yun din o sila-sila lang din ang karakter. Nakakailang Enteng Kabisote na ba bukod pa sa Okay ka Fairy ko? Pang-ilang Panday na nga ulit magmula kay FPJ? Part 20 na ba ang Shake Rattle & Roll? May bago bang Mano Po? Eh 'yung Tanging Ina naging Lola na ba? Hindi naman tayo nagsasawa kasi pumapatok at kinagigiliwan. Sige enjoy lang. Huwag ka na ring magtaka kung bakit napakagaganda ng istorya low-budget Indie Film kumpara sa mga napakagagastos na komerysal na pelikulang ito.

Sa diksyonaryong Pilipino, hindi rin mabilang ang mga salitang inuulit pantig man ito o buong salita ito ang iilan: agam-agam, alaala, bakbak, bitbit, kimkim, kiskis, daldal, dikdik, gasgas, guni-guni, halo-halo at kung ano-ano pa. Mga bahagi ng katawan na inuulit; baba, ngala-ngala, bukong-bukong, alak-alakan, at kilikili. At kung maglalarawan ka ng isang bagay sa higit na mataas na antas hindi mo na kinakailangang gumamit ng katagang "mas", "napaka" o "pinaka" ulitin mo lang ang pang-uri ay ayos na at mas masarap pa ito pakinggan, halimbawa: "ang ganda-ganda" sa halip na "mas maganda, "ang husay-husay" sa halip na "higit na mahusay", "ang ginaw-ginaw" sa halip na "napakaginaw."

Asahan na rin nating Pinoy na sa tuwing may nananalo sa isang talent search na singer mas malamang sa malamang na magkakaroon ito ng album na ang kanyang carrier single ay revival, recycle o inulit. Kahit itanong mo pa kina Jovit, Marcelo at kay Bugoy (nasa'n na ba 'to?). Mas madali kasing humiram ng ideya at kumain ng lutong pagkain kaysa maghanap ng maisasaing. Kung mayroon akong kahilingan, hihilingin ko na sana lahat ng singer may talento rin sa paggawa ng kanta. Kung inaakala niyo na baguhang mang-aawit lang ang sumasakay sa ganitong gimik, mali kayo lahat na halos ng popular nating singer na inyong hinahangaan ay sinakyan na rin ito; hindi exempted dito ang mga idolo mong sina Martin Nievera (Forever 1, 2, 3), Regine (R2K, Covers 1,2), Sharon (sings Valera, Isn't it romantic 1,2), Ogie (Great Filipino Songbook, Ngayon at Kailanman) atbp. Oo, sa ibang bansa ay nagre-record din ng lumang mga kanta pero 'di tulad dito sa'tin. Malala. Ang lahat ng mga kanta sa kani-kanilang album ay inulit. Piracy in a legal and highest form. Hindi ba mas sikat pa ang inulit na kanta ni Juris kaysa sa mga orihinal na komposisyong kanyang kinanta? Ano bang orihinal na awitin ang pinasikat nina Paolo Santos o Nyoy Volante? Kahit gasgas na ang isang sumikat na kanta ay uulitin pa rin ito at gagawan ng ibang areglo para lang kunwari'y iba sa orihinal. Ako ay nauumay dito ewan ko sa inyo. Mabuti pa ang mga banda hindi (pa) nagpapadala sa ganitong sistema. Walang masama dito pero masyado na yatang kinomersyal ang lahat ng bagay na pati ang industriya ng musika ay tila nagpatangay at nilamon na rin ng sistema kunsabagay mas marami pa yata ang bilang ng bumibili ng piratang CD o nagda-download ng songs sa Limewire kaysa bumibili ng orihinal na kopya ng CD na may inulit na kanta. Para sa inyong kaalaman, bumibili pa rin ako ng orihinal na CD at sinusuportahan ko ang ating mga OPM singer at kasama sa mga inaabangan kong mga album ay Parokya, Gloc9, Bamboo (as a band or solo artist), Ebe Dancel and the rest of disbanded Sugarfree, Sandwich, Pupil atbp. Ang dahilan: orihinal ang kanilang mga kanta. Mabuti pa ang mga matitikas na mga rakistang ito hindi nagsasawa sa patuloy na paggawa ng mga orihinal na batong awitin (rocksong).
'Wag lang ang nanggaya nito.

Hindi ba't ang buhay ng tao ay isang cycle lang na paulit-ulit, ika nga sa isang malupet na blogsite SAME SHIT DIFFERENT DAY. Nagbabakasali at umaasa tayo ng ibang resulta pero pareho din naman ang ginagawa natin sa araw-araw. Haha. May kasabihan sa Ingles: "The History repeat itself" kaya ba paulit-ulit na pangalan sa pulitika ang nakatala sa ating kasaysayan? Mga pulitikong tila monarkiya na sa paghalinhinan sa puwesto sa itinatag na Dinastiya sa lahat halos na bahagi ng Pilipinas. Paulit-ulit na naluluklok sa pwesto ang mga gahamang pulitiko at paulit-ulit nilang kinukupit ang buwis na ating binabayaran. Hindi man natin sila hinahalal nakagagawa pa rin sila ng paraan upang makapandaya. At huwag mo nang itanong kung bakit paulit-ulit lang na problema at suliranin ang ating nararanasan; pare-pareho naman tayong walang disiplina, walang pagbabago, walang solusyon at walang kadala-dala.

Paulit-ulit. SHIT.


6 comments:

  1. Paulit-ulit ang daming na ulit. Hahaha
    siguro isa yan sa pakilanlan nating mga Pilipino. Naalala ko tuloy dun sa book ni Bob Ong(Bakid baligtad magbasa ng libro ang mga Pilipino) dun nasabi na isa sa pinaka unique sa ating mga Pilipino ay ang mga lugar, pangalan ng tao at mga salitang Paulit-ulit.

    At kung paulit-ulit sa nating baguhin ang masama sa atin siguro ang sarap mag paulit-ulit!

    ReplyDelete
  2. i agree with you Inong! sarap nga nun.

    ReplyDelete
  3. salamat sa pagbasa at pagkomento.
    gusto kong idagdag na masarap din ang pakiramdam na marinig ang paulit-ulit na sambitin ang katagang "i love you" galing sa mga taong mahal mo.

    ReplyDelete
  4. binabalak ko nga po ithesis ngayon kng bakit paulit- ulit ang mga salita sa Filipino. wala po bng talgang naging pag- aaral dito?.

    ReplyDelete
  5. gusto ko po kayo makapanayam pwd po ba kita maad sa facebook?

    ReplyDelete
    Replies
    1. you can email mo on this address: limarx214@yahoo.com.ph.

      salamat sa pagdalaw :)

      Delete